frchito

Archive for the ‘Homilies’ Category

PAANO, HINDI GAANO! (Ika-21 Linggo Taon K)

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Agosto 26, 2007 at 08:49

Ika-21 Linggo ng Taon (K)
Agosto 26, 2007

Pagninilay sa Ebanghelyo (Lucas 13:22-30)

Bilang isang guro, batid ko na kung minsan, ang tanong ng mga estudyante ay walang kinalaman sa bagay na tunay na mahahalaga. Kung minsan, ang tanong ay lihis sa usapan, lisya, malayo sa tunay na pinapaksa ng leksiyon. Kung minsan din, sa halip na bigyang-pansin ang kabuuan, ay pinapatulan ang mga detalye na hindi naman tunay na makatutulong sa buhay ng tao.

Ito ang isa sa mga lumulitaw na pangaral ng ebanghelyo sa araw na ito. May nagtanong kay Jesus: “Panginoon, kakaunti lamang ba ang maliligtas?” Parang napakahalaga ng tanong na ito. Sa biglang wari, tila ito ay isang tanong na may kinalaman sa pinakamahalagang bagay na dapat bigyang-pansin sa buhay natin – ang paksa tungkol sa kaligtasan.

Nguni’t tingnan natin muli … Ito nga ba ay isang mahalagang katanungan?

Kung susuriin natin ang sagot ni Jesus, tila hindi niya pinansin ang tanong ng taong ito. Sumagot si Jesus, nguni’t hindi niya sinagot ang tanong ng tao. Sumagot siya subali’t ang kanyang tugon ay may kinalaman sa higit na mahalaga. Ang tanong ng tao ay “gaano?” Ang sagot ni Jesus ay may kinalaman sa “paano?”

Mahalaga na tayo ay dapat magtanong nang tama. Ang tanong na tama ay maghahatid sa atin sa sagot na nakatutulong, nakapag-aangat, nakabubuti sa kapakanang pangkalahatan, at sa kapakanan ng ating buong pagkatao.

Sa sandaling ito, ang aking kaisipan ay natutuon sa mga tanong na pinag-aaksayahan ng panahon ng mga politico sa Pilipinas. Muli na namang itinatanong ang tungkol sa pagsisinungaling ng isang namumuno sa bayan. Muli na namang inuungkat ang may kinalaman sa isang serye ng mga tawag sa telepono ng isang politico na tila baga’y iyong “katotohanang” iyon lamang ang higit na mahalaga kaysa sa ibang mga dapat pag-isipan.

Ako ay naniniwala na ang pagsasabi nang tapat ay pagsasama nang maluwat, tulad ng sinabi ko noong isang Linggo. Subali’t sa hanay ng ating pagpapahalaga, sa hanay ng napakaraming bagay na dapat natin pagtulung-tulungan para maka-angat ang ating lipunan sa palasak na kahirapan at kawalan ng ipagtatawid-buhay ng maraming mga Pilipino, mayroong mga suliraning dapat unahin at dapat bigyang-pansin higit sa iba na hindi naman makatutulong sa kapakanang pangkalahatan.

Tanggapin natin ang totoo … sinong politico … sino sa kanilang nanggagalaiti at nagpupuyos ang damdamin at nagmamadali upang pukulin ng bato ang nagkasala ang hindi nabahiran ng kadayaan sa ating maruming politica? Sino sa kanila ang makapagsasabing ang kamay nila at budhi ay malinis at hindi sila kailanman napadala sa isang sistemang bulok at naaagnas?

Ang tanong ng tao kay Jesus ay may koneksyon sa ating usapin sa araw na ito. Hindi natin dapat makalimutan ang gubat dahilan lamang na may nakita tayong ilang puno. Ang gubat ay mas malawak kaysa isang dosenang punong-kahoy. Ang tanong niya ay “gaano karami ba ang maliligtas?”

Hindi pinansin ni Jesus ang kanyang tanong, bagkus sinagot niya ang dapat niyang tunay na katanungan. At ang higit na mahalagang katanungan ay ito: “Paano ba maligtas?” At dito ay sinabi niya ang mahalagang katotohanan: “Magsikap na dumaan sa makipot na pintuan, sapagka’t marami ang magtatangka nguni’t wala silang kakayahan.”

Katotohanan ba kaya ang tunay na pakay ng mga umuusig at nanggugulo na naman sa ating lipunan? Ito ba kayang “katotohanang” ito ang siyang lubhang mahalagang suliranin na bumabagabag sa puso at kaisipan ng balana? Katotohanan kaya o kapakanang pangkalahatan ang dapat nating bigyang pansin sa lahat ng antas ng ating lipunan?

Makatutulong kaya sa atin kung malaman natin, tulad ng sinasabi ng mga Jehova’s Witnesses, na 144,000 lamang ang maliligtas? Magbubunga kaya ito ng pag-asa at pagmamahal sa ating Panginoon at Diyos? Ito ba ang mahalagang tanong o ito ba ay isang tanong na lihis sa tunay na mahalagang bagay?

Ano ba ang mahalagang dapat natin pagtuunan ng atensyon? Sinabi ni Jesus ang mahalaga: “pagsikapang pumasok sa makipot na pinto.”

Ito ang mahalaga, hindi ang katotohanang tayo ay nakisalo at nakihalubilo sa malalaking tao sa handaang en grande sa lipunan. Ang mahalaga ay ang pagiging disipulo, at ang disipulo ay isang taong nag-aaral, nakikinig, sumusunod. Ito ang kahulugan ng “mathetes” sa salitang Griego – na isinalin sa salitang disipulo. Subali’t ang disipulo ay siyang nakikinig, at sapagka’t nakikinig, ay sumusunod. Siya ay may disiplina.

Sa bayan natin sa panahong ito, disiplina ang kailangan, hindi hungkag na katotohanang wala namang idinudulot na kapakanang pangkalahatan para sa balana. Kung malaman kaya natin ang isang bagay na alam na ng lahat – na madadaya silang lahat sa maruming sistema political ng bayan – makapag-aangat kaya ito n gating ekonomiya? Magkapagdudulot kaya ito ng dagdag na respeto ng buong mundo sa atin? Mapapalapit kaya ang bayan sa Diyos, o lalung manghihinawa at mawawalan ng pag-asa?

Tingnan natin ang kabuuan … ang gubat, hindi kaunting maliliit na puno. Pakinggan natin ang tugon ni Jesus sa isang tanong na hungkag at walang katuturan … Hindi gaano, kundi paano. Iyan ang tunay na mahalaga.

Pagpalain nawa tayong lahat ng Poong Maykapal!
Agosto 26, 2007

SABAYANG PAGSASANAY; ISAHANG PANGANGARAL

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Agosto 22, 2007 at 19:19

Ika-21 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Agosto 26, 2007

Mga Pagbasa:  Isaias 66:18-21 / Ebreo 12:5-7, 11-13 / Lucas 13:22-30

Tanging sa Pilipinas lamang maaring mangyari ang tulad na naganap sa isang malaking kulungan sa Cebu kamakailan, isang pangyayaring nagdulot ng tuwa at pagkamangha sa maraming tao sa buong daigdig na nakakita nito sa You Tube. Ang aking binabanggit ay ang isahan at sabayang pagsasayaw na ginawa ng mga preso sa  kulungan na kinuhanan ng videocam at ini-upload sa You Tube. Daan-daang mga preso ang nagsabayang sayaw a la Broadway sa saliw ng isang usung-usong kanta ng isang tanyag na mang-aawit.

Ang naganap ay isang malinaw na halimbawa ng kung ano ang maidudulot ng dalawang bagay: kaisahan at sabayang pagsasanay. Bagama’t ang buhay sa kulungan ay hindi madali, bagama’t ang kanilang buhay ay masasabi nating limitado at ang kilos ng mga preso ay “de cajon,” kung baga, bagaman at sila ay nagmula sa iba-ibang sulok ng Kabisayaan at Mindanao, ang kaisahan ay naganap dahil sa kanilang pinag-isang layunin, at pinag-isang adhikain.

Itong kaisahang ito ang isa sa mga pangunahing paksa natin sa araw na ito.

Sa pangitain ni Isaias, binabanggit ang pagdatal ng maraming tao mula sa iba-ibang sulok ng daigdig, na isinasagisag ng sari-saring wika na iisa ang sinasambit – ang luwalhati ng Diyos (Unang Pagbasa).

Ito rin ang pangitaing tinutukoy ni Lucas … “magdaratingan ang marami mula sa silangan at kanluran, mula hilaga at timog, at makikisalo sa hapag ng kaharian ng Diyos” (Ebanghelyo).

Kaisahan ang nais ng Diyos para sa kanyang bayan. Kaisahan ang kanyang magandang balita sa pamamagitan ni Kristong kanyang Anak. Nguni’t ang naising ito ng Diyos ay may kaakibat na katungkulan. Ano ba ang pananagutang kaakibat nito?

Una sa lahat, dapat nating gunitain na ang pangarap na ito ng Diyos para sa atin ay pinagbayaran Niya nang mahal. Ito ang dinasal natin sa ating mga alay: “Maawaing Ama, ang ganap na sakripisyo ni Jesucristo ang siyang nagpaging-isa sa amin. Pagkalooban Mo ang iyong Iglesia ng kapayapaan at kaisahan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.”

Ang kaisahan ay hindi isang alpombrang basta na lamang inilalatag. Ito ay pinagsisikapan, pinaghihirapan. Mayroon itong kaakibat na pagsasanay.

Noong 1989, sa una kong pag-akyat sa Mt. Pulag (ang ikalawang pinakamataas na bundok sa Filipinas), mayroon isang kabataang nagpumilit sumama sa amin. Hindi namin siya kakilala, ni hindi namin siya nakasama sa ibang akyat ng bundok, nguni’t naki-usap siyang payagan naming sumama. Kompleto siya sa gamit … galing lahat sa Amerika … mamahalin, magaganda, at di hamak na mas matitibay kaysa sa aming mumurahin at local na gamit. Sa aming pagbaba mula sa tuktok sa pamamagitan ng Kabayan trail, na higit na mahirap at higit na madugo kaysa sa Ambangeg trail, noong kami ay nagdadaan sa bahaging mapanganib, nagsimulang manginig ang aming bisita. Ayaw na niyang tumuloy … hindi siya makatinag … parang napako sa pagkakaupo at pagkakapit sa kaunting batong nakausli sa dahilig. Kompleto man ang gamit at wala namang pagsasanay, siya ay nanatiling paralisado. At kung hindi siya nahimasmasan matapos kong halos ay sigawan ay marahil hindi nakatuloy ang buong grupo at hindi nakauwi.

Pagsasanay … ito ang kaakibat na paksa ng ating mga pagbasa. Walang luwalhati kung walang pighati. Ito ang sinasaad ng pagbasa mula sa liham sa mga Ebreo: “Huwag siphayuin ang disiplinang galing sa Panginoon, o mawalan ng pag-asa kung binibigyang-pasakit niya; sapagka’t ang minamahal niya ay dinidisiplina; pinarurusahan niya ang anak na kanyang kinikilalang anak.”

Malinaw sa karanasan ng mga preso sa Cebu na ang anumang magaling, kapag pinagsikapan ng lahat, ay lalu pang gumagaling, lalu pang gumaganda. Ang masusing pagsasanay, ang sama-samang pagsisikap, ay hindi maaaring hindi magbunga nang sagana at kaaya-aya. Walang matayog na bundok sa isang handang magpunyagi, magsanay, at magdisiplina sa sarili. Ang karanasan nina Leo Oracion at pati ng tatlong babaeng Pinoy na sumuong sa lahat ng uri ng pagsasanay at pagdidisiplina sa sarili ay patunay na kaya ng Pinoy ang anumang paghamon. Ang sabayang sayaw na naging tanyag sa cyberspace ay hindi sana mararating kung hindi sila nagsanay, at nagbuwis ng malaking hirap at pagod upang maisagawa lamang ang ilang minutong kasiyahan para sa marami sa buong daigdig.

Sabayang-sikap at tiyaga ang tinutumbok ng mga pagbasa sa araw na ito. Nguni’t para saan ba tayo dapat magsabayang-sikap? Para saan ba tayo dapat magkaisa at magsanay at magpunyagi? Sinagot ito ng atin mismong sagot matapos ng unang pagbasa: “Humayo sa buong daigdig at ipahayag ang mabuting balita.” (Go out to all the World, and tell the Good News).

Sa larangan ng komersiyo at pangangalakal, ang uso ngayon ay networking, collaboration, pakikipag-ugnayan, at pagtutulungan. Walang mararating ang mga Lone Ranger, mga taong hindi marunong makipag-ugnayan sa ibang tao. Sa mundong ito na nababalot ng pagkamakasarili at pagkakanya-kanya, sabayang-sikap ang lubhang kailangan nating lahat. Kung nagawa ito ng mga preso sa Cebu sa sabayang sayaw at indayog sa saliw ng iisang musika, kaya natin ito sa ibang antas ng ating buhay, lalu na sa larangan ng isahang pangangaral: “Humayo [tayo] sa buong daigdig at ipahayag ang Mabuting Balita.”

Fr Chito Dimaranan, SDB
Taguig City, Quinquenial Priests’ Renewal and Updating Seminar