frchito

Posts Tagged ‘Ika-7 Araw ng Simbang Gabi’

MAHAL, MAHAL-AGA, MAALAGA!

In Simbang Gabi 2015, Taon K, Uncategorized on Disyembre 21, 2015 at 17:40

2-magnificat-cardSIMBANG GABI 2015 Ika-7 Araw Disyembre 22, 2015

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

MAHAL, MAHAL-AGA, MAALAGA!

Para talagang kalye serye ang ating nobena … Mga ordinaryong tao ang mga bida, mga walang sinasabing nilalang … mga simpleng taong walang nakakakilala at nagpapahalaga.

Ang taong simple ay madaling pasayahin … konting regalo lang hindi ka na makakalimutan. Malungkot mang aminin, ito ang dahilan kung bakit patuloy na nahahalal ang mga taong walang pagmamalasakit sa kapakanang pangkalahatan. Sa kaunting bigay na pera o bigas o anumang pabuya, malaking pasasalamat ang nagbubunsod sa kanila upang patuloy na ihalal ang mga tiwali at mga tampalasan at mapagsamantala.

Pero hindi natin sinasabing lahat ng simple ay ganito. May mga taong simple ngunit marunong kumilatis at magpasya nang wasto. May mga simpleng taong marunong tumanaw ng utang na loob at marunong tumingin sa mali at tama.

Kung kaya’t ituloy natin ang kalye serye ng Pasko! Ang bida ngayon ay dalawang babae na naman! Si Hannah at ang kanyang anak. Si Maria at ang kanyang hinihintay na sanggol. Pareho silang dalawang may tinanggap na mahal at mahalaga. Pareho silang naghintay ng sanggol at pareho silang biniyayaan ng Diyos. Pero hindi nila tinakbuhan ang pananagutan sa kanilang mahal na mahalaga rin, at pinahalagahan rin.

Narito ang liksyong mahalaga para sa atin. Marami rin tayong mahal. Mahal natin ang pamilya. Mahal natin ang mga tumutulong sa atin. Mahal natin ang mga cellphone nating mamahalin at mga gadgets na pagkalipas ng anim na buwan ay luma na. Pero sapagka’t mahal natin iyon, atin ring pinahahalagahan. Hindi natin ginagamit sa loob ng jeep upang mabighani ang mga mando – mandurukot na nagtataguyod sa business ng GSM (galing sa magnanakaw).

Ang mahal natin ay may halaga para sa atin. At anumang may halaga ay may tinatanggap na ALAGA … inaalagaan rin natin. Alam nating pahalagahan ang mga iPad natin o iPhone o Samsung o kahit Cherry o Hua-Wei. Alam rin nating alagaan ang mga ito, at hindi natin ipapangalandakan sa Divisoria o sa Pasay, o kahit sa Kalentong o sa Bicutan.

Alam nating mahalaga rin ang pananampalataya. Pero dito nagkakaiba ang mga saloobin natin. Pinahahalagahan ba natin ang pananampalataya natin, o handa tayong itapon ito dahil lamang sa hindi tayo sang-ayon sa turo ng simbahan? Handa ba tayong pahalagahan ito at depensahan? Handa rin ba tayo na ito ay pangalagaan at palaguin at palalimin?

Mahal ni Hannah ang kanyang anak. Mahal ni Maria ang kaniyang pinsang si Elizabet. At ang mahal ay mahalaga, puspos ng alaala at pinaglalagakan ng matinding pangangalaga. Ang nagmamahal sa isang mahalagang tao o bagay, ay ma-alaga rin.

Taon ngayon ng dakilang awa at habag. Ang awa ng Diyos ay isang mahalagang biyaya na hindi natin dapat waldasin. Bakit? Simple lang. Mahal tayo ng Diyos. Ang kanyang pagmamahal ay batayan ng kanyang dakilang pagpapahalaga sa ating lahat, lalu na sa mga makasalanan.

Ang mga makasalanan ay ako at ikaw … tayong lahat. At tayong lahat ay nangangailangan ng awa at habag ng Diyos na hindi niya ipinagkakait sa mga taong mahal niya, may alagang kaloob, at puspos ng alaalang nagbibigay-buhay.

Dalawang araw na lang. May dalawa pang araw tayo upang tumulad kay Hannah at kay Maria. Samahan natin siya sa pagpupuri at pagpapasalamat sa dakilang Diyos na Diyos ng awa at habag.

Advertisement

MAGNIFICAT: DI LANG AGOS NG DAMDAMIN!

In Uncategorized on Disyembre 21, 2014 at 21:40

magnificat-88f4e

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 22, 2014

DI LANG AGOS NG DAMDAMIN

Bulalas ng puso ang panalangin ni Maria … nag-uumapaw na papuri, naghuhumiyaw na kagalakan, at nagsusumikat na pag-asa!

Kailan ka huling bumulalas ng pasasalamat at papuri? Lahat tayo ay nagdadaan sa pagkakataong hindi natin matiis kundi maghumiyaw sa galak, lalu na’t malaking biyaya ang ating tinanggap. Nakikita ko ito sa facebook nang malimit … mga taong nagpapasalamat sa Diyos sapagka’t pumasa sa eksamen para makapasok sa magandang escuela sa college … mga taong nag-aasam makapag-abroad na tumanggap ng isang alok ng trabahong pinakamimithi … mga biyayang inaasam, pero di inaasahan.

Ito ang Magnificat! Ito ang dakilang papuri ni Maria! Sino nga ba naman siya upang kasihan ng Diyos at pagkalooban ng isang natatanging biyaya na maging Ina ng sanggol na galing mula sa kaitaasan?

Pareho ang pinagdaanan ni Ana at ni Maria … pareho silang nagsilang ng sanggol na hindi inaasahan. Pareho silang nagpadala sa tuwa at nagpasalamat.

Isang aklat ni Louis Evely ang isa sa mga una kong binasang libro noong ako ay 16 na taong gulang. Isang linya sa kanyang panulat ang hindi makatkat sa aking kalooban: “Kung wala kang dapat ipagpasalamat sa Diyos, wala ni isang hiblang ka-kristiyanuhan sa iyong katawan.”

Itong diwa ng dakilang pasasalamat ang ating tugon sa unang pagbasa: “Diyos kong tagapagligtas, pinupuri kitang wagas!”

Sa ating panahon, maraming tao ang wala nang nakikitang dahilan upang magpasalamat. Ang lahat ay parang inangkin na nilang para sa kanila. Mataas ang tinatawag na “sense of entitlement.” Ang lahat ay parang karapatang dapat ipagkaloob sa kanila. Dapat ako ipasa ng mga guro sapagka’t nagbabayad ako ng tuition, kahit na hindi ako nag-aaral. Dapat akong bigyan ng bahay ng gobyerno, kahit na wala akong anumang puhunang personal. Ang mga bata ay hindi dapat parusahan o paluin o pagsabihan man lamang ng mga matatanda, sapagka’t hindi dapat masaktan ang kanilang damdamin.

Marami pang ibang halimbawa sa buhay natin na puede natin idagdag dito. Ito ang dahilan kung bakit ang tawag ng mga paham sa ating panahon ay “age of narcissism,” at kay rami nang mga bata ang lumalaking narcisista o makasarili.

Ang pasasalamat ay nagmumula at nag-uugat sa pagpapahalaga. Wala tayong pasasalamatan kung hindi natin pinahahalagahan ang anuman.

Ito ang buod ng panalangin ni Maria ang Magnificat. Kinilala niya ang dakilang habag ng Diyos. Kinilala niya ang pabor na ipinagkaloob sa kanya: “Sapagka’t nilingap niya ang kanyang abang alipin … At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi, dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan!”

Subali’t isang malaking pagkakamali na isiping walang ibang ibig sabihin ito kundi pagpapahayag lamang ng matimyas na damdamin. Hindi ito isang pagbubuhos lamang ng laman ng puso. Ito ay ay isang pagpapahayag ng marubdob na adhikaing dapat rin nating bigyang-pansin.

Ano ba ang adhikaing ito? Tingnan lang natin ang ginawa ni Maria. Nagtatakbo patungo sa pinsan niyang si Elisabet. Hindi lang siya nagpadala sa damdamin, gaano man kalakas ang nilalaman ng puso … nagsikap, nagpagal, naglingkod, tumabang kay Elisabet.

Ito ang ganap na diwa ng Magnificat. Hindi lamang ito buhos ng damdamin. Ito rin ay pagpapahayag ng kagustuhang maging daan ng pagbabago, maging tulay ng pagkakawang-gawa, at lagusan ng biyayang minimithi ng kapwa, ng bayan, ng lipunan.

Dalawang araw na lamang at tapos na naman ang Simbang Gabi. Busog na naman ang puso natin at tiyan sa araw ng Pasko. Maghihintay pa ba tayo ng sunod na Simbang Gabi upang gumanap sa tungkulin nating “busugin ang nagugutom at ipangalat ang mga palalo ang isipan?”

Sinimulan na ni Maria. Ang tanging dapat natin gawin ay tumulad, sumunod, at gumawa!