frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

PINAGMULAN, KATUTURAN, KAHULUGAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Taon A on Disyembre 16, 2010 at 07:14


Ika-2 Araw ng Simbang Gabi
Disyembre 17, 2010

Mga Pagbasa: Gen 49:2, 8-10 / Mateo 1:1-17

Sa ikalawang araw ng paghahanda natin sa Pasko, sa pamamagitan ng Simbang Gabi, isang numero ang tumatambad sa ating guni-guni – catorce! … labing-apat. Di miminsang binanggit sa ebanghelyo ni Mateo ang ilang tig lalabing-apat na salinlahi magmula kay Abraham hanggang sa pagsilang ng Mesiyas.

Hindi ako isang paham sa Biblia upang gumawa ng isang edukadong hula tungkol sa kahulugan ng pagpapangkat-pangkat na tig lalabing-apat ne henerasyon na ginawa ni Mateo. Siguradong mayroon siyang gustong ipahiwatig, at sapagka’t kinasihan ng Diyos ang nagsulat ng banal na kasulatan, posibleng ang sagisag ng 14 ay may kinalaman sa kabuuan ng mensaheng gustong ipahatid sa atin ng nagsulat, bukod sa kung anong mahalagang pahatid na ang Diyos mismo ang may gusto.

Pero, madaling mahinuha ang buod ng kanyang gustong ipabatid sa atin. Kung mayroong walang patid na linya mula kay Abraham hanggang sa pagsilang ng Mesiyas, madaling maunwaan ang katotohanang kung ano ang inihula sa Lumang Tipan, magmula kay Abraham, kay Moises, kay David, at pababa hanggang sa kay Jose na asawa ni Maria, ay malinaw na nagkatotoo sa pagsilang at pagkatao ni Kristo Jesus.

Sa madaling salita … ito ang buod ng pahayag ni Mateo. Hindi singaw si Jesus. Hindi siya isang figurang lumitaw na lamang at sukat sa kasaysayan, na biglang gumawa ng isang masalimuot na kwento at naghabi ng isang hindi kapani-paniwalang istorya ng kanyang buhay.

Si Kristo ay totoong mula sa kasaysayan, na bunga ng tatlong tig lalabing-apat na salinlahi, at may pinagmulan, may katuturan, may kahulugan para sa atin.

Himayin natin ang tatlong katagang ito na para sa akin ay siyang tinutumbok ng pagbasa, lalu na ng ebanghelyo.

Pinagmulan … uso ngayon ang plagiarismo, o kopyahan. Sa 33 taon kong pagtuturo, ang hindi ko maunawaan ay kung bakit sa ngayon, tila talamak na ang pangongopya, ang pagkuha ng hindi niya gawa sa pamamagitan ng “cut and paste” sa kompyuter. Pati sa Korte Suprema, nangongopya ang mga husgado. At ang masaklap nito ay nagpalusot pa! Sa siyentipikong panulat, mayroon tayong tinatawag na “provenance.” Sa salitang Tagalog, ito ay walang iba kundi “pinagmulan.” Mahalaga na malaman ng mambabasa ang pinagmulan ng datos. Kailangan na ituro ng manunulat ang pinagkunan ng anumang ideya, anumang datos, anumang “katotohanang” binabanggit sa panulat.

Si Kristo Jesus, ay may pinagmulan … Bilang anak ng Diyos, siya ay nagmula sa Ama. Bilang ikalawang persona sa iisang Diyos, siya ay Diyos sa mula’t mula pa. Bilang tao, siya ay isinilang, at naging bahagi ng isang walang patid na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay Jose, sa angkan ni Juda, na binabanggit sa unang pagbasa.

Katuturan … Nguni’t ang kasaysayan ng pagiging tao ng anak ng Diyos ay hindi lamang isang teleserye. Hindi ito isang telenobelang ang puno at dulo ay ang bigyang-aliw ang mga nahuhumaling dito gabi-gabi. Hindi lamang ito isang istorya na nagpapaiyak sa atin, at naghuhugot sa atin mula sa mapait na katotohanan, kahit sumandali lamang. Hindi ito isang kwentong nagtatanggal sa atin mula sa burak ng totoong pang-araw-araw na buhay, at naglalagak sa atin sa alapaap ng imahinasyon, tulad ng mga nobela tungkol kay Harry Potter. Sa katunayan, pati ang numerong 14, at ang makatatlong salinlahi na tig lalabing apat, ay hindi isang gimik o pakagat sa isang nobela. May katuturan ang lahat. May katuturan ang buhay ni Jesus. At ang katuturang ito ang siya natin ngayon ipinagdiriwang sa darating na Pasko.

Kahulugan … Marami tayo ngayong mga katanungan. Kung hindi sina Webb ang maysala, sino kaya? Kung walang kinalaman ang dating presidente at ang isa pang dating presidente sa mga katiwalian, sino kaya? Kung bakit nag-welga ang mga customs personnel sa NAIA, dahil sa hindi sila binayaran ng overtime, paano na kaya ang Pilipinas? Saan kayang kangkungan tayo pupulutin kung ganito nang ganito ang takbo ng bayan natin? Maraming bagay na tila walang kahulugan. Hindi natin alam kung paano nakuha ng isang pamilya ang pumatay ng 57 katao, at patuloy na nagpapanggap sa sila pa ngayon ang biktima! Walang kahulugan ang pagbabatuhan ng sisi ng mga politico at ang isa pang masahol na bagay, ay ang pag-aastang tila baga lahat ng problema ng bansa ay kagagawan ng naunang regimen. Walang kahulugan ang pagkamatay ng napakarami matapos pasabugin ng dalawang higanteng eroplano ang World Trade Center. Walang katuturan … walang kahulugan!

Kailangan natin bumalik sa pinagmulan. Kailangan natin magbalik sa kasaysayan. At ito ang turo ng kasaysayan … Totoo si Jesus. Totoo na siya ay bunga ng kasaysayang walang patid. Hindi siya hibla lamang ng imahinasyon. Bunga siya at bahagi ng angkan ni Juda. Kailangan natin bumaling muli sa turo ng kasaysayan. At sa ating pag-aaral, ito ang tampok sa ating kamalayan – si Kristo ang nasa sentro, nasa gitna ng kasaysayan! May pinagmulan … may sinimulan …

Ngunit hindi lamang ito … may katuturan! Dito ngayon papasok ang mata ng pananampalataya. Ang Biblia ay hindi lamang isang telenobela. Ang Biblia ay pahatid sulat ng Diyos sa taong naguguluhan, nagugulumihanan, at nagsasalawahan. Nagsasalawahan tayo sa gitna ng kawalang katiyakan ng maraming bagay. Naguguluhan tayo sa gitna ng napakaraming walang saysay na kaganapan sa buhay ng tao. Nanghihinawa tayo dahil sa napakaraming tila walang saysay na pangyayaring nagpapa-agnas sa ating pag-asa.

Katuturan at kahulugan ang hanap natin. Katiyakan at katiwasayan ang hiling natin. Sa gitna ng lahat ng uri ng kaguluhan, isang pangako at hula ang pinanghahawakan natin … catorce … labing-apat na tatlong susong salinlahi ang turo sa atin ngayon. May pinagmulan ang tagapagligtas natin. May katuturan ang kanyang pagsilang, pagkabuhay, at pati ang kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay. Hindi lamang ito isang teleseryeng magpapaiyak sa atin at magpapatawa sa atin, o magbibigay lamang ng isang pansamantala at ampaw na munting kasiyahan sa loob ng isang oras.

May katuturan at kahulugan ang lahat. At walang iba ito kundi ang hula na siya nating tugon sa unang pagbasa: “maghahari ang katarungan sa kanyang panahon, at ang kaganapan ng kapayapaan magpasawalang hanggan!”

Ano pang kahulugan ang hanap mo?

MAGLILIHI, MANGANGANAK, MAGAGANAP!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating, Taon A on Disyembre 14, 2010 at 12:35

N.B. Ngayong ang relikya ni San Juan Bosco ay naglalakbay sa Pilipinas (at sa buong mundo, bago ang kanyang ika-200 taon ng kapanganakan sa 2015), nais ko sana ibahagi ang opisyal na MTV at opisyal na awit sa aking mga mambabasa, yayamang isa siya sa mga binabanggit ko sa pagninilay na ito

Ika-4 na Linggo ng Pagdating (A)
Disyembre 19, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 7:10-14 / Roma 1:1-7 / Mateo 1:18-24

Ang pinakahihintay ng lahat ay malapit na. Limang araw na lamang at Pasko na. Ang pinapangarap ng bata at matanda ay parating na.

Ngunit ang katuparan ng anuman ay hindi mararating kung hindi nagsisimula sa pangarap at sa masidhi at matagalang pagpaplano.

Ito ang aking natutunan sa mula’t mula pa. Walang “instant coffee” at “instant noodles” sa tunay na buhay. Ang mga bagay na ito ay lako lamang ng Lucky Me at Niisin. Sa tunay na buhay, hindi ka magigising na lamang at sukat na may magarang bahay at mamamahaling kotse. Walang karera sa kolehiyo ang daglian at biglaang makakamit. Pinag-iisipan, pinagmumunian, pinagbabalakan nang mataman ang lahat ng mahalagang bagay.

Ang aking ama ay isang magsasaka kung wala siya sa trabaho noon sa Maynila. Nagsimula siya sa pagtatanim ng kape magmula pa noong siya ay labing-isang taong gulang, katulong ang kanyang tangi at nakababatang kapatid. Ang inani naming kaunti noong kami ay naglalakihan, ay hindi galing sa isang iglap na pagpupunla, kundi sa maraming taong pagpupunyagi at pagsusuloy at pag-aabono ng mga puno. Ang pag-aani ay hindi makakamit kung walang pagsisikap, at maraming maagang paggising at mahabang mga araw ng pagpapagal.

Totoo ito sa lahat ng bagay. Totoo ito sa paggawa ng bagay na masama at mabuti. Kamakailan dito sa Guam, ginulantang kaming lahat sa balita ng pagpaslang sa isang 28 taong gulang na ama ng apat na musmos sa Las Vegas. Lumaki siya dito malapit sa amin sa Yona, Guam. Nguni’t ang kalunos-lunos ay tila ang asawa niya ang nagbalak ng lahat, nagplano, at nagpasya, kasama ang kanyang kalaguyo, upang makuha ang malaking halagang insurance.

Nguni’t kay rami ko rin naman nakilalang mga taong, ang kakayahang magplano, magbalak, at magpasya ay ginamit sa mabubuting bagay. Hindi ko makakalimutan ang aking guro sa Pilipino noong unang taon ko sa kolehiyo. Galing sa mahirap na pamilya, napagtiyagaan niya ang pag-aaral sa kabila ng lahat, at, ika nga, ay iginapang ng magulang makapagtapos lamang. Sa mula’t mula pa ay mayroon na siyang pangarap – pangarap na natupad nang maglaon. Malungkot kami noong siya ay nagpaalam sa amin upang mangibang-bayan sa Canada. Sa kanyang paglisan, iniwanan kami ng isang tulaing naging buod ng kanyang pagkatao. Ang pamagat ng tula ay “Awit ng Makahiya.”

Hindi ko rin malilimutan ang isa ko pang guro sa Speechpower, maraming taon na ang lumipas. Lumaking hirap at salat, nakapagtapos siya sa public school, hanggang sa unibersidad. Simple lang ang punto ko. Hindi niya mararating ang rurok ng tagumpay kung hindi masinsin ang pagpaplano, pagsisikap, at pagpupunyagi. Nagsimula ang lahat sa isang pangarap …

Tulad ni San Juan Bosco. Sa edad na siyam na taon, isang pangarap ang naging simula ng lahat ng kanyang nagawa para sa kabataan hanggang sa siya ay namatay sa gulang na 73, noong 1888. Ang sinimulan ng isang pangarap ay laganap na ngayon sa mahigit na 130 bansa sa buong mundo.

Sa araw na ito, ika-apat na taon ng panahon ng pagdating, muli tayong pinaaalalahanan tungkol sa isang nangarap kasama ng Diyos … isang babaeng hinirang at inatangan ng isang matayog na pangarap ng Poong Maylikha. Nguni’t para matupad ang lahat, kinailangan ang kanyang pakikipagtulungan. Ang pangarap ng Diyos ay naging pangarap ni Maria. Ang paghihintay niya sa Mananakop ay naganap sapagka’t kumilos siya, tumalima, at pumayag na maganap ayon sa wika ng anghel. Hindi siya umupo na lamang at lumupasay, tumingala sa langit at buka ang bibig na naghintay. Kumilos siya, tumakbo patungo kay Elizabet, at matapos sagutin ang anghel ng kanyang “Fiat,” ay nagbuhos ng panahon at kakayahan para sa isasakatuparan ng pangarap ng Diyos.

Sa masugid na pagsunod at pagtalima ni Maria, nangyari ang balak ng Diyos. Naganap ang pangarap ng Diyos. Si Maria, na siyang sagisag ng tunay na paghihintay, ang siyang kapupulutan natin ngayon ng aral, limang araw bago mag-Pasko … naglihi, nagluwal ng isang saggol, at dahil dito ang pangarap ng Diyos para sa atin ay naganap, nagaganap, at magaganap pang muli!