frchito

MAHAL, MAHAL-AGA, MAALAGA!

In Simbang Gabi 2015, Taon K, Uncategorized on Disyembre 21, 2015 at 17:40

2-magnificat-cardSIMBANG GABI 2015 Ika-7 Araw Disyembre 22, 2015

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

MAHAL, MAHAL-AGA, MAALAGA!

Para talagang kalye serye ang ating nobena … Mga ordinaryong tao ang mga bida, mga walang sinasabing nilalang … mga simpleng taong walang nakakakilala at nagpapahalaga.

Ang taong simple ay madaling pasayahin … konting regalo lang hindi ka na makakalimutan. Malungkot mang aminin, ito ang dahilan kung bakit patuloy na nahahalal ang mga taong walang pagmamalasakit sa kapakanang pangkalahatan. Sa kaunting bigay na pera o bigas o anumang pabuya, malaking pasasalamat ang nagbubunsod sa kanila upang patuloy na ihalal ang mga tiwali at mga tampalasan at mapagsamantala.

Pero hindi natin sinasabing lahat ng simple ay ganito. May mga taong simple ngunit marunong kumilatis at magpasya nang wasto. May mga simpleng taong marunong tumanaw ng utang na loob at marunong tumingin sa mali at tama.

Kung kaya’t ituloy natin ang kalye serye ng Pasko! Ang bida ngayon ay dalawang babae na naman! Si Hannah at ang kanyang anak. Si Maria at ang kanyang hinihintay na sanggol. Pareho silang dalawang may tinanggap na mahal at mahalaga. Pareho silang naghintay ng sanggol at pareho silang biniyayaan ng Diyos. Pero hindi nila tinakbuhan ang pananagutan sa kanilang mahal na mahalaga rin, at pinahalagahan rin.

Narito ang liksyong mahalaga para sa atin. Marami rin tayong mahal. Mahal natin ang pamilya. Mahal natin ang mga tumutulong sa atin. Mahal natin ang mga cellphone nating mamahalin at mga gadgets na pagkalipas ng anim na buwan ay luma na. Pero sapagka’t mahal natin iyon, atin ring pinahahalagahan. Hindi natin ginagamit sa loob ng jeep upang mabighani ang mga mando – mandurukot na nagtataguyod sa business ng GSM (galing sa magnanakaw).

Ang mahal natin ay may halaga para sa atin. At anumang may halaga ay may tinatanggap na ALAGA … inaalagaan rin natin. Alam nating pahalagahan ang mga iPad natin o iPhone o Samsung o kahit Cherry o Hua-Wei. Alam rin nating alagaan ang mga ito, at hindi natin ipapangalandakan sa Divisoria o sa Pasay, o kahit sa Kalentong o sa Bicutan.

Alam nating mahalaga rin ang pananampalataya. Pero dito nagkakaiba ang mga saloobin natin. Pinahahalagahan ba natin ang pananampalataya natin, o handa tayong itapon ito dahil lamang sa hindi tayo sang-ayon sa turo ng simbahan? Handa ba tayong pahalagahan ito at depensahan? Handa rin ba tayo na ito ay pangalagaan at palaguin at palalimin?

Mahal ni Hannah ang kanyang anak. Mahal ni Maria ang kaniyang pinsang si Elizabet. At ang mahal ay mahalaga, puspos ng alaala at pinaglalagakan ng matinding pangangalaga. Ang nagmamahal sa isang mahalagang tao o bagay, ay ma-alaga rin.

Taon ngayon ng dakilang awa at habag. Ang awa ng Diyos ay isang mahalagang biyaya na hindi natin dapat waldasin. Bakit? Simple lang. Mahal tayo ng Diyos. Ang kanyang pagmamahal ay batayan ng kanyang dakilang pagpapahalaga sa ating lahat, lalu na sa mga makasalanan.

Ang mga makasalanan ay ako at ikaw … tayong lahat. At tayong lahat ay nangangailangan ng awa at habag ng Diyos na hindi niya ipinagkakait sa mga taong mahal niya, may alagang kaloob, at puspos ng alaalang nagbibigay-buhay.

Dalawang araw na lang. May dalawa pang araw tayo upang tumulad kay Hannah at kay Maria. Samahan natin siya sa pagpupuri at pagpapasalamat sa dakilang Diyos na Diyos ng awa at habag.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: