frchito

Archive for Disyembre 25th, 2010|Daily archive page

YAMAN SA KINABUKASAN!

In Pagsilang ng Panginoon, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 25, 2010 at 15:21

Banal na Pamilya(A)
Disyembre 26, 2010

Mga Pagbasa: Si 3:2-6.12-14 / Col 3:12-21 / Mt 2:13-15.19-23

Isa sa mga itinuturing kong milagro ng kalinangang Pinoy ay ito … Kahit papaano, nakararaos ang pamilyang Pinoy. Patung-patong at susun-suson man ang suliranin ng pamilyang pinoy, walang namamatay sa gutom … walang tumitirik ang mata sa kawalan ng ipagtatawid-gutom … maski na papaano ay nakatatawid sa kabilang pampang, nakapagpapaaral, nakapagtatapos, nakapaghahanap ng ikabubuhay … nakapag –aagguanta, nakapagtitiis, at maski na galing sa lugar na hindi mo iisiping makapagtatagumpay, ay humahantong kahit papaano sa tagumpay!

Sa aking mahaba-haba nang mga taon ng paglilingkod bilang pari, ito ang malinaw na liksiyon na hindi ko maaaring ipagkibit-balikat na lamang.

Subali’t ito ay isa lamang mukha ng isang katotohanang may kabilang pisngi, kumbaga. Ang kabila nito ay masasabi nating mga paghamon … mga kalagayang yumuyurak sa pusod ng pamilya, kumbaga. Ayon kay Matthew Kelly, isang batang-batang manunulat na Katoliko mula Australia, tatlong bagay ang naghahadlang sa mga kabataan upang pahalagahan ang simbahan at ang kanilang pananampalataya: indibidwalismo, hedonismo, at minimalismo.

Ang indibidwalismo ay ang pagiging makasarili, ang kalakaran ng isip na ang lahat ay dapat umiikot sa sariling kapakanan, sa sariling kabutihan lamang.

Ang hedonismo ay ang kalakarang nagsusulong ng luho at pita ng laman bilang pinakamahalaga sa lahat.

At ang minimalismo ay ang kaisipang ang dapat lamang gawin ay ang pinaka-maliit, pinaka minimal, yung hindi kinakailangan ng sobrang pagpupunyagi. Samakatuwid, kahit ano, puede na.

Sa harap ng kalakarang ito, wala nang kailangang dagdag na hirap. Wala nang halaga ang pagiging bayani. Walang saysay ang magpakadakila at gumawa nang higit pa sa iyong tungkulin. Gawin lamang ang pinakamaliit at pinakaminimum. Hindi na dapat gumawa pa nang higit sa rito.

Nakikita ko ito araw-araw sa mga estudyante. Ayaw nila ng nahihirapan. Ayaw nila ang nagsusulat nang mahabang mga report. Hingan mo ng isang pangungusap, at isang pariralang hindi kompleto ang ibibigay sa iyo. Hingan mo ng dalawang pahina, at kalahating papel ang isusulit sa iyo. Hingan mo ng parirala, at isang kataga ang isasagot sa iyo.

Ang indibidwalismo naman ay talagang mas matindi … Hindi na sumasabay sa pagkain ang mga kabataan. At lalung hindi na sumasabay sa pagdalo sa Misa ang mga talubata. Hindi na sila sumasabay sa magulang sa maraming bagay. Maging sa bahay, kanya-kanyang painit ng pagkain sa microwave. Kanya-kanyang simba. Kanya-kanyang luto at laba. At halos walang paki-alaman. Ang mga sagot sa tanong ng magulang malimit ay “wala lang.” “Dyan lang.”

Sa harap ng mga paghamong ito, ang pamilya ay nagkakawatak, nawawala ang kaisahan at humihina ang pundasyon ng pagniniig.

Ito ang dahilan kung bakit matapos ang Pasko, sa loob ng tinatawag nating Oktaba, o walong araw, ay ipinagdiriwang natin ang Banal na Pamilya. Maraming puedeng sabihin tungkol dito, nguni’t sa aking palagay sa araw na ito, sapat na ang kabatirang pahatid ni Sirac sa atin. “Ang gumagalang sa ama ay umiiwas sa sala,” aniya. “At ang gumagalang sa ina ay nagtitipon ng yaman para sa kinabukasan.”

Tama si Papa Juan Pablo II. Ang daan ng kinabukasan ay ang daan ng pamilya. Kapag ang pamilya ay buo at malusog, ay malusog rin ang lipunan. Kapag ang pamilya ay watak, ay malamang na watak rin ang lipunan.

Nakikita ko ito araw-araw sa aking trabaho bilang Principal ng isang eskuela. Matindi ang problemang hinaharap ng mga pamilyang watak, at walang kaisahan. Kung hati ang pamilya, hati rin at hinahatak sa dalawang panig ang puso at damdamin ng bata. Tuliro sapagka’t hindi pa nila kayang mamili at magpasya laban o para sa isa sa kanilang mga magulang. Hirap ang gumalang, lalu na kung pangita na ang katotohanang ang isa sa dalawa ay malinaw na may malaking kamalian, o ang dalawa ay parehong may malaking pagkukulang.

Dasal natin at hiling na sana’y sa pamamagitan ng Banal na Pamilya, ang mga pamilyang ngayon ay naririto at sama-sama, ay manatiling tunay na buo, ganap, at ang bawa’t miembro ay gumagawa upang makapag-ipon ng yaman sa kinabukasan!

Advertisement