frchito

PINAGPALA SAPAGKA’T NAGPARAYA

In Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Simbang Gabi 2015, Taon K, Uncategorized on Disyembre 19, 2015 at 10:41

SIMBANG GABI 2015 Ika-5 Araw

Disyembre 20, 2015

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

PINAGPALA SAPAGKA’T NAGPARAYA

Apat na araw na lamang at Pasko na. Apat na maagang gising o sakripisyo na lamang at masaganang Pasko na ang ating haharapin, marami man o kaunti ang handa, ang bagong gamit o damit, o anumang buong taon nating minimithi.

Ang pagmimithi o ang pagpupunyagi ay bahagi ng buhay ng tao. At may katotohanan sa kasabihang hindi araw-araw ay pasko, at hindi natin kayang gawin ang mga bagay na sa araw lamang ng Pasko natin puedeng gawin.

Ang pag-aasam ay parang isang buntong-hininga … napapahinga tayo ng malalim kapag nagnanasa, naghahanap, at hindi lahat ay kaya nating marating. Ito rin ang ginawa ng Diyos Espiritu Santo. Ang ibig sabihin ng Spiritus sa Latin ay hininga. Ito rin ang ibig sabihin ng orihinal na salita sa Hebreo at sa Griego … Ang bunting-hininga ng Diyos ay tanda ng pagnanasa ng Diyos na tayo ay mapabuti. Ito ang kanyang basbas, “blessing” – hininga na ibinubuhos niya sa atin.

Pero bago tayo tumanggap nito ay mayroon munang nagbigay halimbawa nang kung ano ang ibig sabihin ng pagtanggap ng biyaya. Ito ay nang nakibagay at sumunod ang isang babaeng nagngangalang Maria sa bunting-hininga ng Espiritu Santo, na lumukob sa kanya at ang milagro ng pagkakatawang-tao ng bugtong na Anak ng Diyos ay naganap.

Ito ang dahilan kung bakit sa araw na ito, muli nating pinararangalan ang Mahal na Birhen. Siya ang unang nakipag tulungan sa Espiritu Santo upang maganap ang gawang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Anak na nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo at sa pakikipag tulungan ng Mahal na Birhen.

Sa ating karanasan, alam natin kung ano ang kahulugan ng pagiging madamot. Lahat tayo ay madamot kapag minsan, kundi tuwina. Makasarili tayong lahat, dahil sa bahid ng kasalanang mana. Madali ang tumanggap, subali’t mahirap ang magparaya. Madali ang sumahod, pero mahirap ang magkaloob.

Pero sa kasaysayan ng tao, marami tayong nakitang sa mga hindi inaasahang pagkakataon, ay may mga taong nagiging bayani kahit hindi itinatanghal ng lipunan. Tulad halimbawa sa nakaraang trahedya sa Paris, mas marami pa sana ang mamamatay sa Bataclan club kung hindi naging bayani ang isang Muslim na pulis, na sumunggab sa teroristang akmang magpapasabog ng suot na bomba. Namatay siya kaagad dahil sa desisyong pigilan ang terorista sa kanyang balak, at sumabog ang bomba sa labas ng club.

Marami akong nakita sa aking 33 taong pagkapari ng mga nanay na isusubo na lamang ang pagkain ay iaabot pa sa anak. Silang lahat ay katulad ng Mahal na Birhen na tumanggap ng biyaya, at nagkaloob ng sarili upang ang pagpapalang tinanggap ay umambon sa higit pang tao.

Ito ang paghamon sa atin sa araw na ito at sa Pasko – ang tanggapin ang pagpapala ng Diyos at ang matutong magparaya pa nang higit upang maging daan tayo ng higit pang pagpapala sa iba.

Ang biyaya ay laging dumadaan sa instrumento … ang pag-ibig ng Diyos at ang kaligtasang dulot niya ay laging may dinadaluyang instrumento, at tayong lahat ay dapat maging handa na maging daluyan ng gawang pagliligtas ng Diyos.

Tulad ni Maria … Tulad ni Juan Bautista … Pinagpala, sapagka’t marunong magparaya!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: