frchito

Archive for Disyembre, 2011|Monthly archive page

PAG-ASANG MITHIIIN, PAG-ASANG DAPAT GAWIN

In Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 23, 2011 at 10:16

Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi (B)
Disyembre 24, 2011

Mga Pagbasa: 2 Sam 7:1-5.8-12.14.16 / Lu 1:67-79

Nakarating na tayo sa pagwawakas ng ating pagpupuyat, o pag-bubukod ng panahon para sa pagsisimba (o pagbabasa ng mga pagninilay na ito sa maraming lugar sa buong mundo kung saan tayong mga Pinoy ay naruruon at walang Misa de Gallo). Napatda ang ating mga masayang pag-aasam at paghahanda sa ikalawang araw, nang mabunyag sa buong mundo ang trahedyang naganap sa Mindanao, higit sa lahat, sa Cagayan de Oro at Iligan. Nagulantang ang marami. Nawasak ang mundo nang maraming mga nasawian at nawalan ng lahat sa kanilang buhay. Nagkaroon ng malaking bahid ng kalungkutan at pag-aagam-agam ang dapat sana’y masayang paghihintay sa araw ng Kapaskuhan.

Subali’t hindi yata maiaalis sa Pinoy ang pagiging matiisin, matapang ang loob, at matibay ang kaloobang pagharap sa sari-saring pagsubok. Magpahangga ngayon, bagama’t halos hindi ko matingnan ang mga larawan at mga video, pati ang mga dramatikong pagliligtas ng mga buo-buong pamilyang nakalutang sa mga troso sa Iligan bay, at sa iba pang lugar, at ang kalunus-lunos na larawan ng mga nasawi at napatid nang biglaan ang kanilang pangarap at paghihintay, may nagsasabi sa aking tingnan pa rin at ipamahagi sa buong mundo ang katapangan ng kapwa natin kababayan.

May isang hibla ng kagandahang-loob ang nababasa at nahihinuha natin sa unang pagbasa – ang magandang balakin ni David na ipagpagawa ng tahanan ang kaban ng tipan. Bagama’t tulad nang nasabi ko sa pagninilay sa Ika-4 na Linggo ng Adbiyento, na posibleng may halong yabang ang plano ni David, hindi pa rin natin maipagkakailang mayroon siyang isang magandang layunin, na bunga ng dinaranas niya noong kasaganaan.

Sinasaad sa pagbasa natin mula sa ikalawang aklat ni Samuel: “Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang bahay.” Nguni’t sa kanyang kapanatagan, ay hindi naglahong lubusan ang pag-iisip niya sa kapakanan ng iba, higit sa lahat, sa Diyos, na ikinakatawan ng Kaban ng Tipan, na nakalagak lamang sa isang tolda. Nagbunsod ito upang magbalak siyang gawan ng tahanan (templo) ang Kaban. Sa kanyang kabutihang-palad, ay nakuha rin niyang isipin ang iba, hindi lamang manatili sa pagpapasasa sa magara niya at panatag na kalagayan.

Ito ang nakikita ko ngayon sa bayan natin. Dagsa ang dating ng mga tulong na ipinagkakaloob ng mga panatag na naghihintay sa kapaskuhan. Kinancela ng AFP ang kanila “ball” o sayawan bilang pagdiriwang ng anibersaryo. Maraming nagpaliban o nagbawas ng kanilang mga Christmas Party para maipagkaloob na lamang ang gagastusin sa mga nasalanta. At ang karamihang tulong ay galing rin sa mga simpleng tao, sa mga walang masyadong kalabisan sa buhay, at wala rin masyadong inaasahan. Gaya ng nasabi ko na, ang mahihirap rin ang sila ring tumutulong sa kapwa mahihirap, at sa kabila ng matutunog na pangakong tulong mula sa mga naglilingkod, ay kalimitang nauuwi lamang sa tinatawag na “media moment” o “photo opportunity.”

Puede nating mabasa ang magandang balitang nagkukubli ngayon sa katauhan ni David, at sa personahe ni Zacarias. Dalawang magkasalungat na larawan. Si David ay isang pastol ng kawan sa kanyang pagkabata. Sanay sa pagbabanat ng buto sa parang. Bihasa sa paghahatid ng kawan maging sa madilim at malamig na gabi. Si Zacarias ay bihasa sa templo, isang taong nakikipagtalamitam sa mga paham, sa mga marurunong at mga aral, at mga taong ang propesyon ay ang pagiging banal, at tagapaglingkod sa templo.

Ang simula ni David ay malayo sa karangyaan. Ang simula ni Zacarias, antemano, ay malapit sa larangan ng mga umuugit ng tadhana ng bayan ng Israel. Ngunit ang dalawa ay nagkahugpong at nagkapareho sa pagnanasa ng higit pa sa kanilang narating. Si David, bagaman at may halong kayabangan, ay nakaisip gumawa ng bagay tulad ng kanyang narasanan. Panatag na siya sa kanyang tahanan, at dahil dito’y ginusto niyang gawan ng templo ang kaban. Si Zacarias ay panatag na rin habang nagpapalubog ng araw. Wala na siyang inaasam pa. Wala na siyang iba pang pangarap.

Ngunit silang dalawa ay inatangan ng matinding pananagutan … bilang Hari, at bilang Ama ng natatanging sanggol na may mas matindi pang panunungkulan. Hindi sila umurong sa responsibilidad. Hindi sila nagtago at nagpatumpik-tumpik bago harapin ang pananagutan.

Dito ngayon makikita ang tunay na awa at habag, tunay na pananampalataya o ang hungkag na pakitang tao lamang o ampaw na pananalita nating lahat. Dito mapapatunayan ang lalim at lawak at tayog ng ating pananampalataya. Dito makikilala ang tunay at ang peke, ang lantay na ginto o ang tanso, ang tunay na diamante o ang puwet lamang ng baso. To believe is to believe in, ika nga. Ang pananampalataya sa ating Diyos ay dapat mauwi sa pagtataya ng sarili para sa kanya at sa kanyang mga nilalang. Sa Latin, ang “fides qua” ay dapat mapagyaman ng “fides quae,” at ang dalawang ito ay dapat laging magka-akibat. Ang pananampalatayang naghahatid sa atin upang ipahayag ang nilalaman ng ating paniniwala (fides quae) ay dapat kaakibat ng paniniwalang nagbubunsod sa atin upang kumilos, gumawa, at magpakitang gilas sa Diyos, una sa lahat.

Narito ngayon ang buod ng magandang balitang dapat nating baunin sa katapusang ito ng Simbang Gabi. Mag-asal David tayo. Huwag tayong maging panatag na lamang at masaya sa ating marangya at magandang katayuan. Huwag tayong manatili sa isang saloobing walang paki-alam at pakikibaka sa tadhana ng ating bayan. Huwag tayong masadsad lamang sa isang pamamalakad ng isipang, kung hindi malapit sa akin at hindi ko nakikita at nararamdaman ay hindi totoo, at wala tayong pakialam.

Matindi ang panawagan sa atin upang maki-alam sa maraming bagay – sa pagbabago ng klima, sa pagkakalbo ng ating mga kagubatan, sa walang habas na pagsisira sa lahat ng kaloob ng kalikasan, para lamang yumaman at kumita ng ilang pirasong pilak, sa isang uri ng politikang tanging sila lamang at sila lamang ang tila puedeng “maglingkod” sa bayan, mula se Lelong, hanggang sa Lolo, hanggang sa anak, asawa, apo, apo sa tuhod, at pamangkin at iba-ibang uri ng “inangkin.”

Tinatawagan tayo upang magmalasakit, hindi lang sa tahanan ng kaban, bagkus sa kaban ng bayan, at kaban ng lahat ng ating kagandahang-asal bilang Pinoy. Inaasahan tayo, tulad ni Zacarias, na hindi nag-atubili, bagkus umako sa tungkuling dumating sa buhay niya, kung kailan dapat siya ay namamahinga na.

Higit sa lahat, tinatawagan tayong lahat, na matutong magpasalamat, sa kabila ng lahat, sa kabila ng susun-susong mga pagsubok. Karamihan dito ay gawa ng kapwa natin. Karamihan sa paghihirap ng marami ay bunga ng katakawan ng iba nating kababayan.

Ang pagmamalasakit na higit sa lahat ay dapat nating gampanan ay ang paglaban sa lahat ng uri at matinding kapangyarihan ng puwersa ng kasalanan, simula sa ating puso, simula sa ating kalooban, simula sa kaibuturan ng ating pagkatao.

May pag-asa ba? Oo … hanggang tutulad tayo kina David na nakapagmuni-muni at siya pa ang sinabihang siya mismo ang bibigyan at gagawan ng Diyos mismo ng isang bahay na bato at walang hanggan! … hanggang may kakayahan tayong mag-asal Zacarias, at hindi uurong sa pananagutan!Ang pag-asang minimithi natin ay siya ring pag-asang ginagawa at ginaganap natin.

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

PARANG APOY NA NAGPAPADALISAY

In Panahon ng Pasko, Propeta Malaquias, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 22, 2011 at 15:00

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi (B)
Disyembre 23, 2011

Mga Pagbasa: Mal 3:1-4.23-24 / Lucas 1:57-66

PARANG APOY NA NAGPAPADALISAY

Gayak na sana akong mamuno sa isang pag-akyat muli sa bundok sa Benguet matapos ang Pasko, sa Mt. Pulag, ang ikalawang pinakamataas ng bundok sa Pilipinas, sunod sa Apo. Subali’t sa mga araw na ito, bukod sa sinapit ng mahigit isang libo sa Mindanao, at marami pang tumatangis at naghihirap, at sapagka’t pati sa hilagang Luzon ay tila wala pa ring tigil ang ulan, hindi angkop na kami ay sumuong sa panganib para lamang makipagniig sa kalikasang nagmamaktol, kumbaga.

Kinancela ko na ang aming lakad. At gagamitin ko na lamang ang panahon sa paghahanda para sa isang serye ng seminar na aking ibibigay sa Hong Kong sa unang Linggo ng Enero sa bagong taong darating.

Isang pagdadalisay ang proseso ng pag-akyat sa bundok. Bago pa man gawin ito, matinding preparasyon ang kinakailangan … pagbabawas ng timbang, pagsusunog ng taba, at pagsasanay ng buto at kalamnan upang mabata ang walang patid na tila pag-akyat sa walang katapusang hagdan patungo sa alapaap. Bukod sa rito, ang kasanayang umiwas sa mga balakid, sa mga natural na patibong saanmang dako, ang maging bihasa sa pag-iwas sa potensyal na mga panganib, lalu na ang kakayahang manguyabit at gumapang sa mga lugar na kung ikaw ay madulas ay isa ka nang estadistika pag-uwi, kung iuuwi ka ng mga kasama mo.

Ang pagdadalisay na ito ay mahirap. Mahirap magbawas ng timbang. Mahirap magpatatag ng mga kalamnan at kasu-kasuan. Mahirap magpawis at magbanat ng mga butong matagal nang napahinga sa trabahong mental ay trabahong laging nakaupo at nag-iisip.

Nguni’t tapatin natin ang sarili. Kailangan natin tuwina ng pagdadalisay. Kailangan natin ng walang tigil na pagpapanibago, walang katapusang pagsisikap maging higit pa, lampas pa, at lalu pang mahusay sa lahat ng aspeto ng buhay.

Ito ang isang tinutumbok ng unang pagbasa halaw kay Propeta Malaquias. May halong takot at pangamba ang mga larawang ikinikintal niya sa atin. “Sino,” aniya, “ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makahaharap pag siya’y nagpakita na?” Larawan ito ng sugong mananakop na magpapamalas ng tiyakang paglilinis, tiyakang paghahanda, at hindi isang larawan ng isang sugong patumpik-tumpik ang malamya sa paghahanda sa mga taong naghihintay sa kanyang pagdating.

Ito ang larawan ng isang sugong hindi patay-patay kumbaga, hindi urong sulong, at lalung hindi tila isang jellyfish na walang buto at walang kalasag na matigas at matibay.

Heto ang tinutumbok ni Propeta Malaquias. Ang sugong darating ay may mga hinihingi sa atin, may mga dapat tayong gampanan at gawin, at may mga dapat na mga alituntunin.

Hindi ito isang pasyal lamang sa Luneta o sa ilalim ng buwan. Ito ay may kinalaman sa tama at wastong pag-uugali at pamumuhay. At para marating ang wasto, ay dapat magdaan sa pagdadalisay.

Walang lantay na ginto ang hindi magiging puro at dalisay kung hindi manggagaling sa isang lantayan, sa isang proseso ng paglilinis, pagpapakabuti, at pagdadalisay. At alam nating lahat na ang lantayan ng ginto ay hindi lamang nakukuha sa ihip ng hangin. Hindi ito nakukuha sa simpleng pagtatahip, o pagpapahangin lamang tulad ng pinahahanginan ang bagong bayong palay. Ang lantayan ng ginto at pilak ay pinadadaanan ng matinding apoy, at tanging sa pamamagitan lamang ng apoy, nagiging dalisay at lantay ang ginto at pilak.

Ang ating bayan ay matagal nang nagdadaan sa matinding lantayan. Hanggan ngayon, tayo ay sinusubok at pinadadalisay sa maraming mga suliranin at problema, at mga trahedyang patung-patong. Sa makamundong pagkilatis, tila walang katuturan ang mga suliraning ito. Nguni’t sa mata ng Diyos, ang lahat ay may kabuluhan, may katuturan, may dahilan, at may patutunguhan.

Tumatangis ang marami ngayon sa trahedyang naganap sa Mindanao. Tumangis na tayo di lang miminsan sa Ondoy at Pepeng, sa Marikina at sa Bulacan, at sa marami pang lugar na binisita ng matinding trahedya. Di man tayo natuto sa una, sa ikalawa, sa ikatlo, o sa mga susunod pa, malinaw sa mata ng pananampalataya na tayo ay dapat magising, tayo ay dapat matuto, at tayo ay dapat tumalima sa kalooban ng Diyos. At walang dalisay na ginto at pilak na hindi hinulma sa lantayan sa pamamagitan ng matinding init at apoy ng pagdadalisay.

Dangan nga lamang at hindi apoy ang dumadalisay sa atin, kundi sunod-sunod na baha. Pero iisa ang dapat nating matutunan sa lahat ng ito. Tinatawagan tayo sa isang panibagong buhay. Tinatawagan tayo upang matutong sumunod, matutong maging maka-Diyos, at matutong iwaksi ang lahat ng uri ng kabuktutan, kaswapangan, at panlalamang sa kapwa tao.

Maliwanag na matinding liksiyon ang naghihintay sa atin – ang iwaksi ang pagbebenta ng lupa sa mga alam na nating lugar na daanan ng tubig, ng mga lugar na hindi dapat tinatayuan ng mga bahay. Maliwanag na dapat nating matutunan na ang puno ay hindi na basta na lamang at sukat at walang habas na tinatabas at pinatutumba, para lamang sa ikayayaman ng kaunti. Maliwanag rin na dapat nating tanggalin sa puwesto ang mga namumunong tampalasan at silang pasimuno sa lahat ng uri ng panggagahasa sa kalikasan. Maliwanag rin na ang buhay ng tao ay dapat natin pahalagahan, at hindi itrato bilang animal, bilang insekto na puede paglaruan ng mga banyagang ang tanging pakay lamang ay panatiliin ang level ng kanilang luho at pansariling kapakanan.

Maraming liksyon … sanlaksang aral … sandamakmak na pawis at luha ang kailangan. Wala tayong ibang daan liban sa daang tinahak ng Mananakop. Ang daang ito ay tila daan ng parang apoy na nagpapadalisay, hindi lang sa bakal, kundi sa kabuuan ng ating pagkatao.

Halina, Panginoon, at papadalisayin kaming lahat, ayon sa iyong anyo at wangis!