frchito

LAGLAG BIYUDA, LAGLAG BALA, BABALA!

In Uncategorized on Nobyembre 7, 2015 at 09:57

widows-mite

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-32 Linggo ng Taon B

Nobyembre 8, 2015

LAGLAG BIYUDA, LAGLAG BALA, BABALA!

Walang kinalaman rito ang asawa ni Babalu. Pero may babala ang Diyos sa mga taong tulad ng mga Eskriba noong araw, ay panay ang gawang baluktot – ang katumbas ng gusto kong tawaging laglag biyuda!

Inilaglag ng lipunan ang biyuda nang siya ay naging balo. Ang dati niyang katigan, ang kanyang Ama, ay wala nang pananagutan sa kanya nang siya ay nag-asawa. Pero nang mamatay ang kanyang asawa, ay tuluyan na siyang inilaglag ng lipunan.

Sa lumang tipan, wala nang mas hihirap pa sa biyuda, sa ulila, at sa wala ni kapirasong lupang puedeng sakahin.

Problema na itong malaki. Pero mas malaking problema ang dulot ng mga laglag biyuda gang na nagsasamantala sa kanila – ang mga Eskribang mahilig magdamit ng mahahaba, umupo sa mga upuang pang VIP, at kilalanin bilang VIP ng mga tulad ng mga balong wala ni isang kusing o balang puedeng ilaglag saanman.

Problema nang malaki ang pagiging mahirap. Subalit lalong malaking problema ang lamangan at lokohin o dayain ng mga taong aral at taong nasa posisyon.

Ito ang malungkot na nagaganap ngayon sa ating lipunan. Naglipana sa NAIA ang mga laglag biyuda, ang mga laglag OFW, ang mga nagsasamantala sa mga matatanda, mga lolo at lolang walang kaya, mga turistang walang alam gawin kundi magbayad na lamang ng suhol, at padala sa pangongotong ng mga tampalasang ito sa ating lipunan.

Ang mga Eskriba noong araw na binalaan ng Panginoon ay walang kaibahan sa mga laglag biyuda at laglag bala gang sa NAIA.

Malinaw ang liksiyon at aral sa araw na ito. Una, ang Diyos ay kapanig ng mga api, ng mga tinatapakan at inaalipusta. Ito ang dahilan kung bakit ang propeta ay naging daan upang makakain ang biuda sa Sarepat.

Subalit ang pagmamalasakit na ito ng Diyos ay dapat isabuhay at isakatuparan at bigyang laman o katotohanan ng mga taong nagsisikap maging tulad ng Diyos. Ito ang mga taong hindi kayang maglaglag ng kapwa at manlamang ng mga walang kamuang-muang.

Ito ang mga taong nagsisikap mamuhay nang marangal, hindi lamang nang nababalot ng yaman.

Ito ngayon ang ginagawa ng maraming taong galit na galit sa ginagawa ng iilan sa ating lipunan. Sila ay nagsisikap maging tinig ng moralidad, tinig ng nararapat at kapaki-pakinabang sa lahat.

Ito ang tanong sa atin ngayon? Aling uri tayo? Ang tampalasang laglag biyuda at laglag bala, o ang nagsisikap maging katulad ni Kristong nagbabala sa mga gawang baluktot ng mga taong mapang-api at mapanlamang?

Hala! Gumawa nang nararapat! Kumilos at manindigan at huwag nang idamay si Babalu na asawa ni Babala.

Lipulin na ang bala sa NAIA! Wakasan na ang abala at kahihiyan ng lahat.

Sundin ang turo ng dalawang biyuda … na ang tunay na mayaman ay hindi ang nagkakamal, kundi ang nagbibigay!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: