frchito

Archive for the ‘Adviento’ Category

KUNG ANO ANG TAMA, HINDI ANG MASAMA!

In Adviento, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 16, 2008 at 08:39

Unang Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 16, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 56:1-3, 6-8 / Juan 5:33-36

philip61Unang araw ng Simbang Gabi ngayon. Puno na naman ang mga simbahan at mga liwasan sa labas ng simbahan. Dagsa ang mga kabataan sa loob – at labas – ng mga Simbahan sa buong bansa. Malaki na naman ang kita ng mga cellphone companies. Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ang Simbang Gabi ay naging isang social event, ika nga, isang panahon sa gimikan, sa pakwelahan, bondingan at textingan at ligawan.

Nguni’t hindi rin maipagkakaila na ang simbang gabi, para sa marami, ay isa ring pagkakataon upang salubungin nang nararapat ang pasko ng pagsilang. Para sa marami, itong siyam na araw ay tunay na pamamaraan upang higit na maunawaan ang pananampalatayang Kristiyano, at pamumuhay Kristiyano.

Kinagawian na sa mula’t mula pa na ang siyam na araw ay ginugugol upang palalimin, palawakin, at palawigin ang kaaalaman ng bayang Pilipino sa pananampalatayang Kristiyano. Kinagawian ring ang siyam na araw ay pumapaligid sa isang tema na hinahati sa siyam na paksa na binibigyang paliwanag sa loob ng siyam na araw.

Hindi ko gagawin ito. Ang pakay ko sa siyam na araw na ito ay hayaan lamang na magwika sa atin ang mga sinasaad ng mga pagbasa. Ang layunin ko ay pagpira-pirasuhin kumbaga, ang Salita ng Diyos, at hayaan itong manuot sa ating katauhan, kalamnan, at kaisipan, upang sa gayon ay manuot din sa ating buhay at kultura bilang Kristiyanong bayan, ang natatanging bayang Kristiyano sa buong Asia.

Dumiretso na tayo sa usapan. Ang unang pagbasa na halaw sa aklat ng Genesis ay nagpapaalaala sa isang mahalagang tagubilin: “Isipin ang tama, at gawin ang makatarungan; sapagkat ang aking kaligtasan ay malapit nang mabunyag.”

Ang bayan natin ay napapaloob sa maraming katiwalian, kadayaan, at pagkamakasarili. Wala tayong iniwan sa mga Israelita na paulit-ulit na tumalikod sa Diyos, paulit-ulit na nagkasala at tumanggi sa paanyaya ng panibagong buhay. Sa unang araw ng Simbang Gabi, natatambad sa atin ang paksang hindi natin maipagkakaila. Ang dahilan ng lahat ng kahirapan natin, ang sanhi ng hindi natin pag-usad sa maraming bagay ay naririto – sa kakulangan natin at pagkabigong “isipin ang wasto at gawin ang naghahatid sa katarungan.”

Ano ba ang wasto? Ang wasto baga ay dumidipende sa ating pasya? Ito ang malaking kamalian sa panahon natin postmoderno. Ang tama ay siyang pinagpapasyahan ng marami, ng mass media, ng kung sino na lamang. Ang mali ay nagiging tama, at ang tama ay hindi na pinapansin. Sa pag-iisip na ito, walang katiwalian sa pamahalaan at sa lipunan. Ito ay tinagurian na lamang na “kalakaran” – ang sulong ng panahon at ng kultura. Wala nang magagawa dito kundi sundin at hayaang mamayagpag.

May isang malaking parokya sa ka-Maynilaan na malimit puntahan ng mga may kaya at may angking yabang. Malimit ay mahaba ang pila sa opisina, para bumili ng religious articles o magpamisa, o magpa-schedule ng kasal o binyag. Sa maraming pagkakataon, may mga donyang ayaw pumila. Ayaw maghintay kasama ng mga ordinaryong tao. Dumidiretso sila sa harapan at mariing nagsasabi: “Unahin mo na ako … Asawa ako ng heneral, nagmamadali ako.”

At wala daw katiwalian at nakawan at lamangan sa ating lipunan!

Malaki ang kinalaman ng mga pagunita ng unang pagbasa sa ating pagnonobena bilang paghahanda sa Pasko. Hindi natin mabibigyang-pansin ang lahat ng nilalaman ng mga pagbasa, nguni’t sa  linya lamang na ito ay mayroon na tayong sapat na dapat pag-usapan.

Sa aking pagpunta sa parokyang aking pagmimisahan kaninang madaling araw, medyo naantala ako sa pagdating. Ito’y hindi sapagka’t ako ay tinanghali ng gising. Nabarahan ako ng mga sasakyang tigil nang tigil kahit saan, isang jeep na nagbababa sa gitna mismo ng kalsada, at mga taong naglalakad sa gitna ng kalye sapagka’t naglaho na ang bangketa … inangkin ng mga tampalasang akala nila ay sila ay tama.

At sinasabi nating walang katiwalian sa lipunan natin? At galit na galit tayo sa Malacanang dahil sa katiwalian? Ang kalakaran ang siyang nasusunod mula sa itaas hanggang sa ibaba. Sa kabila ng nagpupuyos na oposisyon sa cha-cha, patuloy pa ring ipinagdadakdakan ng kakaunti at ibig isubo sa bunganga ng lahat na walang kamuang-muang. Ito ang kalakaran ng ating lipunan.

Ang kalakarang isinusulong ng liturhiya ay kabaligtaran nito. Sa unang pagbasa pa lamang ay tinatamaan na tayo lahat. Hindi kalakaran ang siyang dapat gawin … hindi ang masama ang dapat sundin, kundi ang tama. “Isipin ang tama, and gumawa ng katarungan.”

Masaya ang diwa ng simbang gabi. Sa maraming lugar, mayroon pang musiko, mayroon pang magagandang ilaw at palamuti. Ito rin ang parehong pagsasaya na nakita ko sa Parokyo ni San Columba sa Maryland, kung saan napakaraming Pinoy. Gayon din sa maraming parokya sa California, New Jersey, at saanman sa mahigit na 100 bansa sa buong mundo kung saan may Pinoy.

Subali’t hindi tayo dapat manatili sa pagsasaya. Dapat isaisip, isapuso, isadiwa at isabuhay ang panuntunang sinabi ni Isaias … ang mag-isip ng tama, hindi ng masama …  at gumawa ng may katarungan.

MULA SA LUSAK, TULAK AT GALAK

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, San Juan Bautista, Taon B on Disyembre 10, 2008 at 21:23

Ikatlong Linggo ng Adviento – Taon B
Disyembre 14, 2008

Mga Pagbasa: Is 61:1-2a, 10-11 / 1 Tesalonika 5:16-24 / Juan 1:6-8, 19-28

St. John the Baptist

Si Isaias ang isa sa mga bida sa telenobela ng Adviento. Isa pa, at lalung higit, si Juan Bautista. Tumulak si Juan, ayon sa ebanghelyo, mula sa balak ng Ama. “Isang nagngangalang Juan ang sinugo ng Diyos … Naparito siya upang magpatotoo, ang magpatotoo sa liwanag, upang ang lahat ay maniwala sa pamamagitan niya.”

Alam natin ang kinasadlakan ng bayang naghahanap at naghihintay sa Mesiyas – ang lusak ng kasalanan at kamatayang bunga nito. Alam natin ang pinakaaasam ng madla na nakatunghay sa nakamamanghang ginawa ni Juan Bautista. Si Juan Bautista ay hindi katumbas ni Manny Pacquiao – tanyag kahit saang dako ng daigdig lalu na ngayong umuwi siyang hatid na naman ang isang malaking karangalan para sa ating bayan. Si Juan Bautista ay hindi kilala. Tago ang buhay na kanyang tinahak … sa ilang. Pagkaing mahirap ang kanyang lamang tiyan – balang at pulut-pukyutan, kahit ano na lamang na masumpungan sa disyerto.

Nguni’t pinagkalipumpungan siya ng mga katumbas ng mga kapuso at kapamilyang mga tagapaglathala. “Ikaw ba ang Cristo? … Ikaw ba si Elias? … Ikaw ba ang propetang pinakahihintay?” Malutong na “hindi” ang sagot niya sa mga tanong na sunud-sunod at susun-suson. Hindi … Sapagka’t siya, aniya, “ay isang tinig sa ilang na humihiyaw: Ihanda ang daraanan ng Panginoon.”

Ang sugo ay hindi nag-asam ng hindi para sa kanya. Ang mensahero ay hindi nagbuhat ng sariling bangko o nagyabang. Buong kababaang-loob niyang idineklara: “Hindi man lang ako karapat-dapat magkalas ng tali ng kanyang sandalyas.”

Nguni’t ang kanyang balita ay siyang pinakaaasam ng maraming dantaon na … ang kanyang itinuturo ay walang iba kundi ang pinakahihintay ng maraming salinlahi magmula nang masadlak ang bayang pinili sa lusak ng sari-saring uri ng kamatayan.

Ito ang buod ng patuloy nating salaysay sa Adviento at sa buong taong liturhiko. At kung mayroong musikang dapat sumaliw sa salaysay na ito, ay isang himig na nag-uumapaw ng galak ang dapat na tema. Galak ang buod ng mga pagbasa ngayon. Galak ang bumungad sa ating tainga sa introito sa pagpasok: “Magalak sa Panginoon tuwina … Muli kong sinasabi … magalak, sapagka’t malapit na ang Panginoon!”

Bakit nga ba? Ano ba ang dahilan at tayo ay tinatawagan sa kagalakan? Ano ba ang nagtutulak sa atin upang umahon sa lusak ng kalungkutan at kawalang-pag-asa?

Tuntunin natin sa mga pagbasa ang hibla ng kagalakang ito …  Una, ito ang sinasaad sa pagbasa mula kay Isaias … “Ang Espiritu ng Panginoon ay nagtulak sa akin, aniya, upang maghatid ng magandang balita sa mga dukha …” Ito ang hula ni Isaias na nagtulak sa bayan ng Diyos upang umahon mula sa lusak ng kalungkutan. Ito ang naging dahilan upang ang nakatutunghay at nakababatid ng balitang ito ay nakukuhang magdasal tulad ng ating tugon matapos ang unang pagbasa: “Nagagalak ang aking Espiritu sa aking Diyos.”

Ito rin ang nagtulak kay Pablo upang magwika nang buong tatag: “Magalak tuwina … Magdasal nang walang patid. At sa bawa’t sandali ay magpasalamat.” … “Ang tumatawag sa inyo ay tapat … siya rin ang maghahatid sa inyo upang maisakatuparan ang lahat ng kanyang pangako.”

Galak na galak na naman ang bayang Pinoy. Umuwi ang pambansang kamao nang may pasalubong na malaking karangalan para sa ating nanlulupaypay na pagpapahalaga sa sarili. Mababa ang tingin ng buong mundo sa atin. Hindi sila naniniwala sa ating mga diploma na nabibili sa Recto o Legarda. Hindi sila naniniwala sa mga sertipiko na galing sa ating bansa sapagka’t lahat ay napepeke. Hindi sila kumbinsido sa ating mga protesta, sapagka’t totoo namang ang ating bayan ay pinamumugaran ng mga mandarambong at mandarayang mga politikong hindi maruong tumanggap ng pagkatalo. Hindi sila naniniwala sa resulta ng eleksiyong sa mula’t mula pa ay nabahiran na ng lahat ng uri ng kadayaan at karahasan.

Nguni’t hindi nila maipagkakait ang karangalang hatid ng isang simpleng tao na nakarating sa rurok ng tagumpay sa pamamagitan ng sariling sikap at tiyaga, pawis, at pasakit sa sarili. Malinaw na malinaw ang panalo ni Pacman. Malinaw na malinaw ang kanyang pagtitiwala, una sa Diyos, at pangalawa sa kanyang sarili.

Ang kagalakang ito ay mainam. Nguni’t hindi lamang ito ang kagalakang tulak ng liturhiya ngayon. Ang galak na dulot ng magandang balita sa araw na ito ay bunga ng malalim at mas makapangyarihang tulak ng Espiritu Santo. Ito ang parehong tulak na binabanggit ni Isaias. Ito rin ang tulak tungo sa kagalakan na sinasaad ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Payo niya sa atin, na huwag siphayuin ang Espiritu. Tagubilin niya na ating pakinggan, pakiramdaman, at suriin ang tulak na ito ng Espiritu. Hindi lahat ay maghahatid sa tunay na galak. Hindi lahat ay magdudulot ng wagas na kaligayahan. Ani Pablo, dapat daw nating subukan ang lahat, ngunit dapat lang natin hawakan ang pawang mabuti at umiwas sa dilang masama.

Masaya ang mga nakakaisa sa kapwa. Masaya ang mga nakapanlalamang sa ibang tao. Malaki ang kita ng mga masisiba at madadaya. Malayo ang mararating ng mga hindi tapat sa sarili, sa Diyos, at sa kapwa. Nakabibili sila ng magagara at malalaking bahay saanman nila masintahan. Nguni’t ang halimbawa ni Juan Bautista ay nagtuturo sa isang mahalagang katotohanan … ang wagas at tunay na galak ay wala sa mga bagay na material, bagkus, makikita sa pagtalima sa tulak o inspirasyon na mula sa Diyos.

Ito ang tulak ng ating liturhiya sa araw na ito. At ang tulak na ito ay naghahatid sa tunay na galak, galak na hindi maipagkakait ninuman sa sinumang ang puso at damdamin ay nakatuon sa Diyos na Siyang tanging simulain at bukal ng kagalakan.

Maging masaya tayo sa pagwawagi ni Pacman. Subali’t maging puno nawa tayong lahat ng galak sa dakila at walang kapantay na pagwawagi ng Diyos para sa atin – ang kanyang pagdating at pagliligtas na siyang balitang tulak ni Juan Bautista.  Ni hindi siya karapat-dapat na magkalas ng sintas ng sapin sa paa ni Jesus. Ni hindi niya nakita at natunghayan ang bunga ng kaniyang balitang naging sanhi ng kaniyang maagang pagkamatay sa kamay ni Herodes.

Siya ang bida natin sa buong panahon ng Adviento. Mula sa lusak ng kamatayan, ang kanyang tulak at dulot sa atin ay walang iba kundi galak. Magalak. … Magalak … Nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.