frchito

SUSI, PAPURI, PAGSUSURI

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Agosto 19, 2011 at 06:32

IKA-21 LINGGO NG TAON (A)
Agosto 21, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 22:19-23 / Roma 11:33-36 / Mateo 16:13-20

Tatlong kataga ang tila nagbibigay lagom sa mga pagbasa ngayon: susi, papuri, pagsusuri.

Sa unang pagbasa, narinig natin mula kay Isaias ang pangitain tungkol sa pagkakalooob ng Diyos ng susi sa isang pagkakalooban ng mahalagang panunungkulan at pananagutan sa bayan ng Diyos – isang pahimakas sa pananagutang ipagkakaloob ni Kristo Jesus kay Simon Pedro.

Sa ikalawang pagbasa naman, natunghayan natin ang isang matulain at wagas na awit ng papuri mula sa panulat ni San Pablo. Matapos niyang suriin ang Diyos, at limiin ang lahat ng kanyang ginawa, at bagama’t hindi lubusang maarok ang kahanga-hangang mga gawa ng Diyos, walang iba kundi papuri ang pumutok sa kanyang mga labi: “Sa kanya ang karangalan magpakailanman. Amen!” (Unang pagbasa).

Ngunit tulad ng sinuri ni Pablo ang mga ebidensya, at mga patunay sa kadakilaan ng Diyos, isa ring pagsusuri ang narinig natin sa ebanghelyo (Mt 16:13-20). Sinuri ni Jesus ang kanyang mga alagad. Tinanong niya ang kanyang mga disipulo. Nguni’t ibang uri ng pagsusuri ang ginawa niya, hindi tulad ng ginagawa ng Social Weather Station, o ng anu pa mang ibang pagsasaliksik na nakikita natin sa panahon natin, kung saan mga bilang at numero ang pinagsisikapang makita.

Kakaiba sa isang survey, hindi “ano” ang tanong ng Panginoon kundi “sino.” Hindi siya nagsuri kung ano ang libel ng kanyang katanyagan, o kung marami ang sumusunod sa kanyang pangaral. Hindi siya gumawa ng isang survey upang mapagtanto kung gaano siya kapopular, o kung ang higit na nakararaming mga tao ay nasa panig niya, o sa panig ng katotohanang moral.

Subali’t sa kabila nito, pagsusuring ganap at malalim pa rin ang ginagawa ng Panginoon, sa mga disipulo, at lalu na, kay Simon Pedro. “Sino raw ang Anak ng Tao ayon sa mga tao?”

Panay na panay, at sunud-sunod ang mga survey sa panahon natin. Ano ang sabi ng marami tungkol sa RH bill? Ano ang pandama ng nakararami tungkol sa mga isyung bumabalot sa lipunan? Matapos walang puknat na banatan ng mass media ang isang usapin, matapos walang patid na ilahad ang kanilang posisyon, o posisyon ng mga nagbabayad sa kanila, matapos walang habas na ituon ang opinyong popular sa isang panig, isang survey ang magpapatunay na ang karamihan ay panig sa kanilang isinulong na ideolohiya o usapin!

Matapos bansagan ang mga Obispo at tinaguriang “Pajero 7” ng isang iresponsableng mamamahayag, isang survey ang kanilang isinasagawa upang patunayang wala diumanong kredibilidad ang simbahan at hindi na dapat sundin.

Numero … bilang … isang mapanlinlang na propaganda at marami pang iba … ito ang araw-araw na naririnig ni Juan de la Cruz … na ang simbahan ay makaluma, na ang mga pari at Obispo ay walang iniwan kay “Padre Damaso,” at hindi na dapat sundin at paniwalaan.

Sa araw na ito, hindi “ano” ang tanong sa bawa’t isa sa atin. Gusto natin ngayong malaman kung ano ang “susi” ng tunay na pananagutan, ayon sa pangarap ni Isaias na nabanggit sa unang pagbasa. Gusto natin tingnan kung ano ang tunay na batayan upang tayo ay patuloy na magpuri at magpugay sa Diyos, tulad ng ginawa ni San Pablo.

At para natin masagot ito, dapat nating suriin ang batayan ng lahat ng pagpupunyagi at pagsisikap natin. Dapat natin tukuyin ang tunay na haligi ng paniniwala at pananampalataya natin bilang mga tagasunod ni Kristo.

Ang batayang ito ay hindi isang survey … hindi sapagka’t ang “higit na nakararami” ay ganito o ganire ang posisyon o paniniwala. Ang batayang ito ay hindi “ano” kundi “sino.”

Hindi nasiyahan ang Panginoon sa unang sagot ng mga disipulo. Sagot ito galing sa isang “survey.” “Sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.”

Sabi nila … Sabi ng survey … sabi ng nakararami … sabi ng mga statistics …. Numero … paramihan … Mas maraming nakataas ang kamay, mas tama!

Pagsusuring wagas ang dulot sa atin ng liturhiya sa araw na ito. Hindi “sila” ang gustong marining sa atin ng Panginoon ngayon. Hindi “sabi-sabi” ang nais niyang makita sa atin ngayon. Hindi “sila” kundi “ikaw.” Hindi “ano” kundi “sino” at “kayo!” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?”

Pumasa sa matinding pagsusuri si Simon Pedro. Siya lamang ang sumagot ng wasto … sagot na galing sa puso, hindi sa isipan; sagot na galing sa kaibuturan ng kanyang pagkatao, at hindi galing sa survey. “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.”

Ito ang susi na naghatid sa wastong papuri. Ito ang pagsusuri na dapat natin gawin ngayon sa sarili natin: “Sino si Kristo para sa iyo?”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: