frchito

BATONG BUHAY, HALIGI NG BUHAY AT KATOTOHANAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Mayo 21, 2011 at 12:16

Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay(A)
Mayo 22, 2011

Lingid sa kaalaman marahil ng marami, sa Tagalog ay may tinatawag tayong “batong buhay.” Ang batong buhay ay hindi buhay sapagkat gumagalaw o lumalaki. Ang batong buhay ay kakaiba sa buga, o adobe, na maaring manlagas o maagnas, dahil sa tubig o sa init. Nakikita ang batong buhay sa mga ilog, sa mga lugar kung saan may bumubukal na tubig. Noong rumagasa ang baha at putik sa Aurora marami ng taon ang nakalipas, ang nangagbagsakan at dumaluyong na tubig mula sa bundok ay naghatid ng laksa laksang batong buhay na siyang pumatay at sumira sa napakalawak na bahagi ng kabundukan.

Lingid rin marahil sa kaalaman ng marami, ang batong buhay ay hindi kompletong humaharang sa tubig. Kung ating titingnan ang mga bukal, tumatagas ang tubig mula sa mga batong buhay, unti-unti tumatagistis, at pumapatak. Ang matamis at malamig sa tubig mula sa bukal na ito ay nagdadaan sa pagitan o sa mismong mga batong buhay na ito, na tila ipinagpatong-patong nang sadya ng Maylikha.

Buhay ang batong ito hindi sapagkat lumalago. Buhay ang mga batong ito sapagkat, una, ito ay matatag. Ikalawa, ang batong buhay ay buhay sapagka’t naghahatid ng buhay, nagiging daan ng tubig na nagbibigay-buhay, at nagiging sandigan ng pinagkukunan ng ikabubuhay. Ang buga ay nalalagas, natutunaw, at nadudurog ng tubig, hangin o init.

Ang batong buhay at hindi natitinag, hindi madaling nabubunot, at lalung hindi madaling tapyasin, basagin, o durugin. Naninindigan ang batong buhay. Nananatiling muog at batayan ng katibayan. Hindi madaling sipain, ugain, at sirain.

Nais kong isipin na ang nagwiwika tungkol sa batong buhay sa ikalawang pagbasa, ay nakakabatid ng tunay na kahulugan nito. Sa kanyang personal na karanasan, si San Pedro, na tinawag na bato ng Panginoon, ay siyang tanging nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng kanyang sinasaad.
Siya ang batong nanlagas at nanghina sa harap ng mga tanong ng isang babaeng utusan. Siya ang batong nalugmok sa kadustaan ng pagkakanulo sa kanyang Panginoon.

Tulad nating lahat, tayo ay mahihina, marurupok, na walang iniwan sa buga o adobe na madaling manlagas at maagnas.

Iyan ang dahilan kung bakit tayo narito ngayon sa simbahan. Alam natin na tayo ay marupok. At ang pag-asang dulot ni Pedro, na ang kahulugan ay “bato” ay walang iba kundi ito: nauna na si Kristo at ginawa na niya ang dapat upang ang ating pagkalugmok ay hindi mauwi sa kapariwaraang walang hanggan, kundi sa buhay na walang hanggan.

Napakagulo ng lipunan natin ngayon. Hati ang bayang Pilipino, dahil sa kawalang pang-unawa sa tunay na mga isyu na may kinalaman sa isinusulong na batas. Nabuwag ang muog at bato ng mga wasto at higit na mataas na antas ng mga pagpapahalaga. Natabunan ito ng pagpapahalaga sa pera, sa ginhawa, sa inaakala nilang ikabubuti ng lipunan. Nguni’t nakalimutan ang mga pagpapahalagang espiritwal, ang tunay na makapagpapalaya sa balana, sa mahabang panahon. Higit na madali ang umasa sa mabilisang solusyon ngunit naghahatid ng higit pang mga problema bukas at makalawa.

Nanghihinawa rin ako. Tulad ni Pedro, nabubuwag ang bato ng tapang at lakas upang panindigan ang tama. Alam kong ang iba sa inyo ay nanghihina rin, o hindi alam kung paano sagutin ang mga katanungang ipinupukol sa simbahan.

Nais kong bigyan kayo at ang sarili ko ng kaunti pang lakas at pag-asa. At walang hihigit pang paraan upang makamit ito sa pagninilay sa mga pagbasa sa araw na ito. Sundin sana natin ang payo ni San Pedro. Kung sino ang siyang may karapatan at kapani-paniwala upang magwika tungkol rito ay siya:

“Lumapit kayo sa Panginoon, sa batong buhay na itinakwil ng mga tao, nguni’t hinirang ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Wari’y mga batong buhay, maging sangkap kayo ng isang templong espiritwal.”

Maging matatag nawa tayong lahat tulad ng mga batong buhay na ito! Lumapit kay Kristo na siyang Daan, Katotohanan, at Buhay!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: