Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay(K)
Abril 11, 2010
Mga Pagbasa: Gawa 5:12-16 / pahayag 1:9-11a, 12-13, 17-19 / Juan 20:19-31
Tinatapos natin ngayon ang oktaba ng Pascua, ang ikawalong araw matapos ang dakilang kapistahan ng pagkabuhay. Ang tatlong pagbasa ay pawang may kinalaman sa isang hanay ng mga pagbabago at pagpapanibagong dulot ng muling pagkabuhay ni Kristo.
Sa unang pagbasa mula sa Gawa, sinasaad ang mga kababalaghang naganap sa pamamagitan ng mga apostol … “at dumating din ang maraming taong buhat sa mga bayang kanugnog ng Jerusalem, dala ang kanilang maysakit at mga pinahihirapan ng masasamang espiritu; at silang lahat ay pinagaling.”
Sa ikalawang pagbasa mula sa Pahayag, malinaw namang ipinahahayag ang batayan ng lahat ng bagong katotohanang ito – ang katotohanang si Kristong muling nabuhay ay “ang simula at ang wakas, at ang nabubuhay!”
Subali’t hindi lahat ay nakapansin sa mga bagong bagay na naganap. Mayroong naiwan kumbaga. Mayroong medyo nadehado at hindi nakakuha nang ganap sa mga kababalaghang nangyari.
Isa na rito si Tomas. Wala siya nang unang nagpakita ang Panginoong muling nabuhay. Hindi siya lubos na nagtiwala sa mga balitang dumating sa kanya. Gusto niyang magsigurado. Gusto niyang makatiyak.
Si Tomas ay puedeng maging larawan ng kung ano tayo ngayon … mga taong sinasagian ng lahat ng uri ng pagdududa at sari-saring pagtatanong. Marami tayong tanong kung may malasakit pa ba kaya ang Diyos sa kanyang nilikha. Sunod-sunod ang mga trahedya sa iba-ibang bahagi ng mundo. Sa ating bayan, ang pinakamasahol na trahedya ng politika ay patuloy na namamayagpag sa bayan, ang mga nagpapakilalang mga tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga mahihirap ay silang unang-unang pinagdududahan ng balana.
Iisa ang namumuong diwa sa ating isipan … buhay ba kaya ang Diyos at may malasakit pa ba kaya siya sa atin?
Ito ang lambong na tinanggal sa ating mga mata sa araw na ito. Ito ang dahilan kung bakit sa tradisyon ng banal na kasulatan, ang araw na ito ay tinatawag na araw ng Panginoon, araw na nilikha ng Diyos.
Nguni’t mula sa parehong Kasulatan natin matutunghayan ang kasagutan sa mga katanungan natin. At ang malinaw na tugon ay walang iba kundi ito … Darating ang araw ng Panginoon, ang araw na itinakda niya, araw na hindi nagdidipende sa tao at hindi natin maitatakda.
Matagal na panahon ang hinintay ng bayan ng Diyos. Matagal silang umasa at naghintay. Sa panahon natin, ito pa rin ang ating pinagdadaanan. Marami nang taon ang nagdaan magmula nang tayo ay umasa sa pagbabago sa lipunan natin. Noong kami ay mga bata pa, umasa kami sa “bagong lipunan” at “bagong bukas” ni Marcos. Makaraan ang 20 taon, umasa pa rin tayo sa malaking pagbabagong dulot ng People Power laban kay Marcos. Umasa pa rin tayo sa mga sumunod na pinuno, na pawang naging isang malaking dagok sa ating inaasam at hinahanap.
Ngayon, nalalapit na naman ang eleksyon. Puno na naman ng palsong pag-asa ang mga mangmang, ang mga madaling madala ng pangako, at pa-cute ng mga artista at mga payaso sa gobyerno. Panay ang pangako at paninirap sa isa’t isa.
Ito ba ang araw na ginawa ng Panginoon?
Panahon na upang matuto tayong lahat sa tunay na kahulugan ng pagkabuhay. Wala sa sinumang tao ang ating kaligtasan. Hindi nakasalalay sa kaninuman ang ating kinabukasan. At ang liksyon ng araw na ito ay malinaw. Siya na lumikha sa araw na ito ang tangi nating muog, haligi, at kaligtasan. Si Kristo lamang ang tanging makapagpapanibago ng buhay natin, hindi batay sa panlabas na anyo, kundi sa kaibuturan ng pagkatao natin.
Malinaw ito sa mga mahal na araw na ipinagdiwang natin. Malinaw na ang bagong buhay ay dapat magdaan sa pagkamatay sa sarili. Malinaw na walang muling pagkabuhay kung walang Biernes Santo. Walang aanihin kung walang itinanim. Walang ginhawa kung hindi dadaan sa hirap at dusa. Walang koronang maluwalhati kung walang krus na papasanin ang tanan, bilang pagtulad sa landas na tinahak ni Kristo.
Dito ngayon papasok ang magandang balita ng kaligtasan. Si Kristo ay nagdusa. Si Kristo ay namatay para sa atin, at si Kristo ay muling nabuhay.
Dapat ring ito ang maganap sa ating lipunan, sa ating sarili, sa buhay at sa bahay ng bawa’t isa. “Hanggang hindi nahuhulog ang isang butil ng trigo at namamatay, hindi ito magbubunga ng anuman.”
Madali ang mag-ingay at magpuputak sa mga liwasan sa Maynila. Madali ang magsira ng mga upuan at gamit sa pampublikong mga paaralan kung ayaw natin ang anumang balakin ng mga nasa itaas. Madali ang tumulad sa mga Ampatuan na ang problema ay sinosolusyunan lamang ng pagpaslang at pagkitil ng buhay na inosente.
Ngunit hindi ito ang liksyon ng Banal na Kasulatan. Hindi rin ito ang aral ng Mahal na Araw at ng Linggo ng muling pagkabuhay. Bagama’t mahabang lakbayin ito, ito ang araw na ginawa ng Panginoon, at hindi tayo. Ang kaligtasan ay kanyang gawain, hindi atin. At ang unang unang dapat gawin ng mga taong naghihintay at umaasa, ay ang tumalima at sumunod sa kanyang halimbawa.
Kailangan natin magdusa at mamatay tulad ng butil ng trigo, upang mabuhay at magbigay buhay sa kapwa. At kailan tayo dapat magsimula?
Sa araw na ito … “tingnan ang mga daliri ni Kristo … haplusin ang kanyang tagiliran … damahin ang kanyang pinagdaanan” … Naganap ang araw na ito sapagka’t hinarap niya ang hinihingi ng araw ng pagdurusa at pag-aalay ng sarili. At ito ay nagbunga sa dakilang araw ng tagumpay … Ito ang araw na ginawa ng Panginoon!