frchito

WALANG BAWAS, WALANG DAGDAG, WALANG KULANG

In Karaniwang Panahon, Taon K, Uncategorized on Enero 22, 2016 at 14:40

Unknown

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-3 Linggo KP_K

WALANG BAWAS, WALANG DAGDAG, WALANG KULANG

Ayon kay Nehemias sa unang pagbasa, tinipon ni Ezra ang lahat: mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang” upang sa harapan nila ay basahin ang batas ng Diyos.

Walang iwanan, kumbaga … lahat ay mahalaga, lahat ay may papel, at ang bawa’t isa ay may silbi kung bakit sila tinawag. Para saan? … sa pagbasa ng batas ng Diyos. Angkop na angkop ang tugon natin sa unang pagbasa: “Ang batas ng Diyos ay batas na walang kulang; ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay; yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan, nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.”

Walang labis, walang kulang. Walang bawas, walang di mahalaga.

Tulad rin ito ang katawan ng tao. Wala ni isang bahagi ang maaring magsabing “ayoko na sumama sa kabuuan.” Wala ni isang bahagi ang puedeng magmalaki at magsarili. Isang kabuuan ang katawan ng tao, at walang hindi kailangan. Ang lahat ay may pananagutan.

Sa bayang sinilangan ng Panginoon, walang masyadong halaga ang Galilea, lalu na ang bayan ng Nazaret. Wala roon ang templo. Wala din doon ang luklukan ng mga may kapangyarihan.

Subali’t para sa Diyos, walang hindi mahalaga. Walang hindi kinakailangan, at walang bahaging walang silbi at panunungkulan. Bumalik pa rin si Jesus sa Galilea, at pumasok sa isang maliit na sinagoga.

Pero dito naganap ang lubhang mahalagang pasinaya sa kanyang misyon. Tumayo siya upang magbasa mula sa aklat ni Propeta Isaias. At bagama’t maliit na grup lamang ang kanyang kaharap, dito nabunyag ang malaking pananagutan at panunugkulan niya sa bayan ng Diyos.

Nabunyag na siya ang sugong magpapagaling sa mga maysakit, magpapalaya sa mga napipiit, magpapagaling sa mga bulag, kaluwagan sa mga nasisiil, at pagpapahayag ng pagliligtas na gagawin ng Panginoon.

Tumayo siya upang magbasa. Subali’t hindi lang nanatili sa pagbabasa. Ibinunyag niyang ang tungkuling itong binasa niya ay natutupad na rin noon, doon, at sa kasalukuyan.

Ito ang mabuting balita para sa atin. Isa lamang akong hamak at di kilalang pari. Hindi ako makapangyarihan. Wala akong pinanghahawakang anumang karangalan. Subali’t may halaga ako sa mata ng Diyos, tulad nang may halaga ang mga Galileo … tulad nang may halaga ang lahat ng nasusulat sa Kasulatan … walang bawas, walang labis, walang kulang.

Mahalaga ang bata, matanda, lalaki o babae – sinuman! Mahalaga ang bawat letra, titik, salita, parirala, pangungusap o linya sa mga Salita ng Diyos. Walang labis, walang kulang.

Mahalaga ang bawat bahagi ng katawan, tulad nang mahalaga ang bawa’t isang kasapi ng kanyang bayan.

Huwag nang tumangis at malungkot. Hindi ka man tanyag, makapangyarihan o mayaman, ay mahalaga ka sa Kaniyang nagsugo sa bugtong nIyang Anak, upang tayo ay mabuhay magpakailanman, magpasawalang hanggan!

Tapos ang usapan!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: