frchito

Archive for the ‘Gospel Reflections’ Category

PAG-AHON SA TAMANG PANAHON!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo on Marso 24, 2009 at 21:36

st-philip-the-apostle

Ika-5 Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 29, 2009

Mga Pagbasa: Jer 31:31-34 / Hebreo 5:7-9 / Jn 12:20-33

PAG-AHON SA TAMANG PANAHON

Noong isang Linggo ay Laetare Sunday kung tawagin sa Latin at Ingles. Ibig sabihin nito ay Linggong nakatakda upang magsaya. Sa kalagitnaan ng kwaresma, ay ipinagunita sa atin ng Simbahan ang napapanahong paggunita sa wakas at hantungan ng lahat ng ating pagpupunyagi at paghihirap. Kaya’t ang paalaala sa atin ay “magalak … ang kaligtasan ay malapit nang dumating.”

Ang kagalakang inaasam ay naganap sa kasaysayan noong isang Linggo sa pagdating ni Ciro na nagpalaya sa ipinatapong mga Israelita sa Babilonia. Ang mithiin ay nakamit. Pinalaya sila at binigyang-kalayaan upang sumamba muli sa templo ni Solomon sa Jerusalem, upang mangasi-uwi at magbalik-bayan sa lupang ipinangako sa kanila ng Diyos.

Naganap ang lahat sa takda at wastong panahon.

Sa mga lumaking katulad ko sa probinsya at may karanasan pa sa pamimitas ng mga bungang-kahoy, malaki ang kaibahan sa prutas na tinatawag na hinog sa puno at hinog sa pilit. Ang hinog sa puno ay nagdaan sa wastong pagbilang ng araw upang mahinog nang tama. Ang hinog sa pilit ay nagdaan sa init ng kalburo upang mapadali ang pagkahinog. Iba ang lasa ng hinog sa tamang panahon. Iba ang lasa ng hinog na wala sa panahon. Huwag na ninyo tanungin kung ano ang kaibahan!

Sa mga bihasa sa pagpuputol ng kawayan, mayroon rin tayong tinatawag na taga sa panahon. Ang taga sa panahon ay hindi bukbukin, matibay, at malakas sa anumang pagsubok. Matatag ang kawayang taga sa panahon sa pagpabago-bago ng takbo ng klima, at sa anumang iba pang pagsubok sa katibayan ng kawayan.

Ang taga sa panahon ay naghintay sa tamang panahon … sa kinakailangang pagdaan ng mga buwan, linggo, at mga araw ayon sa batas ng kalikasan. Ang taga sa panahon ay isang sagisag ng tamang paghihintay, ng wastong pagsisikhay bago mag-ani, bago makinabang, at bago magbunga ang lahat ng pinagpagalan.

Isa sa katangiang gusto ko sa mga magsasaka ay ito … Hindi sila katulad ng mga kabataan ngayong hindi na makahintay. Ang posmodernong tao ngayon ay wala nang kakayahang maghintay. Lahat halos ay “instant.” Andyan ang instant noodles, ang instant coffee, instant copies, instant pictures, instant puto at instant bibingka. Ang lahat ay nakalagay sa karton na pagkabukas ay tubig at init na lamang ang kailangang ilapat para magkaroon ng puto, bibingka, o anu pa man. Wala nang makahintay sa pagdidikdik ng pansahog sa lutuin. Ang lahat ay nakukuha sa sobre … tulad ng Knorr, Maggi at marami pang mga “instant food mix” na ginagamit sa pagluluto. Pati kare-kare ngayon ay daya na. Sampu ng adobo na nagagawa sa pamamagitan ng adobo mix, o ginisa mix at iba pa.

Hirap tayong maghintay. Hirap tayo ngayon umunawa na may akma at wastong panahon para sa lahat. Noong araw ang sinaing na tulingan ay magdamag na nakasalang sa palayok at kalan. Ang bulalo ay magdamagan ding hinihintay, at alam ng lahat na ang pilitin ang pagkaluto ay hindi puede. Wala sa panahon ang lasa ng sabaw. Wala sa panahon ang lambot ng karne. At walang silbi ang pilitin ito at madaliin.

Nagsimula ang mga pagbasa natin sa isang pahimakas sa tamang panahon …. “Darating ang mga araw na gagawa ako ng isang bagong kasunduan sa pagitan ng bahay ni Israel at bahay ni Judah.” Darating ang panahon … at ang bunga ng tamang panahong ito ay walang iba kundi ang pangarap ng bayang Israel: “Ang lahat mula sa silangan hanggang sa kanluran ay makakakilala sa akin, wika ng Panginoon, sapagka’t patatawarin ko ang kanilang masasamang gawa at hindi na nila gugunitain ang kanilang kasalanan.”

Darating ang panahon …

Subali’t ang pagdating ng panahon, tulad ng awit ni Aiza Seguera, na kinatha ni Moi Ortiz, ay nababalot sa paghihintay nang may kaakibat na pag-asa. Sa bawa’t pagdating ng panahon ay may kaakibat na pag-aasam, paghihintay, at diwa ng pag-asa. Maging si Kristong Panginoon ay nagpamalas ng ganitong pag-asa: “Bagama’t Siya ay Anak, natuto siyang sumunod sa daan ng paghihirap; at nang maganap ay naging bukal siya ng walang hanggang buhay para sa lahat ng sumusunod sa Kanya.” (Ika-2 pagbasa).

Darating ang panahon …

Subali’t ito ba ay isang paghihintay sa kawalan? Ito ba ay isang pagnanasang walang kahihinatnan?

Ang tugon ng ebanghelyo ay malayo sa paghihintay sa kawalan. Itong paghihintay na aktibo na binabanggit natin ayon sa diwa ng pag-asa, ay isang paghihintay na mapaghanap … isang pagnanasang may handang gawin upang makita ang hinahanap. Ito ay isang pag-aasam na may handang pambayad upang matupad ang inaasam. Sa ebanghelyo natin, isang grupo ng mga Griego ang nagtungo kay Felipe at nagwika: “Gusto naming makita si Jesus.” Kagya’t sinabi ni Felipe kay Andres. At silang dalawa ay nagwika kay Jesus. At si Jesus naman ay tumugon ng isang sagot na parang walang kinalaman sa hiling ng mga Griego.

Walang kinalaman? Hindi, bagkus kabaligtaran nito. Ang sagot ni Jesus ay ang buod ng kanilang hanap … ang bunga ng kanilang pangarap, at inaasam-asam: “Dumating na ang oras kung kailan ang Anak ng Tao ay luluwalhatiin.”

Dumating na ang panahon. Ito na ang takdang panahon. Ito na ang tamang sandali. Oras na. Panahon na. Ngayon na. …

Kung hindi ngayon, kailan pa? Kung hindi dito, saan pa? Ito ang larangan ng kaligtasan natin. Ito ang daigdig na pinagbayaran ng buwis ng Panginoon at tinubos para sa kaligtasan ng lahat. Kung hindi natin pupuksain ang katiwalian, kailan pa? Kung hindi natin pagpupunyagian ang kasalanan dito, saan pa? Kung hindi natin pagsisikapan na mapabuti at mapanuto ang Pilipinas, kailan pa? At para saan pa? Para kanino pa, kung hindi tayo ngayon magbabanat ng buto sa pag-alsa laban sa lahat ng uri ng kasalanan?

Taga na tayo sa panahon. Hindi tayo mga hinog sa pilit. Dumating na ang takdang oras. At sumapit na ang sandali ng ating kaligtasan. “Ngayon na ang oras kung kailan ang hustisya ay bumaba sa daigdig; sa sandaling ito ang pinuno ng daigdig ay itataboy na. At sa sandaling ako ay maiangat sa mundong ito, ay hahanguin ko ang lahat sa aking sarili.”

Panahon na … oras na! Dito, doon, saanman … AHON NA, PANAHON NA!

DALITA, BALITA, SALITA!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Taon B on Pebrero 17, 2009 at 16:30

isaiah-6012_1407_1024x7682

Ika-7 Linggo ng Karaniwang Panahon(B)
Febrero 22, 2009

Mga Pagbasa: Isaias 43:18-19, 21-22, 24b-25 / 2 Cor 1:18-22 / Mk 2:1-12

Pagpapanibago ang paksang lumulutang sa mga pagbasa. Mula kay Isaias, isang paanyaya ang paulit-ulit natin narinig: “Huwag alalahanin … huwag alintanain … huwag dibdibin.” Linya ng isang lumang kanta ni Rico Puno ang sumasagi sa aking isipan … “huwag damdamin ang kasawian; may bukas pa sa iyong buhay.”

Hindi tayo bago nang bago sa takbo ng buhay. Hindi tayo lahat isinilang kahapon. Alam natin ang kalakaran ng buhay … puno ng hilahil, tigib ng suliranin, napalilibutan ng pagbabata, pagdaralita, o pasakit. Hindi na ito dapat pang ipagkaila. Marami ang nawawalan ng trabaho. Marami ang wala nang malamang gawin matapos pasikipin ang sinturon, bawasan ang pagkain, at palawigin ang kakarampot na kinikita upang ipagtawid-buhay.

Iisa ang balitang tinutumbok ni Isaias … na kung paanong puro dalita ang karanasan ng mga Israelita sa ilang … kung paanong dinala ng Diyos sila sa kadiliman sa ilang, ay ganuon din sila ihahatid ng Diyos upang makatawid nang maluwalhati tungo sa kaligtasan. Magandang balita ang hatid ni Isaias sa likod ng matinding dalita!

Si Pablo naman ay ang katangian ng Diyos na malapit sa mga nagdadalamhati ang paksa – ang katapatan Niya. Tatlo ang patunay ni Pablo sa katapatang ito: una, ang katauhan ni Jesus na Kanyang bugtong na Anak; ang ikalawa ay ang katuparan ng Kanyang mga pangako sa pagdaan ng panahon; at ang ikatlo ay ang kaloob ng Espiritu Santo. Ang Espiritu, aniya, ay katumbas ng tinatawag ngayong “signature” o “selyo” sa mga produktong mahalaga, maganda, at matibay sa ating panahon.

Ang katapatang ito ng Diyos, ang kanyang pagkamahabagin, ay ipinamalas ni Kristo sa pagpapagaling sa paralitiko. Dalawang karanasan ng pagdaralita ang laman ng kwento, na ang isa ay mas masahol kaysa sa isa pa: ang pagiging paralitiko at ang kasalanang pinaniniwalaang nasa likod ng kanyang paghihirap. Kapangyarihan at kakayahan ng Diyos ang tugunan ang pareho. Subali’t hindi madaling makita ang pagpapatawad ng kasalanan; mas madali makita ng balana ang pagpapagaling.

And dalita ay tinugunan ni Kristo ng isang magandang balita – ang kakayahan ng Diyos na hanguin ang tao hindi lamang sa pasakit na pisikal, kundi at lalung higit, sa pinakamatindi at masahol na pagdaralita – ang pagiging malayo sa biyaya ng Diyos.

Dito ngayon pumapasok ang konsepto at diwa ng salita. Pinangatawanan ni Kristo ang kanyang pagiging Verbo (Salita) ng Diyos na nagkatawang-tao. Si Kristo ang balita. Siya rin ang tagapaghatid ng balita. Si Kristo ang kaganapan at katuparan ng Balita. Siya ang mensahe at siya rin ang mensahero, at siya ring katuparan ng mensahe o pangako ng Diyos.

Maraming salita ang naririnig tungkol sa napakaraming bagay sa mundo. Maraming salita na ang ginugol tungkol sa maraning sitwasyon, o katotohanan ng katiwaliang palasak at talamak sa lahat ng antas ng lipunan natin. Kay daming mga testigo ang nagwika na – sa ilalim ng panunumpang tila nawalan na ng kahulugan at kabuluhan. Puro salita, nguni’t wala namang bunga sa gawa.

Pati itong ating pagdiriwang na ito ay umiinog sa salita. Katatapos lang natin marinig ang tatlong pagbasa. At ang ginagawa ko ngayon ay ang pagpira-pirasuhin ang salitang narinig natin.

At ang salitang tumatambad sa ating liturhiya ay walang iba kundi ang magandang balita tungkol sa Diyos na nakipamayan sa atin kay Kristo.

Nagdaralita ang ating lipunan, hindi sa salita, kundi sa gawa. Naghihikahos tayo hindi sa kakulangan ng mga malalalim at makapangyarihang mga salita, kundi sa mga taong handang ang kanilang buhay ay gawin nilang isang magandang balita, at hindi lamang isang trompeta o batingaw na tumuturo sa ibang salita ng ibang tao.

Napapanahon na na dapat nating harapin ang katotohanan. Napapanahon na rin, na sa pagtanggap ng katotohanan, ay makita natin ang higit na masahol na kasalatan o pagdaralita sa daigdig – ang kawalan ng Diyos, ang kawalang pananalig sa Diyos. Masama ang pagdaralita. Nguni’t higit na masama ang pagdaralitang walang pinanghahawakang salitang nakapagaangat, nakapagtataas, at nakapagpapagaan sa buhay natin. Hindi sapat ang dami ng salita. Hindi sapat ang mabibigat na salita. Ang kailangan natin ay ang mga wasto at tamang salita na gumaganap at nagpapaganap sa atin.

Sa dami ng salitang naririnig natin sa ating paligid, madaling mabulid sa paniniwalang lutas na ang mga problema natin. Nguni’t hindi ito ang nangyayari. Dapat natin pakinggan, hindi ang dagdag pang mga salita, kundi ang Salitang nagbibigay-buhay – tulad ng salitang naging magandang balita ni Jesus sa taong paralitiko: “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan, pulutin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”

Ito ang pinanghahawakan natin sa araw na ito …. Sa likod ng dalita, may tangan tayong magandang balita, ang Salita ng Diyos na nagbibigay-buhay.