frchito

Imbakan ng Awtor

LAGLAG BIYUDA, LAGLAG BALA, BABALA!

In Uncategorized on Nobyembre 7, 2015 at 09:57

widows-mite

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-32 Linggo ng Taon B

Nobyembre 8, 2015

LAGLAG BIYUDA, LAGLAG BALA, BABALA!

Walang kinalaman rito ang asawa ni Babalu. Pero may babala ang Diyos sa mga taong tulad ng mga Eskriba noong araw, ay panay ang gawang baluktot – ang katumbas ng gusto kong tawaging laglag biyuda!

Inilaglag ng lipunan ang biyuda nang siya ay naging balo. Ang dati niyang katigan, ang kanyang Ama, ay wala nang pananagutan sa kanya nang siya ay nag-asawa. Pero nang mamatay ang kanyang asawa, ay tuluyan na siyang inilaglag ng lipunan.

Sa lumang tipan, wala nang mas hihirap pa sa biyuda, sa ulila, at sa wala ni kapirasong lupang puedeng sakahin.

Problema na itong malaki. Pero mas malaking problema ang dulot ng mga laglag biyuda gang na nagsasamantala sa kanila – ang mga Eskribang mahilig magdamit ng mahahaba, umupo sa mga upuang pang VIP, at kilalanin bilang VIP ng mga tulad ng mga balong wala ni isang kusing o balang puedeng ilaglag saanman.

Problema nang malaki ang pagiging mahirap. Subalit lalong malaking problema ang lamangan at lokohin o dayain ng mga taong aral at taong nasa posisyon.

Ito ang malungkot na nagaganap ngayon sa ating lipunan. Naglipana sa NAIA ang mga laglag biyuda, ang mga laglag OFW, ang mga nagsasamantala sa mga matatanda, mga lolo at lolang walang kaya, mga turistang walang alam gawin kundi magbayad na lamang ng suhol, at padala sa pangongotong ng mga tampalasang ito sa ating lipunan.

Ang mga Eskriba noong araw na binalaan ng Panginoon ay walang kaibahan sa mga laglag biyuda at laglag bala gang sa NAIA.

Malinaw ang liksiyon at aral sa araw na ito. Una, ang Diyos ay kapanig ng mga api, ng mga tinatapakan at inaalipusta. Ito ang dahilan kung bakit ang propeta ay naging daan upang makakain ang biuda sa Sarepat.

Subalit ang pagmamalasakit na ito ng Diyos ay dapat isabuhay at isakatuparan at bigyang laman o katotohanan ng mga taong nagsisikap maging tulad ng Diyos. Ito ang mga taong hindi kayang maglaglag ng kapwa at manlamang ng mga walang kamuang-muang.

Ito ang mga taong nagsisikap mamuhay nang marangal, hindi lamang nang nababalot ng yaman.

Ito ngayon ang ginagawa ng maraming taong galit na galit sa ginagawa ng iilan sa ating lipunan. Sila ay nagsisikap maging tinig ng moralidad, tinig ng nararapat at kapaki-pakinabang sa lahat.

Ito ang tanong sa atin ngayon? Aling uri tayo? Ang tampalasang laglag biyuda at laglag bala, o ang nagsisikap maging katulad ni Kristong nagbabala sa mga gawang baluktot ng mga taong mapang-api at mapanlamang?

Hala! Gumawa nang nararapat! Kumilos at manindigan at huwag nang idamay si Babalu na asawa ni Babala.

Lipulin na ang bala sa NAIA! Wakasan na ang abala at kahihiyan ng lahat.

Sundin ang turo ng dalawang biyuda … na ang tunay na mayaman ay hindi ang nagkakamal, kundi ang nagbibigay!

BANAL AT DAKILA SA MATA NG DIYOS

In Uncategorized on Oktubre 31, 2015 at 16:21

Unknown

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Kapistahan ng Lahat ng mga Banal

(Todos los Santos)

Nobyembre 1, 2015

BANAL AT DAKILA!

Uhaw ang bayang Pilipino sa mga bayani. Ito marahil ang dahilan kung bakit pati mga boksingerong lumaki sa America ay inaangkin nating Pinoy. At basta ang apelyido ay Pinoy ang tunog, kahit na sa California isinilang at lumaki, kapag nanalo sa American Idol ay nagiging Pinoy o Pinay.

Malungkot isipin na ang buhay ng tao ay parang eroplano. Hindi pinag-uusapan ang libo-libong lumilipad at lumalapag araw-araw sa lahat ng dako ng mundo, pero kapag may nag-crash o na-aksidente, ay laman ng radio at dyaryo sa maraming araw.

Ganoon din ang buhay naming mga pari. Walang nag-uusap dahil sa libo-libong nag-aalay ng buhay at panahon at kakayanan para maglingkod sa iba, pero kapag may nagkamali at nagkasala, ay paksa ng walang patumanggang usapan sa social media, sa radio, sa TV, sa dyaryo at sa iba pa.

Wag na tayo lumayo pa. Kung hindi pa ginawang sine ang buhay ni Heneral Luna, at hindi siya titingalain ng mga taong wala nang alam sa kasaysayan. Kung hindi pa natanong kung bakit laging naka-upo si Mabini sa sine ay hindi malalaman na siya pala ang utak ng himagsikan.

Mga bayani sila, pero hindi dinarakila. Mga dapat silang tularan, pero hindi pinag-uusapan.

Lumaki ako kasama ang isang mamang dumating na lamang sa aming buhay isang araw. Hindi niya alam kung taga saan siya. Ang alam lamang niya ay nakatakas siya sa Death March sa Bataan patungong Pampanga. Dumating siya sa amin na walang natatandaan. Tinanggap ng aking mga magulang at pinatuloy. Kakang Gorio ang kinagisnan kong tawag ko sa kanya.

Tahimik, walang imik, pero masipag. Walang kibot pero walang tigil sa pagtatrabaho. Tumulong siya sa aking Ama sa bukid nang ilang taon. Siya ay dakila, pero hindi bayani. Dakila pero hindi kilala. Ni kamag-anak niya ay hindi siya hinanap. Wala ni isang kamag-anak niya ang nabanggit niyang naghahanap sa kanya.

Ang araw na ito ay para sa mga dakilang banal na hindi kilala, at sapagka’t hindi kilala ay hindi rin dinarakila. Araw ito ng mga banal na walang pangalan, walang mukha subali’t kasama sa isang daan at apatnapung libong hinugasan sa dugo ng kordero.

Sila ang kindi kilala nguni’t kinilala ng Diyos, na pinagkalooban Niya ng dakilang pag-ibig, at tumugon sa kaloob na pag-ibig.

Sila ang mga dakila sapagka’t dukha, mababa ang loob, ang mga walang inaasahan liban sa Diyos, mga nahahapis, mga mapagpakumbaba, nagmimithing tumupad sa kalooban ng Diyos, mga mahabagin, malinis ang puso, at gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, bagama’t sila ay inuusig dahil sa Diyos, at inaalimura ng mundong mababaw at mapagbalatkayo.

Banal sila. Kahit hindi kilala. Dakila sila, bagamat hindi nga dinadakila ng balana. Sa harap ng Diyos na siya nating pinupuri at sinasamba ngayon sa pamamagitan ng mga banal … Siya na may akda ng lahat ng kabanalan, ang mga ito ay banal at dakila sa mata ng Diyos.

Tingnan natin sila muli at tingalain. Papuri sa Diyos na nagdakila sa mga banal!