frchito

MAPALAD!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Enero 28, 2011 at 22:15

Ika-4 na Linggo ng Taon (A)
Enero 30, 2011

Patuloy na sumasagi sa isipan ko ang mga sunud-sunod na nagaganap sa lipunan natin habang binabasa ko ang unang pagbasa. Para itong isang paalaala; para rin itong isang babala. Higit sa lahat, ito ay pahiwatig sa akin na tila isa nang pagsuko sa kalakaran ang pahatid ni Sofonias. Isa aniyang, maliit na grupo, ang mananatili, isang maliit na pangkat ng mga matuwid at mabababang-loob na tatawag sa Panginoon, at sila diumano ay pakikinggan ng Diyos.

Matagal-tagal na rin tayong nagtitiis at tumatawag sa Panginoon. Matagal na rin natin marahil napagtanto na paunti nang paunti ang mga tila sumusunod sa daang matuwid. Nais kong isipin na tayong lahat na ngayon ay nasa Simbahan (o nagbabasa nito) ang mga nagsisikap manatiling kabilang sa maliit na pangkat na ito na nagsisikap manatiling tapat. Sa bilang na bilang na lamang ng mga nagsisimba tuwing Linggo, maliit na pangkat na talaga ang natitira. Hindi humihigit sa 20 bahagdan ang nagsisimba tuwing Linggo.

Nguni’t sa dami ng mga balita tungkol sa katiwalian; sa tila lumalawak na usapin tungkol sa mga heneral na kasama pala sa pandarambong at pagtatakas ng pera sa ibang bansa; sa patuloy na kabatiran natin na niloloko lamang pala talaga ang taong bayan, mahirap tanggapin na ang karamihan, ang kalakaran ng lipunan ay tila ang pagkikibit-balikat na lamang at kawalang pansin sa lahat ng ito.

Pati na yata ang maliit na pangkat na binabanggit ni Sofonias ay naglalaho na rin!

Nguni’t kayo ay narito ngayon sa harapan ng Diyos sapagka’t nagsisikap tayong manatili sa pangkat na ito. Tingnan natin kung ano ngayon ang pahatid sa atin ng Diyos.

Una, si Sofonias na rin ang nagsabi. Ang natira sa Israel, aniya, ay hindi na gagawa ng kasamaan… Ito ang pangunahin nating tungkulin … umiwas sa kasamaan. Bagamat tila ang lahat ay nasadlak na sa kultura ng kadiliman, ang natira sa Israel ay inaasahan pa ring magpakatatag at manatiling tapat.

Nguni’t may dagdag na paalaala si Pablo … Iniaangat niya ang mga maliliit, ang mga payak, ang mga mahihirap at mabababa. Sa madaling salita, ang kanyang pangaral ay naglalaman ng isang natatanging pagtingin ang Diyos sa mga mabababa at tapat. “Pinili niya ang mga itinuturing na hamak, walang halaga, at walang kabuluhan sa sanlibutang ito upang pawalang halaga ang mga itinuturing na dakila ng sanlibutan.”

Nguni’t ang ibig sabihin ba kaya nito ay mapapalad ang mga kawawa? Ibig sabihin kaya nito ay mapapalad ang mga sundalong ni walang sapin sa paa sa kagubatan, ni walang matinong pagkain samantalang ang mga heneral at namumuno sa kanila ay nakapagpapasasa sa limpak limpak na salaping naitatago nila sa America? Ang ibig sabihin ba nito ay ang mapalad ang mga hinahagupit ng lipunan at pinananatili sa kanilang matinding kahirapan?

Madali ang matangay ng ganitong kamalian. Madali ang mapadala sa ganitong takbo ng isipan. Madali ang sabihing ang kanilang misyon o kapalaran sa buhay ay ang magtiis, at patuloy na dumaan sa paghihirap na walang katapusan.

Subali’t hindi ito ang magandang balita na siya nating naririnig. Hindi itinatanghal ng Diyos ang kahirapan at pagdurusa na tila baga ito ay mas dakila kaysa sa pagpapasasa. Hindi sinasabi ng Diyos na ang Kristiyano ay dapat lamang magdusa at wala nang iba. Ang liksyon na turo sa atin ngayon ay ito … kahit paghihirap ay may kahulugan … kahit pagdurusa ay may katuturan … At ang katuturang ito ay hindi galing sa paghihirap mismo. Ang kahulugan nito ay nagmumula hindi sa kapaitan ng pagdurusa, kundi sa kung ano ang ibinubunga nito.
Sa haba ng panahon na ako ay pari, marami na akong nakitang paghihirap. Mayroong paghihirap na nagbubunga ng kabutihan. May paghihirap na naghahatid sa tao sa higit pang pagpupunyagi. May pagdurusang naghahatid ng kapaitan sa puso ng nahihirapan. Nguni’t sa maraming pagkakataong nakita ko ang matinding paghihirap na nagbunga ng higit pang tiwala at pag-ibig, at pagmamalasakit sa kapwa, at pananampalataya sa Diyos nang walang bahid ng paninisi, iisa ang salitang sumasagi sa aking isip … MAPALAD!

Ito ngayon ang turo ni Jesus na nagdaan sa matinding pagdurusa at pagkamatay sa krus. Hindi kapaitan ang ibinunga nito sa kanya, kundi kaligtasan. Mapalad! Mapalad ang mga aba, sapagkat, dahil sa sila ay aba, ay alam nilang tanging Diyos lamang ang kanilang kalasag. Mapalad, ani Jesus, ang mga nahahapis, hindi sapagkat ang paghapis ay isang kahalagahan, kundi sapagka’t ang nahahapis ay wala nang iba pang kagalakan liban ang Diyos.

Ito ang magandang balita. At ito ay hindi masyadong maunawaan ng marami ngayon, sapagka’t wala na sa kultura ng mundo ngayon ang pagtitiis, ang pagpupunyagi, ang paghihintay, at pagsisikap. Lahat halos ay may kasagutan. Ito ang paniniwala ng tao. Bawa’t problema ay may katapat na “budget” na tila baga lahat ng suliranin ay mapapawi ng salapi.

Aminado si Sofonias, na ang munting grupo na lamang ang matitira. Pero ang natira ay hindi sinukuban ng muhi, galit, at tampo at kawalang pagsisikap na gawing higit na maganda ang mundo. Ang natira ay mapalad sapagka’t sa kabila ng paghihirap, ay ginampanan nila ang hula ng Panginoon sa pamamagitan ni Sofonias: “Ang natira sa Israel ay hindi na gagawa ng kasamaan at hindi magsisinungaling ni mandaraya man. Unlad ang kanilang buhay at magiging panatag at wala silang katatakutan.”

Kasama ka ba sa mga “natirang” ito? Napadala ka ba sa galit, sama ng loob, o tampo? Malinaw ang turo ng Panginoon. Mapalad ang marunong magtiis at tumingin sa kahihinatnan ng lahat. Mapalad ang mga aba, na sa kabila ng kanilang kaabahan, ay nakakakilala sa Diyos at sa kanyang kapangyarihang baligtarin ang anyo ng buong santinakpan. Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo … Mapalad ang marunong makakita ng kahulugan sa likod ng lahat ng ito.

Ilang beses na rin sumagi sa buhay ko ang matinding suliranin at pagsubok. Ilang beses na rin akong natinag sa aking pag-asa, dahil sa kasamaan ng kapwa kong nagpahirap sa akin. Ilan na ring matinding pagsubok ang nagdaan sa buhay ko. Nguni’t ngayon, matapos malampasan ang lahat, tunay at walang bahid ng kasinungalingang masasabi ko sa inyo … mapalad pa rin ako dahil ang Diyos ko ay nasa panig ng mga mapagpakumbaba at gumagawa ng kaniyang kautusan. Wala nang hihigit pa sa kapalarang ito, liban sa dakilang kapalarang naghihintay sa atin lahat – ang buhay na walang hanggan.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: