Ika-3 Araw ng Simbang Gabi (A)
Disyembre 18, 2010
Mga Pagbasa: Jeremias 23:5-8 / Mt 1:18-25
Pangongopya sa test … mali! Pangongopya sa paggawa ng term paper? … palpak! Paggawa ng “cut and paste” sa anumang report sa klase? … mali pa rin! Pangongopya ng mga magistrado sa Korte Suprema sa mga desisyong sinulat ng magistrado at hukom mula sa ibang bansa? Palpak at palso pa rin … kahit na mayroon silang palusot.
Ang mali ay mali, at ang tama ay tama. Iyan ang sinabi mismo ni Corona kamakailan, tungkol sa Truth Commission, na idineklara bilang labag sa konstitusyon.
Pagiging responsable bilang magulang at pagpaplano ng pamilya? Tama! Karapatan ng bawa’t tao ang maging responsable sa kanilang sarili, magpasya, at magpalakad ng sariling buhay ayon sa batas ng Diyos! Pagkitil ng inosenteng buhay mula sa sinapupunan? … Mali!
Ang mali ay mali, at ang tama ay tama!
Noong 2005, sa sermon ni Cardinal Ratzinger bago magsimula ang conclave, binatikos niya ang diktadurya ng relativismo – ang paghahari ng kawalang objetivong tuntunin na dapat sundin.
Ito ang nagaganap sa lipunan natin ngayon … Kanya-kanyang batayan, kanya-kanyang paglalapat ng kung ano ang tama, at ano ang mali, na wari baga’y ang tama at mali ay depende sa dami ng bumoboto at sang-ayon.
Noong panahong nagpapagal pa ako sa aking doktorato, isang malinaw na babala ang dumating sa amin … dalawang doctoral graduates mula sa pangunahing pamantasan sa Pilipinas ang binawian ng kanilang diploma at titulo. Ang dahilan? Simple lamang … nakita nilang nangopya pala ang dalawa, plagiarismo kung tawagin, o “page lifting!”
Ang tama ay tama, at ang mali ay mali!
Sa mga makataong gawain, tulad ng pagsusulat ng mga report o siyentipikong mga papel, may batas, may alituntunin, may panuntunan – ayon sa convention, o napagtibayan ng mga dalubhasa sa buong mundo. Mayroon autoridad na nagsasabing puede ito, ay hindi maaari iyon. May tama at mali, may batas sa pagbibigay pugay sa pinagmulan ng datos, o unang naka diskubre ng anumang mahalagang katotohanan.
Ang tama ay tama, at ang mali ay mali.
Sa batas moral, na may kinalaman sa atin na mga nilalang ng Diyos, may tama at may mali. Subali’t kakaiba sa batas ng convention o napagtibayan ng mga tao, ang katotohanang moral ay hindi galing sa boto ng mga tao. Galing ito sa kalooban ng Maylikha, hindi ng nilikha o nilalang. At ang batas na ito ay kaakibat ng kalikasang galing sa lumikha, ang tinatawag natin sa kastila na naturaleza, o angking kalikasang makatao.
Magulo ang mundo natin. At isa sa dahilan kung bakit magulo ay sapagka’t nalimutan na ng tao na hindi siya ang hukom, ang abogado, at ang magistrado sa lahat ng bagay. Kailangan natin umasa sa aral na dulot ng ating kalikasang makatao na nilalang ayon sa larawan at wangis ng Diyos.
May isang sine na lalabas di maglalaon – isang sineng ang pakay ay pasayahin ang balana, na ang pamagat ay “Fr. Jejemon.” Idol ko si Dolphy sa larangan ng pagpapatawa. Wala akong anumang galit o pagdududa sa kanyang kakayahang magpasaya ng tao. Pero ang tama ay tama, at ang mali ay mali.
Kapag nililibak ang Koran, o si Mohamed, umaalsa ang mga kapatid nating Muslim. Tama lang na umalsa sila. Nguni’t kapag nililibak si Kristo, at ang mga banal na bagay natin bilang Kristiyano, may umaalsa ba? May tumatayo ba at nagwawala dahil sa nilibak ang Eukaristiya at binastos ang Simbahang Katolika? Bakit kapag belo ang pinag-uusapan ay mayroong “human rights” issue, nguni’t kung pinagbawal ang krusipiho ay ito ay isang “civil liberties issue?” Bakit walang nag-aalma kung ang krusipiho ay pinatatanggal sa mga silid-aralan at paaralan?
Ang tama ay tama at ang mali ay mali … para sa lahat … para kay Pedro at kay Pablo; para kay Sara at kay Gloria, para kay Mang Andoy at kay Penoy!
Lilibakin ng sineng “Fr. Jejemon” ang Eukaristiya … gagawing sangkalan para sa kasiyahang mababaw. May umaalma ba sa atin? Parang wala … Sa panahon natin, parang kaya na natin lahat baguhin ang batas, at gawing tama ang mali, at gawing mali ang tama … diktadurya ng relativismo!
Paano nangyayari ito? Hindi ito dahil kay Dolphy, o kaninuman … Dahil ito sa ating lahat na nagsasa-isang-tabi na lamang at nagkikibit-balikat na lamang. Tahimik … walang kibo … walang salita … at walang pakialam.
Pangarap at hula ni Jeremias ang pinanghahawakan natin ngayon. Nguni’t kailangan ni Jeremias ng kaunting tulong. Kailangan ng Diyos ng tulong natin upang ang kanyang pangarap para sa atin ay maganap at magkatotoo … “Siya ay maghahari nang buong kagalingan, at gagawa ng wasto at makatarungan!”