frchito

Posts Tagged ‘Alibughang Anak’

NAGBAGONG KAPALARAN; BIGAY NA KALIGTASAN

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Marso 5, 2016 at 05:55

murillo.jpg

[TINAPAY NG SALITAN NG DIYOS]

Ika-4 na Linggo ng Kwaresma Taon K

Marso 6, 2016

NAGBAGONG KAPALARAN O BIGAY NA KALIGTASAN?

Isang napakandang awit ng Hotdog ang tanyag na tanyag noong bata pa kami … Dati-rati’y ang pangit pangit mo … Ngayon mukhang superstar ka na!

Hindi natin maipagkakaila na ang pagbabago ay inaasam nating lahat. Gusto natin magbago ang lipunan natin. Gusto nating magpalit na nang ugali ang mga politikong nagpapahirap sa atin. Gusto natin lahat ng bagong smartphone, na nagpapalit ng modelo tuwing anim na buwan.

Dati-rati’y ang pangit ng katayuan ng bayan ng Diyos. Ayon sa pinag-usapan natin noong nakaraang Linggo, sila ay nabuhay sa pagka-alipin at kadustaan sa Egipto. Kung kaya’t nagdalang-habag ang Diyos at sa pamumuno ni Moises ay nakarating sila sa lupang pangako.

Ito pa rin ang tinutumbok ng unang pagbasa … “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Dati-rati ay manang walang lasa at malamang walang palaman ang kinain nila sa disyerto. Ngayon ay para na silang superstar sa hotel, sapagka’t “pagkaing inaani sa Canaan ang kanilang ikinabuhay.”

Lahat tayo ay umaasa sa pagbabago. Lahat tayo ay naghihintay na maging cewebrity sa social media. Tulad ni Carrot Man, o ni Cabbage Man, umaasa tayong maging katumbas ni Superstar na dati rati wala ni singko, ngayon ay pa-tseke-tseke na lang. Sayang, si Sibuyas Man ay mababa pa rin ang rating sa survey.

Maganda ang konklusyon ng Hotdog. Nagsisisi ako!

Ito ang paksa natin sa araw na ito. Huwag na natin isipin kung paano tumanyag si Sibuyas Man, o si Curacot Man. Tingnan natin ngayon ang kwento ngayon sa Maalaala Mo Kaya tungkol kay Bunsong Lumisan!

Si Bunsong Lumisan ay isa sa dalawang anak na lalaki ng isang mayamang may ari ng sakahan. Medyo spoiled yata si Bunso at hindi maka-hintay. Isang araw, naisip niyang unahan ang kanyang Ama at ang kaniyang Kuya. Walang kaabog-abog na hiningi niya ang kalahati ng ari-arian ng kanyang Ama. Buhay pa si Tatay ay pinatay na ni bunso sa yurak sa dibdib ang Ama na umaasa sanang tatanda siyang kasama ang kaniyang bunso.

Pero mapusok si bunso. Nagmamadali. Nagmamarunong. At hindi siya makahintay. Lumisan si bunso. Nilustay ang pera sa lahat ng uri ng kalalabisan. At naubos ang kanyang munting yaman.

Dito pumasok ang lahat ng problema. Mas masahol pa ang sinapit niya kaysa kay Carrot Man o Cabbage Man. Gusgusin, mabaho, at walang makain, pati darak na pagkain ng baboy ay ipinagkait sa kanya.

At dito pumasok ang makabagbag-damdaming yugto ng kanyang buhay. Dati rati ay ang yaman-yaman niya. Dati-rati ay ang sarap-sarap ng buhay niya, kapiling si Kuya at ang Ama.

At dito pumasok bigla ang pumasok sa isipan ng Hotdog …. Nagsisisi ako! Nagbago ang kapalaran ko!

Pero hindi ito ang uri ng pagbabagong binabanggit ni Pablo sa mga Taga Corinto. Sinabi niya: “Ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya’y bago na.”

Sa sandaling ito, gusto ko sanang iwaksi na sa inyong isipan ang matuyaing awit ng Hotdog. Pumunta na tayo sa ebanghelyo …

Sa kwento ni Bunso, may isang hiyas ng kabatiran ang dulot sa atin, liban sa marami pang iba. Nagsisisi ako … Dati rati ay kay dami kong pagkain… Dati rati ay kay gaganda ng aking kasuotan … Ngunit ngayon, kahit darak para sa baboy ay ipinagkakait sa akin.

Nagsisisi ako … Babalik ako sa Ama at sasabihin ko ang totoo … Nagkasala ako laban sa langit at sa iyo … ituring mo na lamang akong isang bayarang trabahador.

Mga kapatid, ang kwento ni Bunso, ay hindi kwentong pang MMK lamang. Ito ay kwentong pamhabang-buhay, pang buhay na walang hanggan.

Ang kototohanan ay ito. Hindi si Bunso ay puno at dulo ng kwento, kundi ang Diyos – ang kaniyang dakilang habag at awa. At ang Diyos kapag umibig ay hindi nagsisisi … hindi nagbabago ng isip … Hindi kailanman lumilisan sa kanyang ipinangakong pag-ibig. Wala siya iniiwan at niyuyurakan sa dibdib. Kapag nagmahal ang Diyos ay may forever.

Hindi nagbabago ang kapalaran ng tao. Una, walang pakikipag sapalaran sa Diyos. Hindi beto-beto ang buhay natin sa piling ng Diyos. Hindi tsambahan. Hindi nakukuha sa guhit ng palad.

At ito ang totoo … dati rati’y ang pangit-pangit nating lahat dahil sa kasalanan. Pero hinango tayo ng Diyos sa tiyak na kamatayan. Hindi ito nagbagong kapalaran. Ito ay kwento ng kaloob na kaligtasan.

Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin!

HANGO, PAGBABAGO, AT PAGPAPANIBAGO

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Marso 8, 2010 at 08:17

IKAAPAT NA LINGGO NG KWARESMA (K)
Marso 14, 2010

Mga Pagbasa: Josue 5:9a, 10-12 / 2 Corinto 5:17-21 / Lucas 15:1-3, 11-32


Paghango at pag-angat ang diwang sumasagi sa isipan natin sa unang dalawang pagbasa. Malinaw pa ito sa tanghaling tapat kung kailan ang kasikatan ng araw ay pinakamatindi. Ayon kay Josue, “hinango” ng Diyos ang Israel sa “kahihiyan ng pagkaalipin sa Egipto.” Bukod dito, hinango rin sila ng Diyos sa ganap na pagkagutom sa disyerto nang pinagkalooban sila ng manna, na di maglaon ay napalitan ng tunay na tinapay na mula sa ani nilang trigo sa Canaan.

Hindi lang sila hinango sa pagkaalipin. Asenso rin ang dulot sa kanila ng Diyos. Matapos magsawa sa manna, tumanggap sila ng tunay na pagkain, tunay na bunga ng mga halamang tanim – “sinangag na trigo at tinapay na walang lebadura.”

Pagbabago naman ang bunga ng pagkahango ng mga tagasunod ni Kristo sa dating pamumuhay. “Ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang.” Ang “dati” ay naglaho na. Dating “kaaway,” sila ngayon ay itinuring na “kaibigan.” Dating malayo at siniphayo, sila ngayon ay tinatawagan upang “panumbalikin” sa Diyos.

Ang pagkahango ay malinaw ang tinutumbok … malinaw ang kahihinatnan – pagbabagong anyo, tulad ng narinig natin noong isang Linggo – ang pagbabagong anyo ni Kristo na siya rin nating tadhana.

Sa dinami-dami ng taong nagdaan bilang isang guro, isang tagahubog ng mga kabataan, matapos ang 33 taong pagtuturo sa iba-ibang dako ng daigdig, alam kong mayroong kabataang mahirap hanguin at hutukin ang asal at mayroon namang madaling turuan at hubugin. Nguni’t kalimitan, ang mga madaling hubugin sa simula ay tulad ng mga butil o buto na nahulog sa mababaw na lupa. Madaling yumabong, nguni’t pagdating ng init ng araw, ay madaling nalalanta at namamatay. Mayroon namang makunat kumbaga, sa simula, mahirap hutukin, mahirap pasunurin. Pero dumarating ang sandali, na kapag nagbago ay tuloy-tuloy na ang wagas at malalim na pagbabago.

Sa aking karanasan, mayroong sandali kung kailan kumbaga, ay nauuntog nang matindi ang bata … natatauhan … nayayanig … at kagya’t nakakaunawang oras na upang magbago. Nahango siya, ika nga, mula sa lusak. Nguni’t dapat ito ay masundan ng higit pa – ang pagbabago.

Sa 33 taon kong pagtuturo, isa ito sa marami kong karanasan. Mayroong pagkakataon na dapat “mauntog” kumbaga ang bata. Pag nauntog ay natatauhan, at sa sandaling matauhan, ay tuloy-tuloy na, hindi lamang ang pagbabago, kundi ganap na pagpapanibago.

Nais kong isipin na isa ito sa nilalaman ng magandang balita sa araw na ito. Bukod sa pagkahango natin sa kasalanan, tayo ay tumanggap ng balita at katotohanan ng ating pagbabagong-anyo kay Kristo.

Nguni’t ang pagbabagong-anyong ito ay bagay na Diyos ang may gawa. Hindi natin kayang gawin ito sa ganang sarili nating kakayahan. Diyos ang may akda na bagong buhay natin kay Kristong tagapagligtas.

Nguni’t “nasa Diyos ang awa, pero nasa tao ang gawa.” Kaligtasan ang dulot ng Diyos, pero hindi magaganap ito kung walang pakikipagtulungan ang tao.

Dito ngayon papasok ang talinghaga sa ebanghelyo ni Lucas tungkol sa alibughang anak. Dala ng kapusukan, nagsikap magsarili ang bunsong anak … humiwalay sa ama, at kinubra ang kanyang mana. Nagbuhay-mayaman at at nag-asal makasarili … nagpakasasa at nilustay ang hininging mana … hanggang sa siya ay mauntog at mapagtantong siya ay nagkamali.

Natauhan … nagkamalay … at sa kanyang pagkamulat, ay nakita niyang kailangan niya ng pagkahango. Kailangan niyang hanguin sa kahangalang kinabuliran niya, sa kasawiang-palad na siya mismo ang may kagagawan.

Lumutang sa kwentong ito ang tunay na kalikasan ng Diyos – ang kanyang dakilang habag at kahandaang magpatawad, na ipinamalas ng ama na araw-araw na nakapamintana sa pag-aabang sa pagbalik ng kanyang alibughang anak.

Natupad nang ganap ang hula sa unang pagbasa. Napatunayang lubos ang sinasaad ni San Pablo sa kanyang liham sa mga taga Corinto. Hinango tayo sa lusak … tinatawagan tayo sa pagbabago. At pinagkakalooban tayo ng higit pa – ang unti-unti, nguni’t ganap na pagpapanibago.

Alam natin kung ano ang kahulugan nito. Ang ginto na minimina sa lupa ay hinahango sa putik. Puede natin kaskasin ito o pakintabin. Nguni’t hangga’t hindi ito inilalagay sa lantayan, ay hindi kailanman magiging dalisay at lantay na ginto. Kailangan itong dalisayin sa proseso ng paglalantay ng ginto.

Ito ang naganap sa alibughang anak. Hinango. Nagbago. At higit sa lahat, gumawa ng hakbang, at ginawan ng paraan ng mapagmahal na ama, upang lubos na magpanibago.

Ito ang katotohanang naghihintay para sa atin lahat … ngayon kwaresma, bukas at makalawa, hanggang marating ang langit na tunay nating bayan.