frchito

Archive for the ‘Catholic Homily’ Category

UPANG ILIGTAS AT IHATID SA LUPAING MAYAMAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Marso 3, 2010 at 05:52

IKATLONG LINGGO SA KWARESMA (K)
MARSO 7, 2010

Kalinga, kabusugan, at malasakit ang nababanaag ko sa tatlong pagbasa. Sa una, kalinga ng Diyos na naghatid sa bayang pinili sa lupaing mayaman – sa Canaan. Sa ikalawang pagbasa, narinig naman natin ang kabusugang dulot niya – ang pagkakaloob ng “pagkain at inuming espiritwal” sa pamamagitan ni Kristong bugtong na Anak ng Diyos.

Ang ikatlong pagbasa naman ay ang pagmamalasakit ng isang tagapangalaga ng ubasan. Sa kanyang malasakit, hiniling niyang palampasin pa ang kaunting panahon upang maalagaan niya at malagyan ng pataba ang lupa – at magbunga.

Pagtitimpi, pagpapasensiya, pagpaparangya … ang lahat ng ito ay mga katagang hindi makatkat sa aking isipan habang binabasa ang tatlong sipi mula sa Kasulatan. Laging magandang balita ang marinig ang lalim at lawak at tayog ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Sa kagustuhang ikintal ito sa ating guni-guni at alaala, iba-ibang larawan ang ginamit ng mga nagsulat ng Biblia.

Pati si Jesus ay gumamit ng mga talinghaga upang ipamalas ito. Kasama sa mga talinghagang ito ang salaysay ngayon sa Bagong Tipan. Normal na dapat magbunga ang pananim. Dapat lamang na ang igos ay magbigay ng matatamis na prutas, tulad nang ang aso ay likas na dapat tumakin o tumahol, o magbantay sa bahay ng amo, sumunod at maging malapit sa kanyang amo.

Subali’t alam natin na sa maraming dahilan, may papayang hindi nagbubunga, may punong hindi yumayabong, may halamang walang ibinibigay sa nagtanim. May hayop na hindi napapakinabangan, at may taong dahil sa marami pa ring mga dahilan ay tumataliwas sa tadhanang nakalatag para sa kanila.

Alam natin ito kung halaman at hayop ang pag-uusapan – sakit, peste, o anumang salot na dumapo sa hayop o halaman. Ayon sa Biblia, ang para sa tao naman ay may kinalaman sa kasalanan – ang paglihis sa tuntunin at balaking inilatag ng Maylikha para sa tao.

Ito ngayon ang magandang balitang hatid sa atin ngayon, ikatlong Linggo ng Kwaresma. May isang tagapangalaga ng ubasan na inatangan ng tungkuling pamungahin ang mga igos at mga ubas.

May hangganan ang pasensya ng may-ari. Nguni’t ang dakilang habag at awa ng Diyos ay kinakatawan ng tagapangalaga – na kumakatawan din sa bugtong na Anak ng Diyos na isinugo upang “iligtas at ihatid sa lupaing mayaman” ang bayan ng Diyos.

Di miminsang pinag-usapan natin ang katotohanang ang bayan natin ay tulad ng punong igos na bahagya mamunga. Sa dinami dami ng naging presidente natin, sa dinami-dami ng mga halalan at mga balaking inilatag ng iba-t ibang mga administrasyon, ang katotohanang tumatambad sa atin ay pareho pa rin, kundi lumalala pa nga – ang higit na pagdami ng mga dukha, ng mga mangmang, at mga matindi ang pangangailangan sa buhay.

Tulad ng may-ari ng ubasan, gusto na natin tagpasin ang punong walang silbi, patayin at sunugin ang mga halamang di nagbubunga.

Madali ang magpadala sa pagpupuyos ng damdamin. Madali ang madala ng kapusukan at ng galit. Madali ang magbalak ng kung ano mang marahas. Subali’t dito sa sitwasyong ito lumulutang ang magandang balita tungkol sa Diyos at ang kanyang balak para sa kanyang bayan.

Noong isang Linggo, ang binigyang-buod natin ay isang katotohanang hindi natin dapat makalimutan: may langit kaibigan, at ayon sa kasulatan, langit ang tunay nating bayan.

Subali’t bilang tao, bilang nilalang, may pinagdadaanan tayong panahong may wakas, at lugar na may hangganan – ang buhay natin dito sa lupang ibabaw. May pagtitiis tayong dapat gawin, paghihintay, pagbabantay, paghahanda. Ito ang larangan ng pag-asa, na nagsasabi sa atin na hindi lahat ng gusto at nais ay nakahain sa bandeha, at pipitasin lamang natin na parang hinog na prutas, nang walang pag-aagguanta.

Ito ang kalikasan ng Diyos na dapat natin tularan. Ito ang magandang balita na, sa kabila ng lahat ng kabulukan at kawalang bunga sa daigdig, ay nananatiling totoo magpakailanman – ang Diyos ay mahabagin, mapagtimpi, at mapagparangya. Iginagalang niya ang kalayaang makatao na ipinagkaloob niya sa atin.

Mahaba pang lakbayin ang hinaharap natin, lalu na’t hindi pinakikialaman ng Diyos ang kalayaan natin. Mahaba pang pagtitiis ang dapat natin gawin, lalu na’t dumarami ang mandarambong at mapagsamantala sa lipunan. Ang kasalanan ay bahagi ng ating karanasang makatao at bahagi ito ng pinagdadaanan nating kasaysayan.

Pero magkikibit-balikat na lamang ba tayo sa harap nito?

Hindi ito ang naririnig ko sa pagbasa. Mayroong nagsikap; mayroong nagpagal at nagmalasakit. May nagpakahirap upang maglagay ng pataba, maghukay sa palibot ng puno, at gumawa ng paraan upang ito ay magbunga.

May magagawa tayo. May pag-asa pa ang tao. May angking kakayahan ang balana upang bumalikwas sa pagkalulong ito sa kasalanan. Ano ang pinanghahawakan natin? — Walang iba kundi ang pangako ng Diyos: “bumaba ako upang kayo ay iligtas, ialis sa Ehipto at ihatid sa lupaing mayaman.”

LANGIT ANG TUNAY NATING BAYAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Taon K on Pebrero 23, 2010 at 07:21

Ikalawang Linggo ng Kwaresma(K)
Pebrero 28, 2010

Isa sa mga palatandaan ng postmodernismo ay ang palaisipang ang mahalaga ay ang nakikita, ang nahihipo, ang nabibilang, at nasusukat. Ang katotohanan ay hindi tiyak, hindi maipapako sa iisang paka-unawa, at bagay na napapalitan, nababago, at nahuhubog. Ang objetivong katotohanan, ayon sa palaisipang ito, ay hindi makakamtan ninuman.

Isa ito sa pinakamahalagang dahilan kung bakit ang karamihan ng tao ay puno ng pagdududa, at ang pagtitiwala ay tila naglaho nang parang bula. Wala tayong tiwala sa mga namumuno. Wala tayong tiwala sa mga naghahatid ng balita. Ang lahat ng institusyon ay pinagsususpetsahan ng balana. At ang nagsisikap mamuno ay nananalo lamang kung pina-aandar ang pera o dili kaya ay malawakang pandaraya.

Bunga ng lahat ng ito ang paniniwalang ang buhay ay nakatuon lamang dito sa lupang ibabaw. Kung ang mahalaga ay dito at ngayon, ang impiyerno, ang purgatoryo, at ang langit ay hindi na masyadong pinag-uusapan.

Tutumbukin ko na agad ang gusto kong sabihin … May langit, kaibigan. May purgatoryo at may impiyerno. Ito ang turo ng Simbahan magmula pa noong una, sapagka’t ito ang nilalaman ng Banal na Kasulatan.

Ito rin ang paalaala sa atin ng mga pagbasa natin ngayon. Una, si Abraham ay tinawag mula sa Ur upang humayo at maging pinuno ng isang malaking angkan. Pinangakuan siya ni Yahweh, na ang kanyang magiging supling ay higit na marami pa kaysa sa mga bituin sa langit. Larawan ito ng isang malinaw na turo ng Biblia – na ang buhay ay kahalintulad sa isang paglalakbay, at ang hantungan ng paglalakbay na ito ay hindi lamang Canaan o Israel. Ang hantungan ng paglalakbay na ito ay walang ibang kundi ang pakikipagniig sa Diyos sa langit na tunay nating bayan!

Binabanggit ni San Pablo sa liham niya sa mga taga Filipos ang kabaligtaran ng pangaral na ito – ang pagpapahalaga sa mga bagay na makamundo lamang: “Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nila ikahiya at ang pinag-uukulan lang nila ng pansin ay ang mga bagay na panlupa.”

Ang pagpapahalaga lamang sa mga bagay na panlupa ay kawalan ng wastong pananaw – kawalan ng tinatawag nating perspektibo, ang wastong pagtingin at tamang pagturing sa lahat ng nakikita, nahihipo, nabibilang, at nasusukat. Alam nating lahat na ang pera ay nabibilang. Alam nating lahat na may bahay na maliit at may bahay na sobra ang lalaki, kahit tatatlong butil lamang ang nakatira. Alam natin na pangarap ng lahat na magkaroon ng komportableng tirahan, magarang sasakyan, at maraming ipong pera sa bangko. Walang masama sa lahat ng ito. Tungkulin natin ang magsikap upang mapaganda ang kinabukasan natin.

Ngunit ang taong walang wastong perspektibo ay nabubulagan sa lahat ng ito at hindi na nakikita ang higit pa sa ngayon at sa rito.

Sa ebanghelyo isang pahimakas ng katotohanang may langit at may hantungang marangal ang buhay ng tao ang ipinaaalala sa atin. Nang umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin, ayon kay San Lucas, nagbago ang kanyang anyo, nagmistulang bulak o niyebe ang kaputian at naging busilak ang kanyang katawan. Nakatikim si Pedro, Juan, at Santiago ng kung ano ang naghihintay sa kanila at sa atin lahat.

May langit kaibigan. May higit pa kaysa sa politikang pinamumugaran ng mga tampalasan. Bagama’t kay raming kawalan ng katarungan sa mundong ito, alam nating may hangganan ang lahat, may katapusan. At ang wakas ng lahat ay ganap na kapayapaan, katarungan, at kaligayahan para sa naging tapat sa kanya, tulad ni Abraham, tulad ni Pablo at ang mga tagasunod ni Kristo na tumahak sa landas ng Panginoon.

Ang mga salaysay sa Biblia na binabasa natin sa Liturhiya ay salaysay na may kinalaman sa buhay natin lahat. Ang kwento tungkol sa pagtawag kay Abraham ay kwento rin ng patuloy na pananawagan ng Diyos sa kanyang bayang pinili. Ang suliranin at pagsubok na pinasan ng mga Israelita noong araw, ay katumbas ng atin ring mga pasanin noon, ngayon, at bukas.

Subali’t para sa taong may wastong pagtingin at tamang pagturing – mga taong may sapat at tapat na perspektibo sa mga bagay-bagay, ang mga mata nila ay nakatuon, hindi lamang sa lupang ibabaw, kundi “sa langit na tunay nating bayan!”