frchito

Archive for Agosto, 2011|Monthly archive page

BUBUKLURIN, PADADAMAHIN, KAHAHABAGAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Taon A on Agosto 10, 2011 at 17:32

Ika-20 Linggo ng Taon(A)
Agosto 14, 2011

Pambihira ang isang malaking taong yumuyuko at nagpapakababa. Bihira ang lumiliban sa kabilang panig upang makipagniig sa mga hindi niya kasamahan, hindi kababayan, at hindi kapanalig. Di ba’t saanmang bansa tayo magpunta bilang Pinoy ay pilit tayong nagsasama-sama, nagbubuklod, at nakikisalamuha sa kapwa nating Pinoy?

Ito ang isa sa mga malinaw na turo ng mga pagbasa natin sa araw na ito. Sa unang pagbasa, mga “dating dayuhan” ang nabilang sa bayan ng Diyos. Sa mga dating dayuhan na ito ay binitiwan ni Isaias ang isang pangako: “Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.” Ang mga dating hindi kabilang, hindi katapong, at hindi kaisa at kaniig ay mabibilang sa angkan ng Diyos.

Pangako itong maluwag ang dating sa ating puso. Saanman tayo magpunta ay mayroong pagtatangi-tangi, pagkakahiwa-hiwalay, at pagkabilang sa iba-ibang mga pulutong. Sa London sa mga araw na ito, ang katiwasayan at kaayusan ay binasag ng matinding mga riot at kaguluhan, dahil sa isang karahasang ginawa ng kapulisan sa isang taong hindi puti ang balat. Sa ating bayan, bawa’t kalye na yata sa mga subdivision ay may harang, may bantay, may balakid. Iba ang iniikutang mundo ng mga may kaya, at iba ang iniinugang daigdig ng mga salat sa buhay.

Pangako itong tunay na tumitimo sa kaibuturan ng puso nating lahat. Di ba’t tayo ay mga pakawala kung minsan sa buhay natin? Di ba’t tayo ay nahihiwalay ng maraming beses sa kapwa dahil sa ating kasalanan at pagkamakasarili? Di ba’t tayong lahat ay napapadala kung minsan sa pagtatangi-tangi at paghahati-hati? Di ba’t tayo man ay nagiging banyaga kung minsan sa ating bayan? Di ba totoong kung minsan ay parang mas marami pang karapatan ang mga banyaga sa ating lupain kaysa sa ating lahat na taal na taga Pinas?
Ang pangakong ito mula sa bibig ni Isaias ay bunga ng isang pangarap ng Diyos para sa atin. At ano ba ang pangarap na ito?

Tingnan natin kung ano ang namumutawi sa bibig ni San Pablo … Kausap niya ang mga Hentil, mga taong hindi kabilang sa bayan ng Diyos, mga hindi Judio, mga hindi kapanalig. Subali’t bilang isang apostol, si San Pablo na mismo ang nagsabi: “pinangangatawanan ko ang aking ministeryo upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa gayo’y maligtas ang ilan sa kanila.” “Ang muling pagtanggap sa kanila’ para na ring pagbibigay-buhay sa mga patay.” Pagyakap, pagtanggap, pakikipagkaisa ang dulot na mensahe na kaakibat ng kaligtasan … hindi pagtatangi, at lalung hindi ang paghihiwalay.

Ano ang naging daan ng pakikipagkaisa? Sinagot rin ito ni Pablo … “Sila’y naging masuwayin ngayong kayo’y kinahahabagan upang sila’y kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.”

Bawa’t isa sa atin ay halimbawang mataginting ng habag na ito ng Diyos. Ako ang una … Buhay na larawan ako ng banal na habag ng Diyos. Hindi karapat-dapat, masuwayin, at makasalanan, patuloy pa rin niya akong tinatanggap, ipinagkakaisa sa inyong mga kapanalig.

Ito ang dakilang aral na malinaw pa sa sikat ng araw sa ebanghelyo sa araw na ito. Nagtungo si Jesus sa Tiro at Sidon, mga lugar na hindi dapat iniikutan ng isang Judio. Hindi lamang iyon, hinayaan niyang siya at kausapin ng isang babaeng Cananea. Bawal na bawal … hindi karapat-dapat … Nguni’t lumiban sI Jesus, pumunta sa kabilang ibayo, kumbaga, at tumanggap sa isang dapat ay ipinagtatabuyan ng mga Judio.

Ito ang buod ng magandang balita natin ngayon. Walang pagtatangi ang Diyos, bagkus, may pagtingin sa higit na nangangailangan. Tinugon niya ang babae… sa kanyang matinding pangangailangan, dahil sa kanyang matimyas na pananampalataya. “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Bagama’t batid ni Jesus na hindi dapat binibigyan ng pagkain ang mga aso galing sa dapat ay sa mga anak, nagdalang-habag siya sa Cananea.

Ito ang dakilang habag na tinitingala at hinihintay rin natin. Ako ang una sa lahat ang nangangailangan nito. Ito ang dakilang awa ng Diyos na naparito, hindi upang paglingkuran, kundi para maglingkod. Sa iyo. Sa akin. Sa ating lahat.

Sa araw na ito, tatlong kataga ang dapat mamutawi sa ating mga labi: bubuklurin niya
tayo, padadamahin ng kanyang pag-ibig, at kahahabagan. Purihin nawa ang Diyos na Ama ng awa at habag!

PANANAHAN SA GITNA NG KATAHIMIKAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon on Agosto 4, 2011 at 13:32

Ika-19 na Linggo ng Taon(A)
Agosto 7, 2011

Hirap tayo tumahimik ngayon. Laging may bukas na radyo sa paligid natin. Laging may kompyuter na online. Laging may malakas na TV na bukas, o earphone na nakapang-al sa tenga. Walang sumasakay sa jeep na walang palahaw na musika, at ang hinahanap na bus ay ang mayroong wi-fi.

Hirap tayo tumahimik. At lalong hirap tayo na manahimik. Walang buhay kung walang ingay. At kapag walang ingay, ay parang walang nangyayari, walang nagaganap. Natanggal nga ang wang-wang, ay tuloy naman ang wang-wang ng bunganga ng paninisi, ng paninira, ng walang patid na imbestigasyon sa Senado at sa marami pang lugar na hindi na makayang itikom ang bibig sa paghuhusga sa kapwa. Walang tigil ang wangwang ng mass media, na bago pa man napatunayan ang maysala, ay nahusgahan na sa walang patumanggang pagbabalita. Tulad ng naganap sa mga Pajero bishops, hindi tinantanan ang mga Obispo hanggang ang isang kasinungalingan ay naging isang katotohanan sa isipan ng marami.

Maganda at angkop ang nilalaman ng unang pagbasa. Wala ang Diyos sa malakas na hangin. Wala rin siya sa lindol, sa kulog, at sa apoy. Bagama’t natakot si Elias, batid niyang ang Diyos ay nasa likod ng katahimikan, kahinahunan, katiwasayan.

Mahirap tumayo ng tuwid kung ikaw ay inuusig. Mahirap manindigan kung ikaw ay nahusgahan na. Mahirap manahimik kung ikaw ay hindi tinatantanan ng kasinungalingan, lalu na’t makapangyarihan at mayaman ang nasa likod ng pag-uusig sa iyo.

Pati ang Panginoon ay inusig. Matapos magpakain ng higit sa 5,000 katao sa damuhan, napagod siya at pumalaot noong gabing iyon, matapos pauwiin ang mga pinakain.

Nguni’t tulad ng nangyayari sa mga gumagawa ng mabuti, silang nagpagal para sa kapakanan ng marami ay silang nakaranas ng matinding pagsubok. Ang mga taong may malasakit sa iba ang siyang nagdadala at umaani ng mga pasakit.

Sa aking mahabang karanasan bilang pari at edukador, ang mga maiingay ang siyang mabababaw. Ang mga maraming angal ang walang nagagawa at naitutulong. Ang mga maraming angal sa mga fund-raising ay silang walang ibinibigay, at ang mga tahimik lamang ang siyang malaki ang naitutulong. Di ba’t kasabihan na kapag maingay ang agos, ang tubig ay mababaw, at kung tahimik, ang tubig ay malalim?

May mahalagang aral para sa atin lahat ang mga pagbasa ngayon .. tungkol sa Diyos na nangungusap at nangangaral sa atin, hindi sa pamamagitan ng paninindak sa pamamagitan ng ingay at kaguluhan, kundi sa pamamagitan ng katiwasayan at kahinahunan.

Nahintakutan ang mga disipulo na binagabag ng wangwang ng bagyo at unos sa laot ng lawa ng Galilea, sa kalagitnaan ng dilim at kawalang katiyakan. Tulad natin, sari-saring wangwang ang bumabagabag sa atin – ang wangwang ng panunuligsa, ang wangwang ng poot laban sa Simbahang Katoliko, mula sa mga nagsasabing sila raw ay katoliko, mula sa mga tagapagsulong ng pamamahayag at brodkasting. Saan ka man sumuling, paborito nilang gawin ang pagsikapang ibagsak ang Simbahan, at pahinain ang autoridad ng Simbahan.

Takot at pangamba ang sumasagi sa ating puso. Tulad ng mga disipulo, ang dasal natin ay “Sagipin mo ako, Panginoon.” Tulad ni Pedro, nanghihinawa tayo, nahihintakutan, nangangamba. Ang Bangka ng simbahan ay halos mabuway, halos tumaob sa paninira ng mga umuusig sa kanya.

Sa Linggong ito, naparito tayo upang magnilay sa magandang balita. Narito ang mahalagang balita para sa atin. Wala ang Diyos sa ingay, pagtungayaw, at panunuligsa. Wala ang Diyos sa wangwang ng gulo.

Ito ang natunghayan ni Elias. Hindi sa apoy. Hindi sa kulog, at lalung hindi sa malakas na hangin. Ang Diyos ay narito … sa piling natin, nagkukubli sa kahinahunan, kababaang-loob, kahinahunan, at kapayapaan!

Sa gitna ng unos at bagyo, nariyan si Kristo, naglalakad sa dilim … nagpapayo sa atin: “Huwag kayong matakot! Ako ito!”

Nananahan siya sa piling natin, sa likod o sa gitna ng katahimikan!