frchito

Archive for the ‘Homilies’ Category

BIGAY-HILIG BA ANG PAG-IBIG?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Setyembre 6, 2007 at 09:15

Ika-23 Linggo ng Taon (K)
Setyembre 9, 2007

Mga Pagbasa: Karunungan 9:13-18b / Filemon 9-10, 12-17 / Lucas 14:25-33

MARUBDOB NA PAG-IBIG; MAHIGPIT NA PAGTATATAGUBILIN

Maalab at damang-dama ang pag-ibig at pagmamalasakit ni San Pablo para kay Onesimo na isang alipin. Ang kaniyang pagmamahal ay ipinakita niya sa maigting na pagmamalasakit sa kapakanan ng isang aliping tumakas mula sa bahay ni Filemon. Hindi maipagkakaila na, bilang isang Ama, ay nanikluhod si Pablo kay Filemon upang si Onesimo ay muli niyang tanggapin, hindi bilang isang alipin, kundi bilang isang kapatid.

Maigting ang pagmamahal ni Pablo. Subali’t kung gaano kaigting ang pagmamahal na ito, ganoon din kahigpit ang kanyang pagtatagubilin!

Palasak sa ating panahon ang pag-iisip na ang pagmamahal ay pagbibigay-hilig lamang. Ang akala ng marami ay walang dapat anumang pananagutan ang pag-ibig. Ang pag-aakala ng marami, ayon sa takbo ng mga telenobela at teleserye sa ating lipunan, ay walang pananagutan ang tibok ng dibdib, bugso ng damdamin, o lukso ng dugo.

Subali’t kung titingnan natin ang mga pagbasa ngayon, malinaw na sinasaad na ang pagmamahal, unang-una ay dapat sumunod sa batas ng karunungang mula sa Diyos. Ang karunungan, ayon sa unang pagbasa, ang siyang nagtutuwid ng landas ng tao. Ang pag-ibig sa kapwa, maging pag-ibig na naghahari sa isang pamilya ay may malaking pananagutan, may mahigpit na alituntunin, na bahagi mismo ng batas ng pag-ibig.

Mayroong mahahalagang turo sa ating mga Pinoy ang mga pagbasa natin ngayon. Sa panahong ito kung kailan lalung dumarami ang mga tinatawag sa Ingles na “global families” – mga pamilyang ang mga kasapi ay hiwa-hiwalay dahil sa matinding pangangailangang kumita, at dahil dito ay matatagpuan sa iba-ibang bahagi ng daigdig, napakaraming mga bagong paghamon ang dumarating sa mga pamilyang Pinoy.

Nandiyan ang paghamon ng wastong pagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa. Palibhasa’y malayo, ang mga magulang na nasa ibang bansa ay napipilitan kung minsan na ipakita na lamang ang pagmamahal sa mga anak sa pamamagitan ng pagbili at pagbibigay sa mga bata ng kung anong masintahan nila. Ito ang tinatawag na “commoditization of love.”  Ang pag-ibig sa mga anak ay tinutumbasan na lamang ng material na bagay. Sa kagustuhan nilang ipadama ang pag-ibig ay sinusunod nila ang pilosopiya ng “bigay-hilig.” Ibigay na lamang ang masintahan, at huwag nang sansalain ang kanilang kalooban.

Nandiyan din ang paghamon ng wastong pakikitungo at pag-aasal. Sa kadahilanang malayo naman ang magulang, maraming mga bata ang hindi na sumusunod sa utos ng mga nakatatanda – na kalimitan ay ang kanilang mga lolo o lola, na wala nang kakayahan upang gabayan nang tuwina ang mga nagsisipaglakihang mga bata.
Subali’t ayon sa mga pagbasa natin, hindi dahilan ang kalayuan upang hindi gampanan ang utos ng wasto at tamang pagmamahal. Hindi dahilan ang kalayuan, upang bale walain ang kalooban ng Diyos para sa ating buhay. Ang halimbawa ni Pablo ay malinaw. Bagaman at siya ay nasa kulungan, at malayo kay Filemon at kay Onesimo, nakuha niyang ipagtagubiling mahigpit kay Filemon ang tamang saloobin at damdamin para sa isang aliping naglayas, tulad ni Onesimo.

Mahalaga ang pamilya para sa ating mga Pinoy. Bagama’t tayong mga Pinoy ay nagkalat sa halos 100 mga bansa sa buong mundo, bagama’t ang maraming pamilya ay pinaglayo-layo at pinaghiwa-hiwalay ng matinding pangangailangan, patuloy nating pinahahalagahan ang ating kaisahan at kabuuan. Patuloy nating pinagyayaman ang pagmamahalan sa isa’t isa.

Nguni’t dapat natin matutunan kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng wagas at marubdob na pag-ibig sa isa’t isa. Hindi ito pag-ibig na bigay-hilig. Hindi pagmamahal na walang pananagutan. Bagkus, sa kadahilanang tayo ay may pag-ibig sa isa’t isa, ay binibigyang-pansin natin ang mga kaukulang pananagutan na hinihingi ng parehong pag-ibig na ito. Ito ang kahulugan ng sinasabi ng Panginoon na sa biglang-wari ay tila baga masakit sa tainga: “Ang sinomang sumunod sa akin na hindi nagtatakwil sa kanyang ama at ina, asawa, kapatid, and pati ang sarili niyang buhay, ay hindi karapat-dapat maging aking disipulo.”

May pananagutan ang pag-ibig. May batas ang pag-ibig. At kung gaano kaigting ang pag-ibig na ito, ay ganuon din kahigpit ang pananagutang kaakibat nito.

Magandang balita ang malamang kay raming pamilyang Pinoy ang nakapagpapa-aral, at nakapagbibigay sa kanilang mga anak ng magandang kinabukasan dahil sa pag-aabroad ng maraming magulang. Magandang balita ang marinig na kay raming mga Pinoy ang nagtatagumpay sa ibang bansa. Subali’t ang magandang balitang ito ay dapat pang maging mabuting balita, ayon sa kagustuhan ng Diyos sa diwa ng ebanghelyo.

Ang diwang ito ng ebanghelyo ang binibigyang-paliwanag ng liturhiya sa araw na ito. Tama ang magmahal sa isa’t isa. Ang pamilyang Pinoy ay tinatawagan upang manatiling nagkakaisa, nagkakabuklod, at nagmamahalan. Subali’t ang pagmamahal na ito ay dapat malukuban ng isang pagmamahal na higit sa anumang makataong pagmamahal. Ang pagkakaisang ito ay dapat maging larawan ng higit na mahalagang pagkakabuklod at pagniniig – ang dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin, ang dakilang pagniniig ng Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo sa hiwaga ng Banal na Santatlo.

Ang pag-ibig na ito ay hindi bigay-hilig. May pananagutan. May mahigpit na pagtatagubilin. Siguradong mahirap para kay Filemon ang patawarin at tanggaping muli ang naglayas at nagtampong si Onesimo. Mahirap rin para sa atin ang pagsabihan at pangaralan ang ating mahal sa buhay. Mas madali ang bigyan na lamang sila ng material na bagay, ng regalo, ng pasalubong, at ng anumang magustuhan. Subali’t ang tunay na pagmamahal ay may kaakibat na kutungkulan. Hindi totoo ang sinabi ni Ali McGraw sa lumang sineng ang pamagat ay “Love Story” … “Love means never having to say I’m sorry.” Palpak ito. Maganda pakinggan, nguni’t walang kahulugan. Ang tunay na pag-ibig ay hindi madaling gampanan, hindi madaling tuparin. “Ang hindi magpasan ng kanyang krus at sumunod sa akin, ay hindi maaaring maging aking disipulo.”

May pananagutan ang pag-ibig. Kung gaano karubdob ito, ganuon din kahigpit ang kanyang pagtatagubilin.

SINONG KAWAWA? SINONG DAKILA?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Agosto 29, 2007 at 21:10

Ika-22 Linggo ng Taon (K)
Setyembre 2, 2007

Mga Pagbasa: Sirac 3:17-18, 20, 28-29 / Hebreo 12:18-19, 22-24a / Lucas14:1, 7-14

SINONG KAWAWA? SINONG DAKILA?

Malupit ang mundo sa pagpapasya tungkol sa kapwa. Mabilis ang daigdig na maghusga sa tao. At mabilis manukat ng kakayahan ang sinuman kung ang pinag-uusapan ay kadakilaan. At ano ang panukat?

Hindi na tayo dapat magmaang-maangan pa. Ang panukat ay siya ring madaling nasusukat, nakikita, napipisil, naibubunton, at naisasalansan. Tanyag ang taong marami ang kakayahan, magara ang kotse, malaki at malapalasyo ang bahay, makapal ang petaca, at matayog ang narating sa buhay. Dakila ang tingin ng balana sa taong may sinasabi, sa mga taong sa wika ng Wowowee ay “bigatin.” At hindi lamang iyan … higit na dakila ang taong ang kinasasalamuha ay dakila rin at bigatin sa mata ng madla.

Hindi nakapagtatakang ang talinghaga ng Panginoon sa araw na ito ay may kinalaman sa mga taong ang nais ay sila ay tingalain, kilalanin, at ipagpitaganan ng tanan. At ano ang pinakamadaling paraan upang makamit ito? Sinagot na rin ng talinghaga … umakyat at manguyabit, gumapang at magkumapit sa tabi ng mga antemano ay nasasa itaas na. Garapal ang gamit na salitang tagalog para sa mga taong ito … makapal, sipsip, mayabang, at duhapang.

Sa hanay ng makamundong pagpapahalaga, ang dakila ay ang matayog. Ang dakila ay ang tinitingala. Ang dakila ay ang nasasa gawing itaas, nasa rurok ng tagumpay, at nasa alapaap ng katanyagan.

Ito ang dahilan kung bakit nagpupumilit tayong lahat na hindi maiwan sa kababaan, sa kahulihan. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit ang mga nagpapabinyag ay nagkaroon ng pamahiing itakbong palabas ang bagong binyag na bata. Sa kanilang pakiwari, kawawa ang kulelat; kahabag-habag ang nasa ilalim at walang kakayahan, at walang sinasabi sa buhay.

Sa ating lipunan, bata pa ay tinuturuan nang kawawa ang mababa, kawawa ang huli, at walang kinabukasan ang mga nasa ilalim ng bunton.

Ngunit sino nga ba ang kawawa at sino nga ba ang dakila?

Ayon sa ating mga pagbasa, ang dinadakila ng daigdig ay hindi siyang pinararangalan ng Diyos. Sino ang dakila ayon sa Panginoon?

Una sa lahat, malinaw sa aklat ni Sirac na ang bigatin sa mata ng Diyos ay ang mababa ang loob. Higit na pinahahalagahan ng Diyos ang taong kumikilos nang may kababaang-loob. Higit siyang mamahalin kaysa sa taong naghahatid at nagkakaloob ng mga regalo. Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Ang bagay na lubhang mataas ay huwag hanapin; ang bagay na lampas sa kakayahan ay huwag pagsikapan.”
Sinong dakila? … Dakila ang mapagpakumbaba; kawawa ang mapagmataas at mapagimbot.

Ikalawa, ang daigdig ay palamata sa mga walang kaya, sa mga walang tinig sa lipunan, mga taong hindi kailanman pag-uukulan ng atensyon ng balana. Nguni’t malinaw sa kasulatan na dakila ang mga ulila, ang mga nagtatanggol sa mga balo, ang mga kinaligtaan nang lubos ng lipunan. Dakila sila sapagka’t ang umaakong Ama nila ay walang iba kundi ang Diyos sa kanyang banal na tirahan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga itinuring na kawawa ng lipunan ang siyang tanging may kadahilanang humiyaw: “Panginoon, sa iyong kabutihan, ay gumawa ka ng tirahan para sa mga dukha” (Salmong Tugunan).

Sinong dakila? Dakila ang mga taong kinikilala ng Diyos nang higit sa lahat.

Subali’t dapat nating tanungin … sino ba ang kinikilala ng Diyos? Sino ang dakila? Ang dakila ay ang taong palibhasa’y salat ay bukas na bukas ang puso at handang tumanggap. Ang dakila ay ang taong palibhasa ay walang-wala ay lubos na nakahandang tumanggap ng anuman mula sa Diyos … walang pili-pili … walang pagiging maselan at pihikan. Ang dakila ay siyang sapagka’t hindi puno ng sarili ay mayroong puwang upang punuin ng Diyos. Sa kanila winiwika ni Kristo ang dakilang paanyaya: “Tanggapin ang aking pamatok at mag-aral sa akin, sapagka’t ako ay maamo at mababa ang puso.”

Sino ang kawawa? Ang kawawa ay mga taong puno ng pabig-at na makamundo. Sino ang dakila? Ang dakila ay siyang may pas-ang pamatok ni Kristo. Mabig-at ang pas-an ng palalo ng mundo. Magaan ang pas-anin ng taong tulad ni Kristo ay mababa ang loob.

Marami sa aking mga tagabasa ay lubhang nasaktan sa panulat ng isang nagngangalang Malu Fernandez sa People Asia. Hindi naman sa paghuhusga sa niloloob niya at tunay niyang intensyon sa pagsusulat, nguni’t hindi natin maiaalis na makantiw ang damdamin ng mga kapwa natin Pinoy na hindi mga bigatin sa mundo. Lubhang nasaktan ang marami. Lubhang naging kahabag-habag ang mga taong tila baga’y sinukat ayon sa makamundong panukat na may kinalaman sa mabababaw na bagay tulad ng pabangong gamit sa kataw-an.

Sa araw na ito, malapit ang Diyos sa mga walang sinasabi sa daigdig. At lubhang malapit ang Diyos sa taong ang naisin ay mapabilang sa mga walang sinasabi, mga taong ang layon sa buhay ay magpas-an ng pamatok ni Kristo at matuto sa kanyang halimbawa – at maging tulad niyang lubos sa kababaang-loob.

Huwag na nating itanong sa araw na ito kung sino ang kawawa… Hindi na para sa atin ang maghusga kung sino ang kawawa sa mundong ito. Ang dapat natin tanungin ay kung sino ang dakila sa mata ng Diyos, sapagka’t itong kadakilaang ito ang maaari pa nating pagsikapan at kamtin. Malinaw ang sagot ng Ebanghelyo. “Ang nag-aangat sa sarili ay ibababa, at ang nagbababa sa sarili ay iaangat.”

Sino ang dakila? Siyang dinadakila ng Diyos na kanyang pinagwiwikaan: “Amice, ascende superius!” (kaibigan, umakyat ka nang kaunti sa itaas).

Joseph Marello Retreat House
Tagaytay City, August 28, 2007