Ika-23 Linggo ng Taon (K)
Setyembre 9, 2007
Mga Pagbasa: Karunungan 9:13-18b / Filemon 9-10, 12-17 / Lucas 14:25-33
MARUBDOB NA PAG-IBIG; MAHIGPIT NA PAGTATATAGUBILIN
Maalab at damang-dama ang pag-ibig at pagmamalasakit ni San Pablo para kay Onesimo na isang alipin. Ang kaniyang pagmamahal ay ipinakita niya sa maigting na pagmamalasakit sa kapakanan ng isang aliping tumakas mula sa bahay ni Filemon. Hindi maipagkakaila na, bilang isang Ama, ay nanikluhod si Pablo kay Filemon upang si Onesimo ay muli niyang tanggapin, hindi bilang isang alipin, kundi bilang isang kapatid.
Maigting ang pagmamahal ni Pablo. Subali’t kung gaano kaigting ang pagmamahal na ito, ganoon din kahigpit ang kanyang pagtatagubilin!
Palasak sa ating panahon ang pag-iisip na ang pagmamahal ay pagbibigay-hilig lamang. Ang akala ng marami ay walang dapat anumang pananagutan ang pag-ibig. Ang pag-aakala ng marami, ayon sa takbo ng mga telenobela at teleserye sa ating lipunan, ay walang pananagutan ang tibok ng dibdib, bugso ng damdamin, o lukso ng dugo.
Subali’t kung titingnan natin ang mga pagbasa ngayon, malinaw na sinasaad na ang pagmamahal, unang-una ay dapat sumunod sa batas ng karunungang mula sa Diyos. Ang karunungan, ayon sa unang pagbasa, ang siyang nagtutuwid ng landas ng tao. Ang pag-ibig sa kapwa, maging pag-ibig na naghahari sa isang pamilya ay may malaking pananagutan, may mahigpit na alituntunin, na bahagi mismo ng batas ng pag-ibig.
Mayroong mahahalagang turo sa ating mga Pinoy ang mga pagbasa natin ngayon. Sa panahong ito kung kailan lalung dumarami ang mga tinatawag sa Ingles na “global families” – mga pamilyang ang mga kasapi ay hiwa-hiwalay dahil sa matinding pangangailangang kumita, at dahil dito ay matatagpuan sa iba-ibang bahagi ng daigdig, napakaraming mga bagong paghamon ang dumarating sa mga pamilyang Pinoy.
Nandiyan ang paghamon ng wastong pagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa. Palibhasa’y malayo, ang mga magulang na nasa ibang bansa ay napipilitan kung minsan na ipakita na lamang ang pagmamahal sa mga anak sa pamamagitan ng pagbili at pagbibigay sa mga bata ng kung anong masintahan nila. Ito ang tinatawag na “commoditization of love.” Ang pag-ibig sa mga anak ay tinutumbasan na lamang ng material na bagay. Sa kagustuhan nilang ipadama ang pag-ibig ay sinusunod nila ang pilosopiya ng “bigay-hilig.” Ibigay na lamang ang masintahan, at huwag nang sansalain ang kanilang kalooban.
Nandiyan din ang paghamon ng wastong pakikitungo at pag-aasal. Sa kadahilanang malayo naman ang magulang, maraming mga bata ang hindi na sumusunod sa utos ng mga nakatatanda – na kalimitan ay ang kanilang mga lolo o lola, na wala nang kakayahan upang gabayan nang tuwina ang mga nagsisipaglakihang mga bata.
Subali’t ayon sa mga pagbasa natin, hindi dahilan ang kalayuan upang hindi gampanan ang utos ng wasto at tamang pagmamahal. Hindi dahilan ang kalayuan, upang bale walain ang kalooban ng Diyos para sa ating buhay. Ang halimbawa ni Pablo ay malinaw. Bagaman at siya ay nasa kulungan, at malayo kay Filemon at kay Onesimo, nakuha niyang ipagtagubiling mahigpit kay Filemon ang tamang saloobin at damdamin para sa isang aliping naglayas, tulad ni Onesimo.
Mahalaga ang pamilya para sa ating mga Pinoy. Bagama’t tayong mga Pinoy ay nagkalat sa halos 100 mga bansa sa buong mundo, bagama’t ang maraming pamilya ay pinaglayo-layo at pinaghiwa-hiwalay ng matinding pangangailangan, patuloy nating pinahahalagahan ang ating kaisahan at kabuuan. Patuloy nating pinagyayaman ang pagmamahalan sa isa’t isa.
Nguni’t dapat natin matutunan kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng wagas at marubdob na pag-ibig sa isa’t isa. Hindi ito pag-ibig na bigay-hilig. Hindi pagmamahal na walang pananagutan. Bagkus, sa kadahilanang tayo ay may pag-ibig sa isa’t isa, ay binibigyang-pansin natin ang mga kaukulang pananagutan na hinihingi ng parehong pag-ibig na ito. Ito ang kahulugan ng sinasabi ng Panginoon na sa biglang-wari ay tila baga masakit sa tainga: “Ang sinomang sumunod sa akin na hindi nagtatakwil sa kanyang ama at ina, asawa, kapatid, and pati ang sarili niyang buhay, ay hindi karapat-dapat maging aking disipulo.”
May pananagutan ang pag-ibig. May batas ang pag-ibig. At kung gaano kaigting ang pag-ibig na ito, ay ganuon din kahigpit ang pananagutang kaakibat nito.
Magandang balita ang malamang kay raming pamilyang Pinoy ang nakapagpapa-aral, at nakapagbibigay sa kanilang mga anak ng magandang kinabukasan dahil sa pag-aabroad ng maraming magulang. Magandang balita ang marinig na kay raming mga Pinoy ang nagtatagumpay sa ibang bansa. Subali’t ang magandang balitang ito ay dapat pang maging mabuting balita, ayon sa kagustuhan ng Diyos sa diwa ng ebanghelyo.
Ang diwang ito ng ebanghelyo ang binibigyang-paliwanag ng liturhiya sa araw na ito. Tama ang magmahal sa isa’t isa. Ang pamilyang Pinoy ay tinatawagan upang manatiling nagkakaisa, nagkakabuklod, at nagmamahalan. Subali’t ang pagmamahal na ito ay dapat malukuban ng isang pagmamahal na higit sa anumang makataong pagmamahal. Ang pagkakaisang ito ay dapat maging larawan ng higit na mahalagang pagkakabuklod at pagniniig – ang dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin, ang dakilang pagniniig ng Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo sa hiwaga ng Banal na Santatlo.
Ang pag-ibig na ito ay hindi bigay-hilig. May pananagutan. May mahigpit na pagtatagubilin. Siguradong mahirap para kay Filemon ang patawarin at tanggaping muli ang naglayas at nagtampong si Onesimo. Mahirap rin para sa atin ang pagsabihan at pangaralan ang ating mahal sa buhay. Mas madali ang bigyan na lamang sila ng material na bagay, ng regalo, ng pasalubong, at ng anumang magustuhan. Subali’t ang tunay na pagmamahal ay may kaakibat na kutungkulan. Hindi totoo ang sinabi ni Ali McGraw sa lumang sineng ang pamagat ay “Love Story” … “Love means never having to say I’m sorry.” Palpak ito. Maganda pakinggan, nguni’t walang kahulugan. Ang tunay na pag-ibig ay hindi madaling gampanan, hindi madaling tuparin. “Ang hindi magpasan ng kanyang krus at sumunod sa akin, ay hindi maaaring maging aking disipulo.”
May pananagutan ang pag-ibig. Kung gaano karubdob ito, ganuon din kahigpit ang kanyang pagtatagubilin.