frchito

Archive for Marso, 2010|Monthly archive page

HANGO, PAGBABAGO, AT PAGPAPANIBAGO

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Marso 8, 2010 at 08:17

IKAAPAT NA LINGGO NG KWARESMA (K)
Marso 14, 2010

Mga Pagbasa: Josue 5:9a, 10-12 / 2 Corinto 5:17-21 / Lucas 15:1-3, 11-32


Paghango at pag-angat ang diwang sumasagi sa isipan natin sa unang dalawang pagbasa. Malinaw pa ito sa tanghaling tapat kung kailan ang kasikatan ng araw ay pinakamatindi. Ayon kay Josue, “hinango” ng Diyos ang Israel sa “kahihiyan ng pagkaalipin sa Egipto.” Bukod dito, hinango rin sila ng Diyos sa ganap na pagkagutom sa disyerto nang pinagkalooban sila ng manna, na di maglaon ay napalitan ng tunay na tinapay na mula sa ani nilang trigo sa Canaan.

Hindi lang sila hinango sa pagkaalipin. Asenso rin ang dulot sa kanila ng Diyos. Matapos magsawa sa manna, tumanggap sila ng tunay na pagkain, tunay na bunga ng mga halamang tanim – “sinangag na trigo at tinapay na walang lebadura.”

Pagbabago naman ang bunga ng pagkahango ng mga tagasunod ni Kristo sa dating pamumuhay. “Ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang.” Ang “dati” ay naglaho na. Dating “kaaway,” sila ngayon ay itinuring na “kaibigan.” Dating malayo at siniphayo, sila ngayon ay tinatawagan upang “panumbalikin” sa Diyos.

Ang pagkahango ay malinaw ang tinutumbok … malinaw ang kahihinatnan – pagbabagong anyo, tulad ng narinig natin noong isang Linggo – ang pagbabagong anyo ni Kristo na siya rin nating tadhana.

Sa dinami-dami ng taong nagdaan bilang isang guro, isang tagahubog ng mga kabataan, matapos ang 33 taong pagtuturo sa iba-ibang dako ng daigdig, alam kong mayroong kabataang mahirap hanguin at hutukin ang asal at mayroon namang madaling turuan at hubugin. Nguni’t kalimitan, ang mga madaling hubugin sa simula ay tulad ng mga butil o buto na nahulog sa mababaw na lupa. Madaling yumabong, nguni’t pagdating ng init ng araw, ay madaling nalalanta at namamatay. Mayroon namang makunat kumbaga, sa simula, mahirap hutukin, mahirap pasunurin. Pero dumarating ang sandali, na kapag nagbago ay tuloy-tuloy na ang wagas at malalim na pagbabago.

Sa aking karanasan, mayroong sandali kung kailan kumbaga, ay nauuntog nang matindi ang bata … natatauhan … nayayanig … at kagya’t nakakaunawang oras na upang magbago. Nahango siya, ika nga, mula sa lusak. Nguni’t dapat ito ay masundan ng higit pa – ang pagbabago.

Sa 33 taon kong pagtuturo, isa ito sa marami kong karanasan. Mayroong pagkakataon na dapat “mauntog” kumbaga ang bata. Pag nauntog ay natatauhan, at sa sandaling matauhan, ay tuloy-tuloy na, hindi lamang ang pagbabago, kundi ganap na pagpapanibago.

Nais kong isipin na isa ito sa nilalaman ng magandang balita sa araw na ito. Bukod sa pagkahango natin sa kasalanan, tayo ay tumanggap ng balita at katotohanan ng ating pagbabagong-anyo kay Kristo.

Nguni’t ang pagbabagong-anyong ito ay bagay na Diyos ang may gawa. Hindi natin kayang gawin ito sa ganang sarili nating kakayahan. Diyos ang may akda na bagong buhay natin kay Kristong tagapagligtas.

Nguni’t “nasa Diyos ang awa, pero nasa tao ang gawa.” Kaligtasan ang dulot ng Diyos, pero hindi magaganap ito kung walang pakikipagtulungan ang tao.

Dito ngayon papasok ang talinghaga sa ebanghelyo ni Lucas tungkol sa alibughang anak. Dala ng kapusukan, nagsikap magsarili ang bunsong anak … humiwalay sa ama, at kinubra ang kanyang mana. Nagbuhay-mayaman at at nag-asal makasarili … nagpakasasa at nilustay ang hininging mana … hanggang sa siya ay mauntog at mapagtantong siya ay nagkamali.

Natauhan … nagkamalay … at sa kanyang pagkamulat, ay nakita niyang kailangan niya ng pagkahango. Kailangan niyang hanguin sa kahangalang kinabuliran niya, sa kasawiang-palad na siya mismo ang may kagagawan.

Lumutang sa kwentong ito ang tunay na kalikasan ng Diyos – ang kanyang dakilang habag at kahandaang magpatawad, na ipinamalas ng ama na araw-araw na nakapamintana sa pag-aabang sa pagbalik ng kanyang alibughang anak.

Natupad nang ganap ang hula sa unang pagbasa. Napatunayang lubos ang sinasaad ni San Pablo sa kanyang liham sa mga taga Corinto. Hinango tayo sa lusak … tinatawagan tayo sa pagbabago. At pinagkakalooban tayo ng higit pa – ang unti-unti, nguni’t ganap na pagpapanibago.

Alam natin kung ano ang kahulugan nito. Ang ginto na minimina sa lupa ay hinahango sa putik. Puede natin kaskasin ito o pakintabin. Nguni’t hangga’t hindi ito inilalagay sa lantayan, ay hindi kailanman magiging dalisay at lantay na ginto. Kailangan itong dalisayin sa proseso ng paglalantay ng ginto.

Ito ang naganap sa alibughang anak. Hinango. Nagbago. At higit sa lahat, gumawa ng hakbang, at ginawan ng paraan ng mapagmahal na ama, upang lubos na magpanibago.

Ito ang katotohanang naghihintay para sa atin lahat … ngayon kwaresma, bukas at makalawa, hanggang marating ang langit na tunay nating bayan.

UPANG ILIGTAS AT IHATID SA LUPAING MAYAMAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Marso 3, 2010 at 05:52

IKATLONG LINGGO SA KWARESMA (K)
MARSO 7, 2010

Kalinga, kabusugan, at malasakit ang nababanaag ko sa tatlong pagbasa. Sa una, kalinga ng Diyos na naghatid sa bayang pinili sa lupaing mayaman – sa Canaan. Sa ikalawang pagbasa, narinig naman natin ang kabusugang dulot niya – ang pagkakaloob ng “pagkain at inuming espiritwal” sa pamamagitan ni Kristong bugtong na Anak ng Diyos.

Ang ikatlong pagbasa naman ay ang pagmamalasakit ng isang tagapangalaga ng ubasan. Sa kanyang malasakit, hiniling niyang palampasin pa ang kaunting panahon upang maalagaan niya at malagyan ng pataba ang lupa – at magbunga.

Pagtitimpi, pagpapasensiya, pagpaparangya … ang lahat ng ito ay mga katagang hindi makatkat sa aking isipan habang binabasa ang tatlong sipi mula sa Kasulatan. Laging magandang balita ang marinig ang lalim at lawak at tayog ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Sa kagustuhang ikintal ito sa ating guni-guni at alaala, iba-ibang larawan ang ginamit ng mga nagsulat ng Biblia.

Pati si Jesus ay gumamit ng mga talinghaga upang ipamalas ito. Kasama sa mga talinghagang ito ang salaysay ngayon sa Bagong Tipan. Normal na dapat magbunga ang pananim. Dapat lamang na ang igos ay magbigay ng matatamis na prutas, tulad nang ang aso ay likas na dapat tumakin o tumahol, o magbantay sa bahay ng amo, sumunod at maging malapit sa kanyang amo.

Subali’t alam natin na sa maraming dahilan, may papayang hindi nagbubunga, may punong hindi yumayabong, may halamang walang ibinibigay sa nagtanim. May hayop na hindi napapakinabangan, at may taong dahil sa marami pa ring mga dahilan ay tumataliwas sa tadhanang nakalatag para sa kanila.

Alam natin ito kung halaman at hayop ang pag-uusapan – sakit, peste, o anumang salot na dumapo sa hayop o halaman. Ayon sa Biblia, ang para sa tao naman ay may kinalaman sa kasalanan – ang paglihis sa tuntunin at balaking inilatag ng Maylikha para sa tao.

Ito ngayon ang magandang balitang hatid sa atin ngayon, ikatlong Linggo ng Kwaresma. May isang tagapangalaga ng ubasan na inatangan ng tungkuling pamungahin ang mga igos at mga ubas.

May hangganan ang pasensya ng may-ari. Nguni’t ang dakilang habag at awa ng Diyos ay kinakatawan ng tagapangalaga – na kumakatawan din sa bugtong na Anak ng Diyos na isinugo upang “iligtas at ihatid sa lupaing mayaman” ang bayan ng Diyos.

Di miminsang pinag-usapan natin ang katotohanang ang bayan natin ay tulad ng punong igos na bahagya mamunga. Sa dinami dami ng naging presidente natin, sa dinami-dami ng mga halalan at mga balaking inilatag ng iba-t ibang mga administrasyon, ang katotohanang tumatambad sa atin ay pareho pa rin, kundi lumalala pa nga – ang higit na pagdami ng mga dukha, ng mga mangmang, at mga matindi ang pangangailangan sa buhay.

Tulad ng may-ari ng ubasan, gusto na natin tagpasin ang punong walang silbi, patayin at sunugin ang mga halamang di nagbubunga.

Madali ang magpadala sa pagpupuyos ng damdamin. Madali ang madala ng kapusukan at ng galit. Madali ang magbalak ng kung ano mang marahas. Subali’t dito sa sitwasyong ito lumulutang ang magandang balita tungkol sa Diyos at ang kanyang balak para sa kanyang bayan.

Noong isang Linggo, ang binigyang-buod natin ay isang katotohanang hindi natin dapat makalimutan: may langit kaibigan, at ayon sa kasulatan, langit ang tunay nating bayan.

Subali’t bilang tao, bilang nilalang, may pinagdadaanan tayong panahong may wakas, at lugar na may hangganan – ang buhay natin dito sa lupang ibabaw. May pagtitiis tayong dapat gawin, paghihintay, pagbabantay, paghahanda. Ito ang larangan ng pag-asa, na nagsasabi sa atin na hindi lahat ng gusto at nais ay nakahain sa bandeha, at pipitasin lamang natin na parang hinog na prutas, nang walang pag-aagguanta.

Ito ang kalikasan ng Diyos na dapat natin tularan. Ito ang magandang balita na, sa kabila ng lahat ng kabulukan at kawalang bunga sa daigdig, ay nananatiling totoo magpakailanman – ang Diyos ay mahabagin, mapagtimpi, at mapagparangya. Iginagalang niya ang kalayaang makatao na ipinagkaloob niya sa atin.

Mahaba pang lakbayin ang hinaharap natin, lalu na’t hindi pinakikialaman ng Diyos ang kalayaan natin. Mahaba pang pagtitiis ang dapat natin gawin, lalu na’t dumarami ang mandarambong at mapagsamantala sa lipunan. Ang kasalanan ay bahagi ng ating karanasang makatao at bahagi ito ng pinagdadaanan nating kasaysayan.

Pero magkikibit-balikat na lamang ba tayo sa harap nito?

Hindi ito ang naririnig ko sa pagbasa. Mayroong nagsikap; mayroong nagpagal at nagmalasakit. May nagpakahirap upang maglagay ng pataba, maghukay sa palibot ng puno, at gumawa ng paraan upang ito ay magbunga.

May magagawa tayo. May pag-asa pa ang tao. May angking kakayahan ang balana upang bumalikwas sa pagkalulong ito sa kasalanan. Ano ang pinanghahawakan natin? — Walang iba kundi ang pangako ng Diyos: “bumaba ako upang kayo ay iligtas, ialis sa Ehipto at ihatid sa lupaing mayaman.”