frchito

Archive for Marso, 2016|Monthly archive page

LIMOT NA TALO PA? WAGI!

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon K, Uncategorized on Marso 12, 2016 at 04:48

Ika-5 Linggo ng Kwaresma Taon K

Marso 13, 2016

May mga karanasan na mahirap limutin. Mayroong pangyayaring hindi agad makatkat sa isipan at sa guni-guni. Lahat tayo ay may pitak sa puso na pinagsisidlan ng lahat ng kapaitan, at masamang alaala.

Hindi tayo nag-iisa sa ganitong karanasan. Ang aking asong Labrador ay ayaw na ayaw mapapalapit sa kung saan may malakas na tunog ng motor. At takot na takot siyang mapalapit sa kung saan ginugupitan sila ng kuko. Noong tuta pa siya, ay parang nasaktan yata ng ginupitan ng kuko sa mga paa.

Di hamak na mapait ang pinagdaanan ng bayan ng Diyos sa Egipto. At upang mapawi ang mapait na alaala, isang kapalit na pangitain ang hatid ni Isaias. Ang kanyang mensahe ay walang iba kundi kung paano nilupig ng Diyos ang malaking hukbo, at nilipol ang kanilang mga kabayo.

Ano ba ang puno at dulo ng payo ng Diyos? Ang mga nangyari noong unang panahon, ilibing sa limot, limutin na ngayon.

Limot … May nagsasabing hindi malilimot ang isang bagay liban kung ito ay mapalitan ng isang bagong gunita at alaala. Ito ngayon ang magandang balita ni Isaias: Ako’y magbubukas ng isang landasin sa gitna ng ilang, maging ang disyerto ay patutubigan.”

Pati si Pablo ay nahawa na rin sa virus ng paglimot. Inari kong kalugihan, aniya, ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Kristo Hesus na aking Panginoon. Ang lahat, dagdag pa niya ay walang kabuluhan makamtan ko lamang si Kristo at lubos na makiisa sa kanya.

Dalawang kataga ang namumutawi ngayon sa labi nating lahat: LIMOT, AT LUGI. Dapat nang ibaon ang ibang bagay sa puntod ng limot, at ituring na lamang ang lahat bilang LUGI kumpara sa bagong yamang hatid sa atin ng Panginoon.

Sa buhay natin, kung tayo ay laging mananatili sa masamang alaala, tayo ang lugi. Kung lagi nating panghahawakan ang sama ng loob at hindi palalampasin ang anumang hinanakit kaninuman, tayo ay laging lugi. Sabi ng mga dalubhasa, ang nananatili sa galit ay siyang higit na talo. Walang panalo ang taong nagpapadala sa anumang matinding galit. Ang unang magalit siyang talo.

Sa ebanghelyo isang babae ang nahuli daw sa pakikiapid. Malinaw na talo siya kung ang batas ang pag-uusapan. Lugi na siya, talo pa. Kahit may isa pang lalaking kasama niya sa paggawa ng kamalian, ang babae lamang ang lugi ayon sa kultura ng mga Israelita noong panahong yaon.

Lugi na siya sapagkat wala ang kanyang kalaguyo, ay talo pa sapagkat sinangkalan siya ng mga Pariseo para subukan at sukulin si Kristo. Hindi nila pakay ang itama ang mali, kundi ang gumawa pa ng isang kamalian – ang hiyain si Kristo.

Lugi na, talo pa. Wala siyang panalo. Walang kakampi. Tiyak na bitay sa pamamagitan ng pamamato ang kanyang kapalaran. Minsan sa buhay, para tayong ganito … kinalimutan na, ay lugi pa. Walang masulingan, walang malapitan. Dumadaan sa buhay natin ang karanasang tila wala tayong kakampi. Sabi ng isang manunulat sa Ingles, nagdaraan sa buhay natin ang pagkakataong tila pinatay ng Diyos ang lahat ng ilaw sa ating buhay. At sa pagkakataong ito ay wala tayong kapaga-pag-asa.

Ito ang kalalagayan ng babaeng nahuli sa pakikiapid. Ito ang kanyang mapait na karanasan. At dito naging makabuluhan ang sinabi ni Isaias: llibing na ang lahat sa limot. Kalimutan ang lahat. Magsimula tayo ng bago.

Dinala siya sa harap ni Jesus. Wala siyang sinabi at tumungo upang magsulat sa lupa. Naglista siya sa buhangin. Lista ng utang na hindi na sisingilin. Lista sa tubig, kumbaga. At nagwika ang Panginoon ng kataga ng pag-asa: Ang sinumang walang sala ay siyang unang pumukol!

Sino sa atin ang walang sala? Sino sa atin ang hindi nagkamali? Sino sa atin ang hindi nadulas at nahulog sa malaki o maliit na kamalian? Walang tuminag. Walang nagtangka. Walang nagmalinis. At lahat ay buking sa katotohanang lahat ay may sala. Unti-unting nag-alisan. Naiwan si babae kasama si Jesus. At tumingala ang Panginoon … ang kaisa-isang pagkakataon liban sa krus nang siya ay tumingala at nagwika: Wala bang nagparusa sa iyo? Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwang nang magkasala.

Limot na. Burado pa ang lahat. Ang dating lugi at talo ay naging wagi. Wagi ang may pag-asa. Wagi ang may tagapagligtas. Wagi ka hindi talo kung kapiling mo ang Diyos! Gawa ng Diyos ay dakila, kaya’t tayo ay natutuwa.

NAGBAGONG KAPALARAN; BIGAY NA KALIGTASAN

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Marso 5, 2016 at 05:55

murillo.jpg

[TINAPAY NG SALITAN NG DIYOS]

Ika-4 na Linggo ng Kwaresma Taon K

Marso 6, 2016

NAGBAGONG KAPALARAN O BIGAY NA KALIGTASAN?

Isang napakandang awit ng Hotdog ang tanyag na tanyag noong bata pa kami … Dati-rati’y ang pangit pangit mo … Ngayon mukhang superstar ka na!

Hindi natin maipagkakaila na ang pagbabago ay inaasam nating lahat. Gusto natin magbago ang lipunan natin. Gusto nating magpalit na nang ugali ang mga politikong nagpapahirap sa atin. Gusto natin lahat ng bagong smartphone, na nagpapalit ng modelo tuwing anim na buwan.

Dati-rati’y ang pangit ng katayuan ng bayan ng Diyos. Ayon sa pinag-usapan natin noong nakaraang Linggo, sila ay nabuhay sa pagka-alipin at kadustaan sa Egipto. Kung kaya’t nagdalang-habag ang Diyos at sa pamumuno ni Moises ay nakarating sila sa lupang pangako.

Ito pa rin ang tinutumbok ng unang pagbasa … “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Dati-rati ay manang walang lasa at malamang walang palaman ang kinain nila sa disyerto. Ngayon ay para na silang superstar sa hotel, sapagka’t “pagkaing inaani sa Canaan ang kanilang ikinabuhay.”

Lahat tayo ay umaasa sa pagbabago. Lahat tayo ay naghihintay na maging cewebrity sa social media. Tulad ni Carrot Man, o ni Cabbage Man, umaasa tayong maging katumbas ni Superstar na dati rati wala ni singko, ngayon ay pa-tseke-tseke na lang. Sayang, si Sibuyas Man ay mababa pa rin ang rating sa survey.

Maganda ang konklusyon ng Hotdog. Nagsisisi ako!

Ito ang paksa natin sa araw na ito. Huwag na natin isipin kung paano tumanyag si Sibuyas Man, o si Curacot Man. Tingnan natin ngayon ang kwento ngayon sa Maalaala Mo Kaya tungkol kay Bunsong Lumisan!

Si Bunsong Lumisan ay isa sa dalawang anak na lalaki ng isang mayamang may ari ng sakahan. Medyo spoiled yata si Bunso at hindi maka-hintay. Isang araw, naisip niyang unahan ang kanyang Ama at ang kaniyang Kuya. Walang kaabog-abog na hiningi niya ang kalahati ng ari-arian ng kanyang Ama. Buhay pa si Tatay ay pinatay na ni bunso sa yurak sa dibdib ang Ama na umaasa sanang tatanda siyang kasama ang kaniyang bunso.

Pero mapusok si bunso. Nagmamadali. Nagmamarunong. At hindi siya makahintay. Lumisan si bunso. Nilustay ang pera sa lahat ng uri ng kalalabisan. At naubos ang kanyang munting yaman.

Dito pumasok ang lahat ng problema. Mas masahol pa ang sinapit niya kaysa kay Carrot Man o Cabbage Man. Gusgusin, mabaho, at walang makain, pati darak na pagkain ng baboy ay ipinagkait sa kanya.

At dito pumasok ang makabagbag-damdaming yugto ng kanyang buhay. Dati rati ay ang yaman-yaman niya. Dati-rati ay ang sarap-sarap ng buhay niya, kapiling si Kuya at ang Ama.

At dito pumasok bigla ang pumasok sa isipan ng Hotdog …. Nagsisisi ako! Nagbago ang kapalaran ko!

Pero hindi ito ang uri ng pagbabagong binabanggit ni Pablo sa mga Taga Corinto. Sinabi niya: “Ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya’y bago na.”

Sa sandaling ito, gusto ko sanang iwaksi na sa inyong isipan ang matuyaing awit ng Hotdog. Pumunta na tayo sa ebanghelyo …

Sa kwento ni Bunso, may isang hiyas ng kabatiran ang dulot sa atin, liban sa marami pang iba. Nagsisisi ako … Dati rati ay kay dami kong pagkain… Dati rati ay kay gaganda ng aking kasuotan … Ngunit ngayon, kahit darak para sa baboy ay ipinagkakait sa akin.

Nagsisisi ako … Babalik ako sa Ama at sasabihin ko ang totoo … Nagkasala ako laban sa langit at sa iyo … ituring mo na lamang akong isang bayarang trabahador.

Mga kapatid, ang kwento ni Bunso, ay hindi kwentong pang MMK lamang. Ito ay kwentong pamhabang-buhay, pang buhay na walang hanggan.

Ang kototohanan ay ito. Hindi si Bunso ay puno at dulo ng kwento, kundi ang Diyos – ang kaniyang dakilang habag at awa. At ang Diyos kapag umibig ay hindi nagsisisi … hindi nagbabago ng isip … Hindi kailanman lumilisan sa kanyang ipinangakong pag-ibig. Wala siya iniiwan at niyuyurakan sa dibdib. Kapag nagmahal ang Diyos ay may forever.

Hindi nagbabago ang kapalaran ng tao. Una, walang pakikipag sapalaran sa Diyos. Hindi beto-beto ang buhay natin sa piling ng Diyos. Hindi tsambahan. Hindi nakukuha sa guhit ng palad.

At ito ang totoo … dati rati’y ang pangit-pangit nating lahat dahil sa kasalanan. Pero hinango tayo ng Diyos sa tiyak na kamatayan. Hindi ito nagbagong kapalaran. Ito ay kwento ng kaloob na kaligtasan.

Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin!