Unang Linggo ng Kwaresma (K)
Pebrero 21, 2010
Mga Pagbasa: Deuteronomio 26:4-10 / Roma 10:8-13 / Lucas 4:1-13
Ewan ko kung ano ang inyong karanasan tungkol sa bagay na ito, pero noong araw, ang unang kita o unang sweldo ay nakalaan, hindi para sa sarili, kundi sa dalawang intensyon. Una, isang bahagi ng kita ay inilalaan para sa pamisa ng pasasalamat. Ikalawa, ang unang sweldo ay malimit na iniaalay sa magulang, na nagpakahirap upang mapagtapos sa pag-aaral ang anak.
Para sa akin, ito ay isang kagawiang dapat ay maunawaan natin, kundi ibalik sa ating lipunan. Tanda ito ng isang mahalagang saloobin – ang pasasalamat, ang pagkilala ng pagkakautang ng loob, at ang malayang pagkakaloob ng kung ano mang tinitingalang biyaya na tinanggap ng tao mula sa Diyos, o sa kapwa tao.
Ito ang sinasaad ng unang pagbasa, na may kinalaman sa mga batas na iniwan ng Diyos kay Moises upang ipatupad. Ito ay ang batas ng kung anong dapat gawin ng mga tao sa unang bunga, unang ani, unang kita. Ang lahat ng una, tulad ng panganay na anak na lalaki, ang unang bunga ng mga pananim, ang unang kita, kumbaga, ay nakalaan sa Panginoon. At sapagkat nakalaan sa Kaniya, ay dapat ialay muli sa Panginoon.
Kung ito ang gagawin nating batayan ng isang pagpapaliwanag tungkol sa Kwaresma, magkakaroon ng positibong kahulugan ang mga bagay na dapat natin isagawa sa panahon ng apatnapung araw na paghahanda.
Malimit natin isipin na ang apatnapung araw ng paghahanda ay isang pagpapahindi sa sarili. Sa maraming tao, ito ay isang pagtanggi sa anumang hindi naman masama, ang pagtanggi sa pagkain, pagliban sa panonood ng sine, pagtanggin sa alak at anumang nakalalasing na inumin, at marami pang iba.
Ito ay negatibong pananaw sa apatnapung araw ng paghahanda.
Nguni’t kung titingnan natin ang sinasaad sa unang pagbasa, walang negatibong nilalaman ang pag-aalay na hinihingi ng batas ni Moises. Ang unang bunga ay mahalaga. Ang unang bunga ng pananim ay matagal na hinintay, matagal na pinagpagalan, at pinahahalagahan nang tunay. Nguni’t sa dahilang ito kinikilala bilang kaloob ng Diyos, ang pag-aalay nito muli sa nagbigay ay isang positibong gawain na nagpapabago ng kahulugan ng pag-aalay.
Hindi ito isang pagpapahindi sa sarili lamang, kundi pagtanggap at pagkilala sa Diyos na siyang nagkaloob ng lahat.
Ito ay binibigyang-diin ng ikalawang pagbasa halaw sa sulat sa mga Romano. Ipinagtatagubilin ni Pablo ang “pagpapahayag ng labi” tungkol sa pagka Panginoon ni Kristo. Ipinaalaala niya na ang kaligtasan ay nasa ating mga “labi at nasa puso.” Ang lahat ng ito ay tanda ng pagkilala sa Diyos na bukal ng lahat ng biyaya at simulain ng lahat ng kabutihan.
Hirap na ngayon ang mga tao magpahindi sa sarili. Hirap tayong iwanan ang alak, ang mga bisyo, at ang pagpapasasa sa sarili. Ngunit kung tutuusin, hindi ang pagtanggi sa mga bagay-bagay ang mahirap. Ang tunay na mahirap ay ang kilalanin na ang lahat lahat ay galing sa isang Diyos na nagkakaloob ng lahat. Ang mahirap kilalanin ay ang katotohanang “kung wala si Kristo, ay wala tayong magagawa.”
Samakatuwid, ang problema ng tao ngayon ay hindi ang kawalang kakayahang magpahindi sa sigarilyo, sa bisyo, o sa pagkain, kundi ang kawalang kakayahang kumilala sa Diyos, ang kahirapang tanggapin na ang Diyos ay may kinalaman sa lahat ng aspeto ng buhay natin.
Ito ang diwa ng sekularismo – ang paniniwalang ang Diyos ay wala nang kinalaman sa buhay natin ngayon.
Ito ang mahirap gawin – ang magpasailalim sa Diyos. Mahirap iwan ang maraming bagay kung wala tayong tinatanaw na mas higit pa sa atin. Mahirap tanggihan ang tawag ng pagpapasasa sa sarili kung wala tayong pinapanginoon.
Iyan ang dahilan kung bakit ayon sa ebanghelyo ngayon, makaitlong beses tinukso si Kristo ng dyablo at makaitlo niyang tinanggihan ang kanyang pambubuyo. At ito ang tanging dahilan … kinilala niya ang kanyang Ama … kinilala niya na hindi lamang tayo nabubuhay nang walang koneksyon sa Diyos. “Nasusulat … huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.”
Mayroon ka bang lubhang pinapahalagahan sa buhay mo? Mayroon ka bang pinanghahawakan na hindi mo mabitaw-bitawan? Kung magtatapat tayo nang lubusan sa ating sarili, tatanggapin natin na ito ay hindi sapagkat ang mga bagay na yaon ay tunay na mahalaga, sapagka’t walang nagtatagal sa mundong ibabaw. Aminin natin … ang pag-aatubiling ito ay dahil lamang sa paglalaho ng Diyos sa buhay natin, ang paniniwalang wala na siyang kinalaman sa pang-araw-araw na buhay ng tao.
Nagsimula na ang apatnapung araw ng paghahanda. Magkakamali tayo kung ang pahahalagahan natin kung ano ang dapat iwaksi o tanggihan. Ang kwaresma ay hindi pagtanggi, bagkus pagtanggap – sa Diyos – kay Kristong kanyang Anak. Ang mahalaga ay ang tanggapin na Siya ay Panginoon, bukal at simulain ng lahat ng biyaya. Tanging Siya lamang ang karapat-dapat sa “mga unang bunga ng mga pananim.”
[…] Ito ang sinasaad ng unang pagbasa, na may kinalaman sa mga batas na iniwan ng Diyos kay Moises upang ipatupad. Ito ay ang batas ng kung anong dapat gawin ng mga tao sa unang bunga, unang ani, unang kita. Ang lahat ng una, tulad ng panganay na anak na lalaki, ang unang bunga ng mga pananim, ang unang kita, kumbaga, ay nakalaan sa Panginoon. At sapagkat nakalaan sa Kaniya, ay dapat ialay muli sa Panginoon. Continue reading here. […]