frchito

IBUHOS NAWA NG LANGIT ANG KATARUNGAN!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Panahon ng Pasko, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 13, 2009 at 12:33

N.B. Pipilitin kong magsulat ng pagninilay sa bawa’t araw ng Simbang Gabi. Narito ang para sa unang araw.

Unang Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 16, 2009

Mga Pagbasa: Isaias 45:6b-8, 18, 21b-25 / Lucas 7:18b-23

Walang makapipigil sa Pinoy pagdating ng Simbang Gabi! Sa kabila ng Pepeng at ng Ondoy, ng mga kahindik-hindik na balita tungkol sa masaker at mga hostage saan mang dako ng bansa, tuloy ang pag-asa. Tuloy ang pagsasama-sama ng mga kababayan natin saan mang dako, saan mang bansa sa lumiliit na daigdig!

May simbang gabi sa Arlington, Virginia sa USA … sa ganap na ika-5 ng malamig na umaga! Nakapagmisa ako duon noong nakaraang tatlong Pasko! May simbang gabi sa St. Anthony’s Parish sa Tamuning, sa Guam. May simbang gabi sa Roma, sa Milano, sa Torino, sa Napoli … maging sa Paris, sa Barcelona, sa Madrid … dumako kayo saan mang sulok ng daigdig na mayroong Pinoy at ang simbang gabi ay hindi ninyo matatakasan! Hindi mapigilan ang Pinoy kung ang pag-uusapan ay ang pag-asa sa hinaharap.

Sa loob ng maraming daang taon, ito ang regalo ng mga Pilipino sa Panginoon na nagkaloob ng kanyang sarili para sa tao. Ito rin ang kaloob ng mga Pinoy sa buong mundo. Nagmula sa mga magsasakang binigyang-pagkakataon na makapagsimba noong panahon ng mga Kastila sa Pilipinas, ang kagawian ay hindi na mapupuknat sa kamalayang Pinoy, at ngayon pati sa kamalayan ng maraming tao sa buong mundo!

Ang unang araw ng Simbang Gabi ay puno ng pag-asa – tulad ng diwa ng buong Simbang Gabi, na kaakibat tuwina sa pag-asa. Dinggin natin muli ang sinabi sa atin ng pagbasa: “Ako ang Panginoon, wala nang iba pa. Ako, inyong Panginoon ang gumawa ng mga bagay na ito … Ibuhos nawa ng langit ang katarungan, tulad ng hamog mula sa kalangitan!”

Ito ang bungad ng ating siyam na umaga (o gabi) na pagpupuyat at pagbabantay. Ito ang bungad na mabuting balita para sa isang bayang muli na namang ginulantang ng mga makatindig-balahibong mga balita ng karahasan na minsan pang yumurak sa kapayapaan sa bayan natin.

Ito ang magandang katotohanan na hindi natin dapat talikdan – ang puno at dulo at batayan ng lahat ng kabutihang bumabalot sa pagkatao natin bilang Pinoy. Ito rin ang batayan ng lahat ng pinagkakaabalahan natin bilang mananampalataya – ang Panginoon na darating … ang Panginoon na maghahatid ng katarungan na parang mayamang hamog na bubuhos mula sa kaitaasan.

Nasaktan na naman tayo sa mga naganap kamakailan. Nasugatan na naman ang puso natin na hindi miminsang hinagupit ng mapait na kapalaran at mga kaganapan. Sa isa na namang pagkakataon ay minsan pang naghari ang kabuktutan, ang pagkagahaman sa poder, ang pagkamakasarili at pagkamakasalanan ng bayan natin.

Subali’t ngayon, sa unang araw ng ating nobena, (pagsisiyam), muli natin inuunat ang paa upang humakbang muli patungo sa kaligtasan at kaganapan ng pangako ng Diyos na naging taong tulad natin.

Kadarating ko lamang galing sa panonood ng sine na ang pamagat ay INVICTUS. Ito ay salitang Latin na ang kahulugan ay “hindi nagapi ninuman.” Sa kabila ng tila kawalang pag-asa ng Timog Africa, sa kabila ng tila walang pag-asang pamumuno ng isang dating bilanggo dahil sa politika na si Nelson Mandela, napag-isa niya at napagsama-sama niya ang diwa at puso ng mga taong magkakaibang-kulay at lahi, at dati-rating magkasalungat sa lahat ng bagay. Nagkaisa sila sapagka’t nagsama-sama sila sa iisang mithiin – ang magkaroon at makapagkamit ng kadakilaang nasyonal sa pamamagitan ng rugby – sa pamamagitan ng laro na naghatid sa kanila sa rurok ng kaisahan.

Malayo pa ang lalakbayin natin bilang bayan. Marami pang sugat na dapat hilumin. Marami pang tampong dapat lunasan, at nagnanaknak na mga pasakit na dapat lapatan ng lunas. Marami pang mga kabuktutan at katiwalian sa lipunan na dapat ituwid – mga lambak na dapat punuin, mga lubak na dapat patagin, tulad ng sabi ni Juan Bautista.

Sa inyong pagparito ngayon sa simbahan, nakatutuwang isipin na inyong tangan na sa mga kamay ang kasagutan. At ang kasagutang ito ay kung ano ang buong pananampalatayang binigkas natin matapos ang unang pagbasa: “Ibuhos nawa ng langit ang Makatarungan, at isilang ng daigdig ang Manliligtas!”

Ito ang tunay na nasa likod ng inyong pag-asa. Ito ang tunay na dahilan na inyong kagalakan. Ito ang kagalakang hindi kailanman mapupuknat ng karahasan, ng katiwalian, at lahat ng uri ng kadayaaan.

At ito ang pasimulang ginugunita at pinagyayaman ngayon sa unang araw ng ating pagsisiyam sa Pasko.

Alam kong mahaba pa ang lakbayin natin. Nguni’t ang isang paglalakbay na may habang isang libong milya ay nagmumula sa isang hakbang. Sa araw na ito, sama-sama, sabay-sabay nating gawin ang unak hakbang na ito.

At ito ay magagawa natin sa taimtim na panalangin sa Diyos … “Rorate coeli desuper et nubes pluant justum!” Magbukas nawa ang kalangitan at ibuhos sa amin ang makatarungan!”

Advertisement
  1. Maraming salamat po sa pagbabahagi ng mga pagninilay sa mga pagbasa lalo ngayon simbang gabi, malaking tulong po ito sa aming bilang lector commentator sa aming lugar dahil kami po ang nag bibigay ng Bible Sharing sa misa sa maliliit na chapel na sakop ng aming parokya, sana po wag kayong magsawa. salamat po ulit ng marami

  2. Dear Padre Chito, maraming pong salamat sa magagandang pagninilay na talagang magbigay ng tulong sa community namin…lalung-lalo na palagi may relasyon sa mga bagay na nangyayari sa palibot ntn… may God bless you always…..

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: