frchito

LIMOT, LUGI, WAGI!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Marso 17, 2010 at 05:43


Ikalimang Linggo ng Kwaresma (K)
Marso 21, 2010

Mga Pagbasa: Is 43:16-21 / Filipos 3:8-14 / Juan 8:1-11

Kapaitan ang mga pinagdaanan ng bayan ng Diyos sa kanilang kasaysayan. Kapaitan rin ang salaysay ng bawa’t isa sa atin magpahangga ngayon … higit sa lahat, ang kapaitan ng pagkawalay sa Diyos, pagkaligaw ng landas, at ang karanasan ng mapait na pagtangis sa mga pagkakamali.

Tumbukin na agad natin ang buong katotohanan … Sino sa atin ang walang sala? Sino sa atin ang hindi naligaw ng landas? Sino sa atin ang hindi natulad sa alibughang anak na pinagnilayan natin noong nakaraang Linggo? Sino sa atin ang hindi natulad kailanman sa mainggitin at mapagtanim na kapatid na nakatatanda na nagtampo sa Ama, sapagka’t ang lapastangang kapatid ay bumalik at muli niyang tinanggap sa kanilang pamamahay?

Vamos a ver … sino ang walang bahid ng anumang sala sa atin?

Ito ang nais sana ipagunita sa atin ni Isaias sa unang pagbasa. Sa pamamagitan ng kanyang mga panulat, ipinagugunita sa atin ng Diyos kung paano dapat nang “ilibing sa limot at limutin na ngayon” “ang mga nangyari noong unang panahon.”

Limot … dito magaling ang Panginoon. Hindi siya mapagtanim. Hindi siya mapagkimkim. Handa niyang pawiin ang lahat-lahat, mapanuto lamang ang kanyang pinakamamahal na angkan.

Limot … dito tayo hirap na hirap bilang tao. Mabilis natin malimutan ang mga kabutihang nangyari sa atin, nguni’t hirap tayong limutin ang mga masasamang nagagawa sa atin ng kapwa.

Bilang isang tagapayo o counselor, isa sa mga pamamaraang mabisa upang mabago ang pananaw ng tao sa mga bagay-bagay, ayon sa aking karanasan, ay ang tinatawag ni Adler na “reframing.” Ito ang pagtingin sa isang pangyayari o suliranin sa pamamagitan ng isang panibagong “punto de vista” o ang paglalagay ng isang larawan sa isang naiibang kwadro (frame). Kung minsan, kapag pangit ang kwadro, kahit maganda ang larawan ay pumapangit na rin. Nguni’t kung maganda ang kwadro, ay pati masamang larawan ay tila gumaganda.

Ito ang gusto kong isipin na mensahe ni San Pablo sa ikalawang pagbasa. Nakita niya ang lahat bilang tila isang “pagkalugi.” Kung tutuusin, malaki ang nalugi kay San Pablo. Marami siyang alam sa buhay. Isa siyang siyudadano ng Roma (Roman citizen), na may karapatang nakalaan para sa mga siyudadanong Romano. Isa siyang matalinong tao, isang paham na Judio, na may sinasabi sa buhay. Nguni’t nang makilala niya si Kristo at sumunod nang lubusan, ang kanyang buhay ay sa biglang wari, ay nagkawindang-windang …. Napahamak … napariwara kumbaga. Nguni’t sa kabilang banda, kung titingnan ang kapalit ng lahat, nakuha niyang sabihin ito: “Inari kong kalugihan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Kristo Hesus na aking Panginoon.”

Marami ang dahilan natin sa panahong ito upang makaramdam ng pagkalugi. Hindi natin malimutan ang mga kawalang hiyaaang ginawa at ginagawa ng mga namumuno sa ating bayan. Para sa mga inabuso ng mga kapwa naming pari sa maraming lugar sa buong mundo, hindi sila lubusang makalimot at makapagpatawad. Hindi natin malimutan ang mga pribilehiyong nakamit natin noong maganda ang takbo ng ekonomiya. Hirap tayong lumimot at lumisan sa iba-ibang uri at antas ng luho, ng kasarapan ng buhay, at ang pagkakamal ng kapangyarihan. Di ba’t ito lamang ang dahilan kung bakit ang mga pamilyang nakatikim maging mayor ng bayan at mga siyudad sa buong Pilipinas ay ayaw nang ibigay ang pagkakataon labas sa kanilang mga anak, apo, pamangkin at mga inangkin?

Mahirap limutin ang sarap ng buhay, ang pagkakataong kumadlo sa maraming pera, lalu na’t kalakip nito ang karapatang maturingang “honorable” o kagalang-galang, kahit wala ni hibla ng pagkakagalang-galang sa kanyang pagkataong walang matunghayan ang madla liban sa pagiging mandarambong!

Mahirap lumimot sa masarap. Mahirap lumimot sa kapaitan. Kalimitan, puro pagkalugi ang damdaming namamaulo sa ating isipan.

Luging lugi ang babaeng nahuli sa pakikiapid. Wala siyang kalaban-laban. Bagama’t dalawa ang gumawa ng kasalanan, ang babae lamang ang siyang dapat magbayad nang malaki at patayin sa walang patid na pagpupukol ng bato sa liwasan. Nasaan si lalaki? Malamang ay kasama duon sa madlang uhaw sa kanyang dugo. Walang sinumang nanggagalaiti sa lalaking kasama niya sa pagkakasala, nguni’t ang lahat ng kumukulo ang dugo sa kawawang babae na puro pagkalugi ang sinapit.

Nguni’t dito lumutang ang isang panibagong balita ng panibagong buhay ng isang gurong di maglalaon ay magiging larawan din ng pagkalugi … Si Jesus … na di magtatagal ay papatawan din ng walang kapantay na makamundong pagkalugi sa pamamagitan ng kamatayan sa krus.

Oo, kaibigan … may hustisya o katarungang maka-Diyos. May pagwawaging naghihintay sa mga lugi sa mundong ibabaw. At ang kampeon ng pagwawaging ito ay dili iba kundi siyang sa paningin ng daigdig ay lugi, talo, nagapi at at natapakan sa ulo ng makapangyayari sa mundo.

Nagtipon tayo ngayon sa simbahan upang makarinig ng magandang balita. Ito, kapatid, ang magandang balitang pahatid sa atin ngayon. Hindi maglalaon, hindi magtatagal, pasasaan ba, at ang lahat ng pagkaluging ito ay bibigyang-katarungan ng Diyos na hindi natutulog sa kabila ng susun-suson, at patong-patong nating pagkabigo.

Muli na naman natin nakikita ang mga guhit ng pagkabigo sa lipunan natin. Marami ito … at ang masaklap pa ay hindi nakikita ng karamihan ang suntok ng mga kapaitang ito. Nandiyan ang mayamang gumagastos ng bilyong piso para lamang sabihin sa taong siya ay mahirap. Nandyan ang kandidatong namuno na at ang kanyang tanging napatunayan ay madulas siya at matatas sa panloloko ng mga dukha, na pinalalabas niyang siya lamang ang may kaya at may puso upang tulungan (o pagsamantalahan!). Nandiyan ang katotohanang ang nagpapatakbo ng lipunan natin ay pawang kababawan galing sa mga mabababaw na palabas sa TV, ng mga taong nagsasamantala rin sa kamangmangan at kahirapan ng balana.

Mabaha ang listahan natin. Lugi ang lahat. Di tayo marunong lumimot sa dapat limutin, at di rin tayo marunong magtanda nang wasto at matuto sa mga aral ng kasaysayan.

Wala na baga tayong pag-asa? Hindi ito ang ipinunta natin sa simbahan ngayon. Hindi ito ang pinagsasayangan ko ng aking tinig at laway at panitik.

May magandang balita para sa atin lahat. “Ilibing na sa limot ang mga nangyari noong unang panahon.” “Ituring na pagkalugi ang lahat bilang kapalit ng lalong mahalaga.”

At tandaan … kung magagawa natin ito, kung kaya natin lumimot, hindi tayo lugi, bagkus, kasama ng babaeng tila siniphayo ng tadhana at ng buong daigdig, wagi siya sapagka’t nakarinig siya ng pangakong mas mahalaga sa lahat: “Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala.”

Bosco Hall, FDMS Campus
119-A Route 10
Tai, Mangilao, GUAM

Advertisement
  1. […] Continue reading here. Bookmark It Hide Sites $$('div.d3320').each( function(e) { e.visualEffect('slide_up',{duration:0.5}) }); […]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: