frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

SA KABILA NG LAHAT, KINAHABAGAN AKO!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Moises, Taon K on Setyembre 7, 2010 at 18:21

Ika-24 ng Linggo (Taon K)
Setyembre 12, 2010

Mga Pagbasa: Exodo 32:7-11, 13-14 / 1 Tim 1:12-17 / Lucas 15:1-32

Pag-alala, pagsusumamo, at pasasalamat ang pinapaksa ng mga pagbasa ngayon. Sa harap ng isang matinding pagsuway ng mga Israelita sa kalooban ng Diyos, sa napipintong matindi ring parusang dapat sana ay ipapataw sa kanilang di pagtalima, isang malabuntong-hiningang pagsusumamo ang namutawi sa bibig ni Moises: “Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac, at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila’y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.”

Pag-alala … Ito rin ang inaasahan ngayon sa atin ng Panginoon. Tuwing tayo ay dadalo sa Misa, ganap na pag-alala ang ginagawa natin – ang paggunita at pagsasakatuparan ng anumang ginugunita at inaalala sa buhay, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Kristong Panginoon.

Pag-alala … Ito ang lubha nating kailangan bilang bayan ng Diyos, bilang mga Pilipinong di miminsang nakaranas, nakatikim, at nakakita ng lahat ng uri ng kapaitan at kapariwaraan. Di miminsang yinurakan ang kalayaan natin. Nagapi tayo at nagupo ng mga banyagang nagmalabis sa atin sa loob ng mahabang panahon. Di miminsan ring pati kapwa nating Pinoy ay nagpahirap sa atin – sa pamamagitan ng maling pamumuno, katiwalian, at labis na pagmamahal sa sariling kapakanan.

Pag-alala … Ito rin ang lubha nating kailangan yamang napakabilis nating lumimot. Nalimutan na natin ang mga nagpahirap sa atin, nandambong, nagnakaw, at nang alipin sa kanilang kapwa. Mga kongresmen na naman sila … namamayagpag … naghahari, at nanlilimahid pa rin sa bahid ng pagmamalabis na tila nasulat lamang sa buhangin at nakatkat na sa guni-guni ng bayan.

Pag-alala … ito rin ang dapat nating pagyamanin bilang Kristiano – ang pag-alala sa mga naganap, paggunita sa magaganap pang kaligtasan, at pagyayaman sa kaganapan ng pangako ng Diyos sa kanyang bayan.

Bunga ng paggunita at pag-alalang ito, nakuha ni Moises ang magsumamo. Ang panalangin ay kaakibat ng pag-alala. Walang taong nagdarasal na wala ring pagpapahalaga sa paggunita, sa pagbabalik-isip, at pagtanggap sa katotohanang naganap, nagaganap, at magaganap pa. Walang pananalangin kung walang pag-alala sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos – ang pagtawid sa dagat na pula, at pagtakas mula sa Egipto, at ang paghahatid sa bayan ng Diyos sa lupang pangako. Walang pananalangin kung walang pag-alala sa buod ng kasaysayan ng kaligtasan: SI KRISTO’Y NAMATAY, SI KRISTO’Y MULING NABUHAY, SI KRISTO’Y DARATING SA WAKAS NG PANAHON!

Marami tayong dapat alalahanin … ang mga kabalbalang patuloy natin ginagawa, bilang indibidwal o pamayanan … ang mga katiwaliang nagaganap sapagka’t pinapayagan natin … ang mga panloloko ng mga politikong walang alam gawin kundi mangako at talikuran ang mga pangako … ang mga pakikilahok natin sa lahat ng uri ng kadayaan, pagmamalabis, at pagsasamantala sa kapwa.

Dapat natin alalahanin ang mga kapalpakan natin … ang mga swat team na walang gamit at walang training … ang mga gas mask na wala palang filter … ang mga katawan na mga nasawi sa hostage crisis noong nakaraang linggo na nagkapalit-palit ang mga pangalan … ang mga turistang nadadalang bumalik sa atin sapagka’t di miminsan silang naloko ng taxi driver, o tourist guide, o nasakuna sa ating mga bus na sunud-sunod na nahuhulog sa bangin.

Dapat nating alalahanin ang mga kamalian natin … ang pagluluklok sa mga tampalasan sa kanilang posisyon, ang kawalan ng continuidad sa mga programa ng gobyerno matapos mabago ang mga namumuno … ang mga posteng may ilaw nagbabara sa bangketa, na ang tanging pakay ay para may masulatan ng kaygagandang pangalan ni mayor, kongresman, o kapitan ng barangay …

Ito ang ginugunita natin sa simula ng bawa’t Misa … “inaamin ko sa makapangyarihang Diyos …” Nagsisimula ang bawa’t Misa sa paggunita, nagtutuloy sa pag-alaala sa mga pagbasa, at nagwawakas sa paggunita pa rin sa darating na luwalhating inilaan para sa kanyang bayan … “Si Kristo’y darating sa wakas ng panahon!”

Nguni’t hindi sapat na tayo ay magumon lamang sa pag-alala. Hindi sapat na tayo ay magbalik-isip lamang sa nakaraan, o mangarap para sa kinabukasan. Kailangan natin magsumamo. Kailangang ang paggunita ay magbunga ng pananalangin. Kailangang ang pagsasama-sama natin sa Misang ito ay hindi matapos lamang sa pag-alala at bagkus mauwi sa paggawa.

Dito tayo kulang bilang Pinoy. Kay dami nating ngawa, ngunit kulang sa gawa. Namamayagpag na naman ang mga imbestigasyon. Naglalakasan na naman ang mga boses ng mga senador at kongresmen na walang tigil ang bunganga sa pag-iimbestiga. Nguni’t sa dami ng mga imbestigasyon na naganap, wala pa tayong maipagmamalaking isa man na nagbunga ng paggawa.

Bilang Pinoy at Katoliko, ginugunita natin ngayon ang kapalpakan natin … “inaamin ko sa makapangyarihang Diyos …” Bilang Pinoy at Katoliko nagtitiklop-tuhod tayo ngayon at nagsusumamo sa buong mundo: “patawarin ninyo ang aming kapalpakan.” Bilang Katoliko, ay nagsusumamo rin tayo sa Panginoon: “Alalahahin Mo ang mga pangako Mo sa amin … alang-alang sa dugo ng iyong bugtong na Anak, na dumanak para sa amin.”

Bilang Pinoy at Katoliko, gumagawa tayo ng paggunita at pag-aalaala … sa Diyos na naging tao, isinilang, namatay, at muling nabuhay. Ginugunita natin ang kanyang pagmamalasakit para sa atin. Nagpapasalamat tayo tulad at kasama ni Pablo sapagka’t bagama’t hindi karapat-dapat, kinasihan Niya tayo at pinagmasdan, kinalinga at biniyayaan … Sa kabila ng lahat, ay kinahabagan tayo! Ito ang mabuting balitang lumulutang sa Misa natin ngayon. Purihin Siyang tangi nating tagapagligtas!

KUNG NAGTITIWALA TAYONG MAY MANGYAYARI!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Agosto 4, 2010 at 12:45

Ika-19 na Linggo ng Taon(K)
Agosto 8, 2010

Mga Pagbasa: Karunungan 18:6-9 / Heb 11:1-2, 8-19 / Lucas 12:32-48

Matindi ang mga pagsubok na hinaharap natin. Mahirap ang mga sagabal na nakahambalang sa daang tinatahak ng marami. Nandyan ang kahirapang umuukilkil sa buhay ng napakarami. Nandyan rin ang katiwaliang, siyang dahilang ng karamihan sa kahirapang ito. Nandyan rin ang kamangmangan, na bunga naman ng kahirapang ito. At nandyan ang kawalan ng magandang kinabukasan na kaakibat ng batayang suliraning ito.

Mahaba ang listahan natin … susun-suson … patong-patong … sala-salabat …

Di miminsan natin narinig ang unang pangungusap sa liham sa mga Hebreo sa ika-2 pagbasa: “Tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita.”

Alam natin na walang katiyakan sa maraming bagay sa mundo. Hindi tiyak na ang mga ulan at unos na darating ay magpupuno lamang ng ating mga dam at imbakan ng tubig. Maaring umapaw na naman ang mga ito tulad noong isang taon at maging sanhi ng mga baha. Sa panahong ito ng global warming na tinatawag, kung kailan ang takbo ng panahon ay nagbabago sa buong mundo, wala tayong katiyakan … walang kasiguraduhan.

Nguni’t gusto ko sanang baguhin nang kaunti sa araw na ito ang diskusyon … palitan natin sumandali ang kalakaran ng isipan natin. Sa kabila ng kawalang katiyakan ay ito ang malinaw na pangaral ng unang pagbasa: “Alam ng iyong bayan na ililigtas mo ang mga matuwid at parurusahan ang kanilang mga kaaway.” Ito ang malinaw pa sa tanghaling tapat na katiyakang pinanghahawakan ng banal na kasulatan.

Maraming halimbawa ang sinasaad sa liham sa mga Hebreo. Ang lahat ng ito ay halimbawa tungkol sa pananalig … ni Abraham, ni Isaac, ni Jacob, ni Sara at iba pa. Mahaba itong salaysay tungkol sa katapatan ng Diyos, sa isang banda; at sa pananalig ng tao, sa kabila.

Hirap na magtiwala ngayon ang Pinoy. Winaldas ng pamahalaang nagdaan, at ng marami pang ngayon ay namumuno na muli (mga recycled na mga liders ng bayan) ang tiwala ng bayan. Napaso na tayo sa lahat ng uri ng kasinungalingan, kadayaan, katakawan, at kasakiman ng maraming mga kung tawagin natin ay mga “honorable.” Di miminsang nakatikim tayo ng pait at ng galit na hindi natin makimkim dahil sa mga tampalasang ang mga bahay, rancho, at ari-arian ay hindi kailanman mabibili ng kanilang maliliit din namang sweldo bilang mga “naglilingkod” sa bayan.

Hirap na hirap tayo ngayon magtiwala. Ang ating pananalig ay di miminsang niyurakan ng mapait na katotohanang hindi lahat ng mababango ang pananalita ay nagsasabi ng tapat, at gumagawa ng wasto at marangal.

Mayroon pa kaya tayong pag-asa?

Naparito kayo sa simbahan sa araw na ito ng Linggo upang makarinig ng katagang naghahatid ng buhay … mga pananalitang nagbubunsod sa atin upang magtiwala pa kahit hindi na karapat-dapat na magtiwala pa.

Ito ang magandang balitang nais kong bigyang diin ngayon. “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” “Tumulad kayo sa mga taong naghihintay ng pag-uwi ng kanilang Panginoon mula sa kasalan …”

Noong ako ay batang paslit pa na nagkakamulat sa Cavite, isang pangungusap ang lagi kong naririnig noon sa matatanda … “pasasaan ba’t giginhawa rin tayo?” “pasasaan ba’t magbabago rin naman ang takbo ng panahon, ang kalakaran sa pangangalakal” … at marami pang iba! Pasasaan ba?

Pasasaan? Ito ang sagot ng Diyos sa aking mga kababayang pinanawan na ng pag-asa. Ito ang sagot ng Panginoon sa mga kapwa kong tila ang kanilang pakiramdam ay pinagsawaan na sila ng Diyos. Ito ang magandang balitang namamaulo sa mga pagbasa natin ngayon … ililigtas ng Diyos ang mga matuwid at parurusahan ang kanilang mga kaaway … May bukas pa … at may hustisyang naghihintay para sa lahat. Pasasaan ba at darating din ang wakas para sa mga naniniil, nandarambong, nandaraya, at nanlalamang sa kapwa!

Pero dapat natin ngayong patunayan na tayo man ay handang mamuhunan. Dapat natin ipamalas na kahit ngayon, tayo rin ay nakahanda upang magbuwis ng nararapat, magbayad nang malaki upang makamit ang siyang inaasahan natin.
Kailangan natin na mag-asal Abraham; mag mistulang Isaac at Jacob, Sara, at marami pang iba. Kailangan natin muling magtiwala. Kailangan nating isugal pati ang ating pighati at pagkabigo makamit lamang natin ang inaasam.

Kung gusto natin ang kaayusan, dapat natin iwaksi ang wangwang, ang paniningit sa kalye, ang pagwawalang bahala sa batas. Kailangan natin na tulungan ang namumuno upang mapuksa ang lahat ng uri ng katiwalian sa lipunan. At ito ay nagmumula sa bawa’t isa sa atin … ang pagbabayad ng buwis, ang pagbabayad sa homeowners’ association, ang pagsunod sa batas trapiko, ang pag-aalis ng mga hambalang sa mga bangketa, at marami pang iba.

Kung gusto natin ng kaayusan, gagawin natin ang kaayusan … tulad nina Abraham, tulad ng lahat na mga halimbawang binanggit sa ikalawang pagbasa. Ito ang gawa ng mga taong may pananalig, at “tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin.”