Pag-akyat sa Langit ng Panginoon(K)
Mayo 16, 2010
Mga Pagbasa: Gawa 1:1-11 / Efeso 1:17-23 / Lukas 24:46-53
Nagsalita na ang taong-bayan. Matapos ang pagtutungayaw, pagpapalitan ng mga maaanghang na salita, mga patutsada at mga paratang, nagwakas na ang maingay at masalimuot – at – mahal na halalan. Hindi nanalo ang siyang may pinakamalaking salaping ginastos … hindi rin ang siyang pinakamagaling at pinakamatalino … at lalong hindi ang siyang pinaka-popular at iniidolo ng masa. Hindi man ako sang-ayon sa kung sino ang nagwagi, ang katotohanan ay ito … nagsalita na ang taong-bayan.
Sa mga pagkakataong ito, panghihina ang aking nararamdaman, panlulumo, at panghihinayang. Sa aking makatao at makamundong pagtingin sa mga bagay-bagay, mahirap tanggapin na ang kalooban ng Diyos ay tunay na nagdadaan sa tinig ng mga mamamayan, subali’t sa mata ng pananampalataya, ay wala akong ibang masasabi liban dito. Hindi man ako sang-ayon sa mga nanalo at mamamayagpag sa susunod na 6 na taon, batid kong ang kalooban ng Diyos ang siyang dapat maghari hanggang sa wakas ng mundo.
Dito ngayon papasok ang magandang balitang taglay ng mga pagbasa natin. Ang tatlong pagbasa ay tumutumbok sa iisang paksang komun – ang kapangyarihan. Ito ang katagang hindi makatkat sa aking isipan sa mga araw na ito … kapangyarihan. Kung titingnan natin ang makamundong mga pangyayari, ang kapangyarihang hawak ng marami ay galing sa iba’t ibang uri ng pandaraya, panlalamang, paniniil, at pansisikil. Ito ang kapangyarihang galing sa dahas, sa bunong braso, sa pagsasamantala sa kapwa.
Hindi ito ang magandang balita na pinapaksa sa kapistahan natin ngayon – ang pag-akyat ng Panginoong Jesucristo sa langit. Para sa Banal na Kasulatan, ang kapangyarihan ay galing mula sa itaas. Ayon sa Gawa ng mga apostol, ito ay kaakibat ng “pagbaba ng Espiritu Santo.” Ang kapangyarihang ito ay hindi lamang galing sa itaas. Ito ay kaakibat rin at karugtong at kasama ng “karunungan at ng tunay na pagkakilala sa Kanya,” ayon sa sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso. Ang tunan na pagkakilalang ito ay may kinalaman sa ngalan ng Diyos na hindi lamang isang pangalan … “higit ang kanyang pangalan kaysa lahat ng pangalan.”
Sa hanay ng mga kandidato sa pagka-Senador, nagsipagbalikan ang mga pangalang palasak at kilala na noon pang araw … mga pangalan ng kani-kanilang ama o tiyo, o nanay o lolo. Ewan ko ba kung bakit, pero sa Pinas, ang “name recall” ang pinakasiguradong pasaporte sa “paglilingkod sa bayan.” At hindi na natin dapat ilista ang mga ngalang ito …
Sa araw na ito, ang ngalang higit sa lahat ng ngalan ay nagpakita ng patunay na hindi maipagkakaila – ang luwalhating sumakob sa kanya bilang Diyos na nagkatawang-tao, nagpakasakit, namatay, at muling nabuhay! Siya ay hindi nagapi ng kasamaan, kasalanan, at katiwalian. Hindi lamang siya muling nabuhay, bagkus umakyat sa langit at naluklok sa kanan ng Ama.
Aking mungkahi sa bayang Pilipino na tingnan natin ang liksyong nagtatago sa sa tila isang pagkabigo at pagkatalo ng ilan sa atin, kasama ako. Hindi lumabas ang ngalan ng inaasahan kong mag-aangat sa bayan nang tunay at nararapat. Hindi nanalo ang aking inaasahang dapat manalo at mamuno.
At habang ako ay nakakaramdam ng panlulumo, ang magandang balita ng kaligtasan ay muling sumasagi sa daloy ng aking kamalayan. Hindi tao ang siyang mag-aahon sa atin. Hindi sinumang ngalang makatao ang siyang hahatak sa atin, bagkus ang ngalan na higit sa anumang ngalan sa mundong ibabaw.
Ito ang diwa ng kapistahan ng pag-akyat ni Jesus sa langit … tagumpay at kapangyarihan … kapangyarihang hindi ayon sa pamamaraang makamundo at makatao, kundi kapangyarihan mula sa itaas, na kaakibat ng karunungan.
Marahil ay karunungan ang siyang dapat bigyang-pansin at diin sa ating lipunan. Masyadong malakas ang pokus sa kapangyarihan – mga posisyon ng pamumuno. Subalit hindi posisyon ang pokus ng Panginoon, kundi paglilingkod. Ang kanyang kapangyarihan ay hindi pinangunahan ng anuman liban sa karunungan mula sa itaas.
Sa darating na Junio 30, bago na ang Presidente natin. Hindi man natin gusto o gusto man natin siya, pareho at iisa ang dapat nating pagtuunan ng pansin – ang magkamit ng karunungan mula sa itaas, ang kaalamang may kinalaman sa pagkilala sa tunay at dakilang ngalan ng Panginoon. Siya, tayong lahat ay dapat matuto sa kanya.
At alam natin ang unang liksiyon na dapat nating matutunan. Hindi nagsisimula at natatapos ang korupsyon sa Malakanyang o sa Congreso o Senado o pamahalaang bayan – o barangay! Nagsisimula ito sa puso ng bawa’t isa sa atin. At sinumang mamuno sa bayan, libang kung tanggapin natin at kilalalanin natin lahat ang katotohanang ito, ay hindi tayo paghaharian ng karunungan mula sa itaas.
Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang Panginoon! Mabuhay ang mga namumunong pinamumugaran ng karunungang mula sa Diyos!