frchito

Archive for Disyembre, 2011|Monthly archive page

MAGLILIHI, MANGANGANAK, AT TATAWAGIN!

In Adviento, Catholic Homily, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 19, 2011 at 10:19

Ikalimang Araw ng Simbang Gabi(B)
Disyembre 20, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 7:10-14 /Lucas 1:26-38

MAGLILIHI, MANGANGANAK, AT TATAWAGIN!

Ayaw natin ng anumang bitin … Gusto natin ay todo-todo, kompleto, hindi isang bagay na iniiwan kang naglalaway pa at umaasa pa ng higit pa. Noong bago pa ang Jollibee, hindi bitin ang bawa’t order mo. Malaki ang balot ng kanin, (na kalimitan nuon ay hindi nauubos ng mga bata), at hindi tinitipid ang gravy. Ngayon, parang dadalawang subo na lamang ang kanin, at ang hamburger nila ay parang dadalawang kagat lamang.

Iyan ang dahilan kung bakit nauso ang UNLI rice … pinauso ni Mang Inasal, na ngayon ay pag-aari na rin ng makapangyarihang bubuyog na nakausli ang puwet. Lahat ng UNLI ay kumikita, sa kadahilanan ngang ayaw natin ng anumang bitin o kulang.

Ayaw rin natin ng mga kwentong alanganin ang wakas, yung mga nobelang ang katapusan ay nakabitin sa ere, nakayangyang sa alanganin, at ang nanunuod ang dapat gumawa ng kanyang sariling katapusan. Wala na sa uso ang komiks noong araw na “wakasan” – walang “itutuloy” na nakakabitin.

Ayaw natin ng mga proyektong hindi tapos … mga kalsadang sinimulan ngunit walang siguradong pagwawakas. Sa Bohol, may isang tourist attraction, sa Loboc … isang tulay na tinutumbok ang isang lumang simbahan na kung natapos ay sana’y nawala na sa mapa ang matanda at mayaman sa kulturang simbahan. Bitin na bitin … isang malinaw na palatandaan ng katiwaliang umaalingawngaw at hindi maikukubli.

Ayaw natin ng anumang kaunti na lamang sana ay tapos na. Kay raming mga nagsimulang mag master’s studies at doctoral studies … Karamihan sa kanila ay natapos lamang ang academics, pero walang thesis o dissertation. Ang kanilang degree? ABD … anything but dissertation! Ito ang tunay na bitin … puro simula, walang katapusan. Isang proyektong nabuksan, nguni’t hindi nasaraduhan. Isang mithiing sinimulan, nguni’t walang katapusan, walang “closure,” sabi nga natin sa Ingles.

Pues, tingnan natin ang kwento tungkol sa simula, o sa bukang liwayway ng kaligtasan … isang kwentong may simula at may kaganapan! Di ba’t ang Diyos mismo ang nagsabi na siya ay ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas? Di ba’t sa bawa’t bukang liwayway ay may takipsilim, at sa bawa’t paggising ay may pagtulog, at sa bawa’t simulaing taludtod ay may panghuling saknong? sa bawa’t tula, sa bawa’t awit, sa bawa’t himig, may umpisa at may tapos …

Di ba’t sa bawa’t maikling kwento na may kilos pataas, ay may kilos pababa (rising action and denouement?) Hindi bitin … hindi kapos … kundi taos, tapos, at lubos!

Ito ang pangakong binitiwan ng Panginoon sa pamamagitan ni Acaz – “Ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan: maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki at ito’y tatawaging Emmanuel.”

May simula – maglilihi. May gitna – manganganak. At may wakas – tatawagin siyang Emmanuel. Tuluyan, hindi ginitlian. Hindi pinigilan. Hindi tinutulan, at hindi pinagtaksilan ang batang ipinaglihi!

Magulo ang lipunan natin. Sapin-sapin at susun-suson ang suliranin. Di pa man natatapos ang marami, bigla namang naulit ang Ormoc, ang Ondoy, ang Pepeng, at ngayon ang Sendong. Paulit-ulit. Di na tayo natuto. Di na tayo nakabatid at nakatanda. Matapos rumagasa ang tubig mula sa bundok sa Tanay, at sa buong Sierra Madre, na ikinamatay ng napakarami noong Ondoy at Pepeng, heto na naman, sa Mindanao naman.

Nguni’t isa lamang ito sa mga problemang hinaharap natin. Ang isa na mas masahol, sapagka’t isang problemang moral ay walang iba kundi ito – ang pagpigil sa isang tuluyang kwento ng buhay ng maraming bata dahil sa balak na RH law. Simula pa lamang ay tepok na ang bata. Sa paglilihi pa lamang ay tigok na ang mga walang kamuang-muang. Kung sa paglilihi pa lamang ay binitin na at pinuksa na, paano pa kaya ang kasunod nito – ang panganganak? Paano pa kaya ang normal na katapusan ng kwento ng isang buhay, tulad nyo at tulad ko – ang mabigyan ng ngalan? Tulad ng tinawag na Emmanuel – ang Diyos ay sumasaatin?

Hindi na para sa atin ang pagsikapang maghanap ng masisisi sa trahedyang ito. Lahat tayo ay bahagi nito. Lahat tayo ay kasama nito. Tayong lahat ay mga taong pag minsan ay hadlang kumitil, handang sumiil, at handang pumigil sa paggawa ng mabuti. Tayo’y mga taong masakalanan, makasarili, at mapagkait.

Handa tayong kitlin ang buhay na hindi pa isinisilang upang ituloy ang sarili nating kwento ng pagpapasasa, at paghahanap sa sariling ikagiginhawa. Kwento lamang natin ngayon at dito ang may simula, may gitna, at may katapusan.

Ngayon pa man, dagsa na ang sisihan dahil sa trahedya. Sa mga sisihang ito, hindi napapansin ang mga tampalasang walang puknat na sumisila at naninira ng kalikasan, lalu na ng mga kabubatan at kabundukan. Sanay sila magtago. Sanay sila magkunwari. Nguni’t alam ng lahat, na wala nang natitira halos na gubat sa bayan natin, at pati mga bundok ay napatituluhan ng mga tonggresista at mga governator na walang alam kundi ang manira ng kalikasan para magkapera sila sa sunod na eleksyon, para sa kanilang sarili o sa mga anak, o sa mga apo hanggang sa mga apo sa tuhod. Sila lamang ang hindi bitin. Laging sagana. Laging kompleto. Panay labis at walang kulang. Sa maraming pagkakataon, parang sila lamang ang may karapatang “maglingkod sa bayan,” diumano.

Ang tanging ni walang simula ay mga batang ipinaglihi, nguni’t hindi kailanman ipanganganak sapagka’t labag sa “kalusugan ng nanay,” at lalung hindi mabibigyan ng pangalan.

Matindi ang pagkamakasalanan ng ating bayan. Nakasusuklam. Nakaririmarim. Sana’y sa ikalimang araw na ito ng Simbang Gabi, habang daan-daang libo ang tumatangis at naghihirap sa CDO, sa Iligan, at sa iba pang lugar sa Mindanao, ay matuto tayong magpasya na hindi payagan ang pag-aasal bitin, ang gawaing kitlin ang buhay, hindi pa man nabigyang pansin ng taong ang inuuna ay sarili, sa ngalan ng “kalusugan” at ang hinihingi (at binabayaran) ng mga banyagang makikinabang sa dambuhalang programang ito.

Hayaan nating ang Diyos ang siyang magpasya sa buhay, yamang Siya ang Diyos ng buhay at may akda ng buhay.

Halimbawang tumataginting ang isang dalagang nanganak sa pagkadalaga kumbaga, galing sa Espiritu Santo. May dahilan siya upang putulin rin ang kwento ng kanyang anak, kitlin, kundi man ang kanyang buhay, at pigilin ang katuparan ng balak ng Diyos. Nguni’t hindi. Naglihi siya. Nanganak siya. At pinangalanan ang anak niya bilang Emmanuel – ang Diyos na sumasaatin. May simula. May gitna. At may katuparan!

KALUGUD-LUGOD SA PANINGIN; NAMUMUHAY AYON SA TUNTUNIN

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 18, 2011 at 07:10

Simbang Gabi, Ika-apat na Araw
Disyembre 19, 2011

Mga Pagbasa: Hukom 13:2-7.24-25 / Lucas 1:5-25

KALUGUD-LUGOD SA PANINGIN; NAMUMUHAY AYON SA TUNTUNIN

Maraming tao ang naantig ang puso at damdamin sa isang video na nagpatanyag kay Lola Cevera, isang palimos na araw-araw nagtutulak ng kanyang kariton at nabubuhay sa kusang anumang ibigay ng sinumang makapansin sa kanya. Sa loob ng ilang araw, parang isang matinding mikrobyo o virus sa facebook ang video na naipaskil tungkol kay Lola.

Tunay na kalugud-lugod sa paningin, bagama’t nakapanlulumo nating isipin at limiin. Matay nating isipin, ilang daan, ilang libo kayang Lola Cevera ang naglipana sa mga lansangan, na tulad niya, ay kailangang hindi lang kaawaan, bagkus tulungan? Ilan kayang matanda na dapat sana ay nagpapalubog na lamang ng araw sa katahimikan at konting luho, ang nagkakayod pa rin, sa bawa’t araw na ginawa ng Diyos?

Nakapanlulumong isipin … nakatatakot mabatid at malaman natin. Ang totoo kung minsan ay hindi lang masakit … mapanuot rin, at mapagsuri … tumitimo, hindi lang sa puso, kundi pati sa kalamnan at kasu-kasuan ng taong handang humarap sa totoo.

Panalangin kong ang bayan natin ay makapansin, hindi lamang kay Lola Cevera, kundi, pati sa lahat na ikinakatawan ng kahinaan, kawalang-kaya, at kasalatan ni Lola Cevera.

Tumbukin natin agad ang masakit na katotohanan … dalawang uri ng tao ang mahina, walang kaya, at walang kalaban-laban sa mga malalakas, matitikas, matipuno, at walang pansin sa tunay na kahalagahan ng tao – ang matatanda (tulad ni Lola Cevera) at ang mga bata, lalu na ang hindi pa isinisilang!

Pero tingnan muna natin ang kwento ng ebanghelyo. Tinutumbok nito ang dalawang matanda, na nagpapalubog na ng araw … si Zacarias at si Elisabet. Dapat sa dalawa ay naka-upo na lamang sa tumba-tumba, habang nanonood sa pagdaloy ng panahon at pagtakbo ng mga nagaganap sa kapaligiran. Dapat silang dalawa ay wala nang inaalala, wala nang pinoproblema, at wala nang dapat pang alagaan at panagutan.

Pero, ibahin natin ang mga taong “kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.” Ibahin natin ang taong may takot sa Diyos. Ibahin natin ang dalawang matandang, mayroong tunay na pinagtandaan, at tunay na may pananagutan.

Bagama’t matanda, sila ay may dangal at pananagutan, may pinanghahawakan … may tinutupad at pinaglilingkuran, … may pagpapahalagang pinangangalagaan.

Dalawa silang matanda na hindi lang matandang walang silbi. Ayon kay Lucas, hindi lamang sila “kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, kundi namumuhay ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon.”

At ito ay hindi lamang isang press release o pakawalang scoop sa mass media. Hindi lamang ito isang viral video na dahil sa isang may kayang nagpaskil ng video, ay natanghal at nakilala ng balana.

Tingnan natin kung ano ang kanilang ginawa. Inatangan pa sila ng Diyos ng isang pananagutan. Naglihi si Elisabet sa kanyang katandaan. Naging abalang ama si Zacarias sa kanyang kahinaan. Sa kanilang dapat sana’y panahon na ng pamamahinga, muli pa silang tinawagan ng Diyos, muli pang inaasahan, muli pang inatangan ng pananagutan – ang maging ama at ina ni Juan Bautista.

Paano na lang ang kanilang retirement? Paano na lang ang kanilang inipong pera sa bangko? Paano na lang kanilang pangarap na makabili ng condominium sa tabing dagat, sa Nasugbu, o sa Palawan kaya? Paano na lang ang inaasam sana nilang pagpapasasa sa sarili, tutal sila naman ay retirado na? at nakapangahoy na kumbaga?

Paano na lamang ang pag-aalaga ng isang bagong “asungot” sa buhay? Paano kaya nila itataguyod ang isang batang kailangan pasusuhin, kailangang arugain, kailangan paramitin at pakainin at pag-aralin? Ang lahat ng mga tanong na ito ay hindi biro, hindi isang nakatatawang pansing video, na matapos mapanood ay wala nang kinalaman sa buhay ng nakakita!

Ang mga pangambang ito ay walang iniwan sa pangamba ngayon ng mga tao, kung kaya’t sang-ayon silang kitlin ang bawat buhay na nabubuo sa sinapupunan … sobrang dami na raw ang tao, sobrang dami na raw ang mahirap, sobrang dami na ang nag-aagawan sa yaman ng mundo, at dapat pigilin na ang tao sa pag-aanak at pagpaparami. Hindi tamang sila ay lumabas at mabasa at baka dumaming parang gremlins.

Isipin natin sandali … Kung si Zacarias kaya’y nakinig sa Senate investigation, o nakinig sa mga maka-kaliwang mga mambabatas, o sa mga madadamot at masisibang makapangyarihan na ayaw ibahagi ang kanilang yaman, matutuloy kaya ang drama ng kaligtasan? May dahilan ba kaya tayong magtipon tuwing simbang gabi at patuloy na umasa?

Dalawang bagay ang malinaw na liksiyon ng matandang tulad ni Lola Cevera, Zacarias at Elizabet, at ng mga walang kayang musmos, o batang nabubuo pa lamang sa sinapupunan … pawa silang mahalaga sa Diyos. Kalugud-lugod sila sa paningin ng Diyos. Nguni’t may ikalawang dapat tayong bigyang pansin … hindi sapat ang pa-cute … hindi sapat ang puro porma, at grandstanding tuwing Senate investigation o kampanya tuwing eleksyon … hindi sapat na kalugud-lugod tayo sa paningin ng tao. Dapat rin tayong kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, at higit sa lahat, tulad ni Zacarias at Elizabet, na sa halip na maupo na lamang sa balconahe at uuga-uga sa tumba-tumba, ay nagbanat-buto pa, nagsikap pa, at nakipagtulungan pa sa Diyos, at namuhay ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon.”

Halina! Bumangon at gumising. Bata man, matanda, buhay na o binubuo pa sa tiyan, o uugud-ugod nang tulad ni Lola Cevera, ang lahat ay tinatawagan sa buhay na mahalaga at hindi natutumbasan ng anumang makamundong bagay na labag sa utos at tuntunin mula sa Panginoon.