Ika-8 Araw ng Simbang Gabi (K)
Ika-apat na Linggo ng Adbiyento
Disyembre 23, 2012
Mga Pagbasa: Miqueas 5:1-4a / Heb 10:5-10 / Lucas 1:39-45
SINO, MULA SAAN, ANO, PAANO, & PASAAN?
Lilima at lilima ang mga katanungang pinagsikapang tanungin ng mga tao mula’t sapul … wala nang iba. Lahat ng ibang tanong ay karugtong lamang ng limang ito:
Sino ba ako?
Mula saan ako? O Saan ba ako nagmula?
Ano bang dahilan at naririto ako?
Paano ko makakamit iyon?
Saan ba ako patungo?
Isang magandang kwento ang Mahogany, isang lumang-lumang sine kung saan tinanong ni Diana Ross sa bandang huli ang tanong natin: ‘DO YOU KNOW WHERE YOU’RE GOING TO?’ Medyo malungkot ang kwento. Nagsimula siya na parang Cinderella … walang-wala hanggang naging tanyag na modelo, yumaman, nakilala, nagwala, ika nga, at napariwara ang buhay. At sapagka’t nasa huli ang pagsisisi, duon nya napagtanto na may kulang pala sa kanyang buhay. Hindi lamang pala pera, katanyagan, karangyaan at kagalingang pangkatawan ang buhay.
Napipinto na ang Pasko. Isa na lamang gising o puyat at paskong-pasko na. Sa bandang wakas ng ating pagninilay sa paghahanda sa Kapaskuhan, nais nating bigya lagom ang nilalaman ng pananampalataya na pinagsikapan nating ipaliwanag sa buong siyam na umaga o gabi.
Ang limang katanungan sa itaas ang siyang pinagsikapang ipaliwanag ng lahat ng relihiyon sa mundo. Ito rin ang sinagot nina Confucious, Lao-Tzu, Homer, Euripides, Sophocles, Shakespeare, Plato, Aristotle, Dostoyevsky, Huxley, Ernest Hemingway, C.S. Lewis, Henry David Thoreau, atbp. Ito ang katanungan ng lahat ng pusong gutom at uhaw sa katotohanan.
Pero hindi lamang sina Confucius ang sumagot nito. Ang sagot ng lahat ng mga pantas ng daigdig ay lahat ay makahulugan … lahat ay may butil ng katotohanan. Subali’t wala ni isa man sa kanila ang nakapagbigay tuldok o kaganapan sa malalim, malawak, at masalimuot na katanungan.
Una, wala ni isa man sa kanila ang nakapagbigay paliwanag sa ating tunay na pinagmulan. Ito ay hindi isang katanungang pilosopikal, o katanungang pampanitikan o sosyolohikal. Sina Aristotle at Plato ay nakapagbigay paliwanag sa diwa ng isang kahuli-hulihang hantungan o ultimate end, at para sa kanila ang huling hantungan ng tao ay tinawag ni Aristotle na eudaemonia, o kaligayahang pandaigdig, o panlupa. Bukod sa pagkakamit ng makamundong kaligayahan o kaganapan, wala nang iba silang maisagot, pagkatapos ng kamatayan ng tao.
Ang mga katanungang ito ay bumihag sa isipan ng mga pilosopo, mga paham, mga pinuno ng mga relihiyon, nguni’t tanging Diyos at Diyos lamang, sa kanyang unti-unting pagpapakilala ang nag-alay ng tugon na lubos, wagas, at tagos sa buto at sa kasu-kasuan ng tao.
Ang mga tanong na ito ay hindi mga tanong ng agham, hindi mga tanong ng panitikan, at hindi lamang tanong ng mga survey sa Pilipinas, na alam nating nakapagbibigay ng kamangha-mangha at kataka-taka, o di kapani-paniwalang mga resulta.
Ito ang mga tanong na masasagot nang lubusan lamang ng pananampalataya. Hindi ito kaya ng survey. Hindi ito kaya ng botohang nababayaran. Hindi ito kaya ng grupong nagkakampi-kampi depende kung merong pabuya o paalagwa kapag pasko o pista. Hindi ito masasagot ng mga naghahanap lamang ng boto, at naghahanap ng paraaan para mapagsamantalahan ang utang na loob ng mga mangmang at dukha.
Ito ay mga tanong na ang sagot ay galing sa dakilang pagpapahayag o pagpapakilala ng Diyos sa kanyang bayan.
Saan ba natin makikita ang mga sagot sa mga ito?
Sa Diyos mismo, na nagwiwika sa pamamagitan ng kasaysayan ng kaligtasan at ng Kanyang Salitang nasulat at naipasa sa sali’t saling lahi sa loob ng kasaysayan. Ito ang naging malinaw na pangaral ng Katesismo.
Ang unang tanong SINO AKO ay may kinalaman sa kung sino tayo sa mata ng Diyos. Ito ang tinatawag nating Christian Anthropology, ang ating kalikasan, kaakuhan, at mga katangian bilang tao. Ito ay sinasagot sa PART ONE ng Katesismo – The Profession of Faith. Dito natin nakikita ang katotohanang tayo ay galing sa Diyos, nilikha ng Diyos mula sa kawalan. Hindi lamang nilikha kundi tinawag ng Diyos sa isang pakikipagniig sa Kanya. Sa Unang Bahagi rin natutunghayan natin ang layunin ng buhay ng tao, ang tugon sa ikatlong tanong, na ANO BANG DAHILAN AT NARIRITO AKO?
Ito ang dahilan kung bakit ang Chapter One ay nagtuturo tungkol sa MAN’S CAPACITY FOR GOD. Dito binabalangkas ang likas na pagnanasa ng tao sa Diyos at kung paano natin nakikilala ang Diyos sa kalikasan, sa kasaysayan, at sa kanyang personal na pagpapakilala o pagpapahayag. Sa Chapter Two naman ng Unang Bahagi ay dito natin matutunan kung paano natin makikilala ang Diyos, at paano natin makakamit at mararating ang pangakong binitiwan ng Diyos.
Pero ang pinakamahalaga siguro ay ang makita nating ang buong Katesismo ay hinati sa tatlong malalaking bahagi: Part One: CREED – the profession of the faith. Part Two: CULT – The Celebration of the Christian Mystery. Part Three: CODE – Life in Christ, o pamumuhay kapiling kasama, at kaagapay si Kristo.
Nguni’t ang matindi ay ito. Balot na balot tayo sa kasinungalingan. Ang mundo ngayon ay nahirati sa paniniwalang ito: Ang ginagawa mo at kung ano ang meron ka ang pinakamahalaga sa mundo. Ito ay isang malaking kasinungalingan. Sa panahon natin, hindi ka bigatin kung hindi rin bigatin ang bahay mo, ang kotse mo, at ang pangalan mo. Sa halip na human being ang dapat tawag sa atin, naging human doing at human having. 30 anyos ka na wala ka pang bahay? Mahina ka. 40 anyos ka na hindi ka pa milyonaryo? Wala kang abilidad, tsong!
Pero alam nating lahat ito. Hindi kailanman nagdudulot ng wagas na kaligayahan ang gamit gaano man kaganda. Matapos mo magamit ang Galaxy SIII mo ng ilang buwan, meron nang bago. Meron nang mas maganda. Talo ka na. Laos ka na. Luma ka na.
Kelangan natin ang kakayahang makakita ng kabuuan, hindi ng pira-pirasong pangarap na mabababaw. At ito ay hindi kayang ibigay ng agham, ng siyensiya, ng komersyo, at ng gamit o yaman. Tanging Diyos lamang ang makapagbibigay sa atin ng lubos, ng taos at ganap.
Tanungin natin muli ang ating sarili, gamit ang tanong ni Diana Ross … Do you know where you’re going to?