frchito

KAHINAAN, KAHINAHUNAN, KAPAYAPAAN, KALIGTASAN!

In Pagsilang ng Panginoon, Tagalog Homily, Taon A on Enero 5, 2011 at 08:51

Pagbibinyag sa Panginoon (A)
Enero 9, 2011

Mga Pagbasa: Is 40:1-5, 9-11 / Gawa 10:34-38 / Lucas 3:15-16, 21-22

Noong isang Linggo, pangarap ang nagbunsod sa mga mago upang maghanap sa bagong silang na maghahawak ng natatanging misyon mula sa itaas. Ang kanilang paghahanap ay naging batayan ng paghaharap ng Diyos sa kanyang bugtong na Anak, na kung tawagin natin sa tradisyong kristiyano, ay epipaniya.

Sa paghaharap ng Diyos sa kanyang Anak, nabunyag ang kanyang pagka-Diyos … nakilala siya bilang isang Diyos na, sa mga kataga ni Juan, ay “nakipamayan sa atin.” Subali’t kung ang Pasko ay puno ng lahat ng mataginting, matunog, at makulay, tulad ng sari-saring ilaw na nagbigay-liwanag sa maraming lugar sa buong daigdig, ang Epipaniya ng Panginoon ay naghatid at patuloy na naghahatid sa atin sa isang ganap at buong pag-unawa kung sino ang Diyos, at kung ano siya para sa atin.

Ito ang kabuuan ng kanyang pagharap na ngayon ay ating pinagtutuunan ng pansin.

Ano ba ang napapaloob sa ganap na pagkakilalang ito sa Mananakop? Ito ba ay binibigyang-kaganapan lamang ng kumukutitap na mga ilawan? Ito ba ay nabibigyang-kabuuan lamang ng imahen ng sabsaban, kasama ng mga hayop, at katabi ng mga pastol na madudungis at mababaho? Ito ba ay may kinalaman lamang sa mga anghel na nag-aawitan ng Gloria in excelsis Deo?

Ganap na pagkilala sa kung sino ang Mananakop ang sinisimulan ng kapistahan natin sa araw na ito – ang pagbibinyag sa Panginoon.

Una sa lahat … tunghayan natin ang sinasabi ni Propeta Isaias. Siya ang parehong propeta na nangako tungkol sa ilaw na daratal, upang pawiin ang kadiliman ng kasalanan. Siya rin ang nagsulat tungkol sa prinsipe ng kapayapaan na magpapabago sa kalakaran ng buong daigdig: mga leon at tigre na manginginain kasama ng mga bisiro na larawan ng ganap na kapayapaan na darating!

Ano ba ang sinasaad sa unang pagbasa? Wala na ang mga matulain at mataginting na mga pangitain … wala na ang liwanag na kumukutitap sa dilim. Mas derecho at tahasan na ang binabanggit ni Isaias – isang LINGKOD na maghahatid ng kapayapaan … LINGKOD, na di maglalaon ay magiging Lingkod ni Yahweh na magdadaan sa iba-t ibang uri ng kahirapan at mag-aalay ng sakripisyo.

Teka …. Mukhang nawawala na ang diwa ng Pasko! Di ba’t ang pasko ay may kinalaman sa lahat ng nakagagaan ng puso, ng lahat ng mataginting, makintab, at kaaya-aya?

Ito ang malaking pagkakamali ng marami … ang mapako sa iisang diwa ng Pasko, ang manatili sa saloobin ng Pasko na panay ang kain, panay ang party, at pulos pagsasaya, na walang kaakibat na pananagutan!

Ang pagpapakilala ng Diyos sa kanyang bayan ay dapat maging ganap. Ang Diyos ay tagapagligtas at ang kanyang kaligtasan ay hindi kailanman nagtanggal o nag-alis ng makataong pananagutan! Ang Diyos ay hindi lamang pampasko, pang-piyesta, o pang-kasiyahan lamang! Ang Diyos ay naparito at ang kanyang pagparito ay may kaakibat na pananagutan, may kasamang pagsusulit at makataong pakikipagtulungan!

Paano nakipagtulungan ang bagong silang na Mesiyas ayon kay Isaias? Ang pagiging ganap na lingkod ni Yahweh, ang pagiging mahinahon at banayad … ang pagiging kabaligtaran ng inaasahan ng madla – isang inaakala nilang matipuno at matapang na sundalo o mandidigma na lilipol sa lahat ng kalaban ng Diyos.

Ang Mesiyas na dumatal ay tagapagligtas, tumpak … at ang una niyang iniligtas ay ang maling paniniwalang siya ay isang mandirigmang gagawa ng karahasan upang ang pangarap ng Diyos ay maganap.

Tayong lahat ay napaka mainipin. Gusto natin na ang lahat ay parang instant noodles o instant coffee. Gusto natin lagi ay fastfood, mabilisan, tahasan, walang sinasanto, at walang iginagalang. Gusto natin mawala sa ibabaw ng lupa ang lahat ng kasamaan, kasakiman, katakawan, at kasalanan – sa isang iglap. Gusto natin ang Mesiyas na walang ka-kiyeme-kiyemeng gagawa ng nararapat – ang lipulin ang lahat ng kasamaan sa mundo.

Ayaw natin ng mahabang daan ng pagtitiis, at mahinahong paggawa, at matagalang panghihintay!

Dito nagsimula ang Mesiyas – ang magpasa-ilalim kay Juan Bautista, ang magpabinyag sa kanyang mga kamay, ang magpamalas ng kahinaaan at kahinahunan.

Mahirap tanggapin ito ng taong marahas at mapusok. Tulad natin … gusto natin ang milagrosong mga pagbabago sa lipunan, pero tingnan natin kung sino ang gumagawa ng problema … hindi ba’t tayong lahat ang dahilan ng pagkakabuhol-buhol ng trapiko sa buong kapuluan? Hindi ba’t tayo ang tumatakas sa mga batas, at kanya-kanyang tigil dito, tigil duon, tigil kahit saan? Hindi ba’t tayo ang umaasang makalulusot tuwina sa gusot, kahit na tahasang mali ang ginagawa natin? Hindi ba’t tayo ang nagpapabayad sa mga politika, at nagpapaloko tuwina sa eleksyon, at naniniwala sa kanilang panloloko sa pamamagitan ng mass media? Hindi ba’t tayo ang madaling matangay ng mga bulaan sa TV at saan man, na madaling makuha ng mga kababawan ng mga taong diumano ay nagmamalasakit sa mahihirap, nguni’t sa katotohanan ay nagsasamantala sa kanilang kamangmangan at kahirapan?

Nakipamayan nang lubos sa atin ang Mesiyas. At ito ay pinatunayan niya … naging isa siyang lingkod – lingkod ni Yahweh, na nagpamalas ng kanyang gawang pagliligtas sa pamamagitan ng pagyakap sa kahinaan at kahinahunan, hindi sa karahasan.

Kapatid, hindi araw-araw ay pasko… at lalung hindi araw-araw ay puno ng kumukutitap at mataginting na ilaw ang buhay natin. Hindi araw-araw ay may hamon at keso de bola, ubas at mansanas, at bagong iPod o aPad!

Magpakatotoo na tayo. Maging ang Mesiyas ay dumatal sa isang mundong hindi perpekto, hindi ganap, hindi nababalot ng lahat ng uri ng kagandahan tuwina. Dumating siya sa isang mundong dapat iligtas, dapat sagipin, at ang kaligtasang dulot niya ay nakuha niya sa kahinaan, kahinahunan, at kapayapaan!

Ito ang nagdulot ng kaligtasan! Ito ang kwento ng lingkod ni Yahweh na iniharap, itinanghal, at itinaas ng Diyos!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: