frchito

Archive for the ‘Gospel Reflections’ Category

ARAP, HANAP, YAKAP

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Hulyo 23, 2008 at 12:55

Ika-17 Linggo ng Taon (A)
Julio 27, 2008

Mga Pagbasa: I Hari 3:5, 7-12 / Roma 8:28-30 / Mateo 13:44-52

Ang hanay ng mga pagbasa natin ngayon ay nagsimula sa isang karanasan na malamang ay karanasan din natin. Isang pangarap ang kwento ng unang aklat ng mga Hari – pangarap ng talubatang si Solomon. Nagpakita sa pangarap ang Diyos na nagtanong sa kanya kung ano ang kanyang hanap o mithiin. Ang kanyang hiling ay kung ano ang hanap ng kanyang ginintuang puso: “Pagkalooban mo ako ng isang pusong mapang-unawa, upang mapatnubayan ko ang iyong bayan, at maging maalam kumilatis ng wasto o mali.”

Kung ano ang arap ay siyang hanap ni Solomon. Ang kanyang ginintuang mithiin ay hindi nauwi lamang sa kanyang pansariling kapakanan, bagkus nakatuon sa ikabubuti ng bayan ng Diyos. Ang kanyang arap ay maagap na sinuklian ng Diyos ng isang pangako at pagpapala: “Pagkakalooban kita ng isang pusong marunong at mapang-unawa na kailanman ay hindi nakita saanman ni mapapantayan ninuman.”

At ang maagap na tugon ng Diyos ay siya rin nating maagap na kasagutan matapos ang unang pagbasa: “Panginoon, mahal ko ang iyong mga kautusan.”

Ang ikalawang pagbasa ay isa namang patunay sa tunay na layunin at mithiin ng Diyos para sa atin. Ang hanap ng tao ay hindi kailanman binigo ng Diyos. “Batid natin,” ani San Pablo, “na lahat ng bagay ay nauuwi sa kabutihan para sa mga nagmamahal sa Diyos.” Masasabi natin na ito rin ang pangarap ng Diyos para sa atin – ang mapanuto ang lahat at makaniig ng Diyos.

Hindi ba’t ito ang nasa likod ng lahat ng ating mga pithaya at sanghaya? Hindi ba’t ito ang nilalaman ng ating mga puso at damdamin? Ito ang isa sa mga binigyang-diing pangaral ni Ronald Rolheiser sa kanyang aklat na The Holy Longing. Sa likod ng lahat ng ating arap (mithiin), ay walang ibang kundi ang Diyos ang ating hanap. Siya lamang at ang kanyang kalooban ang ating tunay na pinipithaya at inaasam-asam.

Maraming  nilalaman ang ating puso at damdamin araw-araw. Nandiyan ang kagustuhan natin na lumawig ang kapayapaan sa mundo. Nandiyan ang pagnanasa natin ng karampatangkaginhawahan ng buhay para sa lahat. Nandiyan ang paghahanap natin ng kasagutan sa maraming mga suliraning bumabagabag sa atin araw-araw.

Madali ang mabulid sa pagkakamaling manatili na lamang at sukat sa mga makamundong mga mithiin at layunin. Madali rin ang masadlak lamang sa pansariling pagnanasa – ang maghanap, ayon sa kalakaran ng kultura at lipunang punong –puno ng katiwalian, ng lahat ng uri ng makasariling layunin – ang magpadala na lamang sa agos at takbo ng lipunan.

Ito ang kultura ng korupsyon na parang agos ng tubig na tumatangay sa maraming mga Pilipino sa ating panahon. Ito ang kahulugan ng pananatili lamang sa antas ng makamundo at makasariling mga pagnanasa, na wala nang pagsasaalang-alang sa Diyos.

Pagkakataon na sana ni Solomon ang humiling ng lahat ng bagay na ika-iigaya at ikapapakinabang lamang niya. Nguni’t hindi ito ang kanyang arap at hanap. Mayroon pang higit siyang minimithi. Niyakap niya rin ang arap ng Diyos at isinaalang-alang ang Kanyang kalooban. At sapagka’t nagtapat siya sa Diyos ng tunay na layunin niyang dakila na nakatuon sa kapakanang pangkalahatan, maagap rin at maigting ang yakap ng Diyos sa kanya. Pangako at pagpapala ang tinanggap niya mula sa Diyos na gumagawa para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kanya.

Ang tunay na arap at hanap ni Solomon, ay ang Diyos at ang kanyang dakilang pagmamahal para sa kanyang bayan.

Lahat tayo ay naghahanap ng kayamanang walang kupas, ng kagandahan at kaligayahang walang maliw. Mahalaga na matukoy natin ito. Gaya ng sinasaad sa ebanghelyo, hindi tayo dapat masiyahan lamang sa asero, o puwet ng baso. Ang ating hanap ay isang kayamanang nabaon sa lupa. Hindi tayo nasisiyahan hangga’t hindi natin nakakamit ito. Gagawa tayo ng lahat mapasa-atin lamang ang natatagong kayamanan sa lupaing nabanggit. At kapag nasumpungan natin ito, ay handa tayong ipagbili ang lahat, mapasa-atin lamang ang dakilang yamang ito – ang perlas na hindi mapapantayan ng halaga.

Nagugunita ko ang kwento ni Pippin, na apo ni Carlomagno, Emperador ng Imperyong Romano. May mga tinig na nagsasabi sa kanyang magpakasasa sa poder, sa ginto, at sa kapangyarihang kaakibat ng pamumuhay sa palasyo ng Emperador. Sa wakas ng kanyang buhay, ay napagtanto niya na walang kulay na hindi kukupas, walang kapangyarihan at posisyon na hindi maaagnas at maglalaho. Ang orihinal niyang arap, ay hindi niya tunay na hanap. Napagtanto niya na siya ay hindi na kailangang mag-asam na maging isang agila, o kaya isang malalim, malawak, at makapangyarihang ilog sa kagubatan. Sa wakas, natanggap niya ang katotohanan. Siya ay nagkaroon ng tunay na karunungan.

Ito ang magandang balita ng Panginoon para sa atin sa araw na ito. Marami tayong arap, hanap, at naisin. Subali’t tanging isa lamang ang wastong hanap ng ating pusong nabihag na ng Diyos – ang karunungang maka-langit, at ang pagmamalasakit para sa  Diyos at sa kapwa. Sa kaibuturan ng ating puso at damdamin, ang arap at hanap natin ay walang iba kundi ang Diyos. Siya at ang kanyang kaharian ay ang kayamanang nakabaon sa lupa – kayamanang handa tayong pagsikapan at pagbayaran nang malaki.

Ang ating arap at hanap ay ang yakap ng Diyos sa buhay na walang hanggan.

Sa kabutihang-palad, ang ating arap at hanap na ito ay maagap na tinutugunan ng Diyos. Siya mismo ang gumagawa ng paraan at daan upang tayo ay kanyang mayakap sa isang maigting at mapagmalasakit na pag-ibig. “Batid natin na ang Diyos ay gumagawa para sa ikabubuti ng lahat ng mga nagmamahal sa Kanya.”

Naiintindihan ba natin ang lahat ng ito?

PANGAKO, PANANATILI, PAG-ASA

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Sunday Homily, Sunday Reflections on Abril 24, 2008 at 13:43

Pag-akyat ng Panginoon sa Langit (Taon A)
Mayo 4, 2008

Mga Pagbasa: Gawa 1:1-11 / Efeso 1:17-23 / Mateo 28:16-20

N.B. Ipinagpapauna ko na ang pagninilay na ito sapagka’t paalis ako sa Mayo 1, 2008 at babalik sa Junio 8, 2008. Pipilitin kong magampanan ang pagninilay na ito kahit mula sa US, Greece, Turkey, at Israel sa loob ng panahong ito. Salamat muli sa lahat!

Ang pag-akyat ng Panginoon sa langit ay malimit nating isiping isang paglisan. Kung may paglisan ay may pamamaalam. Subali’t ang mga pagbasa sa araw na ito ay malayo sa diwa ng paglisan. Umiikot ang pagdiriwang natin ngayon sa tatlong kataga: pangako, pananatili, at pag-asa.

PANGAKO … Ang unang pagbasa ay nakatuon sa isang pangako: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba ng Espiritu Santo.” Subali’t kalakip ng pangakong ito ang isang paghamon: “Kayo’y magiging saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at sa lahat ng dako ng daigdig.”

PANANATILI … Ang pangakong binitiwan Niya sa unang pagbasa ay higit niyang binigyang liwanag sa ebanghelyo: “At alamin ninyong ako’y kasama ninyo tuwina hanggang sa wakas ng panahon.”

PAG-ASA … Si Pablo na isa sa mga saksi sa mga naganap sa buhay, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Kristo ay siyang nagbibigay-buod sa diwa ng ating pagdiriwang sa araw na ito: “Liwanagin nawa niya ang inyong panloob na paningin, upang mabatid ninyo ang dakilang pag-asa na siyang panawagan niya sa inyo.”

Ang pagtitipon natin tuwing Linggo ay maraming dahilan. Bukod sa pakay nating magbigay-puri sa Diyos, kagustuhan din natin na mabigyang-kahulugan ang ating buhay, ang ating pinagdadaanang karanasan … sa madaling salita, ang ating kasaysayan. Ang kasaysayan ng kaligtasan at ang kasaysayan ng tao sa mga araw na ito ay magka-ugnay, at may koneksyon sa isa’t isa. Una sa lahat, ang Diyos ay patuloy na nagpapakilala sa atin sa pamamagitan ng ating kasaysayan.

Ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay isang makasaysayang pangyayari. Kalakip ito at kaugnay ng higit na malawak na hiwaga ng Paskuwa, ang pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesucristo. Nguni’t ito ay hindi isang pangyayaring naganap na lamang at sukat at wala nang kinalaman sa ating pangkasalukuyan at hinaharap. Ito ay kasaysayan rin natin. Ito ay may kaugnayan sa ating ngayon at bukas.

Nabubuhay pa rin tayo ngayon at nakapag-aaguanta sa pang-araw-araw na pagsubok dahil sa parehong pangako ng Diyos. Ang ating Diyos ay isang Diyos ng pangako, at Diyos ng katuparan. Tinupad Niya ang pangakong pagbaba ng Espiritu Santo. Tinutupad pa rin niya ngayon ang patuloy na pangako ng Espiritung nagtataguyod ng buhay, ng pagpapanibago, ng pagbabagong-anyo sa lipunan. Nasa likod siya ng lahat ng magagandang panukala na nagkakadiwa at naisasabuhay saanman sa daigdig. Halimbawa rito ang patuloy na kabatirang ang mga angking yaman ng daigdig ay dapat pakaingatan, at alagaan, at hindi aksayahin. Buhay pa rin ang pangako ng Diyos sa tao, at buhay pa rin ang katuparan ng mga pangakong ito.

Ikalawa, ang pananatiling ipinangako ni Jesus ay bagay na dapat nating pagyamanin, limiin, at isabuhay sa ating panahon. Marami tayong pangarap sa ating buhay sa daigdig na ito. Nariyan ang pagnanasa nating matulungan ang mga salat, ang mga walang kaya, ang mga api sa mundo. Hindi natin maitataguyod ang lahat ng dakilang hangaring ito kung wala ang Diyos, kung tayo ay nag-iisa. Ang mga dakilang hangaring ito ay nagpapatuloy, hind sapagka’t tayo ay masugid, masipag, at mapagtiis lamang. Kailangan natin ng lakas mula sa itaas. Hindi biro ang magpagal sa isang bagay na parang walang katapusan, parang naglalagay tayo ng tubig sa buslong walang ilalim, isang lukbutang walang puwit, kung baga. Hindi biro ang magpakahirap para sa mga taong hindi man lamang marunong tumanaw ng utang na loob, tulad ng mga special children, mga may kapansanan sa pag-iisip, na hindi nakakaramdam ng diwa ng pasasalamat. Sa aking karanasan bilang guro, napakahirap at lalong pahirap nang pahirap ang magturo lalu na’t ang kakayanahang matuto ng mga bata ngayon ay napakahina kung itutulad noong araw.

Nanghihinawa rin ang pinakamasugid na apostol. Nagsasawa rin ang pinakamasipag na disipulo. Subali’t sa kabila nito, ang misyon ng Simbahan ay nagpapatuloy. Bakit? Ito ay walang iba sapagka’t ang Diyos ay kapiling natin tuwina, tulad ng kanyang pangako.

Ano ngayon ang kahulugan ng lahat ng ito para sa atin? Malinaw ang saad ng mga pagbasa. Ang lahat ng ito ay dapat mauwi sa pag-asa. Ito ang binigyang diin ni Papa Benito XVI sa kanyang ensiklikal, Spe Salvi. Pag-asa ang higit na kinakailangan natin sa ating panahon ngayon. Napapalibutan tayo ng kawalan ng pag-asa sa lahat ng larangan ng buhay. Marami ang nabubuhay sa kawalang-pag-asa, na para bagang wala nang hinihintay na katugunan sa mga suliranin.

Subali’t ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay isang katugunang malinaw sa kawalang-pag-asang ito. Si Kristo ay hindi lamang buhay. Siya ay kapiling natin. Siya ay pangako at katuparan ng pangako. At ang kanyang pag-akyat ay hindi paglisan, bagkus pananatili. “At tandaan ninyo, ako’y kasama ninyo tuwina, hanggang sa wakas ng panahon.”

DVMI House of Prayer
Tagaytay City, Cavite, Philippines
April 24, 2008