Linggo ng Pentekostes
Junio 12, 2011
Linggo ng Pentekostes
Junio 12, 2011
Mga Pagbasa: Gw 2:1-11 / 1 Cor 12:3-7.12-13 / Jn 20:19-23
Nasabi ko na ito at muli kong sinasabi minsan pa. Mahirap ngayon ang manindigan bilang isang katoliko. Sa dami ng mga pagbabatikos na naririnig natin galing sa mga nagsasabing sila raw ay katoliko, mahirap tumayo, mahirap manindigan. Mas madali, antemano, ang manira kaysa gumawa at bumuo. Mas madali ang pumula … laging higit na madali ang manisi, kaysa sa kumilos at magtayo ng anumang bagay.
Hindi ko maubos maisip ang kinatatayuan ng maliit na pulutong ng mga disipulo noong si Jesus ay namatay sa krus. Malamang na ang pagka-akala nila ay mabubuwag na nang tuluyan ang sinimulang kilusan ng kanilang Guro. Siguro’y sumagi sa kanilang isipan na iyon na ang huli nilang makikita sa kanilang maliit na grupo, tuladng dalawang disipulong papauwi na sa Emmaus, dala ng panghihinawa sa mga bagay na malungkot na naganap sa kanilang guro at Panginoon.
Tayo man, lahat tayo, ay sinasagian din pag minsan ng panghihinawa. Mahigit 30 taon na ako bilang edukador at tagapagturo. Sa dami ng taong nagdaan, marami akong nakikitang pagbulusok ng maraming bagay: sa antas ng edukasyon, sa dami ng mga batang dapat turuan, at sa paunti nang paunting mga silid-aralan na puedeng paglagyan sa kanila. Mayaman ang mga heneral at mga politico, nguni’t laging salat sa budget ang dapat lagyan ng budget.
Hindi ko pa rin maubos na maisip na may mga gobernador at mayor sa ating bayan na sa loob ng paulit-ulit na panunugkulan ay nakapagpapagawa ng tatlo-tatlo o higit pang magagarang bahay saanman sa Pilipinas.
Nguni’t ang mga taong may pasya na kung ano ang simbahan ay mahusay magbaligtad ng usapin… mahusay magpatalbog ng dapat siyasatin. Simbahan pa raw, anila, ang mayaman. Kung susundan natin ang kanilang palpak na pag-iisip, pati ang PLDT ay mayaman … ang Globe, ang Smart. Maraming solid assets, maraming mga gusali, maraming mga gamit … Kung susundan natin ang kanilang patakaran, dapat din sanang ipagbili ng mga ito, ng UP, ng lahat ng eskwela ng gobyerno ang mga “assets” at ipamudmod sa mahihirap. Ngunit wala silang binabanggit sa mga kawanggawang kung hindi tinutuunan ng pansin ng simbahan ay maraming tao ang mapapariwara. Hindi nila sinasabi na mahigit sa kalahati ng mga hospital at klinika na nag-aalaga sa mga AIDS patients ay patakbo ng Simbahan. Hindi rin nila sinasabi na ang mga orphanages at street children centers karamihan ay patakbo rin ng Simbahan. Yun nga lang, mahirap makipagtalo sa mga taong antemano ay nagpasya na kung ano ang tama para sa kanila.
Nguni’t ano ba ang kinalaman ng lahat ng ito sa kapistahan natin ngayon? Malaki! Una sa lahat, ang binabanggit ng kwento ng mga pagbasa ay tungkol sa apoy at hangin, nag-aalab, naglalagablab. Ito ang larawang iniwan sa ating kaisipan at guni-guni ng mga pagbasa – ang pagbaba at pagbubuhos ng Espiritu Santo sa maliit na pulutong ng mga mananampalataya.
Ang Pentekostes, na ang kahulugan ay ika-50 araw matapos ang muling pagkabuhay, ay walang iba kundi ito – ang kaloob na lakas, ang kaloob na kapangyarihan mula sa itaas, dulot ng Espiritu Santong kaloob ng Ama at ng Anak, ang kaganapan ng pagpapahayag ng Diyos bilang Banal na Santatlo.
Nakapanghihinawa kapag kabi-kabila ang pagbabatikos ng mga tao laban sa turo ng Simbahan. Nakapanlulumong isipin na marami sa mga bumabatikos ay galing mismo sa loob ng minamahal nating Santa Iglesya – mga taong ang kaisahan sa pananampalataya ay hindi bumabagtas at humihigit sa binyag lamang. Masakit man isipin, marami sa mga katoliko ay mga kristiyanong KBL, kristiano lamang sa Kasal, sa Binyag, at sa Libing!
Sa aming maliit na bayan, ang sagisag nito ay ang malimit mangyari tuwing Linggo … maraming nagsisimba raw, ngunit, sa katunayan ay nakatayo lamang sa ilalim ng puno ng balite, sa plaza, sa tapat ng simbahan. Simbang akasya … sa loob man ng simbahan nagmula ay nauuwi sa ilalim ng puno sa oras ng sermon upang manigarilyo o makipagkwentuhan sa mga kabarkada.
Masakit man isipin, malinaw na marami sa atin ay mabababaw lamang ang kaalaman tungkol sa pananampalataya, kung kaya’t talong-talo ng mga taga TV at radio, na mababaw rin ang kaalaman sa kanilang pananampalataya.
Panalangin nating lahat ngayon na patuloy sanang makapagbigay lakas at kapangyarihan ang Espiritu ng kabanalan, ang Espiritu Santo na ipinagkaloob upang tayo ay magising, magpagal, at magsikap upang ang kaligtasang kaloob ng Diyos kay Kristo ay maging makatotohanan sa ating lahat.
Halina Espiritung Banal, kami ay kasihan at tulungan!