IKA-3 LINGGO NG PAGKABUHAY (K)
Abril 18, 2010
Mga Pagbasa: Gawa 5:27b-32, 40b-41 / Pahayag 5:11-14 / Juan 21:1-19
Marami ang nagaganap sa mga araw na ito. Hindi halos tayo magkandaugaga sa pagsunod sa mga nagaganap. Nakalimutan na natin ang masaker sa Mindanao. Wala nang humahabol sa pagkamatay ni Nida Blanca, matapos ang maraming taon. Sumuko na tayong lahat sa kawalang kakayahan ng sinuman na malaman kung sino ang utak sa pagpaslang kay Ninoy Aquino. Tila sumuko na rin ang bayan na magpasya nang tama sa kung sino ang dapat ihalal. Tanging popularidad at karisma na lamang yata ang pinaiiral sa mga eleksyon, kundi pera at puro gimik at pakitang-tao lamang.
Isa sa mga tradisyon na ating matutunghayan sa Biblia ay may kinalaman sa pamumuno. Sa Banal na Kasulatan, ang pamumuno ay walang kinalaman sa paghahawak ng kapangyarihan, bagkus kababaang-loob at paglilingkod – ayon sa tradisyon ng isang aliping naghirap at nagpakasakit sa bayan.
Pinagnilayan natin ito sa nakaraang mahal na araw – at ang kasukdulan ng paglilingkod na ito ay ipinakita ni Jesus na Panginoong naglingkod at namuno sa pamamagitan ng ganap na paglalaaan at pag-aalay ng buhay para sa pinaglilingkuran.
Sa araw na ito, dalawang Linggo matapos ang muling pagkabuhay ni Kristo, muli pa niyang dinadagdagan ang kahulugan ng paglilingkod sa isang madamdaming tagpo na may kinalaman kay Simon Pedro.
Taliwas sa ipinakikita ng mga kandidato nating ang hangad ay maghari at mamuno, ang ipinadadama sa atin ni Kristo ay walang pasubali at walang pag-iimbot na paglilingkod na napapaloob sa dakilang kautusan ng pag-ibig. “Mahal mo ba ako, Simon, anak ni Jonas?” “Pakanin mo ang aking mga tupa.” ‘Pangalagaan mo ang mga batang tupa.”
Madamdaming tagpo ito sa baybay dagat, sa isa sa marami niyang pagpapakita matapos ang muling pagkabuhay. Puyat at pagod si Pedro at mga kasama. Buong gabing nagpagal at nagsikap maghanap-buhay. Sa kinaumagahan, dumating si Jesus at tumulong upang sila ay makahuli: “Ihulog ang lambat sa gawing kanan ng bangka.”
Madaling sabihin sa araw na ito kung paano ang tunay na diwa ng paglilingkod. Alam kong sa mga araw na ito, kung kailan nasa headlines na naman ang simbahan dahil sa mga krimen ng ilang bulok na itlog sa hanay ng mga kaparian, mahirap magwika sa tungkulin naming “pakanin at pangalagaan” ang mga “batang tupa.” Batid kong, bagama’t ang higit na nakararami sa mga kaparian ay walang ibang nais kundi paglingkuran ang Diyos at ang Kanyang bayan, batid ko ring mayroon ilang sumira sa aming imahen at larawan at reputasyon. Tulad ng batid kong, sa kabila ng katotohanang mayroong mga namumuno sa bayan natin na mahusay at mabuti, ang ginagawa ng ilang mga buktot at palalo at pasaway sa lipunan ay walang kapantay sa kasamaan – ang mga korap, mga tiwali, mga masiba, at mapagsamantala at nag-aabuso sa kanilang kapangyarihan.
Una ako sa paghingi ng paumanhin sa kapwa ko mga Pinoy. Humihingi kami ng tawad sa kasalanan namin sa harap ng Diyos at tao. Nguni’t una rin ako sa hanay ng mga taong umaasang kami, tayo, at mga nagsisikap mamuno ay mapasa-ilalim sa parehong kautusan at kalooban ng Diyos para sa kapakanang pangkalahatan. Kasama ako sa mga umaasang ang paghahari ng Diyos ay manunuot pang muli at mamamayagpag sa lahat ng antas ng lipunan natin. Kaisa ako ng mga taong may mabubuting kalooban na patuloy na nagsisikap upang ang lipunan natin ay unti-unting magbalik-loob sa Diyos at maging bukas sa utos na iniatang ng Diyos sa balikat ng katulad namin na patuloy na nagtuturo ayon sa kagustuhan ng Diyos, sa pamamagitan ng Santa Iglesya.
Lahat tayo ay nagkulang at nagkamali. Lahat tayo ay tinimbang nguni’t kulang. Lahat tayo ay nalihis sa landas ng katuwiran at kabanalan.
Nguni’t lahat tayo ay may pag-asa pa. Lahat tayo ay patuloy na tinatawagan ng Diyos na buhay na patuloy na magsikap, patuloy na magpagal, at patuloy na kumilos upang ang Simbahan, una sa lahat, ay maging tapat sa kanyang tungkuling maging muog ng kabanalan, at ang lipunang sibil, ay magampanan ang pananagutang ihatid sa wastong landas ang mga “batang tupang” nakatingala at naka-asa sa kanilang paggagabay at pamumuno.
Matay nating isipin, iisa ang layunin ng Diyos para sa atin. Iisa ang tinutumbok ng Simbahan at ng lipunang sibil sa pamamagitan ng pamahalaan – ang kapakanang espiritwal at material ng lahat. Sa wakas, ang hinaharap nating tadhana ay iisa at pareho – ang buhay na walang hanggan kaparis ang Diyos na iba-iba ang tawag natin.
Ikaw, ako, tayong lahat ngayon ay inaasahan ni Kristo … “Pakanin mo … pangalagaan mo…”