frchito

Posts Tagged ‘Kalikasan’

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO NG IGOS!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pananagutan, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Nobyembre 10, 2009 at 04:56

dead tree
Ika-33 Linggo ng Taon(B)
Nobyembre 15, 2009

Mga Pagbasa: Daniel 12:1-3 / Hebreo 10:11-14,18 / Marcos 13:24-32


Maraming aral ang maaaring dulot ng liturhiya natin ngayon. Sa Linggong ito, bago magwakas ang taong liturhiko, puno ng mga aral ang mga pagbasa, at ang buong liturhiya natin sa Simbahang Katoliko. Isa sa mga lumulutang na aral ay walang iba kundi ito: may wakas ang lahat … ang panahon, ang daigdig, ang buhay na makalupa, ang kapangyarihan, ang yaman, ang katanyagan at lahat ng pinahahalagahan ng tao sa mundong ibabaw, kasama rin ang paghihirap ng tao.

Sa susunod na Linggo, huling Linggo ng taon, paksa ng liturhiya ang isang katotohanang walang wakas – ang paghahari ni Kristong Panginoon sa buong daigdig at sa kalangitan.

Subali’t tunghayan muna natin ang sinasaad ng mga pagbasa. Sa hula ni Daniel, mataginting ang katotohanang umaalingawngaw sa ating pandinig: may hinaharap tayong buhay na walang hanggan. Ito ay lumilitaw sa mga pananalitang punong puno ng pag-asa: “mga pangalang nakasulat sa aklat ng Diyos, mga parang tala sa kalangitan magpakailanman, mabubuhay ang marami sa mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig” …

Ang lahat ay tumutuon sa wakas – wakas ng lahat ng totoong alam natin, wakas ng lahat ng karanasang kaakibat ng ating pagiging tao sa lupang bayang kahapis-hapis.

Subali’t ang wakas na ito ay hindi lamang isang pagtatapos na tulad ng pagwawakas ng isang sine. Ang pagtatapos na ito ay kaakibat ng isang mataginting ring katotohanan – ang pagka-Diyos at Panginoon ni Kristong Mananakop at tagapagligtas. Ito ay isang wakas na may dahilan, may batayan, at may hantungan – ang paghahandog ni Kristong Punong Pari “dahil sa mga kasalanan,” na sapat na sapagka’t siya ay “naluluklok sa kanan ng Diyos.”

Malimit nating sabihin bilang Pinoy na “nasa huli ang pagsisisi.” Nasa wakas ang pagkatuto at pagkadala kumbaga. Nasa wakas ang pagkabatid na tayo ay nagkamali.

Subali’t ito nga ba ay totoo para sa atin? Natututo nga ba tayo?

Maraming buhay ang nagwakas dahil sa tatlong magkakasunod na bagyong dumatal sa bayan natin. Maraming kinabukasan ang nawasak o lumabo dahil sa matindi pang kahirapang hatid ng bagyong nagdaan. Maraming buhay ang nalagutan ng hininga at pangarap na naparam ng baha at unos at pagguho ng lupa.

Maraming iba pang sakunang hatid, hindi ng bagyo, kundi ng politika at mga tampalasan at makasariling mga namumuno ang paulit-ulit na dumating sa bayan natin.

Marahil ay mayroon tayong aral na mapupulot sa mga pahatid sa atin ngayon. Ito ang aral na pahiwatig sa atin na may kinalaman sa tama at wastong pagbabasa sa mga tanda ng panahon. Ito ay batay sa katotohanang ang Diyos ay patuloy na nagpapahayag ng sarili sa atin sa pamamagitan ng kasaysayan. Patuloy siyang nangungusap sa atin sa pamamagitan ng mga nagaganap sa lipunan natin.

Sa mga labi mismo ng Panginoon ay narinig natin ang pangangailangang magbasa nang nagaganap, matuto sa mga aral ng kalikasan, at maging bihasa sa pagtunton ng kung ano ang niloloob ng Diyos para sa atin.

Ang unang liksiyon na dapat natin ngayon alalahanin ay ito: ang mga huling bagay, kumbaga … ang katotohanan na may kamatayan, may langit, may purgatoryo, at may impyerno. Ito ang apat na mahahalagang aral sa atin sa pagsapit ng wakas ng taon ng simbahan. Ito ang apat na katotohanang dulot sa atin ng pagkabatid na may wakas ang panahon sa daigdig na ito.

Pero ang aral na ito ay may taglay na sangang aral na karugtong at kaakibat nito. Kung may wakas ang lahat, mayroon higit na mahalaga kaysa sa lahat. Mayroong katotohanang hindi naaagnas, hindi nagwawakas, at hindi naglalaho. Ito ang katotohanang mapagligtas – ang katotohanang ang punong pari na nag-alay ng sarili para sa atin, ay maghahari magpakailanman.

Kung ito ang pinakamahalaga, may aral din itong kaakibat para sa atin habang tayo ay naglalakbay sa buhay makamundo.

At ang aral na ito ay may kinalaman sa puno, sa igos, sa ilat, sa ilog, sa lawa, sa dagat at lahat ng nilikha ng Diyos. Hindi atin ito. Sa kanya ang lahat. Hindi natin angkin ang mundong ito. Tayo ay tagapag-alaga lamang. Hindi natin dapat abusuhin ito, kundi gamitin lamang nang tama, sapagka’t ang liksiyon ng puno ay malinaw.

Nakalimot na yata ang marami sa atin na tayo ay mga temporaryo at pansamantala lamang sa mundong ito. Ito ang liksiyon ng puno ng igos. Subali’t nang matuto tayong gawing diyus-diyusan ang pera, natuto rin tayo maging sakim, natuto rin tayong maging mapagkamal, madamot at walang kabubusugan.

Hindi ba’t ito ang dahilan sa mga baha? Bukod sa binabago na natin ang klima, at bukod sa kinalbo na natin ang lahat ng gubat, ay tinakpan nating lahat ang daluyan ng tubig, kung kaya’t ang liksiyon ng puno ay hindi na natin pinakinggan at inalintana.

May bukas pa. May pag-asa pa. Nguni’t dapat tayo magising sa katotohanan. May hangganan ang lahat. May wakas ang lahat. At habang naghihintay tayo ay dapat tayo maging mapagmasid at marunong bumasa ng mga tanda.

“Unawain ang aral mula sa puno ng igos…”

Hayward, CA
November 9, 2009

TIPUNAN, TAMPULAN, TIPANAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Setyembre 29, 2009 at 06:35

Jesus_ChildIKA-27 LINGGO NG TAON (B)
Oktubre 4, 2009

Mga Pagbasa: Genesis 2:18-24 / Hebreo 2:9-11 / Mk 10:2-16

Isang malinaw na hibla at diwa ng pagtitipon, pagkakaisa, at pagniniig ang hatid ng mga pagbasa. “Hindi mainam na mag-isa ang tao.” Ito ang unang banat ng pagbasa mula sa aklat ng Genesis. Kung kaya’t ang tao ay nilikha niyang nakatuon ang kalikasan sa pagtitipon, pakikpag-ugnay, pakikipagniig. At ang unang halimbawa ay ang pagkalikha kay Adan at kay Eva, na una nating mga magulang.

Malinaw rin sa pagbasa ang katotohanang ang tao ay tampulan ng pagkalinga ng Diyos, objeto ng Kanyang pagmamahal, at tagatanggap ng karangalang inilaan ng Maylikha sa naghahawak ng pinakamataas na antas ng dignidad bilang nilalang ng Diyos. Bagama’t ginawa ayon sa sulat sa mga Hebreo na kaunti lang ang baba sa mga anghel, ang tao ay naging karapat-dapat sa pagpapakasakit at pagkamatay ng tagapagligtas, na nagdusa at naghirap para sa ating kaligtasan.

Tampulan ng pagmamahal at atensyon … Iyan ang katotohanan tungkol sa tao, tulad ng ang isang bata ay naging tampulan ng atensyon ng Panginoon, at naging modelo at larawan ng kung anong uri ng pagkakaisa ang dapat mamayani at maghari sa pagitan natin at ng Diyos.

Nguni’t sa sandali ng matinding pagsubok, sa oras ng kagipitan at panganib sa buhay, tulad ng naganap sa mga nakaraang araw sa ating bayan sa pananalasa ng bagyong Ondoy, mahirap makita na tayo ang tampulan ng atensyon at pagmamahal ng Diyos.

Mahirap mabasa sa takbo ng kalikasan na tayo nga ang naghahawak ng pinakamataas na antas ng dignidad, lalu na’t nakita natin at narinig ang panawagan ng napakaraming tao na nagimbal at natakot para sa kanilang buhay dahil sa pagragasa ng malakas na daluyong ng tubig mula sa itaas.

Magmula sa aking kinatatayuan sa Guam, habang nakatutok ang aking paningin sa ANC at TFC, hindi madaling tanggapin na ang mga tinig ng mga nahihintakutang mga kapwa Pinoy na nagmumula sa napakaraming lugar sa Kamaynilaan, sabay-sabay na mga panawagang hindi naman kayang tugunan ng pamahalaan at ng sinoman, ay isang katotohanang malinaw pa sa sikat ng araw na nagkubli sa loob ng ilang araw na walang patid na ulan.

Ano ang nangyari sa wika ng Diyos sa Genesis na nagalak Siya sa kanyang nilikha? Ano ang nangyari sa pagtitipon na kanyang ninais para sa tao? – ang kaisahan at pagniniig na siyang pangarap Niya para sa ating lahat? Ano ang naganap at pati yata ang kalikasan at tinikis nang lubos ang damdamin at pangarap ng mga ordinaryong taong walang kakayahang umahon mula sa rumaragasang baha at putik?

Siniphayo ba kaya ng Diyos ang tipanan na Kanyang dulot at kaloob at nais para sa atin at sa Kanya?

Habang nagdurugo ang puso ng marami sa pagsapit ng katotohanang wala tayong kakayahan na lumaban sa nagngingitngit na kalikasan, lalung nagdurugo ang puso natin sa kabatirang tayong lahat ay may papel at rolyo sa anumang sinasapit natin, bilang bayan, bilang tao.

Ang tao ang tampulan ng atensyon at pag-ibig ng Diyos. Paulit-ulit na sinaad sa Genesis: “at nalugod ang Diyos sa kanyang nilikha.” Nalugod ang Diyos sa atin. Tulad
ng kalugurang hatid ng Panginoon sa mga batang hinayaan Niyang lumapit sa kanya. “Sapagka’t ang kaharian ng langit ay para sa mga tulad nila.”

At dito marahil dapat natin ituon ang pagninilay natin sa araw na ito …

Ang kaharian ng langit ay para sa mga tulad nila … mga batang musmos na walang malisya, walang kamuang-muang, simple, payak, hindi matakaw at madaya, hindi mapagkamal, at hindi mapag-imbot, hindi suwail, hindi nagnanakaw at nagmamalabis sa kapwa. Ang kaharian ng langit ay para sa mga katulad nila.

Mahaba at maraming taon na ang nakaraan magmula nang binansagan natin ang bayan bilang perlas ng silanganan. Maraming taon na natin inaawit ang isang katotohanang mabilis nagiging kabulaanan … dahil sa ating sariling kagagawan! Ang bahang rumagasa sa maraming lugar sa bayan ay puno ng putik, ng lupang naanod mula sa bundok na wala nang puno. Ang kalikasan kinalugdan ng Diyos ay siya ring kalikasang winalang-hiya ng tao, ng mga taong hindi na bata, na puno ng malisya, puno ng pagkamakasarili, puno ng pagkakanya-kanya. Ito ay nagmula sa mga nagdedesisyon na payagan ang mga nakapaglalagay na sirain ang mga gubat mula sa kalooban, para hindi nakikita ng tao. Ito ay nag-uugat sa mga permit na nareretoke, nahihimas, at nagagawan ng paraan, basta may kilala ka sa tamang opisina at sa tamang tao sa pamahalaan. Ito ay nagsisimula rin sa walang sawa nating paggamit ng basurang hindi naaagnas, mga plastik na hindi natutunaw. Ito ay nagmumula rin sa mga politikong nagdadala ng mga maralitang tagalungsod upang masigurado nila ang kanilang panalo sa halalan.

Ito ay nag-uugat rin sa pagkagahaman ng mga may kaya sa sobrang laki at garang mga tahanan na nangangahulugang ang mga bundok at mga kaparangan ay pinapatag upang pagtayuan ng bahay na iilang butil naman ang nakatira sa loob.

Ang lahat ng ito ay nag-uugat sa kasalanan ng tao… kasalanan nating lahat na unti-unting nabubulag sa maraming kasakitan ng lipunan dahil sa kinasanayan na natin, tulad halimbawa na ang mga bundok at puno ay dapat nang patagin upang madagdagan ang malls, ang golf courses, at mga palaruan ng mga may perang puedeng sunugin.

Ang aklat ng Genesis ay isang salaysay ng tipanan. Nagsimula ang lahat sa isang tipanan na binale-wala ni Adan at Eva. Nagbunga ito ng kamatayan, ng paghihirap, ng pangangailangang magbanat ng buto upang ang tao ay mabuhay. Subali’t matapos ang pagsalungat sa balak ng Diyos, pagtitipon at pagniniig pa rin ang dulot ng Diyos sa taong makasalanan. Hindi Siya nanghinawa at nagsawang tumawag sa atin sa isang pagtitipon at kaisahang malalim at wagas.

Ang kanyang pag-ibig sa atin ay walang hangganan, tapat, wagas, at walang kapantay. Ito ang panawagan sa atin ngayon. Ang sakramento ng kasal ay dapat isang larawan ng tipanang ito sa pagitan ng Diyos at ng tao … isang tipanang wala dapat balakid, walang pasubali, walang pagbabakli. At pinagsama ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin …

Isang malinaw na pahatid sa atin ang mga nagaganap sa kasaysayan. Ang Diyos ay patuloy na nagpapahayag at nagwiwika sa atin. May papel tayong lahat sa ating kapighatian. Nag-ugat ang lahat ng ito sa ating pagkamakasalanan, ang ating pagbabale-wala sa tipanan na ating iniwanan at nilisan. Kasama rito ang tipanan at tipunan o pagniniig na dapat ring mabasa at masalamin sa wastong paggamit natin ng kaloob ng kalikasan.

Sa maraming antas, huli na ang lahat para sa buong daigdig. May mga naglaho nang mga hayop at halaman sa buong mundo. Ang pagbabago sa takbo ng kalikasan at ng klima ay tila hindi na maipapanumbalik sa dati. Subali’t mayroon tayong kakayahang magbago … lahat tayo … sapagka’t ang may –akda ng tipanan, ang may kakayahang tumugon sa tipunan na panawagan ng Diyos ay walang iba kundi ang nilikha ng Diyos na matalino at may angking kapasyahan at pamamalakad ng sarili … tayong lahat.

Maging tulad nawa tayo ng isang bata. Puno ng pag-asa sa Diyos, wala siyang binabalak na anumang panlalamang sa iba. Ilan pa kayang trahedya ang dapat mangyari bago tayo magising sa katotohanang tayo ay napapasailalim sa isang tipunan na may kaakibat na tipanan?

Kahabagan nawa tayo ng Diyos!