Ika-3 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo –Taon K
Diciembre 18, 2009
Mga Pagbasa: Jeremias 23:5-8 / Mt 1:18-25
Marami-rami na ring lugar at bansa akong napuntahan, sa biyaya ng Diyos. Hinangaan ko ang mga iba-ibang lugar na ito sa tanang buhay ko. Marami-rami na rin akong napuntahan sa Pilipinas, at masasabi kong, kung mayroong dapat hangaan sa ibang bansa, ay lalu nang maraming dapat hangaan sa bayan natin – mga likas-yaman ng kalikasan at ng kapaligiran na hindi madaling mapawi sa alaala.
Maganda ang bayan natin, nakabibighani. Tama si Rizal na tawagin itong perlas ng silanganan. Nguni’t tama rin siyang tagurian itong “el nuestro perdido Eden!” – and ating naglahong Paraiso. Maganda ang Mindanao … ang mga isla natin at karagatan … subali’t ilan sa inyo ang panatag ang loob na maglakbay sa lugar kung saan malimit may pinupugutan ng ulo, kung hindi ginagawang bihag ng mga walang konsiyensiyang nakikipaglaban diumano sa kanilang karapatan?
Pangamba at takot ang naghahari sa puso natin tuwina. Hindi man lamang natin maiwan nang walang tao ang mga bahay natin, lalu na ngayong kapaskuhan. Noong nakaraang taon, isang OFW ang nagbakasyon, lumabas lamang ng bahay upang sunduin ang asawa matapos magsimba sa Baclaran, kasama ang kanyang kaisa-isang anak na nagdiriwang ng kanyang kaarawan … sa Kamaynilaan … sa lugar na matao, sa lugar na dapat sana ay mapayapa at tahimik … nguni’t sa isang iglap ay pinaulanan siya ng bala ng mga pulis at mga kriminal.
Pangamba at takot … Ito ang dahilan kung bakit hindi makausad ang bayan natin. Takot tayo sa mga kandidato sa eleksyon sa isang taon. Takot tayo sa mga nabansagang ka-alyado ng kinamumuhiang presidente. Takot tayo sa mga “honorable” na nagkukupkop ng mga mamamatay-tao na nagkukubli sa likod ng “public service.” Takot tayo sa kapwa. Hindi man lamang tayo makasakay ng bus, na hindi sinasagian ng pangamba na mayroong holdaper tayong kasabay, o katabi.
Pangamba at takot … ito ang pang-araw-araw na yata nating karanasan. Ito rin ang naging karanasan ni Jose … na nabigla nang malamang kagampan pala ang kanyang katipan. Pangamba at takot … ito ang walang puknat na damdaming bumagabag sa mga Israelita na napapalibutan ng mga higanteng mga kaharian na sa anumang oras ay puedeng dumagit na parang agila sa kanilang maliit na bayan. Ito rin ang pangambang pinagsikapang pawiin ng mga propetang sugo ng Diyos sa Lumang Tipan. Sa kanilang panghuhula o pagwiwika sa ngalan ni Yahweh, isang mataginting na pangako ang kanilang binitiwan tuwina: “Maghahari ang katarungan sa kanyang panahon, at ang kaganapan ng kapayapaan magpakailanman.”
Sino sa atin ang hindi naaantig ang damdamin tuwing maririnig natin ito? Sino sa atin ang hindi naghahanap ng kapayapaan at katarungan? Lahat tayo ay nakaranas ng pang-aagrabyado mula sa kapwa natin. Alam natin na hindi pantay-pantay ang turing ng tao sa isa’t isa. Alam nating ang paghihirap ay bunga ng walang iba kundi ng kasalanan ng tao, na nagbubunsod sa napakarami sa kahirapan at sari-saring suliranin. Alam natin na sa dami ng droga na ginagawa malamang pati ng mga kapitbahay nating Intsik, o mga politikong honorable sa mga lalawigan natin, ay libo-libong kabataan ang nagugumon sa droga.
Pangamba … Ito ang totoo sa buhay ng tao. Ito ang masamang balitang bumabalot sa kamalayan natin.
Nguni’t teka … Ito lamang ba ang katotohanan sa buhay ng tao?
Pangako … Ito ang nasa kabila ng lahat ng ito. Pangako ng Diyos na hindi makapaglilinlang at nanlilinlang … “Maghahari ang katarungan sa kanyang panahon at ang kaganapan ng kapayapaan magpakailanman!”
Pangako … Ito ang magandang balitang pinagpupuyatan natin. Walang taong nagpupuyat kung walang inaantay at inaasahan! Noong bata pa ako, tuwing darating ang Pasko, kahit antok na antok na ako, ay pinagsisikapan kong imulat ang mata sapagkat inaantay ko si Santa Claus (kahit na wala naman ako masyadong natanggap sa kanya!). Hindi tayo magpupuyat kung wala tayong inaasam at inaasahan. Ito ang dahilan kung bakit tayo narito at gumigising ng maaga o nag-aalay ng dagdag na oras sa gabi upang magsimba.
Tayo ay bayan ng mga nag-aasam. Tayo ay kabilang ng isang bayang naghihintay. Tayo ay kasapi ng isang samahan (simbahan o ekklesia o katipunan) ng mga taong hindi lamang nag-aasam kundi umaasa.
Pag-asa … ito ang espesyalisasyon ng mga Kristiyano. At ang pag-asang ito ay hindi bunga ng pag-aasam lamang o pag-aapu-apuhap lamang sa dilim kundi sa isang liwanag na suminag sa karimlan … Ang paghihintay natin sa Pasko ay sapagka’t sumambulat na ang liwanag ng kaligtasan – ang pangakong darating na Prinsipe ng Kapayapaan ay sumapi na sa ating makamundong kasaysayan!
Ito ang mensahe ni Jeremias … Isa siya sa mga propetang nagdusa dahil sa kanyang pahatid. Nguni’t sa kabila ng pansamantalang pagdurusa niya, buong tapang niyang ginampanan ang buong tapang ring pinasan ni Jose, asawa ni Maria … “Huwag kang matakot Jose na tanggapin si Maria bilang iyong esposa” Ito ang tapang ng isang mananampalataya … tulad ng tapang ni Jeremias na nagmakaingay at patuloy na nagpahayag: “Ang bayang Israel ay mamumuhay na balot ng katiyakan at katiwasayan!”
Patuloy itong pahatid ng Diyos sa atin. Ang pahatid na ito ay umiinog sa pag-asa. At ang pag-asang ito ay puno ng pangako. Ang pangakong ito ay sumisilay na parang liwanag ng kaligtasang sumilay sa pagdating ng Mananakop. At ang pagsilay na ito ay nagaganap sa buhay ng bawa’t isa sa atin … nagsisimula sa bawa’t isa sa atin … dito sa simbahang ito … doon sa bahay ninyo … kaakibat ng buhay ninyo.
Maging Jeremias nawa tayong lahat ngayon. Maging Jose nawa tayo ngayon na naniwala, nagtiwala, at umasa sa balitang ito: “Huwag matakot; huwag mangamba!”
Ang Diyos ay parating! Ang Diyos ay dumarating. Ang Diyos ay dumating na! Nababasa ba ito sa buhay nating balot ng pag-asa?