frchito

Archive for the ‘Adviento’ Category

ISA, SAMA, TAYA … SAMPALATAYA!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 19, 2012 at 19:20

King__Ahaz_C-1023Ikalimang Araw Simbang Gabi (K)

Disyembre 20, 2012

Mga Pagbasa: Isaias 7:10-14 / Lucas 1:26-38

ISA, SAMA, TAYA – SAMPALATAYA!

Ewan ko kung napanood ninyo ang lumang-lumang sineng THE POWER OF ONE. Hindi ko na masyado matandaan ang buong istorya, pero sigurado akong ito ay may kinalaman sa isang taong dahilan sa kanyang pagpupunyagi ay nakapagpaganap ng isang malaking pagbabago sa lipunan ng South Africa.

Isa lamang … tanging isang taong may malasakit at may punyagi ang nagsimula ng lahat. Noong unang araw ng simbang gabi, isang tao ang dinumog ng marami na may iisang tanong: “Ano ang dapat namin gawin?” Marami ang naliwanagan: pulu-putong na tao, mga sundalo, mga taga-singil ng buwis, atbp.

Noong ikalawang araw, sa dinami-dami ng salinlahing nabanggit ni Mateo, iisa ang tinutumbok ng lahat – ang Mesiyas na isinilang mula sa angkan ni David – ang sangang matuwid na umusbong mula sa angkan ng dakilang hari. Iisa, sa likod ng marami …

Sa ikatlong araw, ang sangang ito ay binigyang pangalan ni Jeremias – Siya ang Panginoong ating katarungan!

Kahapon, isa sa lumang tipan at isa rin sa bagong tipan ang tampulan ng ating atensyon – si Samson, at si Juan Bautista uli. Alam natin ang nagawa ng nag-iisang si Samson. Nagapi niya ang makapangyarihan at marami dahil sa kanyang pananampalataya at pagmamalasakit sa tunay na Diyos. Alam rin natin ang nagawa ni Juan Bautista. Bagama’t pinatay siya, ginampanan niya ang pagiging tagapaghatid ng Mananakop.

Hindi tamang maliitin at ismolin ika nga ang iisa. May angking kapangyarihan ang iisa.

Nais kong isipin na ang SAMPALATAYA  ay puede nating hatiin sa mga salitang ito: ISA, SAMA, at TAYA!

Malimit, ang takbo ng isip natin ay ganito … maniniwala ako kapag marami naniniwala. Ito ang takbo ng isipan ng mundo ngayon, kaya tanyag ang mga surveys. Kapag 78% diumano, daw, kuno, sabi … ang bilib sa gobyerno, bilib na rin ang lahat. Kung may isa o ilan na hindi, ang tawag dyan ay buwang, killjoy, rebelde, bulag at bugoy. Ito ang dahilan kung bakit kay dami ang natatangay ng Victory Church fellowship … bandwagon mentality … survey mentality … nasaan ang karamihan? Nasan ba ang uso? Nasan ba ang maganda ayon sa mga personalidad ng TV at Radyo?

Mahirap ang mag-isa … mahirap ang maglakad sa tulay na iisang kawayan … mahirap maturingang kakaiba.

Pero ito ang pinangatawanan ni Pedro, ni Pablo, ni Pedro Calungsod, ang tanging binatilyo sa grupo ni Blessed Diego de San Vitores na nanindigan. Ito rin ayon kay Aamir Khan, ang kwento ni Dashrath Manjhi sa Bihar, India. Nakatira siya sa isang liblib na lugar, kung saan 50 kilometro and dapat lakbayin ng mga tao upang marating ang pinakamalapit na bayan. Tanging isa lamang ang buwang na nag-isip na gumawa ng daan sa bundok, si Dashrath!

Martilyo lang at paet ang kanyang gamit … iisa … at gumugol siya ng 22 taon! Ito ang kapangyarihan ng ISA.

Iisa ang nagsimula ng kristiyanismo … si Kristo. Sa isang ito ay sumunod ang SAMA ng 12! Isa, sama, samahan, sangkakristianuhan! Di naglaon, ang isa at ang isang samahan ay nagpasyang mag TAYA ng lahat, tulad ng nagtaya ng kanyang kinabukasan si San Lorenzon Ruiz, si San Pedro Calungsod, si San Pablo, si San Pedro.

Ito ang kapangyarihan ng Sampalataya!

Iisa ang nilalaman nito – ang turo ni Kristo at ng kanyang simbahan. Iisa ang konteksto nito – ang buhay pang-araw-araw.  Context and Content … nagtutugma ang dalawang ito. Kung ano ang bigkas ng bibig, ay siya ring bakas sa pamumuhay. Sabi nga ng nanay ni Forrest Gump, “stupid is as stupid does.” Hindi puedeng sabihing Kristiyano ako, pero ang sinusunod ko ay si Buddha. Hindi puedeng sabihing Katoliko ako, pero ang isinasabuhay ko ay ang turo ng “Catholics for Choice.”

Iisa ang Diyos na ipinakilala ni Kristo. Iisa ang simbahang itinatag ni Kristo. At ang sinumang nagtatag ng ibang simbahang ginagamit o kinakasangkapan si Kristo (furnitured, sabi ng mga bata noong araw!) ay bulaan o mapagpanggap o ambisyosong tao na walang kinalaman sa orihinal na puno ng simbahan.

Nguni’t sapagka’t iisa ang nagtatag at iisa ang Diyos, at iisa ang simbahan, at iisa ang content at context ng pananampalataya, ang kinapapalooban ng pangaral na ito ay isang SAMAhan. Kung iisa ang bigkas, iisa rin ang ating bakas – isang Diyos, isang binyag, isang Panginoon, isang pananampalataya. Di ba’t ito ang ating bigkas tuwing Linggo? I BELIEVE IN ONE, HOLY , CATHOLIC & APOSTOLIC CHURCH!

Nayanig noong isang araw ang iisang katawang mistikong ito ni Kristo! Natalo tayo sa botohan. Pero hindi kailanman natatalo ang katotohanan. Ang botohan ay parang SWS survey lang yan. Nadadaya. Naduduktor. Parang HocusPcos machines. Ang bumoto ay mga taong, tulad mo, tulad ko – may samu’t saring mga motibasyon at mga agenda o layunin. Natatangay, nahihila … ang ilan sa kanila ay kaladkarin ika nga  … kaladkarin ng turo ng partido, hindi turo ng Ebanghelyo. Kaladkarin ng kapangyarihan ng salapi, hindi ng budhi.

Ang turo ng Porta Fidei hinggil sa pananampalataya ay ito … May kaisahan ang akto ng paniniwala at ang nilalaman ng ating pagsampalataya. Ang puso ng tao, kung saan ang unang akto ng pagsampalataya ay nagaganap, ay pinagbabago ng grasya mula sa Diyos, na nagpapanibago sa taong sumasampalataya mula sa kanyang kalooban.

Hindi ukay-ukay ang pananampalatayang Kristiyano. At lalong hindi ito beto-beto o sakla lamang. Hindi ito sugal na ginagawa ng mga pumuntang kongresista sa Las Vegas upang magsugal sa laban ni Pacquiao at natalo ng milyones. Hindi sakla at Lucky Nine ang pagsampalataya.

Ito ay isang pagtataya, hindi pagsusugal. Ang pagtataya ay isang paglalaan ng buong sarili sa isang katotohanang tinanggap at inangkin at inako. Ang pagsusugal ay ang pagbabaka sakali …

Hindi pagbabaka sakali ang pananampalataya. Sa harap ng isang katotohanan, hatid ng isang Samahang itinatag ng Mananakop, isang pagpapala ang mapabilang dito, at ang pagpapalang ito ay pinangangatawanan, pinaninindigan – handang magtaya ng lahat …

ISA … SAMA NA, TAYA NA, TAYO NA!

UKAY-UKAY O WASTONG PAMUMUHAY?

In Adviento, Homily in Tagalog, San Juan Bautista, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 18, 2012 at 17:15

samson

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Ika-4 na Araw ng Simbang Gabi (K)

Disyembre 19, 2012

Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a / Salmo 70, 3-4a. 5-6ab. 16-17 / Lucas 1, 5-25

UKAY-UKAY O WASTONG PAMUMUHAY?

Dalawang batang lalaki ang paksa ng dalawang pagbasa – si Samson at si Juan Bautista. Dalawang taong hinirang … dalawang misyong ginampanan … isang adhikaing pinangatawanan, at iisang Diyos ang pinaglingkuran.

Sa taong ito ng pananampalataya, ang parehong iisang Diyos na nagpakilala at nagpahayag ng sarili sa kasaysayan ang siya rin nating pinagsisikapang paglingkuran. Pero ayon sa Porta Fidei, na nagbigay sa atin ng mga alituntunin at prinsipyo ng pagdiriwang ng buong taong ito ng pananampalataya, ang paniniwala natin ay IPINAHAHAYAG, IPINAGDIRIWANG, ISINASABUHAY at nagiging isang GAWAIN O PANANAGUTAN ng bawa’t isa sa atin.

Napakadali ngayon ang mangako. Ngayong malapit na ang eleksyon, malulunod tayo muli sa pangako ng mga politiko. Sa bawa’t taong may nagtatapos sa kolehiyo at universidad at pumapasa sa Board, ang bawa’t bagong gradweyt ay nagbibigkas ng pangako … mga bagong abogado, bagong duktor, bagong akawntant, at bagong inhinyero. Ang mga bagong mahistrado ng Korte ay nangangako rin, tangan ang Biblia.  Maging kaming mga pari, bago ma-ordenahan bilang Diakono ay nangako rin at pumirma.

Subali’t ang pangako ay hindi napapako sa tubig, at hindi rin nasusulat sa buhangin. Sa buhay ni Samson, ang pagkahirang sa kanya at panata ng kanyang Amang si Manoah ay pinagtibay na kanyang buhok na hindi dapat nakatikim ng gunting – tandang malinaw at matibay na siya ay nakatalaga sa paglilingkod sa Diyos.

Maging si Juan Bautista ay hinirang rin at itinalaga … At ano ang tanda? Walang alak, o inuming nakalalasing … pagkaing kakaiba sa kinakain ng ibang tao … buhay na matiwasay sa ilang, kasama ng mga mababangis na hayop. May patunay at patibay rin, gaya ng nasabi natin kagabi, ang kanyang pagiging hinirang ng Diyos.

Ayon sa Porta Fidei, ang pananampalataya ay hindi lamang ipinagbubunyi at ipinagdiriwang, bagkus pinangangatawanan at isinasabuhay.

Marami ngayon ang nagsasabing sila raw ay katoliko. Bininyagan. Nag-aral sa paaralang katoliko. Sanay sila sa mga gawaing banal, sa pagsisimba, (kahit panaka-naka lamang), sa pagdarasal (kahit pahapyaw lamang). Mayroon raw silang pananampalataya. Pero ang ibig sabihin ng pananampalatayang ito ay isang mababaw na pagsang-ayon sa turong may Diyos, may langit, may impyerno, at may purgatoryo. Pero para sa karamihan ng mga katolikong ito, ang pahapyaw na damdaming may Diyos ay parang gripong puedeng buksan at saraduhan, depende kung nasaan sila. Buksan kapag Linggo. Sarahan kapag nasa trabaho, nasa party, o nasa eskwela. Iba ang simbahan; at iba ang lipunan. Ito ang pananampalatayang maganda lamang tuwing Pasko, Pista, o Graduation. Ito ang pananampalatayang walang paninindigan, walang pananagutan, at walang pakundangan sa kalikasan, sa kapakanang pangkalahatan.

Ang tawag dito sa Ingles ay “fiduciary faith,” na batay lamang sa damdamin, sa pansamantalang magagandang hangarin. Ito ang pananampalataya ng mga politikong handang isakripisyo ang paniniwala sa altar ng eleksyon at popularity ratings, at sa mga pragmatikong mga hangarin at adhikain. Ito ang pananampalatayang magandang kuhanan ng piktyur sa mga pray over kasama ng mga born again na panay ang hikbi at pikit at iyak sa prayer meeting sa entablado.

Pero nakita natin na may patunay at patibay si Samson at si Juan. Hindi lamang nagdiwang. Hindi lamang nangako, bagkus tinupad at iniaalay ang buhay para sa pangako.

Hindi natin kailangan ngayon ng fiduciary faith na walang kinalaman sa paggawa. Ang kailangan natin ay performative faith, isang pananampalatayang nakaumang sa kung ano ang tama at dapat.

Ang tama at dapat ay hindi ayon sa bugso ng damdamin. Hindi ito ayon sa iyak o sa tibok ng puso. Ito ay ayon sa kalooban ng Diyos, na nababatay sa desisyon, hindi sa lukso ng dugo. Ang pagiging katoliko ay hindi parang pagpunta sa cafeteria, na parang namimili ka ng putahe o parteng gusto mong paniwalaan. Hindi ito ukay-ukay na pipili ka at kukuha ng gusto mo at hindi mo papansinin ang ayaw mo.

Minsan sa ukay-ukay, sinuswerte ang tao. Nakakatiba, ika nga. Ang galing naman ng mga oportunistang katoliko na katoliko raw pero hindi katoliko ang ugali at saloobin. Paiikutin pa tayo sa mga salitang mababaw, tulad ng pro quality life raw sila, pero handang kumitil o pondohan ang saloobin at kaugaliang nagdudulot ng kultura ng kamatayan. Sinuswerte sila sa ukay-ukay.

Tapatin natin ang sarili. Ang buhay ay hindi ukay-ukay. Ang pananampalataya ay hindi isang eat-all-you want, at tapos ay itulak ang ayaw. Ito ay pakyawan, hindi ukay-ukay at utay-utay.