frchito

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO NG IGOS!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pananagutan, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Nobyembre 10, 2009 at 04:56

dead tree
Ika-33 Linggo ng Taon(B)
Nobyembre 15, 2009

Mga Pagbasa: Daniel 12:1-3 / Hebreo 10:11-14,18 / Marcos 13:24-32


Maraming aral ang maaaring dulot ng liturhiya natin ngayon. Sa Linggong ito, bago magwakas ang taong liturhiko, puno ng mga aral ang mga pagbasa, at ang buong liturhiya natin sa Simbahang Katoliko. Isa sa mga lumulutang na aral ay walang iba kundi ito: may wakas ang lahat … ang panahon, ang daigdig, ang buhay na makalupa, ang kapangyarihan, ang yaman, ang katanyagan at lahat ng pinahahalagahan ng tao sa mundong ibabaw, kasama rin ang paghihirap ng tao.

Sa susunod na Linggo, huling Linggo ng taon, paksa ng liturhiya ang isang katotohanang walang wakas – ang paghahari ni Kristong Panginoon sa buong daigdig at sa kalangitan.

Subali’t tunghayan muna natin ang sinasaad ng mga pagbasa. Sa hula ni Daniel, mataginting ang katotohanang umaalingawngaw sa ating pandinig: may hinaharap tayong buhay na walang hanggan. Ito ay lumilitaw sa mga pananalitang punong puno ng pag-asa: “mga pangalang nakasulat sa aklat ng Diyos, mga parang tala sa kalangitan magpakailanman, mabubuhay ang marami sa mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig” …

Ang lahat ay tumutuon sa wakas – wakas ng lahat ng totoong alam natin, wakas ng lahat ng karanasang kaakibat ng ating pagiging tao sa lupang bayang kahapis-hapis.

Subali’t ang wakas na ito ay hindi lamang isang pagtatapos na tulad ng pagwawakas ng isang sine. Ang pagtatapos na ito ay kaakibat ng isang mataginting ring katotohanan – ang pagka-Diyos at Panginoon ni Kristong Mananakop at tagapagligtas. Ito ay isang wakas na may dahilan, may batayan, at may hantungan – ang paghahandog ni Kristong Punong Pari “dahil sa mga kasalanan,” na sapat na sapagka’t siya ay “naluluklok sa kanan ng Diyos.”

Malimit nating sabihin bilang Pinoy na “nasa huli ang pagsisisi.” Nasa wakas ang pagkatuto at pagkadala kumbaga. Nasa wakas ang pagkabatid na tayo ay nagkamali.

Subali’t ito nga ba ay totoo para sa atin? Natututo nga ba tayo?

Maraming buhay ang nagwakas dahil sa tatlong magkakasunod na bagyong dumatal sa bayan natin. Maraming kinabukasan ang nawasak o lumabo dahil sa matindi pang kahirapang hatid ng bagyong nagdaan. Maraming buhay ang nalagutan ng hininga at pangarap na naparam ng baha at unos at pagguho ng lupa.

Maraming iba pang sakunang hatid, hindi ng bagyo, kundi ng politika at mga tampalasan at makasariling mga namumuno ang paulit-ulit na dumating sa bayan natin.

Marahil ay mayroon tayong aral na mapupulot sa mga pahatid sa atin ngayon. Ito ang aral na pahiwatig sa atin na may kinalaman sa tama at wastong pagbabasa sa mga tanda ng panahon. Ito ay batay sa katotohanang ang Diyos ay patuloy na nagpapahayag ng sarili sa atin sa pamamagitan ng kasaysayan. Patuloy siyang nangungusap sa atin sa pamamagitan ng mga nagaganap sa lipunan natin.

Sa mga labi mismo ng Panginoon ay narinig natin ang pangangailangang magbasa nang nagaganap, matuto sa mga aral ng kalikasan, at maging bihasa sa pagtunton ng kung ano ang niloloob ng Diyos para sa atin.

Ang unang liksiyon na dapat natin ngayon alalahanin ay ito: ang mga huling bagay, kumbaga … ang katotohanan na may kamatayan, may langit, may purgatoryo, at may impyerno. Ito ang apat na mahahalagang aral sa atin sa pagsapit ng wakas ng taon ng simbahan. Ito ang apat na katotohanang dulot sa atin ng pagkabatid na may wakas ang panahon sa daigdig na ito.

Pero ang aral na ito ay may taglay na sangang aral na karugtong at kaakibat nito. Kung may wakas ang lahat, mayroon higit na mahalaga kaysa sa lahat. Mayroong katotohanang hindi naaagnas, hindi nagwawakas, at hindi naglalaho. Ito ang katotohanang mapagligtas – ang katotohanang ang punong pari na nag-alay ng sarili para sa atin, ay maghahari magpakailanman.

Kung ito ang pinakamahalaga, may aral din itong kaakibat para sa atin habang tayo ay naglalakbay sa buhay makamundo.

At ang aral na ito ay may kinalaman sa puno, sa igos, sa ilat, sa ilog, sa lawa, sa dagat at lahat ng nilikha ng Diyos. Hindi atin ito. Sa kanya ang lahat. Hindi natin angkin ang mundong ito. Tayo ay tagapag-alaga lamang. Hindi natin dapat abusuhin ito, kundi gamitin lamang nang tama, sapagka’t ang liksiyon ng puno ay malinaw.

Nakalimot na yata ang marami sa atin na tayo ay mga temporaryo at pansamantala lamang sa mundong ito. Ito ang liksiyon ng puno ng igos. Subali’t nang matuto tayong gawing diyus-diyusan ang pera, natuto rin tayo maging sakim, natuto rin tayong maging mapagkamal, madamot at walang kabubusugan.

Hindi ba’t ito ang dahilan sa mga baha? Bukod sa binabago na natin ang klima, at bukod sa kinalbo na natin ang lahat ng gubat, ay tinakpan nating lahat ang daluyan ng tubig, kung kaya’t ang liksiyon ng puno ay hindi na natin pinakinggan at inalintana.

May bukas pa. May pag-asa pa. Nguni’t dapat tayo magising sa katotohanan. May hangganan ang lahat. May wakas ang lahat. At habang naghihintay tayo ay dapat tayo maging mapagmasid at marunong bumasa ng mga tanda.

“Unawain ang aral mula sa puno ng igos…”

Hayward, CA
November 9, 2009

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: