Ika-4 na Linggo ng Pagkabuhay(A)
Mayo 15, 2011
Ayaw natin ng mga pailalim ang banat, kumbaga … mga taong may ibang motibo nguni’t hindi lumalantad … mga nilalang na may pailalim na layunin at pakay, nguni’t hindi nagpapakita agad ng tunay na kulay.
Ito ang mga mapagsamantala, ang mga gumagamit ng kamangmangan ng iba, o kawalang-malay, kawalang kaalaman at kabatiran sa mga bagay-bagay.
Ayaw natin ng mga patago … mga bantay-salakay, na naghihintay ng tamang kondisyon at hudyat, upang gawin ang kanilang maiitim na balak. Sa biglang-wari ay pawang kabutihan ang kanilang gusto at layunin, nguni’t sa bandang huli ay kapaitan ang hatid.
Isa sa mga gusto kong panoorin sa TV kung may oras ay ang “animal planet.” Kapag nagpapaantok ako at gumagawa ng tulog, dito ko inilalagay ang pihitan o remote ng TV. Nguni’t kung minsan, sa halip na antukin, ako ay naaaliw, at lalung hindi nakakatulog, lalu na kapag nakikita ko ang ilang hayop na mapagsamantala, pailalim, panakaw, at papuslit ang ugali at kilos.
Iyan ang dahilan kung bakit ayaw ko ng hyena … nang-aagaw at nagnanakaw lang sila ng mga hayop na nabitag at nalaso na ng iba, kagaya ng lion o lepardo. Iyan din kung bakit ayaw ko ng mga buwaya … matyagang nagmamanman, matiising naghihintay nang buong tahimik, hanggang may maligaw na kawawang hayop o nilalang, na kapagdaka’y kanilang lalapain at lulunurin, at pagkatapos ay sasakmalin nang pira-piraso.
Magaling na guro ang Panginoon. Sa kanyang kwento ngayon, humabi siya ng isang pangaral mula sa bagay na madaling maunawaan ng kanyang tagapakinig. Ginamit niya ang larawan ng isang pastol, at ang kanyang pagmamalasakit sa kanyang kawan. Ang kanyang pagmamalasakit ay nakatuon sa mga mapagsamantala, mga pailalim ang banat, at mga mapanlinlang. Nakapako ang kanyang atensyon sa mga maninila na hindi dumadaan sa tamang pintuan, mga nagkukubli sa likod ng pagkukunwari, at naghihintay ng pagkakataon upang makapuslit paloob sa kulungan ng kawan, nang hindi dadaan sa tamang pintuan!
Marami tayong gusto sa buhay. Gusto nating lahat yumaman at guminhawa ang buhay. Gusto natin na ang bayan natin ay makihanay sa mga bansang mayayaman at ganap … mga bansang walang mahirap, walang iskwater, at walang namamatay sa gutom. Gusto natin ng maluluwang na kalye, magagarang bahay, at magagandang pangitain sa lansangan. Gusto natin na malinis ang mga ciudad, mga liwasang bayang hindi nabubuntunan ng basurang nabubulok at nangangamoy.
Nguni’t alam ng lahat na bagama’t walang masama sa mga layunin at kagustuhang ito, may higit tayong pinapanagimpan … may higit tayong inaasam at hinihintay … may higit na mahalaga tayong hinahanap at pinagsisikapang marating. At alam nating lahat na ang mga bagay o kalalagayang itong higit nating hinahanap ay hindi lamang material … hindi lamang nabibilang, nasusukat, at natitimbang, dahil sa ang mga ito ay mga pagpapahalagang espiritwal, na may kinalaman sa buhay na walang hanggan.
Kung gusto natin ang mga nabanggit ko, ay iyon lamang, mayroong short cut para sa mga ito … mayroong pinakamadaling daang puedeng tahakin. Ito ang dahilan kung bakit, kay raming ang maling akala nila ay ang pagbabawas ng tao sa mundo ang pinakamagandang paraan upang makamit ito. Sa isinusulong na panukalang batas, madaling mararating, ayon sa kanilang kalkulasyon, ang minimithing material na kalagayan. Sino nga ba ang hindi gustong dumami ang liwasan, at kumonti ang mga barung-barong sa mga lupa ng may lupa? Sino nga ba ang hindi magkakagustong mabawasan ang mga sakit at problema ng lipunan? Sino nga ba ang ayaw malutas ng kahirapan?
Gusto natin lahat ito … Nguni’t hindi tayo nagkakasundo sa pamamaraang ginagamit natin. Gusto ng ilan ang short-cut. Gusto ng ilan ang dumaan, hindi sa pintuan, kundi sa bintana. Gusto ng ilan na makamit ito pero sa pamamagitan ng pagiisang-tabi sa kagustuhan ng Diyos, at pagsasantabi rin ng mga pagpapahalagang siyang garantiya ng dignidad ng tao, at hindi lalapastangan sa karangalang ito ng tao.
Ito ang dahilan kung bakit ang Inang Simbahan ay tutol sa kalakarang ito. Buhay na material lamang ang pakay ng panukalang ito. Ito ay isang paglapastangan sa kalooban ng Diyos, na tumatawag sa atin, sa buhay na ganap, at hindi lamang sa buhay material, dito sa lupang ibabaw. Gusto natin ng ginhawa at yaman, at rangya, nguni’t hindi sa pamamagitan ng pagsangkalan ng lahat ng pagpapahalagang espiritwal at pang kaluluwa na siyang tunay na layunin ng Diyos para sa atin.
Ang kahirapan ay isang malaking problema, ngunit hindi ito bunga ng pagdami ng tao. Ang kahirapan ay isang problemang moral, hindi lamang problemang pisikal na dapat lapatan ng lunas, hindi lamang sa pamamagitan ng estruktural o material na pamamaraan, kundi sa tamang hanay ng pagpapahalagang moral ng tao at ng lipunan. Alam ng lahat na isa sa mga dahilan ng kahirapan ay ang kaswapangan, kadamutan, katakawan ng tao, at ng organisadong korupsyon sa gobyerno at lipunan, at sa puso ng bawa’t tao. At alam rin natin na ang mga nagsusulong ng mga pamamaraan upang bawasan ang tao, ay hindi lamang marangal na layunin ang laman ng puso at isipan. Huwag na tayo magbolahan pa … isa itong business, hanap-buhay, negocio … at alam natin kung sino sino ang kikita kapag naipasa ang batas na ito.
Sa Linggong ito, paalaala sa atin ng ebanghelyo … may iisang daan, may iisang pintuan na wasto at tama at wagas. Maraming nagpapanggap na pintuan, maraming nagpapanggap na propeta ng kabutihan at kagalingang pantao …. Nguni’t iisa lamang ang nagsabing ang siyang dumaraaan sa tamang pintuan ay ang tunay na pastol … Wala siyang ibang pakay at kagustuhan … Wala siyang ibang motibo at layunin, liban sa buhay … isang buhay na ganap at kasiya-siya!
salamat sa Diyos! ang mga dakilang kaisipan na aking nabasa ,first time, ay nagbigay sa akin ng hangaring, maibahagi sa mga bata, magulang na dukha na aking nakakasalamuha bilang volunteer na katekista na and age ay 71. ang kagandahang loob ng Diyos ,biyaya at awa, ang ating lakas at liwanag, upang tayo ay maging daluyan ng kanyang Kadakilaan.salamat sa inyo KALAKBAY at KATOTO.