frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

KAHIT NA MATIGAS ANG ULO NG LAHING ITO!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Hunyo 16, 2011 at 11:04

Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo (A)
Junio 19, 2011

Lahat tayong naging suwail at pasaway ay nakauunawa kahit papaano sa pinagdaanan ni Moises. Namuno si Moises sa isang bayang matigas na ang ulo, ay suwail pa, at sadyang pasaway. Alam natin kung gaano kahapdi sa kalooban ang magsumamo sa Diyos para sa kapwa niyang sukdulan na ang tigas ng ulo at pagkamasuwayin: “Isinasamo kong samahan ninyo kami, kahit na matigas ang ulo ng lahing ito.”

Ang paninikluhod ni Moises ay nagbunga. Naging kapiling nila ang Diyos sa kanilang paglalakbay sa ilang – sa anyong ulap sa kasikatan ng araw, o anyong apoy sa kadiliman ng gabi. Ang Diyos ay nagpakilala ng sarili bilang isang Diyos na kaagapay, kasama, katuwang, kaibigan, Panginoon, at Ama!

Alam natin na ang pagpapakilalang ito ng Diyos ay naganap unti-unti, dahan-dahan, at hindi sa isang kisap-mata lamang. Alam rin natin na ang pagkakatawang-tao ni Kristo ay bahagi ng pagpapahayag na ito ng Diyos sa atin. At ito ang naging buod, dulo, at lagom ng Kanyang unti-unting pagpapakilala ng sarili … Siya ay Ama at Maylikha … Siya ay Anak at tagapamagitan … At Siya ay Banal na Espiritu na sugo ng Ama at ng Anak!

Iisa ang tinutumbok nito – ang hiwaga ng Banal na Santatlo! Na ang Diyos ay IISA nguni’t tatlong Persona, iisa sa pagka Diyos nguni’t nagpakilala bilang Tatlong Persona sa kanyang pinakamamahal na bayan.

Hindi na para kultahin ang utak natin upang matumbok ang kaganapan ng hiwagang ito… Sapat na ang malaman na ang Diyos ay kasama natin, kaagapay nating makaitlo … hindi lang bilang manlilikha … hindi lang bilang kapatid at tagapagligtas … hindi lang bilang tagapagkaloob ng mga regalong pang espiritwal… kundi ito at marami pang iba!

Hindi na para sa atin ang pagsikapang ipaliwanag ang hiwagang ang Diyos mismo ang may akda. Hindi na para sa atin upang siyasatin kung paano naging isa ang tatlo, at ang tatlo ay naging isa! Hindi na para sa atin ang magsikap upang lubos na mapagtanto ang isang hiwagang tanging Diyos lamang ang lubos na nakauunawa!

Nguni’t ito ang para sa atin … ang makilala siya bilang isang kaisahan, isang pamayanan, isang pamilya, na tatlo nguni’t hindi iniwan ang kaisahang siyang batayan ngayon ng atin ring kaisahan at pagbubuklod.

Maraming dahilan ang nasa paligid natin upang magkawatak-watak at magkahiwa-hiwalay. Marami tayong dapat pagtalunan at gawing dahilan upang mag-away at magsalungatan. Nandiyan ang kaibahan ng mayaman at mahirap… Nariyan din ang paghihiwalay ng maalam at ng walang pinag-aralan, ng mga taong may tangang impormasyon, at mga taong walang pinanghahawakang anumang impormasyon … mga may internet, at mga ni radio o telebisyon ay wala (o kuryente sa marami pang lugar sa ating bayan!)

Marami tayong hindi pinagkakasunduan. Marami tayong pinagbabangayan. Maraming dahilan upang lalung magka hati-hati dahil sa maraming bagay.

Ngunit ito ang dakilang turo ng kapistahan natin ngayon … sa kabila ng katigasan ng ulo natin, sa kabila ng kamangmangan natin at kawalang pang-unawa, patuloy ang pagganap ng misyon ng Banal na Santatlo upang tayo ay mapag-isa, upang tayo ay magkabuklod, at magkaniig sa iisang Binyag, iisang pananampalataya, iisang Panginoon!

Ito ang pangarap ng Diyos! Ito ang kanyang misyon, layunin, at panagimpan! Ito ang dahilan kung bakit ang panalangin rin ni San Pablo ay ito: “magkaisa kayo at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.”

Ito rin ang pangarap ni Moises. Kung kaya’t pinagpaguran niya ang pinanagutan ang pagiging lider at propeta. Hindi lamang iyon … maging tagapamagitan pa rin siya. At kanyang hiling ay walang iba kundi ang siya rin hiling niya marahil para sa atin: “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na matigas ang ulo ng lahing ito.”

Di maipagkakailang matigas ang ulo natin … hindi lamang pasaway, kundi bagkus makasalanan. Sa kabila nito, pangarap ng Banal na Santatlo ang kaisahang Sila mismo ang unang nagpakita … kaisahang ganap ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

Nawa’ y ang pistang ito ay hindi lamang mauwi sa bilangan, o sa walang saysay na pagsisikap maarok ang misteryong antemano ay hindi natin kayang maarok. Nawa’ y mauwi ito sa pagtanggap ng katotohanang mapagligtas – katotohanang dapat maging totoo rin sa buhay natin, na kahit tayo ay matigas ang ulo, ay mahal pa rin tayo ng Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo, na bagaman tayo ay makasalanan, ay hinangad ng Banal na Santatlo na makapiling Niya, sa walang hanggang buhay sa langit na tunay nating bayan. Siya Nawa!

LAGABLAB AT LAKAS MULA SA ITAAS

In Homily in Tagalog, Taon A on Hunyo 9, 2011 at 09:34

Linggo ng Pentekostes
Junio 12, 2011

Linggo ng Pentekostes
Junio 12, 2011

Mga Pagbasa: Gw 2:1-11 / 1 Cor 12:3-7.12-13 / Jn 20:19-23

Nasabi ko na ito at muli kong sinasabi minsan pa. Mahirap ngayon ang manindigan bilang isang katoliko. Sa dami ng mga pagbabatikos na naririnig natin galing sa mga nagsasabing sila raw ay katoliko, mahirap tumayo, mahirap manindigan. Mas madali, antemano, ang manira kaysa gumawa at bumuo. Mas madali ang pumula … laging higit na madali ang manisi, kaysa sa kumilos at magtayo ng anumang bagay.

Hindi ko maubos maisip ang kinatatayuan ng maliit na pulutong ng mga disipulo noong si Jesus ay namatay sa krus. Malamang na ang pagka-akala nila ay mabubuwag na nang tuluyan ang sinimulang kilusan ng kanilang Guro. Siguro’y sumagi sa kanilang isipan na iyon na ang huli nilang makikita sa kanilang maliit na grupo, tuladng dalawang disipulong papauwi na sa Emmaus, dala ng panghihinawa sa mga bagay na malungkot na naganap sa kanilang guro at Panginoon.

Tayo man, lahat tayo, ay sinasagian din pag minsan ng panghihinawa. Mahigit 30 taon na ako bilang edukador at tagapagturo. Sa dami ng taong nagdaan, marami akong nakikitang pagbulusok ng maraming bagay: sa antas ng edukasyon, sa dami ng mga batang dapat turuan, at sa paunti nang paunting mga silid-aralan na puedeng paglagyan sa kanila. Mayaman ang mga heneral at mga politico, nguni’t laging salat sa budget ang dapat lagyan ng budget.

Hindi ko pa rin maubos na maisip na may mga gobernador at mayor sa ating bayan na sa loob ng paulit-ulit na panunugkulan ay nakapagpapagawa ng tatlo-tatlo o higit pang magagarang bahay saanman sa Pilipinas.

Nguni’t ang mga taong may pasya na kung ano ang simbahan ay mahusay magbaligtad ng usapin… mahusay magpatalbog ng dapat siyasatin. Simbahan pa raw, anila, ang mayaman. Kung susundan natin ang kanilang palpak na pag-iisip, pati ang PLDT ay mayaman … ang Globe, ang Smart. Maraming solid assets, maraming mga gusali, maraming mga gamit … Kung susundan natin ang kanilang patakaran, dapat din sanang ipagbili ng mga ito, ng UP, ng lahat ng eskwela ng gobyerno ang mga “assets” at ipamudmod sa mahihirap. Ngunit wala silang binabanggit sa mga kawanggawang kung hindi tinutuunan ng pansin ng simbahan ay maraming tao ang mapapariwara. Hindi nila sinasabi na mahigit sa kalahati ng mga hospital at klinika na nag-aalaga sa mga AIDS patients ay patakbo ng Simbahan. Hindi rin nila sinasabi na ang mga orphanages at street children centers karamihan ay patakbo rin ng Simbahan. Yun nga lang, mahirap makipagtalo sa mga taong antemano ay nagpasya na kung ano ang tama para sa kanila.

Nguni’t ano ba ang kinalaman ng lahat ng ito sa kapistahan natin ngayon? Malaki! Una sa lahat, ang binabanggit ng kwento ng mga pagbasa ay tungkol sa apoy at hangin, nag-aalab, naglalagablab. Ito ang larawang iniwan sa ating kaisipan at guni-guni ng mga pagbasa – ang pagbaba at pagbubuhos ng Espiritu Santo sa maliit na pulutong ng mga mananampalataya.

Ang Pentekostes, na ang kahulugan ay ika-50 araw matapos ang muling pagkabuhay, ay walang iba kundi ito – ang kaloob na lakas, ang kaloob na kapangyarihan mula sa itaas, dulot ng Espiritu Santong kaloob ng Ama at ng Anak, ang kaganapan ng pagpapahayag ng Diyos bilang Banal na Santatlo.

Nakapanghihinawa kapag kabi-kabila ang pagbabatikos ng mga tao laban sa turo ng Simbahan. Nakapanlulumong isipin na marami sa mga bumabatikos ay galing mismo sa loob ng minamahal nating Santa Iglesya – mga taong ang kaisahan sa pananampalataya ay hindi bumabagtas at humihigit sa binyag lamang. Masakit man isipin, marami sa mga katoliko ay mga kristiyanong KBL, kristiano lamang sa Kasal, sa Binyag, at sa Libing!

Sa aming maliit na bayan, ang sagisag nito ay ang malimit mangyari tuwing Linggo … maraming nagsisimba raw, ngunit, sa katunayan ay nakatayo lamang sa ilalim ng puno ng balite, sa plaza, sa tapat ng simbahan. Simbang akasya … sa loob man ng simbahan nagmula ay nauuwi sa ilalim ng puno sa oras ng sermon upang manigarilyo o makipagkwentuhan sa mga kabarkada.

Masakit man isipin, malinaw na marami sa atin ay mabababaw lamang ang kaalaman tungkol sa pananampalataya, kung kaya’t talong-talo ng mga taga TV at radio, na mababaw rin ang kaalaman sa kanilang pananampalataya.

Panalangin nating lahat ngayon na patuloy sanang makapagbigay lakas at kapangyarihan ang Espiritu ng kabanalan, ang Espiritu Santo na ipinagkaloob upang tayo ay magising, magpagal, at magsikap upang ang kaligtasang kaloob ng Diyos kay Kristo ay maging makatotohanan sa ating lahat.

Halina Espiritung Banal, kami ay kasihan at tulungan!