frchito

Archive for Enero 1st, 2011|Daily archive page

ARAP… HANAP … HARAP!

In Epipaniya, Homily in Tagalog, Pagsilang ng Panginoon, Propeta Isaias, Taon A on Enero 1, 2011 at 22:49

Dakilang Kapistahan ng Epipaniya(A)
Enero 2, 2011

Mga Pagbasa: Is 60:1-6 / Efeso 3:2,-3a, 5-6 / Mt 2:1-12


Araw ngayon ng pagharap ng Diyos sa sangkatauhan, sa pamamagitan ng Kanyang bugtong na Anak , na si Jesus. Araw ng pagpapakilala, pagpapahayag, pag-aalis, kumbaga, ng belo na nakatalukbong sa pagkatao ni Jesus, na isinilang sa Belen.

Ang pagharap na ito ay hinabi ng isang pangarap … pangarap na binabanggit ni Isaias: “Bumangon,” aniya, “at magliwanag! Nililiwanagan ka ng kaningningan ng Panginoon.” Ang pangarap na ito ang siyang hinintay, pinaghandaan, at inasam ng maraming salinlahi.

Ito ang arap na naganap sa araw ng Pasko, arap na patuloy na nagaganap sa panahon natin, tulad ng ito ay naganap sa pagpapakilala ng Diyos na kung tawagin natin ay Epipaniya.

Ang lahat ay nagsisimula sa pangarap. Tanda ko pa ang kwento ng mga magulang ko noon. Galing sa probinsiya, nangarap sila para sa aming lahat … nangarap na kaming lahat ay papag-aralin at bigyan ng magandang kinabukasan. Hindi ko na dapat sabihin pa … na ang pangarap ay kahit papaano ay naganap.

Ang lahat ay nagsisimula sa pangarap … Hindi kaila na marami sa mga nagtagumpay na tao ay mayroong pinagdaanang matatayog na pangarap. Walang bahay na nagawa kung hindi nagdaan sa pagguhit o pagpaplano. Walang gusali ang maaring maitayo kung walang blueprint, kung walang iginuhit na detalyadong plano.

Bagama’t kaya ng Diyos ang magbigay ng kaligtasan sa sangkatauhan, ninais Niya na ang tao ay makipagtulungan. Hinirang niya si Maria … Inatangan ng misyon … Kinasihan ng biyaya at naging Ina ng Diyos, tulad ng sinabi natin kahapon. Ang kaligtasan ay naganap sa pakikipagtulungan ng tao.

Ang arap ng Diyos ay naganap sa pagsilang ng Mesiyas. Nguni’t sa araw na ito, ang pagharap ng Diyos sa sanlibutan at sa sangkatauhan ay hindi naganap kung walang mga magong naghanap, at nagbasa ng mga tanda galing sa tala.

Ang arap nila ay natupad nang sila ay lumikas, at naglakbay, patungo kung saan sumilay ang tala. Walang pangarap na naganap, kung walang taong nagpagal at nagsikap!

Ang sayaw na “tango” ay hindi kailanman puedeng gawin ng iisang tao. Dapat ay laging dalawa, babae’t lalake. Kung walang pagtutulungan ay walang kaganapan. Ito marahil ang isa sa maraming aral ng araw ng pagharap ng Diyos sa kanyang sariling bayan. Nagsimula sa pangarap … Naganap dahil may naghanap at naghangad makipagtulungan sa Diyos. Naganap ang pagharap ng Diyos sa tao sapagka’t may magong naghanap.

Mas kilala na ngayon ng marami ang mga artistant Koreano kaysa sa Panginoon. Mas alam nila ang kwento tungkol kay Noah, kaysa sa kwento tungkol kay Jesus. Higit na alam ng mga bata ang salaysay tungkol kay Harry Potter, kaysa sa mga sinasaad sa ebanghelyo.

Nagpakilala ang Diyos, humarap na ang Diyos sa tao, ngunit nananatili siyang tago sa kaalaman ng marami. Siya kaya ay hanap pa rin ng mga taong nagpapakasasa na sa lahat ng uri ng kabatirang hindi na kailangan ang Diyos?

Sa isang mundong ang lahat ay madaling makita at malaman dahil sa internet, may saysay pa kaya ang ginawa ng mga mago na lumikas, upang maghanap sa Mananakop?

Ang kapistahan ngayong araw na ito ay isang paala-ala sa lahat.

Ang lahat ay nagsisimula sa pangarap. Nguni’t gaano man katayog ang pangarap at walang naghahanap, ay walang anumang magaganap. Sa araw ng pagharap ng Diyos sa bayan, tingnan natin ang ating hinaharap. At ang hinaharap ay napapaloob sa pangarap mismong binitiwan ni Isaias para sa atin: “Bumangon at magliwanag, sapagka’t nililiwanagan ka na ng Panginoon!”

TANGING INA, HINDI ITO ANG “LAST”

In Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon A on Enero 1, 2011 at 00:02

KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS
Enero 1, 2011

Hindi ko napanood pa ang “Tanging Ina, Last na Ito.” Pati nga yung una, at ang mga sumunod, hindi ko rin nakita. Pero sa mga narinig ko ay isang malaking tagumpay ang sineng ito, at ang huling ito ay hindi kakaiba.

Kapag ang pinag-uusapan ay ang ina, bumebenta, tumatawag ng pansin, humihila ng mga tagapanood. Ang ina ay tampulan ng maraming atensyon sa drama, sa panitikan, sa larangan ng sining. Libo libong mga pintor ang nagpinta sa figura ng ina, at ang Inang Birheng Maria ay naging inspirasyon ng libo-libo ring mga pintor na tanyag at di tanyag.

Nguni’t hindi lamang mga pintor, manunulat, at mga nagsusulong ng sining ang nabighani sa Mahal na Birhen. Pati ang simbahan, bilang pagtalima sa sinasaad ng Banal na Kasulatan, ay patuloy na nagsusulong ng debosyon sa figura ng Mahal na Birheng Maria, bilang Ina ng Diyos.

Ayon sa mga lumikha ng kwento at screenplay ng “Tanging Ina,” ito na ang pinakahuli. Hindi na sila muli gagawa ng kasunod pa nito. Naubos na kumbaga ang kanilang mga hinahabing mga kwento tungkol dito.

Mahigit nang dalawang libong taon na ang kwentong ito tungkol sa isang tanging babaeng hinirang, at pinutungan ng natatangin ring tungkulin at misyon ay ipinagdiriwang at patuloy na inilalahad.

Sa bagong taong ito, 2011, hindi ito ang “last.” Nagpapatuloy ito. Patuloy na naghahabi ng isang salaysay na may kinalaman sa ating lahat.

Isang librong hindi ko makalimutan magpahangga ngayon ay pinamagatang “The Man who Got Even with God.” Kwento ito tungkol sa isang monghe na nagdaan sa sari-saring pagsubok hanggang sa makaganti siya, kumbaga, sa Diyos. Isa sa mga linyang hindi ko malimot ay ito: ang bata sa ating lahat ay naghahanap ng isang ina. Ang lalaki sa ating lahat ay naghahanap ng isang babae, at ang conde sa ating lahat ay naghahanap ng isang condesa. Lahat tayo, bata, matanda, lalaki, babae, mayaman, mahirap, malakas, mahina, ay nangangailangan ng isang ina.

Tanging ina ang siyang ipinagdiriwang natin ngayon. Natatangi siya, una sa lahat, sapagkat hindi siya napadala sa agos ng kultura. Hindi niya kinitil ang kanyang anak, bagama’t hindi niya lubos na maunawaan kung ano ang nangyayari sa kanya. Hindi niya iwinaksi ang batang nabubuo sa sinapupunan dahil lamang na hindi niya lubos na maarok ang milagrong nagaganap sa kanyang pagkatao.

Siya ay tanging ina sapagkat tumalima, sumunod, nakibagay, nakipagtulungan, at nakisama sa balak at kalooban ng Diyos. Sa panahong ito kung kailan saksakan ng dami ng mga pasaway sa bayan natin, kung saan kay raming mga katiwalian, at kawalang pagsunod sa batas, kailangan natin ng modelo ng tanging inang na si Maria.

Nagulumihanan? Sumunod pa rin siya. Natakot? Tumalima pa rin siya. Nangamba? Sumagot pa rin siya ng “Oo” sa Diyos.

Ito ang kwento ng ating Ina, ng Ina ni Kristo, Diyos at tao. Ang pistang ito ay hindi tungkol sa kanya, kundi tungkol, una sa lahat, kay Kristo ng kanyang Anak. Kung si Kristo ay Diyos, ang nagluwal sa kanya ay Ina ng Diyos. Ito ang kwentong inilalahad at ipinagdiriwang pa rin natin ngayon.

Tanging Ina natin si Maria, sapagka’t kapatid natin si Kristong kanyang anak. At ang kwentong ito ay hindi ang last. Patuloy itong nagaganap, patuloy na pinagyayaman, at patuloy nating ipinagdiriwang. Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!