frchito

GAWIN ANG BUONG MAKAKAYA SA PAKIKIBAKA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Amos, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Setyembre 20, 2010 at 13:42

Ika-26 na Linggo ng Taon (K)
Setyembre 26, 2010

Mga Pagbasa: Amos 6:1a,4-7 / 1 Tim 6:11-16 / Lucas 16:19-31

Langit at lupa ang layo sa dalawang nilalang na isinilang na hindi kailanman magkakadaop-palad: ang mayaman at ang dukhang si Lazaro. Tubig at langis naman ang tulad sa pagkakahiwalay ng mayayaman at ng mahihirap sa panulat ni Amos. Sa tasang tasa na lamang na inuman ng mamahaling alak ay wala nang panama. Sa kamang kama na lamang na gamit ng mga humihilatang mayayaman ay wala na ring paghahambing. Ano pa kaya sa pagkaing inihahain sa hapag?

Mayroong patuloy na nagnanaknak na suliranin sa lipunan natin saanman. Palasak pa rin ang pagtatangi-tangi sa mundo. Tuloy ang hidwaan sa pagitan ng mga taong diumano ay nagmamahal sa Diyos, anuman ang pangalang tawag nila sa kanya. Sa buong kasaysayan ng mundo, napakarami ang namatay sa ngalan ng relihiyon, at maging sa ngayon, ay patuloy ang mga terorista sa pagkilos na tila baga ang utos sa kanila ng Diyos ay ang pumatay, manira, manakot, at mamilit sa iba ng kanilang paniniwala.

Ang lahat ay nakikibaka. Ang lahat ay nagpupunyagi upang ang kanilang relihiyon ang siyang manaig. Sa maraming lugar sa daigdig, ilang mga grupo ng tao ang handang makipagpatayan upang ang kanilang relihiyon ang manaig at maghari sa lahat?

Sa araw na ito, tingnan natin ang listahan ng mga bagay na totoo. Una, totoo na may kawalan ng pagkakapantay-pantay sa mundo, saanman. Pati sa Amerika, alam natin na isa sa bawa’t pitong katao ay nabubuhay na mas mababa sa tinatawag na “poverty line.” Sa Pilipinas, ang bilang ay higit na marami kaysa rito. Hindi lamang tasang inuman ng alak ang sukatan ng kawalan ng pagkakapantay-pantay.

Ikalawang katotohanan … Totoo na ayon sa turo ng banal na Kasulatan, hindi maglalaon ay “matitigil na ang inyong mga pagpipiging at pagsasaya.” May wakas ang lahat ng bagay. May hangganan ang lahat ng bagay na nakikita at natutunghayan.

Ikatlo, totoo rin na ang Diyos ay Diyos ng ganap na pagkakaisa, lubusang pagkakapantay-pantay, at Diyos na hindi nagtatangi ng sinuman.

Nguni’t mayroon pang higit na mahalagang katotohanan ang dapat natin bigyang-pansin, ayon sa turo ng ebanghelyo. At ang katotohanang ito ay may kinalaman sa katarungan ng Diyos. Ang Diyos ay Diyos ng hustisya, Diyos na nagtataguyod ng katarungang ganap. At dahil sa katarungang ito, na kaakibat ng kanyang dakilang habag at awa, mayroon Siyang malalim na malasakit sa mga api, sa mga taong nasa kailaliman ng salansan o ng patas … sa mga taong walang kaya, walang kapit, at walang anumang pinanghahawakan.

Nguni’t may katotohanang kaakibat ang lahat ng ito. Hindi ito isang pagpapasa-kamay na lamang ng Diyos. Hindi ito isang pagiging hinalig na lamang sa Poong Maykapal. Hindi nangangahulugang wala na tayong dapat gawin, o wala na tayong anumang pananagutan.

Ito ang pagkakamali ng taong mayaman. Nang siya ay humiling, huli na ang lahat. Wala siyang pansin nang nabubuhay. Wala siyang pananagutan at pagmamalasakit noong nasa lupa pa siya. Wala siyang ginawa upang maibsan ang paghihirap ni Lazaro. Hindi niya ginawa ang kanyang buong makakaya noong nabubuhay pa.

At dito natin mauunawaan ang isa pang katotohanan … Walang mararating ang awa at katarungan ng Diyos kung walang pagkukusa ang tao. Walang magagawa ang Diyos kung walang pagpupunyagi ang tao. Walang ginhawa kung walang pagsisikap at walang gantimpala kung walang pagpupunla.

Masukal at masalimuot ang mundong iniikutan natin … puno ng sari-saring paghamon, tigib ng lahat ng uri ng kawalan ng pagkakapantay-pantay. Sa ating bayan, sa kabila ng pagbabago ng saligang batas, lalung lumala ang katiwalian, lalung dumami ang mga politikong kapit-tuko sa posisyon … sila at asawa, at anak, pamangkin, apo, at mga inangkin! Sa ating panahon, kung hindi ka maingat, ay paulit-ulit kang maiisahan, at malalamangan. Hindi ba’t ito ang paalaala ni Amos noong isang linggo? – ang mga takalang may daya, mga timbangan na may dagdag na tingga, at mga sanga-sangang dila ng mga namumuno?

Matindi ang paghamon … malinaw ang larangan ng pakikidigma. Halos manlupaypay tayo sa harap ng susun-susong mga suliraning pasanin natin. Tama si Pablo. Sa araw na ito, sa harap ng kawalan ng pagkakapantay-pantay na binabanggit ni Amos, sa harap rin ng langit at tubig na pagkakaiba ng mayaman at mga katulad ni Lazaro, mungkahi at paalaala niya sa atin ay ito: “Sikapin mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan.”

Ang pinakamahalagang kataga ay “sikapin.” Alam niyang mahirap ang laban. Alam niyang hindi madali at puno ng balakid. Alam rin natin ito. Halos sumuko na tayo sa kahihiyan sa buong mundo, lalu na at nililibak ng buong mundo ang Pinoy at tampulan ng lahat ng uri ng siste sa mga sine at palabas sa mayayamang bansa. Masahol pa kay Lazaro kung minsan ang tingin sa atin ng mga banyaga. Parang saanman tayo mapunta ay tungkulin natin na patunayang hindi tayo isang bayan ng mga mapagsamantala, at isang lahing busabos at walang alam.

Mahirap lunukin ang mapait na medisinang ito. Angkop na angkop ang paalaala sa atin ni Pablo: “Gawin mo ang buo mong makakaya sa pakikibaka alang-alang sa pananampalataya at kakamtan mo ang buhay na walang hanggan.”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: