frchito

NAGBAGONG KAPALARAN; BIGAY NA KALIGTASAN

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Marso 5, 2016 at 05:55

murillo.jpg

[TINAPAY NG SALITAN NG DIYOS]

Ika-4 na Linggo ng Kwaresma Taon K

Marso 6, 2016

NAGBAGONG KAPALARAN O BIGAY NA KALIGTASAN?

Isang napakandang awit ng Hotdog ang tanyag na tanyag noong bata pa kami … Dati-rati’y ang pangit pangit mo … Ngayon mukhang superstar ka na!

Hindi natin maipagkakaila na ang pagbabago ay inaasam nating lahat. Gusto natin magbago ang lipunan natin. Gusto nating magpalit na nang ugali ang mga politikong nagpapahirap sa atin. Gusto natin lahat ng bagong smartphone, na nagpapalit ng modelo tuwing anim na buwan.

Dati-rati’y ang pangit ng katayuan ng bayan ng Diyos. Ayon sa pinag-usapan natin noong nakaraang Linggo, sila ay nabuhay sa pagka-alipin at kadustaan sa Egipto. Kung kaya’t nagdalang-habag ang Diyos at sa pamumuno ni Moises ay nakarating sila sa lupang pangako.

Ito pa rin ang tinutumbok ng unang pagbasa … “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Dati-rati ay manang walang lasa at malamang walang palaman ang kinain nila sa disyerto. Ngayon ay para na silang superstar sa hotel, sapagka’t “pagkaing inaani sa Canaan ang kanilang ikinabuhay.”

Lahat tayo ay umaasa sa pagbabago. Lahat tayo ay naghihintay na maging cewebrity sa social media. Tulad ni Carrot Man, o ni Cabbage Man, umaasa tayong maging katumbas ni Superstar na dati rati wala ni singko, ngayon ay pa-tseke-tseke na lang. Sayang, si Sibuyas Man ay mababa pa rin ang rating sa survey.

Maganda ang konklusyon ng Hotdog. Nagsisisi ako!

Ito ang paksa natin sa araw na ito. Huwag na natin isipin kung paano tumanyag si Sibuyas Man, o si Curacot Man. Tingnan natin ngayon ang kwento ngayon sa Maalaala Mo Kaya tungkol kay Bunsong Lumisan!

Si Bunsong Lumisan ay isa sa dalawang anak na lalaki ng isang mayamang may ari ng sakahan. Medyo spoiled yata si Bunso at hindi maka-hintay. Isang araw, naisip niyang unahan ang kanyang Ama at ang kaniyang Kuya. Walang kaabog-abog na hiningi niya ang kalahati ng ari-arian ng kanyang Ama. Buhay pa si Tatay ay pinatay na ni bunso sa yurak sa dibdib ang Ama na umaasa sanang tatanda siyang kasama ang kaniyang bunso.

Pero mapusok si bunso. Nagmamadali. Nagmamarunong. At hindi siya makahintay. Lumisan si bunso. Nilustay ang pera sa lahat ng uri ng kalalabisan. At naubos ang kanyang munting yaman.

Dito pumasok ang lahat ng problema. Mas masahol pa ang sinapit niya kaysa kay Carrot Man o Cabbage Man. Gusgusin, mabaho, at walang makain, pati darak na pagkain ng baboy ay ipinagkait sa kanya.

At dito pumasok ang makabagbag-damdaming yugto ng kanyang buhay. Dati rati ay ang yaman-yaman niya. Dati-rati ay ang sarap-sarap ng buhay niya, kapiling si Kuya at ang Ama.

At dito pumasok bigla ang pumasok sa isipan ng Hotdog …. Nagsisisi ako! Nagbago ang kapalaran ko!

Pero hindi ito ang uri ng pagbabagong binabanggit ni Pablo sa mga Taga Corinto. Sinabi niya: “Ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya’y bago na.”

Sa sandaling ito, gusto ko sanang iwaksi na sa inyong isipan ang matuyaing awit ng Hotdog. Pumunta na tayo sa ebanghelyo …

Sa kwento ni Bunso, may isang hiyas ng kabatiran ang dulot sa atin, liban sa marami pang iba. Nagsisisi ako … Dati rati ay kay dami kong pagkain… Dati rati ay kay gaganda ng aking kasuotan … Ngunit ngayon, kahit darak para sa baboy ay ipinagkakait sa akin.

Nagsisisi ako … Babalik ako sa Ama at sasabihin ko ang totoo … Nagkasala ako laban sa langit at sa iyo … ituring mo na lamang akong isang bayarang trabahador.

Mga kapatid, ang kwento ni Bunso, ay hindi kwentong pang MMK lamang. Ito ay kwentong pamhabang-buhay, pang buhay na walang hanggan.

Ang kototohanan ay ito. Hindi si Bunso ay puno at dulo ng kwento, kundi ang Diyos – ang kaniyang dakilang habag at awa. At ang Diyos kapag umibig ay hindi nagsisisi … hindi nagbabago ng isip … Hindi kailanman lumilisan sa kanyang ipinangakong pag-ibig. Wala siya iniiwan at niyuyurakan sa dibdib. Kapag nagmahal ang Diyos ay may forever.

Hindi nagbabago ang kapalaran ng tao. Una, walang pakikipag sapalaran sa Diyos. Hindi beto-beto ang buhay natin sa piling ng Diyos. Hindi tsambahan. Hindi nakukuha sa guhit ng palad.

At ito ang totoo … dati rati’y ang pangit-pangit nating lahat dahil sa kasalanan. Pero hinango tayo ng Diyos sa tiyak na kamatayan. Hindi ito nagbagong kapalaran. Ito ay kwento ng kaloob na kaligtasan.

Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: