Ika-6 na Araw ng Simbang Gabi (A)
Disyembre 21, 2010
Mga Pagbasa: Awit ng mga Awit 2:8-14 / Lucas 1:39-45
Bagama’t panay ang ulan sa atin, ngayong papalapit ang Pasko, na dati-rati ay hindi nangyayari, laman ng unang pagbasa ang mga larawan ng magandang pag-asa. Sa matulaing panulat ni Solomon, sa Awit ng mga Awit, isang larawan ng pag-asa ang namumulaklak sa mga labi ng manunulat …
Iisa ang pakay ng pagbasang ito, ang pukawin ang natutulog nating pag-asa na may darating na tiyak na kaligtasan … ang kabatirang ang Mesiyas ay tiyak na darating upang tuparin ang mga pangakong nilalaman ng mga pangaral ng mga propeta.
Sa panahon natin, kailangan natin ang patuloy na paalaala. Madali tayong lumimot, kay bilis manghinawa, at magsawa sa paggawa ng mabuti. Madali tayong lipasan ng pag-asa, at mabilis tayong panawan ng kakayahang magtiis.
“Hanggang kailan, Panginoon” ang malimit nating tanong sa gitna na sari-saring paghamon sa buhay. Pagtangis at pagtatanong ang malimit na laman ng puso at kaisipan natin. May pag-asa pa kaya si Lauro Vizconde na malaman ang tunay na salarin na walang awang pumatay sa kanyang asawa at dalawang anak? May mahihintay pa kayang mabilis na kalutasan ang walang pakundangan at walang-awa ring pagpatay sa 57 katao sa Maguindanao? May magbabayad pa kaya sa mga bilyon-bilyong ninakaw sa taong bayan sa dinami-dami ng mga katiwaliang naganap sa mga nagdaang administrasyon?
Unos, ulan, baha, at lahat ng uri ng pagkawasak ang nakikita natin sa kapaligiran. Mayroong mga isla na alam ng mga paham na maglalaho sa mapa, di maglalaon, tulad ng Marshall Islands sa Pacifico. Alam natin na sa walang ampat na pagtaas ng temperatura sa buong mundo, ay hinahagupit ng mga unos at bagyo at kalalabisan sa klima ang maraming bahagi ng planeta. At hindi pa natin pinag-uusapan ang mga panukalang batas na walang paggalang sa inosenteng buhay ng mga hindi pa isinisilang!
Ito ang dahilan kung bakit paborito kong panahon sa taon ng pagsamba ang Adviento o Pagdating. Tigib na tigib ng pag-asa at pag-aasam sa lahat ng urin ng napipintong kabutihan ang dulot sa atin. At lalung lalo na sa simbang gabi …
Sa araw na ito, pinupukaw muli ng pagbasa ang katiyakan na dapat ay laman ng puso at damdamin ng bawa’t kristiyano … huhupa ang unos … matatapos ang ulan … at tayo ay makakaranas ng masugid na pagsuyo ng Diyos na lubhang nagmamahal sa atin.
Sinuyo ng Diyos si Maria … Huwag kang matakot Maria …. Iyan ang mensahe ng anghel … Sinuyo ng Diyos rin si Jose … Huwag kang matakot, Jose, na tanggapin siya bilang iyong esposa … Alam natin ang nangyari … Isinama ni Jose si Maria sa kanyang tahanan. Sumagot ng “Oo” si Maria sa kanyang “fiat.” Naganap ang pangarap ng Diyos, sapagka’t nakipagtulungan si Maria at Jose!
Nais kong isipin na tayo ngayon ay sinusuyo rin ng Diyos. Sinuyo Niya tayo upang gumising ng maaga sa loob ng siyam na araw. Sinusuyo pa rin niya tayo upang tumugon sa abot ng ating makakaya sa kanyang paanyaya. Sinusuyo Niya tayo upang maging tagapaghatid ng kanyang magandang balita ng kaligtasan. Sinusuyo Niya tayo upang hadlangan ang anumang masamang balak ng mga taong tampalasan at hindi maka-Diyos.
Sinusuyo Niya tayo tulad ng pagsuyo na binabanggit sa matulaing awit ng mga awit ni Solomon.
Ang tanong kung gayon ay ito … Handa ba tayong sumagot sa kanyang pagsuyo? May pitak ba sa puso natin ang Diyos na patuloy na nagsusuyo at nagsusumamo upang tayo ay mabilang sa kanyang angkan?
Tayo ba ay mga pasuyuin na tumatalima o mga pasaway na nag-aalma ang puso at kaisipan? Tayo ba ay mga magaang dalahin o mabigat na pasanin ng Diyos?
Sa Paskong ito, hindi si Santa Claus at ang kanyang pabor ang dapat nating hanapin. Ang siya natin dapat bigyang pansin ay ang pagsuyo ng Diyos sa kanyang mahal na bayan… Pagsuyo hindi pagsaway … pagsunod, hindi pagtanod sa mga pansarili nating kagustuhan …. Pagtalima, hindi pagiging pakawala sa harap ng kagustuhan at kalooban ng Diyos!