frchito

Archive for Disyembre, 2012|Monthly archive page

SIMBANG GABI O SIMBANG TABI?

In Adviento, Homily in Tagalog, Life Journey, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 16, 2012 at 10:31

438d780358b24db04f10b1767806_grande

Ikalawang Araw ng Simbang Gabi (Taon K)

Disyembre 17, 2012

Mga Pagbasa: Gen 49:2, 8-10 / Mt 1:1-17

SIMBANG GABI O SIMBANG TABI?

Hiniram ko ang mga katagang pabiro na ginamit ni Cardinal Tagle tungkol sa karaniwang nagaganap sa buong kapuluan. Kahapon, kay dami ang nasa simbahan. Kay rami rin, at sa katunayan, mas marami ang nasa tabihan – sa parking lot, sa devotion garden, sa ilalim ng mga puno, at kung saan madilim, liblib, o may upuan! Sa tuwing magsisimbang gabi, dumarami rin ang mga nasa simbang tabi. Sa amin sa Mendez, Cavite, ang tawag namin noon dito ay “simbang balete” – sa ilalim ng puno ng balete kapag oras na ng sermon.

Kahapon pinaksa natin ang simula ng ating pagninilay sa buong 9 na araw ng nobena … TIWALA SA GITNA NG MUNDONG TILA PAKAWALA. Sinimulan nating ipaliwanag na ang pananampalataya natin ay parang isang pinto (PORTA sa Latin), na dapat pasukin, pintong dapat buksan, mula sa loob at sa labas. Dalawa ang may hawak ng susi sa PORTA FIDEI – pinto ng pananampalataya – ikaw at ang Diyos.

Dagdagan natin sana ang ilang mga mahalagang diwa ng pintong ito. Sabi ng turo ng liham apostolika ni Papa Benito XVI, ang pintong ito ay bukas tuwina para sa atin. Puedeng puedeng pumasok sa pintuan tuwing ang Salita ng Diyos ay ipinahahayag. Pero puede ring magmatigas ng kalooban at ang mangyari ay tila baga tulad ng isang taong pumasok sa simbahan, at tuloy-tuloy palabas sa kabilang lagusan, tulad ng malimit mangyari sa ating simbahan dito.

Sa panahon natin, maraming ganito ang saloobin – papasok kunwari, pero isinasara ang puso sa patuloy na pangaral ng Dios at ng Simbahan. Ito ang katulad ng mga tao, tulad ng mga congressmen na nagsasabing “katoliko” raw sila at pro-life, pero pro abortion, pro-quality life raw, at kung ano-anong kaek-ekan. Binuksan nila ang pinto ngunit ipininid ang puso, at kinandaduhan pati mga kamay at paa sa paggawa ng tama at moral.

Puede ring mangyari na bukas na bukas ang bibig sa pagsamba sa Diyos sa tuwing magsisimba. Pero mas malaki ang bukas ng bulsa, at kung masapalpalan ng pork barrel, ay uurong na sa botohan, at kung ano-anong mga dahilan ang namumutawi sa bibig. Bukas ang pinto papasok … bukas ang bibig sa pusok … bukas rin ang bulsa sa bungkos ng salapi, at cerrado ang puso at kamay sa kabutihang hindi lamang sa kanilang ipinagmamakaingay na kabutihan ng mahihirap.

Puede ring mangyari na bukas ang bibig sa papuri, tulad ng mga katoliko diumano na nanggagalaiti sa aming mga pari dahil daw hindi namin nirerespeto ang separation between church and state. Tinanggap ang mababaw na pang-unawa sa separation … nguni’t hindi lumalim nang sapat upang malamang ang orihinal na doktrinang ito ay ginawa upang pangalagaan ang karapatan ng relihiyon, at hindi baligtad, upang hindi makapang-himasok ang relihiyon sa mga gumagawa ng batas at nagpapatakbo ng pamahalaan. Simpleng kasaysayan lang ito kapatid! Magbasa ka nang kaunti upang maliwanagan. Walang separation between Church and State kung ang usapan ay bagay moral, bagay pang buhay na walang hanggan.

May dagdag pa sana akong dapat pagnilayan tungkol sa PORTA FIDEI … Sabi ng dokumento na ang pagpasok sa pinto ng pananampalataya ay hindi minsanang gawain lamang. Ito ay isang nagpapatuloy na lakbayin.

Kawawa naman ang mga nagsasabing katoliko raw sila, pero ito ay naganap lamang noong sila ay binyagan, o pumasok sa isang mamahalin at exclusibong catholic school. Nang nagtapos ay nagtapos na rin ang kanyang lakbayin sa pananampalataya. Natutunan lamang nila magdasal nang kaunti, o magsimba, (pag may Misa) o magbigay ng kaunting “limos” sa simbahan. Walang iniwan sila sa maraming taong tuwing Linggo ay ganito ang ginagawa … Papasok sa simbahan hanggang sa may pintuan lamang … yuyuko nang kaunti … at bago matapos ang komunyon ay patakbo nang palabas. Hindi nakinig sa mga pagbasa … hindi rin nakinig sa homiliya … at lalung hindi nakibahagi sa mga panalangin at pag-awit.

Ito ang tunay na simbang tabi, na gumawa lamang ng minimum, ng pinakamaliit masabi lamang na katoliko pa rin siya. Ang pananampalataya nila ay isang bitbitin, hindi isang lakbayin.

Sa Misa natin kahapon, araw ng Linggo, mahigit isa’t kalahating beses ang mga kabataang nasa labas, nasa devotion garden, nasa parking lot, nasa tabi.

Mahaba pa ang ating lakbayin … Marami pang dapat unawain at pagnilayan …

Itong mga simbang tabi na ito kahit sa simbang gabi ang galit na galit kapag nagwika ang Simbahan nang turo na hindi angkop sa turo ng ABS-CBN, at mga jukebox journalists, at mainstream media. Ito ang madaling humusga na makaluma ang simbahan, at ang turo nila ay hindi na angkop sa modernong panahon.

Mahirap ihatid ang mga taong ayaw pumasok, at ayaw maglakbay. Mahirap hilahin ang mga taong ayaw magpaturo at ayaw magpatulong o ayaw humingi ng payo.

Sa ebanghelyo natin ngayon, mahabang lakbayin ang tinahak ng angkan ni Jesucristo, mula kay Abraham hanggang kay David, mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia, at mula sa pagkatapon hanggang kay Kristo, na isinilang ng Birheng Maria, esposa ni Jose, na angkan ni David.

Ang mensahe natin sa ikalawang araw ay ito … Lakbayin ang pananampalataya. Para maganap ito, dapat kang pumasok sa loob ng pinto. Simbang gagi tayo, hindi simbang tabi. At kami naman ay ito ang wika … TULOY PO KAYO … TAYO NA AT MATUTO … TAYO NA AT PATULOY NA MAG-ARAL AT MANAGANA SA KANYANG PANGAKO … Maghahari ang katarungan at ang kaganapan ng kapayapaan magpasawalang hanggan! Saan pa kayo?

TIWALA SA ISANG DAIGDIG NA TILA PAKAWALA!

In Simbang Gabi on Disyembre 15, 2012 at 20:20

800px-Assistants_and_George_Frederic_Watts_-_Chaos_-_Google_Art_ProjectUnang Araw ng Simbang Gabi (K)

Disyembre 16, 2012

Mga Pagbasa: Sofonias 3:14-18a / Filipos 4:4-7 / Lucas 3:10-18

TIWALA SA ISANG DAIGDIG NA TILA PAKAWALA!

Simbang gabi na naman. Noong isang taon, sinikap kong gumawa ng isang pagninilay sa bawa’t araw ng simbang gabi, kahit ako ay nasa Guam at walang simbang gabing pinoproblema noong panahong iyon.

Sa taong ito ng pananampalataya, nais ko sanang bigyang pansin ang may kinalaman sa pagpapayaman ng ating pananampalataya. Bakit ba, maitanong naman ninyo?

Maraming dahilan … Una sa lahat, ayon sa mga pag-aaral, kung hindi tayo magigising sa katotohanan, sa loob ng apatnapung taon, hindi na tayo kasing maka-Diyos tulad panahong nagdaaan, o panahong pangkasalukuyan. Dama na natin ang katotohanang namiminto sa ating lipunan. Alam ng lahat ito … Hirap nang magsimba, hirap nang makinig, hirap nang magnilay at magtiwala ang mga kabataan sa nagaganap sa Misa, o sa mga turo ng Simbahan.

Ikalawa, ang kultura o kalinangan ng bayan natin, lalu na’t may kinalaman sa mga kabataan ay tila pakawala. Wala nang batas. Wala nang tama o mali. Ang tama o mali ay isa lamang imposisyon mula sa labas. Ang totoo at tama ay batay sa puso ng bawa’t isa. Boyzone culture, ika nga … whatever they teach us, what I believe is true!

Maraming tanda na ang kultura ngayon ay pakawala. Wala nang nagigimbal na anumang kakaiba, anumang hindi palasak, o anumang hindi ayon sa takbo ng pagpapahalaga ng lipunan. Nang pumasok ang mga call centers, nabago ang kultura. Nabago ang kahulugan ng pakikipag –kaibigan. Nabago rin ang mga alituntunin ng pakikisalamuha sa kapwa. Sa daigdig ng social networking, nabago rin ang kahulugan ng salitang “friend.”

Tingnan natin sumandali ang mundo ni Sofonias. Hindi alam ng marami ito, pero si Sofonias ang unang nagwika tungkol sa kakila-kilabot na araw ng pagdatal ng ganap na araw – kahindik-hindik na takot ang sagisag na binanggit niya sa pagdating ng Mananakop. Ang araw na yaon ay isang kagimbal-gimbal na araw na kung tawagin sa Latin ay “dies irae,” ang araw ng matinding galit ng Diyos.

Parang pakawala rin ang kanyang mga salitang nakatatakot … bagay sa isang sitwasyong tila pakawala rin, at walang kahulugan.

Subali’t si Sofonias ang nagwika ng mga katagang puno ng pag-asa, puno ng kagalakan, puno ng pangako. May tiwala pa rin siya, bagama’t ang panahon ay tila pakawala!

Tingnan rin natin si San Pablo. Kung ang bagyong Pablo ay isang matinding pakawala ng tadhana na pumatay sa marami, si San Pablo naman ay nakaranas ng mapait na pagkakulong, kung saan siya nagwika rin ng matimyas at matatamis na salita rin ng wagas na kagalakan: “Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko: magalak kayo.” Sa isang katatayuang lubos na pakawala at tila walang kabuluhan, nakuha pa niyang mangaral, magtiwala, at sumampalataya.

Ano ba sa inyong pakiwari ang gusto kong tumbukin dito?

Simple lang po. Nasa taon tayo ng pananampalataya. Isang taon kung kailan gusto nating liwanagin, linangin, at palalimin ang ating pananampalataya. Hindi na puede ngayon ang mababaw na pang-unawa. Sa panahon natin, talamak ang kababawan. Marami sa atin ay konting konti lamang ang kabatiran at pagkaunawa sa pananampalataya. Kung kaya, ang daming naliligaw, nasasapawan, at nayuyurakan dahil sa kababawan.

Ano bang mensahe ang pahatid kaya sa atin ni Sofonias, ni Pablo at ni Juan Bautista?

Nais kong isipin na ito rin ang pahatid ni San Pedro Calungsod. Hindi sapat ang malaman kung ano ang turo ng simbahan. Dapat rin natin itong gawin. Hindi sapat ang magwika tungkol sa darating na araw ng Panginoon, tulad nang ginawa ni Sofonias. Nagwika rin siya ng wagas na pag-asa, kagalakan, at matimyas na katuwaan sa darating na katuparan ng pangako.

Marami tayong pinagdadaanang problema. Ang dami ng namatay at naghihirap pa rin sa Compostela Valley. Sa kaguluhang nangyayari, parang pakawala ang mundo sa kahirapan, sa kaguluhan, at kawalang kaayusan, tulad ng naganap sa Connecticut, kung saan higit sa 20 ang namatay.

Sa unang araw ng simbang gabi, nais ko sanang makibagay tayo sa turo at aral nina Sofonias, Pablo at Juan. Pakawala man ang panahon, tiwala pa rin ang ating tugon!

Huwag tayong manghinawa. Patuloy nawa tayong sumulong tungo sa isang makabagong pagbangon, sa taong ito ng pananampalataya.