frchito

Posts Tagged ‘Ika-5 Araw ng Simbang Gabi’

ISA, SAMA, TAYA … SAMPALATAYA!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 19, 2012 at 19:20

King__Ahaz_C-1023Ikalimang Araw Simbang Gabi (K)

Disyembre 20, 2012

Mga Pagbasa: Isaias 7:10-14 / Lucas 1:26-38

ISA, SAMA, TAYA – SAMPALATAYA!

Ewan ko kung napanood ninyo ang lumang-lumang sineng THE POWER OF ONE. Hindi ko na masyado matandaan ang buong istorya, pero sigurado akong ito ay may kinalaman sa isang taong dahilan sa kanyang pagpupunyagi ay nakapagpaganap ng isang malaking pagbabago sa lipunan ng South Africa.

Isa lamang … tanging isang taong may malasakit at may punyagi ang nagsimula ng lahat. Noong unang araw ng simbang gabi, isang tao ang dinumog ng marami na may iisang tanong: “Ano ang dapat namin gawin?” Marami ang naliwanagan: pulu-putong na tao, mga sundalo, mga taga-singil ng buwis, atbp.

Noong ikalawang araw, sa dinami-dami ng salinlahing nabanggit ni Mateo, iisa ang tinutumbok ng lahat – ang Mesiyas na isinilang mula sa angkan ni David – ang sangang matuwid na umusbong mula sa angkan ng dakilang hari. Iisa, sa likod ng marami …

Sa ikatlong araw, ang sangang ito ay binigyang pangalan ni Jeremias – Siya ang Panginoong ating katarungan!

Kahapon, isa sa lumang tipan at isa rin sa bagong tipan ang tampulan ng ating atensyon – si Samson, at si Juan Bautista uli. Alam natin ang nagawa ng nag-iisang si Samson. Nagapi niya ang makapangyarihan at marami dahil sa kanyang pananampalataya at pagmamalasakit sa tunay na Diyos. Alam rin natin ang nagawa ni Juan Bautista. Bagama’t pinatay siya, ginampanan niya ang pagiging tagapaghatid ng Mananakop.

Hindi tamang maliitin at ismolin ika nga ang iisa. May angking kapangyarihan ang iisa.

Nais kong isipin na ang SAMPALATAYA  ay puede nating hatiin sa mga salitang ito: ISA, SAMA, at TAYA!

Malimit, ang takbo ng isip natin ay ganito … maniniwala ako kapag marami naniniwala. Ito ang takbo ng isipan ng mundo ngayon, kaya tanyag ang mga surveys. Kapag 78% diumano, daw, kuno, sabi … ang bilib sa gobyerno, bilib na rin ang lahat. Kung may isa o ilan na hindi, ang tawag dyan ay buwang, killjoy, rebelde, bulag at bugoy. Ito ang dahilan kung bakit kay dami ang natatangay ng Victory Church fellowship … bandwagon mentality … survey mentality … nasaan ang karamihan? Nasan ba ang uso? Nasan ba ang maganda ayon sa mga personalidad ng TV at Radyo?

Mahirap ang mag-isa … mahirap ang maglakad sa tulay na iisang kawayan … mahirap maturingang kakaiba.

Pero ito ang pinangatawanan ni Pedro, ni Pablo, ni Pedro Calungsod, ang tanging binatilyo sa grupo ni Blessed Diego de San Vitores na nanindigan. Ito rin ayon kay Aamir Khan, ang kwento ni Dashrath Manjhi sa Bihar, India. Nakatira siya sa isang liblib na lugar, kung saan 50 kilometro and dapat lakbayin ng mga tao upang marating ang pinakamalapit na bayan. Tanging isa lamang ang buwang na nag-isip na gumawa ng daan sa bundok, si Dashrath!

Martilyo lang at paet ang kanyang gamit … iisa … at gumugol siya ng 22 taon! Ito ang kapangyarihan ng ISA.

Iisa ang nagsimula ng kristiyanismo … si Kristo. Sa isang ito ay sumunod ang SAMA ng 12! Isa, sama, samahan, sangkakristianuhan! Di naglaon, ang isa at ang isang samahan ay nagpasyang mag TAYA ng lahat, tulad ng nagtaya ng kanyang kinabukasan si San Lorenzon Ruiz, si San Pedro Calungsod, si San Pablo, si San Pedro.

Ito ang kapangyarihan ng Sampalataya!

Iisa ang nilalaman nito – ang turo ni Kristo at ng kanyang simbahan. Iisa ang konteksto nito – ang buhay pang-araw-araw.  Context and Content … nagtutugma ang dalawang ito. Kung ano ang bigkas ng bibig, ay siya ring bakas sa pamumuhay. Sabi nga ng nanay ni Forrest Gump, “stupid is as stupid does.” Hindi puedeng sabihing Kristiyano ako, pero ang sinusunod ko ay si Buddha. Hindi puedeng sabihing Katoliko ako, pero ang isinasabuhay ko ay ang turo ng “Catholics for Choice.”

Iisa ang Diyos na ipinakilala ni Kristo. Iisa ang simbahang itinatag ni Kristo. At ang sinumang nagtatag ng ibang simbahang ginagamit o kinakasangkapan si Kristo (furnitured, sabi ng mga bata noong araw!) ay bulaan o mapagpanggap o ambisyosong tao na walang kinalaman sa orihinal na puno ng simbahan.

Nguni’t sapagka’t iisa ang nagtatag at iisa ang Diyos, at iisa ang simbahan, at iisa ang content at context ng pananampalataya, ang kinapapalooban ng pangaral na ito ay isang SAMAhan. Kung iisa ang bigkas, iisa rin ang ating bakas – isang Diyos, isang binyag, isang Panginoon, isang pananampalataya. Di ba’t ito ang ating bigkas tuwing Linggo? I BELIEVE IN ONE, HOLY , CATHOLIC & APOSTOLIC CHURCH!

Nayanig noong isang araw ang iisang katawang mistikong ito ni Kristo! Natalo tayo sa botohan. Pero hindi kailanman natatalo ang katotohanan. Ang botohan ay parang SWS survey lang yan. Nadadaya. Naduduktor. Parang HocusPcos machines. Ang bumoto ay mga taong, tulad mo, tulad ko – may samu’t saring mga motibasyon at mga agenda o layunin. Natatangay, nahihila … ang ilan sa kanila ay kaladkarin ika nga  … kaladkarin ng turo ng partido, hindi turo ng Ebanghelyo. Kaladkarin ng kapangyarihan ng salapi, hindi ng budhi.

Ang turo ng Porta Fidei hinggil sa pananampalataya ay ito … May kaisahan ang akto ng paniniwala at ang nilalaman ng ating pagsampalataya. Ang puso ng tao, kung saan ang unang akto ng pagsampalataya ay nagaganap, ay pinagbabago ng grasya mula sa Diyos, na nagpapanibago sa taong sumasampalataya mula sa kanyang kalooban.

Hindi ukay-ukay ang pananampalatayang Kristiyano. At lalong hindi ito beto-beto o sakla lamang. Hindi ito sugal na ginagawa ng mga pumuntang kongresista sa Las Vegas upang magsugal sa laban ni Pacquiao at natalo ng milyones. Hindi sakla at Lucky Nine ang pagsampalataya.

Ito ay isang pagtataya, hindi pagsusugal. Ang pagtataya ay isang paglalaan ng buong sarili sa isang katotohanang tinanggap at inangkin at inako. Ang pagsusugal ay ang pagbabaka sakali …

Hindi pagbabaka sakali ang pananampalataya. Sa harap ng isang katotohanan, hatid ng isang Samahang itinatag ng Mananakop, isang pagpapala ang mapabilang dito, at ang pagpapalang ito ay pinangangatawanan, pinaninindigan – handang magtaya ng lahat …

ISA … SAMA NA, TAYA NA, TAYO NA!

MAPALAD KA, SAPAGKA’T NANALIG KA

In Adviento, Arkanghel Gabriel, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 18, 2009 at 17:46

Ika-5 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Ika-4 na Linggo ng Pagdating (Adviento) – Taon K
Diciembre 20, 2009

Mga Pagbasa: Miqueas 5:1-4a / Heb 10:5-10 / Lucas 1:39-45

Kakaiba ang sukatan ng tao ngayon sa pagiging mapalad. Mapalad ang malapad ang papel sa lipunan … ang mga may tangang kapangyarihan, ang mga namumuno at naghahari. Isa ito sa pangunahing sukatan. Mapalad rin ang may malalapad na lupain … ang mga nahirati sa malalawak na tirahan na walang kapit-bahay, walang karibal, walang kasabay sa mga gawaing may kinalaman sa pagiging ordinaryong tao.

Panukat ng kapalaran ang mga bagay na nahihipo, nabibilang, nasusukat at naiipon. Nguni’t ito nga lamang ba ang palatandaan ng kapalaran? Tingnan natin ang mga pagbasa …

Hindi malaking bayan ang Efrata. Mismong si Miqueas na ang nagsabi: “Betlehem Efrata, bagama’t pinakamaliit ka sa mga angkan ni Juda ay sa iyo magmumula ang maghahari sa Israel.” Hindi rin marami ang mga nalabi sa Israel. Nguni’t malaki at matayog ang pangakong patungkol sa kanila. Kahit na sila ay mapapasa kamay ng mga kaaway, magbabalik ang mga nalabi sa bayang Israel matapos isilang sanggol na pangako.

Sa sulat sa mga Hebreo, hindi pinansin ng Diyos ang mga mamahaling alay na susunugin, bagkus ang payak nguni’t lubos na pag-aalay ng sarili ng siyang nagwika: “narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban.”

Isa sa napansin ko sa maraming kababayan natin sa America na hindi na natin dapat palawigin ay ito. Sa mga party, sa mga handaan at pagtitipon ng magkakababayan, malimit na nauuwi ang usapan sa kung anong bago ang meron sila, anong bagong kotse, anong bagong kagamitan sa bahay, anong bagong laruan ng mga anak, anong bagong dagdag sa bahay na palaki nang palaki at paluwang nang paluwang, kahit hindi kailangang dagdagan ang espasyo sa bahay sapagka’t malalaki na ang mga anak at nagsipaglipatan na.

Isa ring hindi ko gusto naman sa mga prayer communities ay ito. Kapag may bagong bahay o bagong kotse, o anumang “blessing ni Lord,” ang malimit na namumutawi sa bibig ng mga taong “pinagpala” ay “ang bait ni Lord; binigyan kami ng maraming blessing. Panibagong blessing na naman ang ibinigay sa amin.” Hindi ko lubos maisip ang simpleng katotohanang ito. Paano kaya ang may sakit ng cancer, hindi kaya siya blessed in Lord? Paano kaya yung kasamahan nilang walang ibili ng kotse … hindi sila blessed ni Lord. Iyan marahil ang dahilan kung bakit gusto man ng marami ay hindi na sila sumasama sa mga covenanted communities. Hindi nila kaya ang mga blessings ni Lord.

Kung inyong mapapansin, ang pagiging mapalad ay nakasalalay at nakaakibat sa bagay na malalapad, madatung, ika nga, marami, at nabibilang at nailalagay sa espasyo. Kakaunti ang naririnig kong nagpasalamat sa kabila ng isang anak na maysakit, sa isang biglang pagbaligtad ng takbo ng negosyo, o biglang lumiit ang kita, o nawalan ng malaking pagkakataon sa buhay. Halos hindi ko narinig na may nagsabing ang bait talaga ni Lord, at sa kabila ng kahirapan ay nakapagdadasal at nakapagsisimba pa kami.

Sa araw na ito, gusto kong bigyang pansin ang wagas at tunay na kahulugan ng pagiging mapalad. Mapalad ang siyang nagsabi sa Panginoon, “Narito ako O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban.” Sa panahon natin kakaunit na ang gustong magpari at magmadre. Bakit?

Simple lang. Hindi mapalad para sa mundo ang walang sariling sasakyan, bahay at lote, at walang kakayahang makipagtagisan sa mga Inglisero at Inglisera. Hindi mapalad para sa daigdig ngayon na manggaling sa isang baryo na tulad ng Efrata. Hindi maganda ang dating ng isang “barriotic,” ika nga, na walang kamuang-muang sa gawaing pang-lungsod. Hindi mapalad ang isang taong sunud-sunuran lamang. Dapat, ayon sa mundo ngayon, ay wala kang bossing, wala kang pinaglilingkuran, at wala kang dapat bigyang paliwanag sa tuwina.

Sa ebanghelyo natin ngayon, mayroong isang mapalad ang tinagurian ng Diyos. Mga barriotic na mga simpleng tao na galing sa kaburulan ng Judea, sa bundok, ika nga. Ito ay si Zacarias. At higit pa rito, hindi talubata si Zacarias. Isa siyang gurang, damatan, ulyanin na halos na may asawang baog, na hindi nagka-anak.

Sila ang mapalad. Mapalad sila hindi sapagka’t ang kanilang bahay ay mahigit isang libong metro kwadrado, kasama ng isang kasilyas na sinlaki na ng isang bahay sa Pilipinas. Hindi sila mapalad sapagka’t nakatira sila sa Beverly Hills, kundi sa bulubundukin ng Judea. Mapalad sila hindi sapagka’t sila ay naging instant celebrity sa pamamagitan ng extreme make-over. Mapalad sila … at bakit?

Simple lang … Mapalad sila sapagka’t sila ay nanalig! “Mapalad ka, sapagka’t nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon.”

Nananalig ba tayo? Mapalad ba tayo?