frchito

Archive for Mayo 4th, 2010|Daily archive page

PANGITAIN, PANGAKO, PAGGAWA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Mayo 4, 2010 at 13:10


Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay(K)
Mayo 9, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 15:1-2, 22-29 / Pahayag 21:10-14, 22-23 / Juan 14:23-29

Puro kalumaan ang nakikita natin sa mga nagaganap sa lipunan. Lumang mga trapo, halimbawa, ang mga nagsisikap bumalik sa “paglilingkod sa bayan.” Lumang politika, ang namamayagpag sa bayan natin. Pati ang pagmasaker sa mahigit sa 50 katao ay lumang politika na nabahiran sa mula’t mula pa ng karahasan.

Panay kalumaan ang natutunghayan natin saanman … liban dito … sa simbahan, kung kailan ang mga pagbasa ay nagwiwika tungkol sa wagas at taos na pagbabago.

Sa unang pagbasa, naging isang malaking suliranin kung ang lumang batas ni Moises ay dapat pang maghari. Upang lutasin ito, ipinadala sina Pablo at Bernabe sa Jerusalem. Bagama’t hindi nila binale-wala ang batas ni Moises, malinaw na may isang panibagong batas na umiiral – ang bagong batas na dulot in Kristo.

Sa ikalawang pagbasa, wagas at lubos na pagbabago ang natutunghayan natin. Isinagisag ang ganap na pagbabagong dulot ni Kristo sa pamamagitan ng larawan ng isang “bagong Jerusalem” na bumababa mula sa kalangitan. Pangitain ito at hula tungkol sa wakas ng panahon kung kailan ang paghahari ng Diyos ay lubos na magaganap sa buong sangkalupaan at sangkatauhan.

Sa ebanghelyo naman, isang mataginting na bagong utos ang sinasaad – ang bagong utos ng pag-ibig.

Alam kong lahat tayo ay bagot na bagot na sa lumang politika sa bayan natin. Alam kong lahat tayo ay nag-aasam at naghahanap ng pagbabago. Alam ko ring, ang mga may kaya ay laging naghahanap ng bagong cellphone, bagong computer, bagong sapatos at bagong damit … bagong lahat. Ang kalumaan ay hindi natin gusting manatili at bumalot sa ating pagkatao.

Likas sa tao ang maghanap ng bago, ang gumawa o gumamit ng anumang hindi pa gasgas, hindi pa kupas, o hindi pa lagas. Likas sa atin ang mag-asam ng pagbabago sa lahat ng antas o larangan ng buhay.

Dito ngayon papasok ang magandang balita ng kaligtasan. Ang buod, puno, at dulo ng magandang balita ni Kristo ay walang iba kundi ito. Gusto ng Diyos ang pagbabago. Gusto niya ang pagpapanibago. Ito ang unang laman ng kanyang pangaral, “Magbago, at sumampalataya sa ebanghelyo.” Ito ang buod ng kanyang pangaral. At ito ang dahilan kung bakit ang kanyang pangaral ay isang bagong balita, tungo sa isang bagong buhay.

At ito ay hindi lamang pangako. Isa na itong katotohanang nagaganap na ngayon, na isinasalarawan ng pangitaing binabanggit sa aklat ng Pahayag. Nagsimula na ito sa pagtatatag ng Santa Iglesya, na isa sa mga tinutumbok ng larawan ng “bagong Jerusalem.” Isa na rin dito ang katotohanang may langit na siyang tunay nating bayan. Dito nagmumula ang “bagong Jerusalem.” Ito ang sukdulan ng ating pag-asa. Ito ang nilalaman ng lahat ng ating inaasam – ang ganap na pagbabagong dulot ng bagong Jerusalem, ng Inang Santa Iglesya, na nagpupunyagi upang tayo ay mapanuto at mapunta sa nilalarawan ng bagong Jerusalem.

Malayo pa ang bayan natin sa bagong Jerusalem. Subali’t bilang kasapi ng Santa Iglesya, may tungkulin tayong nakaatang sa balikat – ang tumulong upang ang pangitaing ito ay maganap, mangyari, at magkatotoo sa buhay natin.

Malayo pa nga tayo … lalu na’t panay paninira ang alam ng mga politikong, nagsisiraan, nagbibintangan, at nagpaparatang sa isa’t isa para lamang malampasan ang kalaban. Para silang mga kalderong napaka-iitim ang puwet na nagbibintangan sa isa’t isa na ang kalaban ay maitim at madungis.

Talagang malayo pa tayo … lalu na’t nakikita natin isang libong piso lamang pala ang katapat ng isang boto; lalu na’t ang namumuro ay ang mga mapera, madatung, mahaba ang pisi, at kayang bumili ng boto – o manloko ng mga mangmang at walang pinag-aralan.

Malayo pa nga tayo, nguni’t hindi tayo busabos na lubos. Hindi tayo mga taong walang kinabukasan. May isang pangitain at pangakong naghihintay sa ating alagaan at gawin. Ang pangitain at pangakong ito ay nagsimula na sa Inang Santa Iglesya. Ang pangakong ito ay naganap na sa pagsilang, pagpapakasakit, at pagkamatay ni Kristong Panginoon.

Isa na lamang ang dapat mangyari. At hindi ang Diyos ang dapat gumawa nito. Ako, Ikaw, tayong lahat ang dapat ngayong kumilos upang ang pangitain at pangako ay maging isang mataginting na katotohanan sa pamamagitan ng ating paggawa.

Advertisement