frchito

Imbakan ng Awtor

HARING MARANGYA; HARING MAPAGPARAYA

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Taon B, Uncategorized on Nobyembre 18, 2015 at 03:42

Christ-Enthroned3

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Kristong Hari _Taon B

Nobyembre 22, 2015

 

HARING MARANGYA; HARING MAPAGPARAYA

Nagkataong nasa Pilipinas ang mga “hari” ng APEC. Isang marangyang pagtitipon sa isang maralitang bayan ang nagaganap habang sinusulat ko ito. At bagama’t ang laman ng usapan, liban sa buhol-buhol na trapiko, ay ang tinaguriang ALDAV, nagsisikap sumingit ang liturhiya sa araw na ito matapos ang APEC upang pagnilayan ang pagkahari ni Kristong Panginoon.

Iba ang pakahulugan sa hari sa ating panahon, lalu na sa Pilipinas. Sa atin, kapag ikaw ay may posisyon saanman, sikat ka. Kapag sikat ka, marami kang puedeng gawin na hindi kayang gawin ng ordinaryong tao. Puede ka magkaroon ng wangwang. Puede ka mag counter flow sa traffic. Puede ka rin sumingit sa mga pila, at marami pang iba.

Ang maging hari ay katumbas ng pagiging makapangyarihan.

Subali’t sa Lumang Tipan, ang pagiging hari ay mas malapit sa pagiging tulad ng isang pastol, na walang iniisip kundi ang kapakanan ng kawan. Ang pagiging hari ay ang pagpapasan ng pananagutan para sa pinaghaharian. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga Israelita ay humingi ng hari at tumulad sa kanilang mga kapitbayan.

Medyo hindi magandang balita sa marami ang magwika tungkol sa mga namumuno sa atin. Hindi maganda ang imahe sa madla ng mga taong may kapangyarihan. Una, kapag nakatikim ng poder ay ayaw nang bumaba. Ikalawa, kung hindi na puede tumakbo ay inililipat sa asawa, sa kapatid, sa anak, at sa sinumang pinakamalapit sa kanila. Dinastiya ang mga posisyon sa Pilipinas. Pare-parehong pangalan ang mga namumuno. At higit sa lahat, ang posisyon ay malayo sa paglilingkod, kundi sa pagpapahirap sa taong-bayan.

A ver … may nakita na ba kayong politico na humirap dahil naglingkod sila sa bayan? At kung tunay na paglilingkod ang kanilang hanap, bakit sila nagpapatayan maging gobernador lamang or mayor?

Malinaw sa mga pagbasa na Diyos mismo ang nagkaloob ng kapangyarihan. Ayon sa hula ni Daniel, “binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan, at ng kaharian.” Ayon sa Bagong Tipan, ang paghahari ng Diyos ay bumabagtas sa pangkasalukuyan, sa nakaraan at sa hinaharap.

At sa ebanghelyo, hindi iniwasan ni Kristo ang tanong bagkus sinagot: “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito.”

At dito pumapasok ang magandang balita. Ang paghahari ng Diyos ay kakaiba sa paghahari ng tao. Ang tao, kapag humawak ng kapangyarihan ay nagbabago, napapalitan ang mga pananaw at nababago rin ang kanilang mga adhikain.

Sa halip na gumawa upang maglingkod … sa halip na magparaya ay naghahanap ng rangya.

Dalawang bagay sa madaling salita ang hinihingi ng liturhiya at mga pagbasa sa atin ngayon. Una, ang ituring si Kristo bilang hari ng ating mga puso. At ikalawa, ang matuto sa kaniyang halimbawa ng paglilingkod na walang paghahanap sa sarili, ang maglingkod nang walang pag-iimbot, walang kasakiman, at walang sarlling adhikain, liban sa adhikain ng Diyos.

Ang tunay na hari ayon sa wangis ng Diyos, ay hindi marangya. Ang tunay na hari ayon sa kanyang wangis ay ang marunong magkalinga at magparaya.

Purihin si Kristong Hari!

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO!

In Uncategorized on Nobyembre 14, 2015 at 09:33

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Unknown

Ika-33 Linggo ng Taon B

Nobyembre 15, 2015

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO!

Bihira na ngayon ang batang marunong kumilala ng puno. Hindi na nila alam ang kaibahan ng puno ng santol at puno ng mangga. Asa pa ba kayong masabi nila ang kaibahan sa kambing at sa tupa?

Lumaki akong nagtatanim ng sari-saring puno: kape, kakawate, chico, at mga halamang-laman tulad ng kamote, balinghoy at iba pa. Isa sa aking natutuhan ay ito … hindi komo naitanim mo na ay hahayaan mo na. Dapat kang tumingin sa mga senyas, sa mga palatandaan at kung hindi ka marunong tumingin sa mga tanda ng kalikasan ay wala kang mapapala sa iyong ipinunla. Kapag naunahan ka ng ulan bago umani, ay wala kang aanihin.

Mga senyas at tanda ang paksa ng mga pagbasa ngayon …

Ang buhay natin ngayon, sa totoo lang, ay puno ng senyas. Mahigit nang 100 ang namatay sa mga pasabog ng terorista sa Paris, Francia. Huwag na tayo lumayo sa Pilipinas. Araw-araw, panay kabuktutan, kadayaan at panlalamang ang laman ng balita. Ang mga tanda na nakikita natin ay nagtuturo lahat sa isang katotohanang hindi natin maipagkakaila.

Ang lipunan natin ay nababalot ng kasalanan. Ang kultura ng kasalanan, na nakikita sa katiwalian ay palasak na kahit saan ka magpunta: mga kalyeng nagiging paradahan lang ng sasakyan … mga bangketang nagiging barangay outposts, at mga liwasan at sementeryong nagiging bahayan. Kahit saan ka magpunta ay tila dapat mong bantayan ang kapaligiran mo sapagka’t hindi mo alam kung sino ang sunod na titira sa iyo. At wala nang lugar na pinipili ang masasamang loob – tulad ng airport at iba pa.

May mga tanda na ang bunga ay pangamba. May mga tanda na ang bunga ay paghahanda, pagsisikap, at pagpupunyagi. Depende ang lahat kung ano ang ating nababasa sa likod ng tanda.

Sa mga pagbasa ngayon, tandang maliwanag ang natutunghayan natin – mga tanda na nagtuturo sa wakas ng panahon, at sa darating na kaligtasang dulot ng Diyos.

Sa marunong bumasa, pananampalataya ang hatid. Sa marunong kumilatis, pag-asa ang bunga. Sa mga taong mababaw ang pananampalataya, takot ang namamayani.

Marunong ka bang magbasa? Sabi ng Panginoon na unawain daw natin ang aral mula sa puno ng igos.

Nababasa ba natin? Ang kanta dati ng mga Pinoy ay ito: Wala ka bang napapansin?

Wala ka ba talagang napapansin? Na palasak na sa atin ang kultura ng kasalanan? At bihasa na tayong makakita ng kasamaan at hindi na tayo natitinag sa kasamaan?

Atin sana bigyang pansin ang tanda na hatid sa atin ng mga pagbasa. “Yaong may pagkaunawa at umakay sa marami tungo sa kabutihan ay magniningning naparang tala sa kalangitan magpakailanman.”

Hindi na tayo dapat maghintay pa na dumilin ang araw, at hindi magliwanag ang buwan at magkamdahulog ang mga bituin. Marami na tayong tanda. At lahat ng ito ay tumutuon na ang paghahari ng kasalanan at kasamaan ay hindi pang magpakailanman.

Ang lahat ay tanda na ang Diyos ay tagapaglitas, at malapit na siyang dumating.

Unawain ang aral mula sa puno!