frchito

Archive for the ‘Adviento’ Category

NANG DAHIL SA PANANAMPALATAYA …

In Adviento, Catholic Homily, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 21, 2012 at 17:44

advent-angelico-annunciationIkapitong Araw ng Simbang Gabi (K)

Disyembre 22, 2012

Mga Pagbasa: 1Samuel 1:24-28 / Lucas 1:46-56

NANG DAHIL SA PANANAMPALATAYA!

Ilang beses na ring naging paksa ng kanta ang mga katagang “NANG DAHIL SA PAG-IBIG.”  Naging pamagat pa ito ng isang telenobela, na pinangunahan nina Piolo Pascual at Jericho Rosales. Alam kong madali kayong makakaunawa sa mga salitang ito. Maraming nagagawa ang tao kapag puno ng pag-ibig ang puso. Maraming pati imposible ay nagaganap, at napangyayari.

Pero sapagka’t hindi ako nanunuod ng teleserye, hindi ko na pakikialaman ang hindi ko nalalaman. Wala yata akong pasensyang manuod ng TV na sa bawa’t 1 minutong eksena ay may 2 minutong patalastas. Napakabagal tumakbo ng kwento pero napakabilis tumakbo ng mga pang-akit para bumili, gumastos, mag-shopping, at magnasa ng higit pa.

Walang masama ang magnasa at mag-asam. Hindi kasalanan ang maghangad, ang magsikap ng higit pa, at maghanap ng mas makabubuti sa ating kalagayan. Hindi sumisimangot ang simbahan kung ang tao ay nagsisikap, at nagpapagal upang mapabuti ang lipunan, ang takbo ng pamemera, o ang ekonomiya ng bayan.

Ilang taon na ang lumipas, isang artikulo sa Tima Magazine na ang pamagat ay “WHY IS EVERYTHING GETTING BETTER?” ay lumabas. Marami siyang binanggit. Gumaganda nga naman ang mga bagay-bagay sa mundo. Dumadami ang bilihin, ang gamit. Tuwing anim na buwan ay may bagong cellphone, o tablet, o phablet, o anumang electronic gadget. Gumaganda ang mga bahay, lumalaki, at dumadami ang modelo ng kotse.

Gumaganda nga ba ang lahat ng bagay? Sabi sa artikulo, gumaganda raw. Pero kung titingnan ninyo ang mga dahilan kung bakit gumaganda raw, iisa at iisa ang batayan ng paghuhusga – ekonomiya, o larangan ng pamemera.

Pero tingnan natin ang nasa likod ng sinasabing pagganda ng pamemera sa buong mundo. Sa nakalipas na 50 taon, ang mga kabataang nagpatiwakal ay dumami ng 5,000 porsiyento. Sa ilang mga mayayamang bansa, mas marami ang aso o poodle kesa sa mga bata. Pero, di rin kaila sa inyo na ang suicide rate ay naka-ayon kumbaga sa pagtaas ng ekonomiya ng bansa.  Sinulat ni Peter Kreeft: “The richer you are, the richer your family is, and the richer your country is, the more likely it is that you will find life so good that you will choose to blow your brains out.”

Hindi magandang batayan, sa aking wari, ang pamemera kung kaligayahan ang pinag-uusapan. Totoo ngang mas marami tayo ngayong mga gamit kesa noong araw, pero ang sabihing ang buhay ay gumaganda dahil lamang sa ekonomiya o panukat na pamemera ay isang kababawan o kakitiran ng isipang walang katulad. Gusto ko sanang kalkalin ninyo nang kaunti ang mababaw na ipinipinta ng mass media. Sapagka’t sa kabila ng dami ng gamit at dami ng pagkain, milyon-milyon ang hindi lubos na masaya. Laging mayroong kulang. Ano mang timbangan ang gamitin mo, laging may kulang.

Tanda ng lahat ng ito? — Tanungin ninyo ang Vivere sa Alabang. Ilan na ang nagpatiwakal doon. Tanungin ninyo ang mga kaibigan ninyong dati ay masayang masayang nagpakasal … marami sa kanila ay hindi na mag-asawa, kundi magkasawa na. Hindi na kaya ng marami ang magpatuloy sa relasyon. Hindi na kaya ng marami ang magtiis, ang mag-agguanta, ang magparangya sa kapwa, at magdaan sa pagsubok. Sa buong mundo, higit sa isa sa bawa’t dalawang kasal ang nauuwi sa diborsyo o paghihiwalay.

Ayon sa mga lumilitaw na kalakaran, marami ay hindi na lang nagpapakasal. Nagsasama na lamang. Sa dami ng mga wedding planners na unti-unting ginagawang mala-Hollywood ang kasal ng mga tao, hindi na kaya ng karamihan ang kasal sa simbahan, at tapos ay sisisihin ang simbahan kasi ang mahal daw ng kasal sa simbahan. Gagastos sila ng 1 milyon sa reception at sa restaurant at sa wedding planner, at nanggagalaiti sa mga pari sapagkat siningil raw sila ng simbahan ng 10 libong piso! Sa aking 30 taon pagkapari, nalulungkot ako tuwinang magkakasal ako sa mararangyang lugar sa Maynila. Galing pa mandin ako sa Canlubang, Laguna, at ang envelope na iaabot sa akin ay 300 piso ang lamang, kulang pa sa gasolinang ginamit ko sa pagpunta sa Intramuros! Nakakapikon lalu na kapag nakita mong sa kalapati pa lamang na pinalipad at bulaklak na itinapon libo na ang ginastos.

Sa panahon natin, napaka swerte ng mga batang hindi napatay ng abortifacient drugs, o hindi tinanggihan sa pamamagitan ng artipisyal na paraan … sa kanyang unang birthday, na hindi pa niya nauunawaan, ay 50 libong piso na ang ginagastos ng mga magulang para sa isang party na matatanda naman at photographer ang nag-eenjoy. Gumaganda talaga ang buhay!

Gumaganda nga, ayon sa mga nagsusulong ng batas na hindi maka-diyos. At gusto nilang pagandahin pa nang mabilis, nang hindi na mag-iintay. Gusto nilang mangyari ang lahat ng ito nang hindi na nahihirapan. Paano? Sa pamamagitan ng pag-ako sa kalayaan ng mahihirap na sila mamili nang kung paano mapaiigi ayon sa utos ng Diyos ang kanilang pamumuhay. Sabi ng batas na ito, “Huwag na kayo mag-isip! Gobyerno na bahala dyan. Eto, lahat ng kelangan nyo para maging malusog kayo at magkaroon ng safe and satisfying sex … gamitin nyo lang lahat ito.” Kelangang mawala sa mundo ang mga mangmang, ang mga nahihirapang manganak. Pag nahirapan kayo, may solusyon dyan.”

Gumaganda nga naman ang buhay ng tao. Kumokonti na ang mahihirapan, at magiging kaunti rin ang ipanganganak ng mga mahihirap, sapagka’t gobyerno na ang tutulong sa kanila para guminhawa ang buhay nila, kahit na ang mga paaralan ay wala ni bangkito para maupuan ng mga bata.

Maganda, di ba? Sino nga ba naman sa atin ang hindi gusto ng magagandang parke, magagandang liwasan? Sino nga ba sa atin ang aayaw sa napakaraming mga bahay na gawa sa lata at karton, at sa mga kalyeng walang mga nagpapalimos at kalbit sa inyo nang kalbit na humihingi raw ng pagkain pero kapag binigyan mo ng pagkain ay sumisimangot kasi ang gusto nila ay pera?

Gumaganda ang buhay – ayon sa panuntunang pang ekonomiya! Dumarami ang mall, at kahit saan ka sumuling ay may Puregold Jr, at may Waltermart, at may SM at Jollibee. Hindi lang yan, magiging malusog na ang mga kababaihan, magiging marunong na sila, sa kabila nang kahit na singkong duling ay hindi tinaasan ang budget sa bagong eskwelahan, o ni kapurit na budget ay napunta sa pag-aangat ng kalinangan o kultura ng madlang bayan. Hindi baleng walang alam sa sining at kultura. Hindi baleng walang kamuang-muang sa agham at sa pagpapahalagang makatao, basta malusog, basta hindi daraming parang daga, at siempre, basta’t madaling makahingi ng kailangan para sa kalusugan ng mga kababaihan. Kawawa naman ang mga kalalakihan. Wala kayong kalusugan. Hanggang ngayon ay hindi ko pa mawari ang koneksyon ng condom at kalusugan ng kababaihan.

Gumaganda ang buhay, pero hindi ibig sabihin nito ay nagiging mas makabuluhan at mas makahulugan ang buhay. Sa dami ng mga taong hindi pa rin masaya, kahit gumastos ng daang libo o milyon sa extreme makeover, o sa mga pagpapapayat sa paghigop ng taba sa katawan, tunay ba kayang gumaganda ang buhay? Bakit mayroon pang kulang? Bakit mayroong hindi pa masaya?

Kung merong babae na hindi dapat masaya, ay si Hannah.  Ang tagal niyang naghintay ng anak. Montik pang mamatay sa gutom. Nguni’t naligtas siya sa pagdatal ng propeta. At nang maligtas, may isa pang hiningi sa kanya – ang ialay ang kanyang baby na si Samuel sa templo. Napakasakit Kuya Eddie! Tanging anak, na kamontik nang mawala, ngayon ay pinag interesan pa ng Diyos! Kahit anong pagsusuma ang gawin mo … pagbali-baligtarin mo man ang iyong calculator, iisa ang sagot makatao nito … Talunan ka Hannah!  Baog … Loser … Kawawa ka naman.  Hindi ka malusog. Hindi ka masaya. Mag-isa ka na nga, hiningi pa ng Diyos ang tangi mong kaligayahan.

Ito ang takbo ng isip ng taong masaya dahil lang sa pamemera. Nang dahil sa pera … Nang dahil sa salapi, kay rami ngayong ayaw tumulad kay Hannah. Ano ako, hibang? Ginto na nga, hahayaan ko pang maging bato? Timang!

Ito ngayon ang magandang balita. Bakit laging kulang? Sapagka’t wala sa larawan ang Diyos. Tanging makataong solusyon, tanging makamundong mga paglapat ng lunas.

Isa pang babae ang ngayon ay iniaalay bilang larawan ng isang malusog na babae, malusog sa ganang kaniyang kabuuan bilang tao – pisikal, emosyonal, sikolohikal, at espiritwal. “Nagpupuri ang aking kaluluwa sa Panginoon!” Hindi niya sinabing, “nagpupuri ang aking matres, sapagka’t wala itong virus … malusog!”

Ano ang kanyang batayan? Hindi makamundong batayan tulad ng materyal na bagay … hindi mababaw na pangako ng kalusugang pangkatawan lamang kundi kapakanang pangkabuuan bilang tao, bilang wangis at larawan ng Diyos.

May higit pa sa pamemera. May higit pa sa luhong pangkatawan. Mayroong espiritwal na batayan ang tunay na kaligayahan, at ito ay ang PANANAMPALATAYA.

Kay daming taong dahil sa iba-ibang antas ng pananampalataya, ay naganap ang mga dakilang bagay.

Nang dahil sa pananampalataya, kay raming naganap:

By faith, Mary said Yes.

By faith, Mary stood with Jesus.

By faith, Mary tasted the fruits of the resurrection of Jesus.

By faith, the apostles left everything to follow their Master.

By faith, the apostles believed Jesus’ teachings.

By faith, the apostles preached the Gospel throughout the whole world.

By faith, the disciples offered the first Eucharist and gathered reading Scripture.

By faith, the martyrs gave their lives.

By faith, men and women have consecrated their lives to Christ.

By faith, unknown men and women have confessed Jesus and borne witness to Him in the workplace and in public life.

We too live by faith.

Hindi lang dahil sa pag-ibig.

Hindi lang dahil sa pera.

Kundi dahil sa pananampalataya.!

PIGLAS-PUNYAGI NG PAG-IBIG!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 20, 2012 at 18:33

gazelle-leapingIka-6 na Araw Simbang Gabi (K)

Disyembre 21, 2012

Mga Pagbasa: Awit 2:8-14 / Lucas 1:39-45

PIGLAS-PUNYAGI NG PAG-IBIG!

Parang isang soft-porn na nobela ang unang pagbasa. Isang usang-gubat na nag-aasam masilayan ang napupusuan ang nagpupuyos, nagpupumiglas, nagtatatalon, naglululukso, makita lamang ang minamahal. Walang anumang maaaring makahadlang sa isang pusong nagmamahal. Gagawa at gagawa ng paraan upang makapiling ang mahal sa buhay. Bakas ang kagalakan … kitang-kita ang kaligayahan.

Di ba’t ito ang dahilan kung bakit sa mga araw na ito ang mga eroplanong galing sa iba’t ibang sulok ng mundo na lulan ay mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa, ay punong puno ng masasayang mga Pinoy na pauwi upang makapiling ang pamilya sa mga araw ng kapaskuhan?

Sinumang may pitak sa puso para sinuman ay may puwang rin sa isipan at gawain. Hindi lamang lukso ng puso ang dama, pati mga kamay at lahat ng bag ay puno rin ng pasalubong. Ang pag-ibig at pagtatalaga ng sarili sa mahal sa buhay ay laging may patunay, laging may patibay.

Mahigit kalahati na tayo ng simbang gabi. Ang mga naka-aguanta magpahangga ngayon ay may matibay na panata na nagpapakita ng isang uri ng dedikasyon sa pananampalatayang Kristiyano.

Hindi natin maipagkakaila ang kalungkutang dumating sa atin nang matalo sa botohan ang matagal nang ipinaglalaban ng simbahan. Sumandali tayong natigilan, nanlumo, nanghina, nguni’t hindi kailanman nanghinawa o pinanawan ng pag-asa.

Nais kong isipin na maging ngayon, sa gitna ng isang sa biglang wari ay malaking pagkatalo, para pa ring isang usang gubat na nagtatalon at nagpupumiglas dala ng masidhing pagnanasa at pag-asang makikita niya at makakamit ang pinakamimithing objeto ng kanyang puso.

Nais kong isipin na tayong mga tagasunod ng Panginoon ay hindi kailanman nawalan ng matimyas na pag-asang balang araw, sa wastong panahon, at ayon sa takdang tadhana ng Diyos, ay mararating natin ang lupang pangako ng kaligtasan.

Napakagandang larawan ang hatid sa atin ng dalagitang si Maria, na tila isa ring usang gubat na naglulukso at nagpumiglas upang makapunta sa tirahan ni Zacarias at Elizabet, upang makatulong sa kanyang pinsan. Maging ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabet ay nagtatalon sa tiyan ni Elizabet … sanggol, tao, hindi isang katipunan lamang ng mga celula na puedeng kitlin sa anumang sandali ng kanyang pagiging tao.

Kahapon ay binigyang-diin natin ang kahulugang malawak ng pananampalataya. Ito ay isa, hindi sanga-sanga. Ito ay may kinalaman sa isang samahan, bunga ng iisang pinaniniwalaan. Ito rin ay isang pagtaya o pagkakaloob ng sarili sa pinaniniwalaan. Ito ay isang pamumuhunan, ang pagsusuong ng kabuuan ng ating pagkatao sa katotohanang nagpupumiglas sa ating puso, kaisipan at buong kalooban.

Mahalagang turo ng Porta Fidei na ang pananampalataya ay isang aktong personal at pangkomunidad rin (I Believe at We Believe). At pagsampalataya ay pagbibigay sang-ayon sa nilalaman, sa tinatawag nating simbolo ng pananampalataya, na napapaloob sa Credo. Ito ang nilalamang sinasang-ayunan ng taong sumasampalataya.

Sa madaling salita, hindi kailan man tama na ang tao ay magsabing naniniwala sa turo ng Simbahan, pero hindi sumasama sa pamayanan. Hindi rin tama na gawing ukay-ukay ang Simbahan, tulad ng sinabi natin noong isang araw, at mamili lamang ng angkop sa ating sariling paniniwala. Ang pagsampalataya sa Diyos at sa kanyang Iglesya at hindi utay-utay, kundi pakyawan. Kung tinanggap mo si Kristo ay dapat ring tanggapin ang Simbahan. At kung sinabi mong tanggap mo ang turo ng Simbahan, ay tanggap mo ang lahat, pati na at lalu na ang turo tungkol sa kabanalan ng buhay, ano mang estado ng kanyang paglaganap, mula sa simula hanggang sa natural na wakas nito.

Hindi larong bata ang pananampalataya. Hindi ito isang simbang landian o simbang ligawan tulad ng nagaganap ngayon sa maraming simbahan sa buong Pilipinas. Hindi maikakailang simbang tabi ang pakay na napakaraming mga kabataan tuwing sasapit ang paghahanda sa Pasko. Nagtatalon na parang usang-gubat, nguni’t hindi alam kung bakit dapat sila nagpupumiglas at nagtatatalon sa kagalakan.

Talo tayo sa botohan. Pero hindi kailanman matatalo ang katotohanan. Kung anuman, ay nagising tayo sa isang malaking katotohanan, na una: hindi na puede ang business as usual, ang pabandying-bandying na pagsisimba, na walang kalakip na desisyon at dedikasyon na pag-aralan rin ang kontento o ang nilalaman ng kabuuan at kaganapan ng pananampalatayang Katoliko.

Hala! Magpumiglas tayo! Mag-aklas tayo sa saloobin at kagawiang ito na mababaw na pagsama, pahapyaw na pagtaya, at pang-ibabaw lamang na pagsang-ayon at pagtanggap sa turo ng Simbahan. Isabuhay natin at isagawa ang tunay na bagong ebanghelisasyon na lubhang kinakailangan sa panahong darating.

Walang pag-ibig na hindi nagpumiglas. Walang pag-ibig na hindi nagpunyagi. At walang katotohanan at kagandahang hindi pinagbabayaran nang malaki. Kasama rito ang pananampalataya natin – biyaya, kaloob at pananagutan.